2010–2019
Manatili sa Punungkahoy
Abril 2015


10:20

Manatili sa Punungkahoy

Ang pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay ay isang matinding talinghaga tungkol sa pagtitiis hanggang wakas.

Bago pumanaw si Pangulong Heber J. Grant, binisita siya ng isa sa mga Kapatid sa kanyang tahanan. Bago siya umalis, nanalangin si Pangulong Grant, “O Diyos, basbasan po Ninyo ako na hindi mawala ang patotoo ko at manatiling tapat hanggang wakas!”1 Makalipas ang halos 27 taon bilang Pangulo ng Simbahan, ito ang kanyang taimtim na panalangin. Ang kanyang halimbawa ay matinding paalala na walang sinuman, anuman ang edad, ang ligtas sa impluwensya ni Satanas. Ang dalawa sa pinakamabisang kasangkapan ni Satanas ay ang panggagambala at panlilinlang.

Ang pagtitiis hanggang wakas ay katangian ng tunay na disipulo at mahalaga sa buhay na walang hanggan. Ngunit kapag naranasan natin ang mga pagsubok at hamon, madalas ay sinasabihan lang tayo ng “kaunting pagtitiis pa.” Lilinawin ko: ang “kaunting pagtitiis” ay hindi isang alituntunin ng ebanghelyo. Ang ibig sabihin ng pagtitiis hanggang wakas ay patuloy na paglapit kay Cristo at maging ganap sa Kanya.

Kung ang pagtitiis hanggang wakas ay mahalaga sa buhay na walang hanggan, bakit tayo nahihirapang maging tapat? Nahihirapan tayo kapag kailangan nating pumili sa dalawang nakakalitong mga priyoridad. Ang kaswal na pagsunod at hindi lubos na pagsunod ay nagpapahina ng pananampalataya. Ang pagtitiis hanggang wakas ay nangangailangan ng lubos na katapatan sa Tagapagligtas at sa ating mga tipan.

Ang pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay ay isang matinding talinghaga tungkol sa pagtitiis hanggang wakas. Mapanalanging pag-aralan at pag-isipang mabuti ang panaginip ni Lehi; pagkatapos ay ihalintulad ito sa inyong sarili. Kapag ginawa ninyo ito, pag-isipang mabuti ang anim na mahahalagang alituntunin na tutulong sa atin na magtiis hanggang wakas.

1. Huwag Kalimutang Manalangin

Magsimula tayo kay Lehi na nag-iisa sa “madilim at mapanglaw na ilang.”2 Bawat isa sa atin ay nakaranas ng kadiliman at kalungkutan. “Kung buhay ay may ligalig, manalangin ka.”3 Tularan ang halimbawa ni Pangulong Heber J. Grant. Manalangin na lumakas para makapagtiis hanggang wakas. Itanong sa Ama sa Langit, “Ano pa po ang ipagagawa Ninyo sa akin?”

2. Lumapit kay Cristo at Maging Ganap sa Kanya

Ang punungkahoy ng buhay ang sentro ng panaginip ni Lehi. Lahat ay nakatuon sa punungkahoy ng buhay. Ang puno ay sumasagisag kay Cristo, na malinaw na pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos. Ang bunga ay ang Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala at dakilang katibayan ng pagmamahal ng Diyos. Ang buhay na walang hanggan kasama ang ating mga mahal sa buhay ay mas masaya at mas kanais-nais kaysa iba pang bagay. Para makamit ang kaloob na ito, kailangan tayong “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya.”4 Siya “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.”5 Maaari nating punuin ang ating buhay ng mga tagumpay at mabubuting gawa, ngunit sa huli, kung hindi tayo papasok sa sagradong mga tipan na sundin si Cristo at matapat na tutuparin ang mga ito, ay hindi natin ganap at lubusang mauunawaan ang tunay nating layunin.

3. Magpatuloy sa Paglakad nang May Pananampalataya

Nariyan ang landas tungo sa punungkahoy ng buhay, tungo kay Cristo. Ito ay makipot at makitid, mahigpit at tumpak. Ang mga kautusan ng Diyos ay mahigpit ngunit hindi naglilimita. Pinoproteksyunan tayo ng mga ito mula sa espirituwal at pisikal na panganib at iniiwas tayo sa pagkalihis ng landas.

Ang pagsunod ay nagpapatatag ng pananampalataya kay Cristo. Ang pananampalataya ay alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan. Ang patuloy na pagtulad sa halimbawa ng Tagapagligtas ay nagbubunga ng espirituwal na lakas at kakayahan. Kung wala ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na nagpapalakas at nagbibigay ng kakayahan, imposibleng manatili tayo sa landas at makapagtiis.

“Magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo.”6

4. Ang Aklat ni Mormon ay Susi sa Espirituwal na Kaligtasan

Mahirap ang buhay sa mundo. Napakadaling magambala, malihis ng landas, at mawala. Ang kapighatian ay di-maiiwasan at mahalagang bahagi ng ating walang-hanggang pag-unlad. Kapag dumating ang paghihirap, huwag hayaang wasakin ng bagay na hindi ninyo lubos na nauunawaan ang lahat ng nalalaman ninyo. Maging matiyaga, kumapit nang mahigpit sa katotohanan; darating ang pang-unawa. Ang mga pagsubok ay tulad ng malaking abu-abo ng kadiliman na maaaring makabulag sa ating mga mata at magpatigas ng ating puso. Maliban kung tayo ay “patuloy na humahawak nang mahigpit”7 sa salita ng Diyos at ipinamumuhay ito, tayo ay magiging bulag sa espirituwal sa halip na magkaroon ng espirituwal na kaisipan. Saliksikin ang Aklat ni Mormon at ang mga salita ng mga buhay na propeta araw-araw, araw-araw, araw-araw! Ito ang susi sa espirituwal na kaligtasan at pag-iwas sa panlilinlang. Kung wala ito, tayo ay espirituwal na naliligaw.

5. Huwag Magambala at Malinlang

Ang pakikinig ay pagbibigay ng matinding pansin. Ang pakikinig sa mga taong hindi naniniwala kay Cristo ay hindi makakatulong sa inyo na mahanap Siya. Ang paghahanap sa #maluwang na gusali para sa kaalaman ay hindi mag-aakay sa inyo sa katotohanan. Hindi ito matatagpuan doon. Tanging ang Tagapagligtas ang may “mga salita ng buhay na walang hanggan.”8 Ang lahat ng iba pa ay hindi na mahalaga. Ang malaki at maluwang na gusali ay sumasagisag sa “walang kabuluhang guni-guni at ang kapalaluan”9 ng mundo—sa madaling salita, panggagambala at panlilinlang. Ito ay puno ng mga taong magagara ang kasuotan at tila nasa kanila ang lahat ng bagay. Ngunit kanilang kinukutya ang Tagapagligtas at ang mga sumusunod sa Kanya. Sila ay “laging nagsisipagaral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan.”10 Maaaring tama sila ayon sa pananaw ng mundo, ngunit sila ay espirituwal na naliligaw.

6. Manatili sa Punungkahoy

Ang mensahe ni Lehi ay manatili sa punungkahoy. Nananatili tayo dahil nagbalik-loob tayo sa Panginoon. Itinuro ni Alma, “Masdan, pinagbago niya ang kanilang mga puso; oo, sila ay ginising niya mula sa mahimbing na pagkakatulog, at sila ay nagising sa Diyos.”11 Kapag isinuko natin ang ating puso sa Diyos, binabago ng Espiritu Santo ang likas nating pagkatao, tayo ay lubos na nagbabalik-loob sa Panginoon, at hindi na hinahanap ang maluwang na gusali. Kung tumitigil tayo sa paggawa ng mga bagay na nagbubunga ng malalim na pagbabalik-loob at pagbabago, humihina ang espirituwalidad natin. Ang apostasiya ay kabaligtaran ng pagbabalik-loob.

Sa lahat ng missionary noon at ngayon: Mga elder at sister, hindi maaaring basta na lang kayo bumalik mula sa misyon, at pagkatapos ay lumangoy pabalik sa Babilonia, at mag-ukol ng maraming oras sa pag-iskor sa walang kabuluhang mga video game nang hindi humihina ang espirituwalidad. Ni hindi kayo maaaring magpakagumon sa pornograpiya sa internet at balewalain ang kabanalan at kalinisang-puri nang hindi dinaranas ang masasamang epekto nito sa espirituwalidad. Kung nawala sa inyo ang Espiritu, kayo ay naliligaw. Huwag magpagambala at huwag magpalinlang.

Ang mga tunay na disipulo ay patuloy na napapalapit sa Diyos bawat araw sa makabuluhang personal na panalangin, masigasig na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, personal na pagsunod, at di-makasariling paglilingkod. Manatili sa punungkahoy at manatiling alisto.

Ilang taon na ang nakalipas, kami ni Sister Pearson ay tinawag na mamuno sa Washington Tacoma Mission. Talagang nasorpresa kami sa tawag na iyon. Medyo kinakabahang kinausap ko ang chairman at CEO ng kompanya na pinapasukan ko at ipinaalam ang aking mission call. Talagang nadismaya sila sa desisyon kong umalis sa kompanya. “Kailan ka pa nagdesisyon tungkol dito, at bakit hindi mo agad sinabi sa amin?” tanong nila.

Sa sandali ng kaliwanagan, isang malalim na sagot ang naisip ko. Sabi ko, “Napagpasiyahan ko na ito noong 19-na-taong-gulang pa lang ako, nang gumawa ako ng sagradong mga tipan sa Diyos sa templo na susundin ko ang Tagapagligtas. Iniayon ko ang aking buhay sa mga tipan na iyon, at hangad ko na lubos na tuparin ang mga ito ngayon.”

Kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, wala nang atrasan. Ang magpatalo, sumuko, at manghina ay hindi mga opsyon. Sa kaharian ng Diyos, may pamantayan ng kahusayan para sa kadakilaan. Kailangan dito ang magigiting na disipulo! Doon ay walang puwang ang karaniwan o kampanteng disipulo. Ang pagiging karaniwan ay kaaway ng kahusayan, at ang katamtamang katapatan ay hahadlang sa inyo sa pagtitiis hanggang wakas.

Kung kayo ay nahihirapan, nalilito, o espirituwal na naliligaw, hinihikayat ko kayo na gawin ang iisang bagay na alam kong makapagpapabalik sa inyo sa tamang landas. Muling simulan ang mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon at ipamuhay ang mga turo nito, araw-araw, araw-araw, araw-araw! Pinatototohanan ko ang malaking kapangyarihan sa Aklat ni Mormon na magpapabago sa inyong buhay at magpapalakas sa inyong determinasyon na sundin si Cristo. Babaguhin ng Espiritu Santo ang inyong puso at tutulungan kayong makita ang “mga bagay kung ano talaga ang mga ito.”12 Ipapakita Niya ang kailangan ninyong gawin sa susunod. Ito ang pangako ni Nephi sa inyo:

“At sinabi ko sa kanila na … sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, sila ay hindi masasawi; ni ang mga tukso at nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila tungo sa pagkabulag, upang akayin sila sa pagkalipol.

“Kaya nga, ako … ay pinayuhan sila … na sila ay makinig sa salita ng Diyos at tandaang sundin ang kanyang mga kautusan sa tuwina sa lahat ng bagay.”13

Mga kapatid, ang pagtitiis hanggang wakas ay malaking pagsubok sa pagiging disipulo. Ang ating pagkadisipulo araw-araw ang nagtatakda ng ating walang hanggang tadhana. Gumising sa Diyos, humawak nang mahigpit sa katotohanan, tuparin ang inyong sagradong tipan sa templo, at manatili sa punungkahoy!

Pinatototohanan ko na nabuhay na muli si Cristo. Alam ko na Siya ay buhay. Ang pinakadakilang hangarin ko ay maging tunay at tapat ako hanggang sa huling sandali sa pagtulad sa Kanyang dakilang halimbawa. Sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.