2016
Ating Ama, Ating Guro
June 2016


Mensahe ng Unang Panguluhan

Ating Ama, Ating Guro

man with a map

Paglalarawan ni Augusto Zambonato

Nakapagbukas na ba kayo ng isang kahon ng mga parteng bubuuin, nakabasa ng mga tagubilin sa pagbuo nito, at naisip na, “Hindi naman maintindihan ito”?

Kung minsan, sa kabila ng ating mabubuting intensyon at tiwala sa sarili, kumukuha tayo ng isang parte at nagtatanong, “Para saan ba iyan?” o “Paano ito ikakabit?”

Tumitindi ang pagkadismaya natin habang nakatingin tayo sa kahon at napansin natin ang nakasulat dito na, “Kailangang buuin—edad 8 pataas.” Dahil wala pa tayong clue, hindi ito nakadaragdag sa tiwala o pagpapahalaga natin sa sarili.

Kung minsan kapareho ito ng karanasan natin sa ebanghelyo. Kapag tiningnan natin ang isang parte nito, mapapakamot tayo ng ulo at iisipin natin kung para saan ang parteng iyon. O kapag sinuri natin ang isa pang parte, maaaring matanto natin na matapos ang pagsisikap nating lubos na makaunawa, hindi talaga natin maisip kung bakit kasama ang parteng iyon.

Ang Ating Ama sa Langit ay Ating Guro

Mabuti na lang, binigyan tayo ng ating Ama sa Langit ng kahanga-hangang mga tagubilin para maisaayos ang ating buhay at maabot ang ating potensyal. Ang mga tagubiling iyon ay angkop sa atin anuman ang ating edad o sitwasyon. Ibinigay Niya sa atin ang ebanghelyo at ang Simbahan ni Jesucristo. Ibinigay Niya sa atin ang plano ng pagtubos, ang plano ng kaligtasan, maging ang plano ng kaligayahan. Hindi Niya tayo iniwang nag-iisa sa lahat ng kawalang-katiyakan o hamon sa buhay, na sinasabing, “Bahala ka na. Suwertihin ka sana. Pag-isipan mo iyan.”

Kung magtitiyaga lang tayo at maghahanap nang may mapagpakumbabang puso at bukas na isipan, makikita natin na binigyan tayo ng Diyos ng maraming tulong upang mas maunawaan ang Kanyang mga tagubilin para lumigaya tayo sa buhay:

  • Ibinigay Niya sa atin ang walang-katumbas na kaloob na Espiritu Santo, na maaari nating maging personal at makalangit na guro habang pinag-aaralan natin ang salita ng Diyos at sinisikap na iayon ang ating mga iniisip at ginagawa sa Kanyang salita.

  • Binigyan Niya tayo ng 24/7 access sa Kanya sa pamamagitan ng pagdarasal nang may pananampalataya at pagsamo na may tunay na layunin.

  • Binigyan Niya tayo ng mga apostol at propeta sa panahong ito, na naghahayag ng salita ng Diyos sa ating panahon at may awtoridad na magbigkis o magbuklod sa lupa at sa langit.

  • Ipinanumbalik Niya ang Kanyang Simbahan—isang organisasyon ng mga nananalig na nagtutulungan habang pinagsisikapan ang kanilang kaligtasan nang may takot, panginginig, at walang-kapantay na kagalakan.1

  • Ibinigay Niya sa atin ang mga banal na kasulatan—ang Kanyang nakasulat na salita sa atin.

  • Nagbigay Siya ng napakaraming kasangkapan ng makabagong teknolohiya upang tulungan tayo sa pagtahak natin sa landas ng pagkadisipulo. Marami sa magagandang kasangkapang ito ang matatagpuan sa LDS.org.

Bakit tayo binigyan ng ating Ama sa Langit ng napakaraming tulong? Dahil mahal Niya tayo. At dahil, tulad ng sinabi Niya mismo, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”2

Sa madaling salita, ang Ama sa Langit ay ating Diyos, at ang Diyos ay guro natin.

Alam ng ating Ama sa Langit ang mga pangangailangan ng Kanyang mga anak nang higit kaninuman. Gawain at kaluwalhatian Niya na patuloy tayong tulungan, na bigyan tayo ng kahanga-hangang temporal at espirituwal na mga tulong sa ating landas pabalik sa Kanya.

Bawat Ama ay Isang Guro

Sa ilang lugar sa mundo, ang mga ama ay pinararangalan ng mga pamilya at lipunan sa buwan ng Hunyo. Talagang magandang parangalan at igalang ang ating mga magulang. Maraming nagagawang mabubuting bagay ang mga ama para sa kanilang pamilya at marami silang kahanga-hangang katangian. Ang dalawa sa pinakamahahalagang tungkulin ng mga ama sa buhay ng kanilang mga anak ay ang maging isang mabuting halimbawa at isang guro. Ang ginagawa ng mga ama ay higit pa sa pagsasabi lang sa kanilang mga anak kung ano ang tama o mali; higit pa ang ginagawa nila kaysa hagisan sila ng manwal at asahan silang matutuhan sa kanilang sarili ang mga dapat gawin sa buhay.

Tinuturuan ng mga ama ang minamahal nilang mga anak at ipinapakita sa kanilang mabuting halimbawa ang paraan kung paano mamuhay nang tapat. Hindi iniiwang mag-isa ng mga ama ang kanilang mga anak kundi mabilis silang pinupuntahan, at tinutulungan silang tumayo sa tuwing madarapa sila. At kung minsan kapag ito ang nararapat gawin, hinahayaan ng mga ama na mahirapan ang mga anak, na nauunawaan na maaaring ito ang pinakamainam na gawin para matuto sila.

Lahat Tayo ay Guro

Bagama’t ginagawa ito ng mga ama sa lupa para sa kanilang sariling mga anak, ang diwa ng pagtuturo ay isang bagay na kailangan nating ialok sa lahat ng anak ng Diyos, anuman ang kanilang edad, kinaroroonan, o sitwasyon. Tandaan, ang mga anak ng Diyos ay ating mga kapatid; lahat tayo ay kabilang sa iisang walang-hanggang pamilya.

Dahil dito, maging guro tayong lahat—na sabik na tumulong sa isa’t isa na lalo pang magpakabuti. Dahil tayo ay mga anak ng Diyos, may potensyal tayong maging katulad Niya. Ang mahalin ang Diyos at ang ating kapwa, sundin ang mga utos ng Diyos, at tularan ang halimbawa ni Cristo ang makipot, makitid, at masayang landas pabalik sa piling ng ating mga magulang sa langit.

Kung labis ang malasakit sa atin ng Diyos ng sansinukob kaya Niya tayo tinuturuan, marahil ay matutulungan din natin ang ating kapwa, anuman ang kanilang kulay, lahi, katayuan sa buhay, wika, o relihiyon. Dapat tayong maging inspiradong mga guro at pagpalain natin ang buhay ng iba—hindi lamang ng sarili nating mga anak, kundi ng lahat ng anak ng Diyos sa buong mundo.

children sidebar

Mga paglalarawan ni Laura Zarrin