Pagkakaroon ng Pagbabago ng Puso
Nagagalak tayo sa patuloy na pagsisikap na magkaroon ng pagbabago ng puso nang tanggapin natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa ating buhay.
Si Rosemary, ang aming panganay na anak, ay isang maganda at bagong-silang na sanggol nang bumisita sa amin ang nanay ko mula sa kanyang nayon sa central Zimbabwe. Dahil wala pa kaming gaanong karanasan bilang mga magulang, labis kaming natuwa ng asawa kong si Naume sa pagbisita ng aking ina. Gusto naming matutuhan ang lahat ng kailangan naming malaman tungkol sa pagpapalaki ng anak.
Pagdating niya, inilabas ng nanay ko ang isang bilog na telang kuwintas. Ang nakabalot sa tela, paliwanag niya, ay isang anting-anting. Iniabot niya ang kuwintas kay Naume para isuot ito sa leeg ni Rosemary. Sa nakitang pag-aatubili ni Naume, agad sinabi ng aking ina: “Bata pa ako ay ibinigay na sa akin ng nanay at lola ko ang anting-anting na ito, na nagprotekta sa akin at sa lahat ng anak ko, pati na sa asawa mo. Poprotektahan ng anting-anting na ito ang inyong anak mula sa mga sakit at lahat ng uri ng karamdamang maaaring dumapo sa kanya, at makakayanan niya ang anumang mahihirap na sitwasyon sa buhay. Kailangan niyang isuot ito hanggang sa mag-5 taong gulang siya.”
Noon ay naglilingkod ako bilang branch president, at agad kong naisip, “Ano ang iisipin ng mga miyembro ng aming branch kapag nakita nila ang ‘anting-anting’ na kuwintas na suot ng aming anak?” Pagkatapos ay naisip ko, “Siguro tatakpan na lang namin ito para hindi makita.” Tiningnan ko si Naume; nakita ko sa ekspresyon ng kanyang mukha na hindi namin dapat tanggapin ang regalong iyon. Itinanong ko kay Inay kung makakagawa siya ng isang maliit at manipis na kuwintas, na di-gaanong makikita. Sumagot siya na hindi ito posible, at na ang anting-anting ay mas magkakabisa sa disenyong inihanda niya para dito.
Muli, tiningnan ako ni Naume na malinaw na nagsasabing ayaw niya. Bumaling ako kay Inay at ipinaliwanag na bilang branch president sa aming lokal na kongregasyon, hindi ako magiging komportableng ipasuot ang kuwintas sa aming anak. Isang babala ang isinagot ni Inay sa akin: sinabi niya sa amin na kung wala ang kuwintas ay mamamatay ang aming anak.
Isang Sandali ng Pagkatakot
Ilang linggo matapos ang pangyayaring iyon, ang aming munting si Rosemary ay nagkasakit nang malubha. Wala kaming pera para dalhin siya sa doktor. Gabi noon, at sa sandaling iyon ay naisip ko ang babala ni Inay. Naisip ko na sana’y tinanggap ko ang kuwintas. Kinuha ko sana iyon at isinuot sa leeg ni Rosemary. Sa sandaling ito ng pag-aalala, nakarinig ako ng marahan at banayad na tinig na humihikayat sa akin na manampalataya sa Panginoong Jesucristo. Agad akong nagsuot ng damit-pangsimba. Kinarga ko ang aming anak at binigyan siya ng basbas ng priesthood. Nakadama ako kapayapaan at kapanatagan, at alam kong nadama rin iyon ng asawa ko. Halos agad na payapang nakatulog si Naume at ang munting si Rosemary. Gumaling ang anak naming si Rosemary. Sa sumunod na mga araw, unti-unti siyang gumaling at muling lumakas. Kaylaki ng himalang nasaksihan namin! Ang Panginoon sa Kanyang magiliw na awa ay tinulungan ako at pinalakas ang aking pananampalataya sa Kanya.
Nagpasalamat ako pero medyo nahiya rin ako. Dahil heto ako, isang returned missionary na naglilingkod bilang branch president, pero mas inalala ko ang sasabihin ng mga tao kaysa maniwala sa Diyos (tingnan sa Mosias 4:9). Oo, maging ang aking ina, na minamahal at pinahahalagahan ko nang husto, ay hindi mauunawaan ang lahat ng bagay. Kailangan akong maging higit pa sa isang returned missionary; higit pa sa isang branch president; kailangan kong magbago: maranasan ang naranasan ni Alma.
Isang Sandali ng Malaking Pagbabago
Si Alma, na saserdote ng masamang si Haring Noe, ay malamang na sinuring mabuti ang kanyang sarili nang itanong ni Abinadi ang mapanuring tanong na ito: “Hindi ninyo ginamit ang inyong mga puso sa pang-unawa; samakatwid, hindi kayo naging matalino. Kung gayon, ano ang itinuturo ninyo sa mga taong ito?” (Mosias 12:27). Tulad ni Alma, kinakailangan ko ang isang “malaking pagbabago … sa [aking] puso” (Alma 5:12).
Bilang isang saserdote sa kaharian ni Haring Noe, sanay si Alma sa marangyang buhay. Nabubuhay siya sa pamamagitan ng buwis ng mga tao. Siya ay makapangyarihan at tanyag. Isa siya sa mga yaong “iniangat sa kapalaluan ng kanilang mga puso” (Mosias 11:5). Ngunit nang malaman ni Alma ang tungkol sa pagdating ng Tagapagligtas sa mundo—tungkol sa Kanyang mga turo, pagdurusa, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli at na si Jesucristo “ang ilaw at ang buhay ng daigdig; oo, isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim; oo, at isang buhay rin na walang hanggan, na hindi na maaaring magkaroon pa ng kamatayan” (Mosias 16:9)—handa na siyang magbago. Handa na rin siyang mamatay kung kailangan.
Naliligiran ng oposisyon at nagbabantang mga panganib, buong tapang na nagsumamo si Alma kay Haring Noe na paalisin nang mapayapa si Abinadi. Ang ginawa ni Alma ay nagmula sa kanyang puso; nadama niya ang pagmamahal ng Tagapagligtas na ipinadama sa kanya sa pamamagitan ng propeta ng Panginoon na si Abinadi.
Nang ipinasusuot ni Inay ang kuwintas na pangontra sa leeg ng aking anak, nag-alala ako sa sasabihin ng ibang tao. Nag-alala ako sa iisipin sa akin ng mga miyembro ng branch namin. Malinaw na hindi ko pa lubusang naranasan ang “malaking pagbabago ng puso.” Naunawaan ko na mula noon na ang ating tagumpay at kaligayahan ay batay sa kung gaano natin lubos na tinatanggap ang ebanghelyo sa ating puso. Upang madama natin ang tunay na kaligayahan, kagalakan at kapayapaan, “ang dalisay na ebanghelyo ni Jesucristo ay kinakailangang tumimo sa [ating] puso … sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”1
Isang Pagkakataong Magpatotoo
Sa ganitong uri ng pagbabago, na tinutularan ang Tagapagligtas sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar, matutulungan natin ang iba. Si Alma ay naging mahusay na missionary, nakatulong sa marami at itinatag ang Simbahan ni Cristo sa kanyang mga tao na tumakas mula kay Haring Noe.
Napansin ba ninyo ang nasayang na pagkakataon na maibahagi ko ang ebanghelyo sa aking ina nang ibigay niya sa amin ang kuwintas na iyon, na pinaniniwalaan niyang nagprotekta sa kanya at sa kanyang mga anak sa tuwina? Naging kasangkapan sana ako sa mga kamay ng Panginoon—tulad ni Alma—na ipinangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo at “pinagbago niya ang kanilang mga puso; oo, sila ay ginising niya mula sa mahimbing na pagkakatulog, at sila ay nagising sa Diyos” (Alma 5:7).
Nang pagnilayan ko ang pagkakataong iyon kasama si Inay, inisip ko kung ano kaya ang nangyari kung tinularan ko ang tugon ni Alma. Maaaring nagising sa Diyos si Inay, at nagkaroon sana ng magandang epekto ang kanyang pagbabago sa aking mga kapatid. Nagkaroon sana ng malaking epekto ang pagbabagong ito sa buhay ng mga anak ng aking mga kapatid at hanggang sa kanilang mga inapo.
Ang malaking pagbabago ni Alma ay hindi lamang nadama ng mga taong tinuruan at binahaginan niya ng kanyang patotoo kundi pati na rin ng kanyang mga anak at inapo. Ipinaalala sa kanila ng kanyang anak na si Alma, nang mangaral ito sa mga tao sa loob at palibot ng lupain ng Zarahemla, ang patotoo ng kanyang ama tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo:
“Masdan, masasabi ko sa inyo—hindi ba’t ang aking amang si Alma ay naniwala sa mga salitang ipinahayag ng bibig ni Abinadi? …
“At alinsunod sa kanyang pananampalataya, isang malaking pagbabago ang nangyari sa kanyang puso” (Alma 5:11–12).
Para sa isang bata pang tulad ni Alma, ang malaking pagbabagong ito ng puso, na nagsimula sa paanyaya ni Abinadi na gamitin ang puso sa pag-unawa sa salita ng Diyos, ang naging susi sa kanyang kaligayahan at tagumpay sa pagtulong sa iba: “At masdan, ipinangaral niya ang salita sa inyong mga ama, at isa ring malaking pagbabago ang nangyari sa kanilang mga puso, at sila ay nagpakumbaba ng kanilang sarili at ibinigay ang kanilang pagtitiwala sa totoo at buhay na Diyos. At masdan, sila ay matatapat hanggang wakas; kaya’t sila ay nangaligtas” (Alma 5:13).
Patuloy na Magbago
Ilang kabataan ngayon ang nalilito kung pipiliin ba nilang gawin ang tama sa paningin ng Diyos o ang ikasisiya ng kanilang mga magulang o tagapag-alaga, na maaaring hindi katulad nila ang nadarama tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo. Kapag naharap kayo sa gayong pagpili, itanong sa inyong sarili, “Ang pipiliin ko bang ito ay tutulong sa akin na madama na ang aking ‘mga gawa ay mga gawa ng kabutihan’ (Alma 5:16), at magagawa ko pa bang ‘umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig’?” (Alma 5:26.)
Bagama’t dapat ay mahalin at pahalagahan nating lahat ang ating mga magulang, kailangan nating malaman na ang mga pagpiling ginagawa natin ay may direktang epekto sa ating mga anak at inapo. Maaaring kailanganin ng ilan sa atin na lumayo sa mga bagay na komportable tayong gawin, tulad ng ginawa ni Alma, na tumakas sa mga tagapagsilbi ni Haring Noe at nagturo ng ebanghelyo sa napakahirap na kalagayan. Naging sanhi siya ng pagbabago hindi lamang sa kanyang pamilya kundi maging sa ibang tao. Upang maranasan ang pagbabago ng puso, mahalagang isipin natin ang iba at “magkaisa sa pag-aayuno at mataimtim na panalangin alang-alang sa kapakanan ng mga yaong kaluluwa na hindi nakakikilala sa Diyos” (Alma 6:6).
Paano kung hindi gumaling sa sakit ang aming anak na si Rosemary—kahit binigyan ko na siya ng basbas ng priesthood? Ang payo ng Panginoon ay labis na nagpalakas sa akin: “Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39).
Nagagalak tayo sa patuloy na pagsisikap na magkaroon ng pagbabago ng puso nang tanggapin natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa ating buhay. Nagpapasalamat ako para sa kaalamang ito, at alam ko sa aking puso na ang ating Tagapagligtas ay humayo, “[nagdanas] ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao” (Alma 7:11). Alam ko na may tunay na kaligtasan at proteksyon sa pag-asa sa Panginoon at pagsunod sa Kanyang payo.