Pagiging Masugid at Pagiging Disipulo
Mula sa isang mensahe sa debosyonal na may pamagat na “Tenacity,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Nobyembre 4, 2014. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa speeches.byu.edu.
Manampalataya sa Diyos at sa Kanyang mga pangako, at palaging gawin ang tama, kahit sino pa ang nakakaalam.
Ang depinisyon sa online dictionary ng salitang tenacity ay “pagtitiyaga, pagtitiis, at sukdulang pagpupunyagi.” Inilahad din dito na, “ang tenacity o pagiging masugid ay katangiang ipinapakita ng isang taong hindi sumusuko—na patuloy na nagsisikap hanggang sa maabot ang mithiin.”1
Kailangan nating maging masugid upang maging tunay na disipulo ng Tagapagligtas at makamit ang tunay na mabubuting mithiin—ang maging isang magaling na missionary, makatapos ng pag-aaral, makahanap ng makakasama nang walang hanggan, at makapagsimula ng pamilya—na alam ng ating Ama sa Langit na kailangan nating makamtan sa paghahanda para sa kawalang-hanggan. Ang maging masugid sa lahat ng mabubuting bagay ang magpapasiya kung tayo ay magiging mga anak ng Diyos na alam Niyang makakaya nating kamtin at dapat maging.
Ang henerasyon ngayon ng mga full-time missionary ay tinatawag na “ang pinakadakilang henerasyon ng mga missionary sa kasaysayan ng Simbahan” at ikinukumpara sa 2,000 kabataang mandirigma ni Helaman.2 Kahit may taglay na kahanga-hangang mga katangian at masigasig na nananampalataya at gumagawa ang mga kabataang ito, ipinahayag ng kanilang lider na si Helaman: “At ito ay nangyari na, na may dalawang daan, mula sa aking dalawang libo at animnapu, ang nawalan ng malay-tao dahil sa kawalan ng dugo; gayon pa man, alinsunod sa kabutihan ng Diyos, at sa aming labis na panggigilalas, at sa kagalakan din ng aming buong hukbo, wala ni isa mang katao sa kanila ang nasawi” (Alma 57:25).
Sila ay naligtas “dahil sa kanilang labis na pananampalataya sa yaong itinuro sa kanila na paniwalaan—na may makatarungang Diyos, at sinuman ang hindi mag-aalinlangan, sila ay pangangalagaan ng kanyang kagila-gilalas na kapangyarihan” (Alma 57:26).
Ito ang sabi ni Helaman tungkol sa kanila: “Sila ay mga bata, at ang kanilang mga pag-iisip ay di matinag, at patuloy nilang ibinibigay ang kanilang tiwala sa Diyos” (Alma 57:27).
At dapat gayon din tayo. Sa buhay, kapag bumuhos ang ulan at bumaha at hinagupit tayo ng hangin at humampas sa atin at sa ating tahanan, doon natin malalaman kung malakas ang ating pananampalataya at kung patuloy tayong magtitiwala sa Diyos. Hindi tayo masusubok nang walang paghihirap.
Huwag Panghinaan ng Loob
Ilang taon na ang nakalipas, kami ng asawa kong si Mary ay nangulo sa Japan Nagoya Mission. Ang mga katagang magigiting, matatapang, matatag, aktibo, at tapat na naglalarawan sa 2,000 kabataang mandirigma (tingnan sa Alma 53:20) ay naglalarawan din sa mga missionary na kasama naming naglingkod. Ang isa pang paglalarawan sa 2,000 kabataang mandirigma—na may ilang nawalan ng malay (tingnan sa Alma 57:25)—ay naglalarawan din sa ilan sa aming mga missionary.
Hindi madali ang misyon. Hindi rin madali ang buhay. Lahat ay masasaktan sa iba’t ibang paraan. Ilan sa mga pasakit na ito ay daranasin dahil sa kasalanang hindi pa napagsisihan. Ang ilan ay dahil sa aksidente o sakit. Ang ilan ay nangyayari kapag nakikita nating hindi tinatanggap ng mga taong mahal natin ang ebanghelyo ni Jesucristo o nawawalan ng pananalig sa alam nilang totoo. Ngunit sa pamamagitan nito nakikilala natin ang Diyos, at higit tayong nagiging mga disipulo ng Tagapagligtas. Nagbabago ang ating mga puso, at mananatili ang pagbabagong iyan hangga’t pinipili natin ang kabutihan kaysa kasalanan at pag-aalinlangan.
Ang 2,000 kabataang mandirigmang ito ay masugid sa kanilang mga hangarin. Hindi sila susuko, kahit mahirap pa ang landasin. Sa nakaraan lang na henerasyon ang kanilang mga ama at ina ay tinuruan ni Ammon at ng kanyang mga kapatid. Nagtagumpay ang mga misyonerong iyon, ngunit bago sila nagtagumpay kinailangan din nilang magpatuloy at hindi sila sumuko noong naging mahirap at nakapanlulumo ang kanilang mga misyon.
Inilarawan ni Ammon ang mga panahong iyon: “Ngayon, nang ang ating mga puso ay manghina, at tayo sana ay magbabalik na, masdan, inaliw tayo ng Panginoon, at sinabi: Humayo sa inyong mga kapatid, na mga Lamanita, at batahin nang buong pagtitiyaga ang inyong mga paghihirap, at ipagkakaloob ko sa inyo ang tagumpay” (Alma 26:27).
Dahil sa tiyaga at pagiging masugid, nakayanan nina Ammon at ng kanyang mga kasama ang kanilang mga paghihirap at sa huli ay nakamit ang napakalaking tagumpay.
Masugid sa Ebanghelyo
Noong 1999, dumating si Sister Marci Barr sa Japan Nagoya Mission mula sa Columbus, Ohio, USA. Hindi madali para sa kanya ang magsalita ng wikang Hapones, ngunit siya ay masugid. Nang matuto siyang makipag-usap sa wikang ito, hindi na siya tumigil sa pagbabahagi sa mga tao ng ebanghelyo.
May magagandang pangako para sa matatapat, matiyaga, at masugid na mga missionary na magsasalita nang may tapang at pagmamahal at gagawin ang lahat ng makakaya nila ayon sa pamamaraan ng Panginoon (tingnan sa D at T 31:7). Ngunit may ilang missionary na natatakot na hindi sila tanggapin at hinahayaang madaig ng pangamba ang kanilang katapangan.
Ngunit hindi ganoon si Sister Barr! Naghanap siya at nagturo, at nagturo siya at naghanap sa buong misyon niya.
Sa huling araw niya sa mission, nagpunta si Sister Barr sa mission home sa Nagoya. Nang gabing iyon ko siya iinterbyuhin at sasabihan na napakahusay ng ginawa niyang paglilingkod. Kinabukasan na ang uwi niya.
Habang naglalakbay, nakita niya ang isang grupo ng mga kabataang babae na nag-uusap-usap sa subway. Nilapitan niya sila at itinanong kung maaari ba niya silang makausap. Ibinahagi niya ang ebanghelyo at ang Panunumbalik nito. Pagkatapos ay binigyan niya ng missionary pamphlet ang isa sa mga babae na tila interesado at sinabi sa kanya na may mga sister missionary na maaaring magturo sa kanya ng ebanghelyo.
Pagkatapos ay dumating na sa mission home si Sister Barr at nainterbyu, na hindi sinabi sa akin kailanman ang kanyang karanasan sa subway. Para sa kanya ay pangkaraniwan lang iyon. Ginawa lamang niya ang alam niyang tama, hanggang sa kahuli-hulihan. Palagay ko ito ang pinakamagandang paglalarawan sa pagiging masugid sa ebanghelyo na alam ko: Anuman ang mangyari, patuloy na manampalataya sa Diyos at sa Kanyang mga pangako, at gawin palagi ang tama, kahit sino pa ang nakakaalam.
Umuwi na si Sister Barr sa Columbus. Sa student ward doon niya nakilala ang kanyang mapapangasawa, at magkasama silang nagpalaki ng isang pamilya sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang babae sa subway—si Hitomi Kitayama—ay tinuruan ng mga sister missionary. Nagpatuloy si Hitomi at nagpakita ng pagkamasugid nang tanggapin niya ang mga katotohanan ng ebanghelyo, at tiniis ang pagtutol ng pamilya at nilabanan ang sariling pag-aalinlangan.
Nakilala namin si Hitomi halos anim na taon ang lumipas sa isang mission conference sa Tokyo, kung saan siya naglilingkod bilang missionary. Ikinuwento niya ang pagkikita nila ni Sister Barr sa subway at ang pagtanggap niya sa ebanghelyo kasunod niyon.
Pagkatapos ng kanyang misyon nakilala at napangasawa niya ang isa pang returned missionary na si Shimpei Yamashita. Ang nakatutuwa, si Shimpei ay anak ng isang lalaking tinuruan namin ni Elder Randy Checketts noong tag-init ng 1971 habang naglilingkod ako sa aking unang misyon sa Japan.
Hindi lamang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo natin kailangan ang pagiging masugid na gawin ang tama. Kailangan natin ang gayunding sigasig sa pagdaig sa sariling kasalanan at mga tukso, pagtapos sa ating pag-aaral, at paghahangad na makasal sa templo at magkaroon ng walang-hanggang pamilya. Kakailanganin natin ang pagiging masugid, pagmamahal, at katatagan habang tayo at ang ating asawa at mga anak ay magkakapit-bisig na hinaharap ang mga pagsubok na dumarating sa mag-asawa at sa pamilya. At kailangan natin ang pagiging masugid, katapatan, at tiyaga kapag ang mga pagpapalang hangad natin ay hindi dumarating sa panahong inaasahan natin.
Sa lahat ng ito at sa bawat mabuting bagay, ang ating pangako na gawin ang tama at maging tama ay susubukan ng mundo. Ngunit hindi tayo dapat sumuko. Kailangan nating magpatuloy hanggang sa maabot natin ang ating mithiin. Sa huli, ang ating mithiin, ay buhay na walang hanggan kasama ang ating asawa at mga anak, at ang kanilang mga anak sa mga susunod na henerasyon.
Magtakda ng mga Karapat-dapat na Mithiin
Paano natin mapapatibay ang ating pangako na gawin ang tama, at paano natin matatamo ang lakas na tuparin ang mga ito?
Una, magtakda tayo ng mga mithiin na karapat-dapat kamtin at akma sa pinakamimithi nating buhay na walang hanggan. Kabilang dito ang pag-aaral at pagtatrabaho at mga mithiin na patungo at akma sa pamilya, pag-unlad ng sarili, paglilingkod, pagiging aktibo sa Simbahan, at sariling kaligayahan. Bahagi ng paggawa ng mga mithiing ito ay ang magiging desisyon natin, ngunit dapat ding isama rito ang panalangin at personal na paghahayag. Kung gusto ninyo talagang alamin ang kalooban ng Diyos, sasagutin Niya kayo.
Kabilang sa maraming bagay na dapat ninyong ipagdasal ang paghahanap ng karapat-dapat na mapapangasawa na makakasama ninyo sa pagpunta sa templo at paggawa ng mga sagradong tipan. Kung nais ninyong gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan at maganyak na kamtin ang pinakamabubuti ninyong mithiin, ipagdasal na matamo ang mga biyaya at responsibilidad ng pag-aasawa.
Dito at sa iba pang mga aspeto ng buhay, alamin kung ano ang nais ng Diyos na ipagawa sa inyo. Pag-aralan ito. Gumawa ng mga desisyon. Isangguni ito sa Panginoon at alamin ang sagot. Pagkatapos ay kumilos at simulang kamtin ang mga mithiin ninyo.
Sa lahat ng ito, kung gusto nating maging masugid sa mabubuting bagay, dapat na manatili tayong malapit sa Panginoon sa pamamagitan ng matuwid na pamumuhay. Ang bagay na higit na makakahadlang sa atin sa pagkakamit ng mabubuting mithiing ito ay ang pagiging di marapat sa mga pagpapala ng Espiritu sa ating buhay.
Magtakda ng mga karapat-dapat na mithiin. Ipagdasal lagi sa Panginoon na gabayan kayo. Maging karapat-dapat at iwasan ang mga bagay na maglilihis o hahadlang sa inyong pag-unlad. Magkaroon ng temple recommend at gamitin ito. Tuparin ang inyong mga tipan, lalo na kapag mahirap ang buhay. Hangarin ang mga pagpapala ng walang hanggang kasal at pamilya. At magpakatatag. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag sumuko.
Maging masugid sa bawat mabuting bagay. Makikita ninyong lalakas ang inyong pananampalataya, at makikita ninyong mag-iibayo ang inyong mga kalakasan at talento habang nadaragdagan ang inyong pananampalataya. At alalahanin ang ipinangako ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “May mga pagpapalang kaagad na dumarating, may ibang matagal dumating, at may ibang darating lamang sa kabilang-buhay; subalit sa mga tumatanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo dumarating ang mga ito.”3