Mga Pagninilay
Hooray!
Ang awtor ay naninirahan sa Oregon, USA.
Isang apat na taong gulang ang nakatulong sa akin na pahalagahan ang sakramento sa isang bagong paraan.
Nakatuon ang aking isipan sa Tagapagligtas nang matapos ang kongregasyon sa pagkanta ng sacrament hymn, pero nang isasara ko na ang imnaryo, nagpatuloy ang musika. Dahil malaki ang kongregasyon sa araw na iyon kinailangang tugtugin ng organista ang dalawa pang talata ng himno habang tinatapos ng mga priest ang pagpuputul-putol ng tinapay. Nagpasalamat ako para sa ekstrang oras na iyon. Nagkaroon pa ako ng ilang sandali para magnilay-nilay nang tahimik bago usalin ang mga panalangin para sa sakramento.
Sa oras ng panalangin, pinakinggan kong mabuti ang mga salitang binigkas ng mga priest nang basbasan nila ang mga sagisag ng sakripisyo ni Cristo para sa atin. Nang matapos ang huling panalangin at nang magsalita ng “amen” ang kongregasyon, di-inaasahang narinig sa gitna ng mga “amen” ang tinig ng isang apat-na-taong-gulang na batang lalaki dalawang hanay mula sa likuran ko.
“Hooray!” hiyaw nito.
Sapat ang lakas ng paghiyaw niya para mapahagikgik ang mga bata sa kalapit na upuan. Inaamin ko na napangiti ako dahil dito.
“Hooray?” naisip ko. Kakaibang tugon iyon sa mga panalangin sa sakramento. Tinitiyak ko na isang tugon iyon na hindi ko pa narinig at malamang na hindi ko na muling maririnig kailanman. Sa kabila ng lahat, tinatapos natin ang ating mga panalangin sa “amen.”…
Marahil mas nadama ng batang iyon ang katotohanan kaysa sa akin.
Ang salitang hooray ay nagpapahiwatig ng katuwaan. Nagpapahayag ito ng kagalakan, karaniwa’y dahil sa isang tagumpay. Kung minsan isinisigaw ito para magpakita ng pagsang-ayon sa isang tao na nakatapos ng isang mahirap na gawain.1
Agad kong nagustuhan ang ideya. Tama, naisip ko, hooray dahil nadaig ni Jesucristo ang kamatayan para lahat tayo ay mabuhay na mag-uli! Hooray sapagkat dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, mapapatawad Niya ang ating mga kasalanan! Higit sa lahat, mapapatawad Niya ako sa aking mga kasalanan! Hooray dahil sa pamamagitan ng Kanyang biyaya ay makakabalik ako sa aking Ama sa Langit at matatamasa ko ang pag-asa ng buhay na walang hanggan! Tama! Hooray!
Habang tahimik kong isinisigaw ang mga papuring ito ng pasasalamat sa aking Ama sa Langit, pinuspos ng Espiritu Santo ng galak ang puso ko na halos mapaluha ako. Napatnubayan ako nang araw na iyon ng isang batang musmos (tingnan sa Isaias 11:6), at nagalak ako sa bagong pag-unawa sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa buhay ko.