2016
Ang Mapagmahal na Halimbawa ng Aking Ama
June 2016


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Ang Mapagmahal na Halimbawa ng Aking Ama

Ipinakita sa akin ng aking ama kung paano mahalin ang aking mga anak na nalilihis ng landas.

father and son walking on a beach

Kaliwa: paglalarawan ng © iStock/Thinkstock; kanan: larawang kuha ni Del Benson

Sumapi ako sa Simbahan matapos tanggapin ang paanyaya ng dalawang kaibigan na dumalo sa seminary. Noon pa man ay suportado na ng mga magulang ko ang desisyon kong magpabinyag, magmisyon, at makasal sa templo. Gayunpaman, naalala ko ang pait na nadama ko (at ipinalagay kong nadama rin ng aking mga magulang) sa pagkaalam na matiyaga silang naghintay sa Provo Utah Temple waiting room habang ibinubuklod kami ng aking nobya.

Kalaunan ay nagkaroon kami ng apat na anak at naaalala ko ang kagalakang malaman na bawat isa sa kanila ay ibinuklod sa amin dahil isinilang sila sa tipan. Ang aming mga anak ang unang mga apo, at kahit hindi sumapi sa Simbahan ang aking mga magulang at mga kapatid kailanman, naging napakalapit nila sa bawat isa sa aking mga anak. Maraming taon kaming nakatira malapit sa isa’t isa, at nakita ng aking mga magulang ang pagpasok nila sa paaralan at pagsali sa mga larong pangkabataan. Dumalo sila sa binyag ng bawat isa sa aming mga anak.

Gayunman, nang tinedyer na ang aming mga anak, nalipat ang pamilya namin sa ibang estado dahil sa trabaho ko. Pero kahit sa mga panahong iyon, nanatiling malapit ang mga magulang ko sa aming mga anak sa pamamagitan ng pagbisita at madalas na pagliham nila.

Nang tumanda na ang mga magulang ko, maagang kinapitan ng sakit na Alzheimer’s ang nanay ko. Determinado ang tatay ko na alagaan siya, kahit kinailangan siyang lubos na pangalagaan dahil sa kanyang kalagayan. Kahit nitong mga huling taon, nakipag-ugnayan sa akin si Itay sa telepono at mga liham linggu-linggo, at, kung minsan, araw-araw. Noon pa man ay malapit na ako sa aking mga magulang, ngunit sa huling 10 taon ng buhay ng aking ama, lalo kaming naging malapit sa isa’t isa. Nalaman ko rin noon na nagawa niyang mas mapalapit sa aking tatlong kapatid sa gayon ding paraan—bagama’t magkakaiba kami ng piniling mga interes at relihiyon habang lumalaki kaming lahat.

writing a letter

Kaliwa: paglalarawan ng © iStock/Thinkstock; kanan: larawang kuha ni Del Benson

Ang mga magulang ko at ang pamilya ko ay nakatira sa magkabilang baybayin ng Estados Unidos sa mga huling taong iyon, at dalawang beses sila tumawid ng bansa, kahit malala na ang Alzheimer’s ni Inay at napakahirap na para kay Itay na alalayan siya sa mahabang biyahe.

Sa panahon ding ito, isa-isang nagpasiyang tumigil sa pagsisimba ang lahat ng anak ko. Kalauna’y pinatanggal ng dalawa sa kanila ang kanilang mga pangalan sa mga talaan ng Simbahan. Talagang naging matinding pagsubok ito sa buhay naming mag-asawa. At kahit hindi isang Banal sa mga Huling Araw si Itay, nasaktan din siya at naguluhan sa mga pasiya ng aming mga anak. Isa siyang relihiyosong tao, at sumali siya sa pagdarasal namin para sa kanila sa mga taong iyon.

Noong 2005 pumanaw si Itay matapos masuring may kanser, at pumanaw si Inay pagkaraan ng tatlong taon. Nagalak kaming mag-asawa sa pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa kanila matapos silang pumanaw.

Matagal ko nang ipinagdarasal na maunawaan kung paano ko pinakamainam na makakaugnayan ang aking mga anak ngayong nasa hustong gulang na sila, na ang ilan ay may sarili nang asawa at mga anak, na pawang hindi LDS. Malapit ang damdamin namin sa lahat ng apat naming anak, at nagpapasalamat kami na madalas nila kaming pakitaan ng pagmamahal.

Kalaunan ay natanggap ko ang napakalinaw na sagot kung ano ang gagawin ko, marahil habambuhay, tungkol sa mga anak kong ito. Kinailangan kong gawin ang ginawa sa akin ng tatay ko. Sa kabila ng magkaibang pamumuhay at pananaw namin sa relihiyon, determinado si Itay na lalo pang mapalapit sa akin bilang ama at kaibigan samantalang nasaktan akong makita na pinipili ng mga anak ko ang uri ng pamumuhay at paniniwala na naiiba kaysa akin. Natanto ko na kailangan kong sundan ang halimbawa ni Itay, na nagturo sa akin kung paano pakitunguhan ang mga anak na iba ang paniniwala: lubos silang mahalin, tulad ng gagawin ng Tagapagligtas.