2016
Ano ang Alam Natin tungkol sa Kabilang Buhay?
June 2016


Ano ang Alam Natin tungkol sa Kabilang Buhay?

“Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?” Oo! Pero ano ang mangyayari pagkatapos?

life after death

Sa lahat ng panahon, napakaraming tao nang nagtanong na gaya ni Job: “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?” (Job 14:14). Ang pagsagot ng “Oo!” sa tanong na iyan ay malaking pribilehiyo ng mga taong may patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.

Gayunman marami sa paligid natin ang pumapanaw sa buhay na ito nang “walang Dios sa sanglibutan” (Mga Taga Efeso 2:12) at kailangang hanapin ang iba’t ibang katotohanan at paniniwala tungkol sa kamatayan. Ang isa ay ang katibayang nakikita mismo ng kanilang mga mata, o ang “malungkot na katotohanan” na ang kamatayan ay tiyak na mangyayari sa lahat—wala silang nakitang patay na nagbalik sa mundo. At nariyan ang maraming ulat tungkol sa mga karanasan ng mga taong pansamantalang namatay, na kapansin-pansin ang pagkakatulad sa mga sinasabi nila. At nariyan pa ang katotohanan na ang mga kultura ng tao sa iba’t ibang panig ng mundo ay may konsepto noon pa man tungkol sa kabilang-buhay, na isa pang katibayang nangangailangan ng paliwanag.

Ngunit ang katiyakan na hindi nagwawakas ang ating buhay sa kamatayan ay mula sa Diyos, na inihayag ito sa simula pa lamang sa pamamagitan ng napakaraming saksi, kabilang na ang mga propeta, apostol, at higit sa lahat, ang Espiritu Santo.

Sa Simula pa Lamang

Ang plano ng kaligtasan ay unang itinuro sa daigdig na ito kina Adan at Eva, ang una nating mga magulang. Natutuhan nila ang ebanghelyo ni Jesucristo at kung paano makabalik sa piling ng Ama sa Langit—at naunawaan nila na ang pagbalik ay nangangahulugan na nakapiling natin Siya noon. Kaya, sa simula pa lamang, alam na alam na nina Adan at Eva na ang buhay na ito ay hindi nagwawakas dito. Alam nila—at itinuro nila sa kanilang mga anak—na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, sila ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos ng buhay na ito at, kung sila ay masunurin, tatanggap sila ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Moises 5:10–12).

Sinasabi sa mga teoriya ng mundo na ang paniniwala sa kabilang-buhay ay bunga lamang ng pangangailangang sikolohikal. Ngunit ang laganap na ideya tungkol sa kabilang-buhay ay binubuo ng ilang alaala ng mga ninuno o pinagsama-samang alaala (kung hindi man alaala sa premortal na buhay) tungkol sa inihayag sa simula at pagkatapos ay ipinasa-pasa sa bawat henerasyon. Ang sinabing minsan ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) tungkol sa ilang karaniwang gawaing pang-relihiyon ay angkop din sa mga karaniwang paniniwala gaya ng kabilang buhay: “Walang alinlangan na ang kaalaman tungkol [dito] … ay dinala ng mga inapo ni Adan sa lahat ng lupain, at nagpatuloy … sa pamamagitan ni Noe … hanggang sa mga taong sumunod sa kanya, ipinalaganap sa lahat ng bansa at bayan” (“Discourse,” Deseret News, Peb. 19, 1873, 36).

Kaya, ang ideya tungkol sa kabilang buhay ay laganap sa buong mundo dahil ang pinagmulan nito ay kasabay ng pinagmulan ng sangkatauhan.

Malilinaw at Mahahalagang Katotohanan

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, mabibigyan natin ng pag-asa yaong mga nabubuhay sa mundo nang walang Diyos sa pagbabahagi ng ating patotoo sa katotohanan tungkol sa ating buhay: hindi sa kamatayan nagwawakas ang lahat. Bukod pa riyan, masasagot natin ang maraming tanong tungkol sa kabilang buhay dahil sa malilinaw at mahahalagang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo na naihayag. Narito ang maiikling sagot sa ilang tanong tungkol sa kabilang buhay.

Ano ang mangyayari sa atin pagkamatay natin?

Kapag namatay tayo, ang ating espiritu ay hihiwalay sa ating katawan at pagkatapos ay papasok sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa Santiago 2:26; Alma 40:11).

Ano ang anyo ng ating espiritu?

Ang ating espiritu ay tulad noong nasa premortal na buhay: mga katawang-tao sa isang perpektong anyo na sapat ang gulang (tingnan sa Eter 3:16; Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 158–59). Kapag namatay tayo, tataglayin ng ating espiritu ang mismong pag-uugali, hilig, at hangaring taglay natin sa lupa nang mamatay tayo (tingnan sa Alma 34:34).

Ano ang espiritu?

Ang espiritu ay isang uri ng materya [matter], kaya lamang ay “mas pino o dalisay” (D at T 131:7).

Ano ang kalagayan sa daigdig ng mga espiritu?

May dalawang pangunahing kalagayan o dibisyon ang mga espiritung nasa daigdig ng mga espiritu: paraiso at bilangguan ng mga espiritu. Ang mabubuting espiritu ay pupunta sa paraiso, na “isang kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan, kung saan sila ay mamamahinga mula sa kanilang mga suliranin at sa lahat ng alalahanin at kalungkutan” (Alma 40:12). Ang espiritu ng mga taong hindi pa nakatanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo ay sinasabing nasa bilangguan ng mga espiritu (tingnan sa I Ni Pedro 3:18–20). Maaari pa rin nilang piliin ang mabuti o masama at tanggapin o tanggihan ang ebanghelyo. Ang mga espiritung nasa paraiso ay maaaring ipangaral ang ebanghelyo sa kanila (tingnan sa D at T 138). Yaong mga tao na ang espiritu at katawan ay matagal nang nakahiwalay ay itinuturing itong “isang pagkaalipin” (D at T 45:17; 138:50).

Ano ang langit?

Nauunawaan ng lahat na ang langit ang lugar kung saan nananahan ang Diyos at kung saan mananahan kalaunan ang mabubuting tao. Dahil dito, naiiba ito sa paraiso ng daigdig ng mga espiritu.

Ano ang impiyerno?

Sa mga banal na kasulatan, ang impiyerno ay maaaring tumukoy sa isa sa dalawang bagay: (1) “pansamantala itong tirahan sa daigdig ng mga espiritu para sa mga yaong hindi masunurin sa buhay na ito” o (2) “palagian itong kalalagyan ng mga yaong hindi natubos ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Impiyerno,” scriptures.lds.org). Sa pangkalahatan, ito ang espirituwal na kalagayang daranasin ng mga taong tumanggi sa ebanghelyo. Itinuro ni Joseph Smith: “Ang malaking kalungkutan ng mga namatay … ay ang malaman na bigo silang makamtan ang kaluwalhatiang tinatamasa ng iba na sana’y tinatamasa rin nila, at sila mismo ang nagsakdal sa kanilang sarili” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 261).

Ano ang pagkabuhay na mag-uli?

Ang pagkabuhay na mag-uli ay ang muling pagsasama ng espiritu at katawan na perpekto at imortal (tingnan sa Alma 11:43).

Sino ang mabubuhay na mag-uli?

Lahat ng taong nabuhay sa mundo ay mabubuhay na mag-uli (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22; Alma 11:44).

Kailan tayo mabubuhay na mag-uli?

Ang mga tao ay mabubuhay na mag-uli sa iba’t ibang panahon. Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang nagpasimula ng Unang Pagkabuhay na Mag-uli, o pagkabuhay na mag-uli ng mabubuti. Ilang mabubuting tao na ang nabuhay na mag-uli simula nang panahong iyon. Pagkatapos ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, marami pang mabubuting tao ang mabubuhay na mag-uli. Sa panahon ng Milenyo, mabubuhay na mag-uli ang iba pang mabubuting tao. Pagkatapos ng Milenyo, mabubuhay na mag-uli ang masasama. (Tingnan sa D at T 76:32–112; 88:97–101.)

Ano ang hitsura ng mga katawang nabuhay na mag-uli?

Ang mga katawang nabuhay na mag-uli ay may laman at buto (tingnan sa Lucas 24:39), imortal (tingnan sa Alma 11:45), perpekto (tingnan sa Alma 11:43), maluwalhati, at maganda. “Wala nang mas maganda pang masdan kaysa sa isang lalaki o babaeng nabuhay na mag-uli” (Pangulong Lorenzo Snow [1814–1901], The Teachings of Lorenzo Snow, ed. Clyde J. Williams [1996], 99).

Ano ang mangyayari kapag tayo ay nabuhay na mag-uli?

Kapag nabuhay na mag-uli ang lahat ng tao at natapos na ang Milenyo, ihaharap tayo sa Diyos upang hatulan alinsunod sa ating mga salita, gawa, iniisip, at hangarin (tingnan sa Apocalipsis 20:12; Alma 12:14; D at T 137:9). Si Jesucristo ang magiging Hukom natin (tingnan sa Juan 5:22, 27–29; Mga Taga Roma 14:10).

Ano ang mangyayari pagkatapos ng Huling Paghuhukom?

Pagkatapos ng Huling Paghuhukom, tatanggap tayo ng isa sa sumusunod na mga walang-hanggang gantimpala:

Kahariang selestiyal: ang tahanan ng Ama sa Langit, ni Jesucristo, at ng lahat ng naging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng lahat ng tipan ng ebanghelyo (tingnan sa D at T 76:50–70).

Kahariang terestriyal: ang tahanan ng mabubuting tao na hindi tumanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo ngunit tinanggap ito sa daigdig ng mga espiritu o hindi naging matatag ang patotoo kay Jesucristo sa buhay na ito (tingnan sa D at T 76:71–80).

Kahariang telestiyal: ang tahanan ng masasama at hindi tumanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo, na nabuhay na mag-uli pagkatapos ng Milenyo (tingnan sa D at T 76:81–89).

Walang-katapusang kaparusahan: ang huling hantungan ng mga anak ng kapahamakan, maging ng diyablo at ng kanyang mga anghel (tingnan sa D at T 76:31–49).

Ano ang gagawin ng mga tao sa kahariang selestiyal?

Yaong mga magmamana ng pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal ay dadakilain, ibig sabihin sila ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, magiging katulad ng ating Ama sa Langit, at tatanggap ng lahat ng mayroon ang Ama. Ang ibig sabihin ng maging katulad ng Ama sa Langit ay magtamo ng Kanyang mga katangian ng kasakdalan, kabilang na ang pagmamahal at paglilingkod.1 Ang ibig ding sabihin nito ay makibahagi sa Kanyang gawain at kaluwalhatian, ang “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Kabilang sa kadakilaan ang pagbubuklod ng mag-asawa para sa kawalang-hanggan, pamumuhay sa piling ng walang-hanggang pamilya, at pagkakaroon ng mga walang-hanggang espiritung anak. (Tingnan sa D at T 76:59, 62; 130:2; 132:19–23.)

Ano ang gagawin ng mga tao sa iba pang mga kaharian?

Yaong nasa ibang mga kaharian ay magiging mga anghel, na “mga tagapaglingkod, na maglilingkod sa yaong mga karapat-dapat ng isang mas higit, at labis, at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian” (D at T 132:16). Hindi sila makakasal o magkakaroon ng mga espiritung anak (tingnan sa D at T 131:1–4; 132:16–17).

Tala

  1. “Ang paglilingkod ay hindi isang bagay na tinitiis natin dito sa lupa para makamtan ang karapatang manirahan sa kahariang selestiyal. Paglilingkod ang pinakadiwa ng buhay na pinadakila sa kahariang selestiyal.” (Pangulong Marion G. Romney [1897–1988], Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “The Celestial Nature of Self-Reliance,” Ensign, Nob. 1982, 93).