Ang Kasa-kasama ni Jordan sa Pag-aaral
Ang awtor ay naninirahan sa Virginia, USA.
Nami-miss na ni Jordan na makasama si Kirsi sa pag-aral. Mabuti na lang at may naisip siya na magandang ideya!
“Espiritu’y dama, sa puso ko t’wina, nalalamang aklat ay tunay” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66).
Mahigit isang taon nang hindi nakikita ni Jordan ang kapatid niyang si Kirsi—at parang napakatagal na niyon! Malapit nang umuwi si Kirsi mula sa misyon para magpaopera. Malungkot si Jordan dahil maysakit ang kapatid niya, pero masaya siya na malapit na silang magkasama.
Nang umuwi siya mula sa eskuwelahan kinabukasan, nakaupo na si Kirsi sa sopa. Patakbong lumapit sa kanya si Jordan at niyakap siya.
“Hi, Jordan! Na-miss kita!” Sabi ni Kirsi.
Ngumiti si Jordan. “Na-miss din kita! Sana gumaling ka na.”
“Salamat, Jordan,” sabi ni Kirsi. Hawak niya ang Aklat ni Mormon na nasa kandungan niya.
“Puwede ba kitang sabayan sa pagbabasa?” tanong niya.
“Sige, kunin mo ang iyong kopya ng Aklat ni Mormon, at basahin natin mula sa umpisa.”
Tumakbo si Jordan sa kuwarto niya at kinuha ang kanyang aklat. “Heto na!” ang sigaw niya habang tumatakbong pabalik. Nagmamadali siyang tumabi kay Kirsi.
Binuklat nila ito sa bandang pahina ng pamagat. Pagkatapos ay binasa ni Jordan,“Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo.” Halinhinan sila sa pagbasa.
“Sa misyon pinag-aaralan namin ng kompanyon ko ang mga banal na kasulatan araw-araw,” sabi ni Kirsi. “Puwede ba kitang maging kompanyon sa pag-aaral hanggang sa bumalik ako sa misyon?” tanong ni Kirsi.
“Oo, siyempre!” sabi niya.
Pagkalipas ng ilang araw, inoperahan na si Kirsi. Umuwi na siya mula sa ospital para makapagpahinga at magpagaling pa nang ilang linggo. Magkasama nilang binasa ni Jordan ang Aklat ni Mormon araw-araw.
Bago siya bumalik sa misyon, sinabi ni Kirsi, “Jordan, gusto kong hamunin ka na tapusin ang Aklat ni Mormon bago ka mabinyagan!”
Pinag-isipan iyon ni Jordan. Ilang buwan na lang at walong taong gulang na siya. Ang dami niyang babasahin. Pero gusto niyang gawin ito. “Sige,” sabi ni Jordan.
“Sa pagbabasa mo, maaari bang ipagdasal mo kung totoo ito?” tanong ni Kirsi. “Ipinangako ni Moroni na kung gagawin natin iyan, sasabihin sa atin ng Espiritu Santo kung ito ay totoo.”
“OK,” sabi ni Jordan.
Bago bumalik si Kirsi sa misyon, umabot na sila hanggang sa 2 Nephi.
Talagang nami-miss ni Jordan si Kirsi. Nami-miss niya lalung-lalo na ang pag-aaral nila nang magkasama. Mabuti na lang at may naisip siya na magandang ideya!
Sa eskuwelahan kinabukasan, nilapitan niya si Jake na matalik niyang kaibigan.
“Babasahin ko nang buo ang Aklat ni Mormon bago ako mabinyagan,” sabi ni Jordan. “Dahil sabay naman tayong bibinyagan, gusto mo bang gawin din iyon?”
“Oo,” sabi ni Jake. “Hindi ko pa nabasa nang buo ang Aklat ni Mormon.”
Araw-araw sa paaralan, laging ganito ang itinatanong nila sa isa’t isa.
“Hanggang saan na ang nabasa mo?”
“Hanggang sa katapusan ng Jacob. Hanggang saan na ang nabasa mo?”
Nang sumunod hindi na nila kailangan pang itanong iyon. Magtitinginan lang sila at alam na nila ang tanong.
“Palagay ko bago ang binyag natin matatapos na tayo,” sabi ni Jordan.
Sa wakas dumating ang araw ng kanilang binyag.
“Natapos na ako kagabi,” bulong ni Jordan.
“Ako rin!” sabi ni Jake. “At ipinagdasal ko kung totoo ito, at ang saya ng pakiramdam ko.”
Ngumiti si Jordan. “Pareho tayo. Ang saya-saya ko noong nagdasal ako.” Talagang pinasasalamatan niya ang paghamon sa kanya ni Kirsi. Ngayon ay nagkakaroon na siya ng sarili niyang patotoo.