2016
Naniniwala Tayo sa Pagsunod sa Propeta
June 2016


Ang Ating Paniniwala

Naniniwala Tayo sa Pagsunod sa Propeta

Tulad ng orihinal na Simbahang itinatag ni Jesucristo sa panahon ng Kanyang mortal na ministeryo, ang Simbahan ngayon ay “[itinayo] sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok” (Mga Taga Efeso 2:20). Mayroon tayong labindalawang Apostol, at mayroon din tayong Pangulo ng Simbahan at kanyang mga tagapayo, na mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Sila ay tinawag upang patotohanan si Jesucristo at ipangaral ang Kanyang ebanghelyo sa buong mundo.

Pinipili ng Tagapagligtas ang Kanyang mga propeta at inihahanda sila sa pamamagitan ng maraming karanasan para pamahalaan ang Simbahan. Kapag binabanggit ng mga miyembro ng Simbahan ang propeta, tinutukoy nila ang Pangulo ng Simbahan, ang tanging tao sa mundo na tumatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan.

Dahil nagsasalita ang Pangulo ng Simbahan para sa Panginoon (tingnan sa D at T 1:38), hindi makabubuting piliin at gustuhin lang ang mga bahagi ng kanyang payo na nais nating sundin. Sa halip, itinuturing natin ang kanyang payo at mga paanyaya na para bang natanggap natin ang mga ito mula mismo kay Jesucristo, “nang buong pagtitiis at pananampalataya” (D at T 21:5).

Kapag pinipili nating pakinggan at sundin ang propeta at iba pang mga apostol, pinagpapala tayo sa ating mga pagsisikap na maging katulad ni Jesucristo, at pinoprotektahan tayo laban sa kawalang-katiyakan at mga panlilinlang ng mundo (tingnan sa Mga Taga Efeso 4:11–14).

Halimbawa, nakasusumpong tayo ng espirituwal na kaligtasan sa isang mundong pabagu-bago ang moralidad at mga pinahahalagahan sa pamamagitan ng pagsunod sa di-nagbabagong mga pamantayan na itinuturo ng propeta at mga apostol. Nakasusumpong din tayo ng temporal na seguridad sa pagsunod sa payo ng propeta na umiwas sa utang, mag-impok, at mag-imbak ng pagkain.

Dahil inilalaan ng Pangulo ng Simbahan at mga Apostol ang kanilang buhay sa gawain ng Panginoon—sa paglalakbay sa buong mundo upang patotohanan si Cristo, turuan ang mga Banal, at pamahalaan ang pangangasiwa ng pandaigdigang Simbahan—sinusuportahan at pinagpapala Niya sila at ang kanilang pamilya. Sinusuportahan din natin sila sa pagdarasal para sa kanila, pagsunod sa kanilang payo, at paghahangad na pagtibayin sa atin ng Espiritu Santo ang mga katotohanang itinuturo nila.

Kapag sinasang-ayunan natin ang propeta at mga apostol, nagtatamo tayo ng patotoo na sila ay mga lingkod ng Diyos. Kahit hindi sila perpekto, hindi sila tutulutan ng Ama sa Langit na iligaw tayo ng landas (tingnan sa Deuteronomio 18:18–20).

we believe in following the prophet

Mga paglalarawan ni J. Beth Jepson