2016
Ang mga Mata ng Bulag ay Makakakita
June 2016


Ang mga Mata ng Bulag ay Makakakita

Maaari nating isipin na ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isang mahimalang panunumbalik ng espirituwal na paningin.

Isaiah writing

Ibabaw: detalye mula sa Ipinropesiya ng Propetang si Isaias ang Pagsilang ni Cristo, ni Harry Anderson

Ipinropesiya ni Isaias na sa mga huling araw ang Panginoon ay magpapatuloy sa paggawa ng “isang kagilagilalas na gawa at kamanghamangha,” at ipinropesiya niya ang paglabas ng Aklat ni Mormon, na nagsasabing “ang mga mata ng bulag ay makakakita mula sa kalabuan at sa kadiliman” (Isaias 29:14, 18).

Isang “Kakila-kilabot na Kalagayan ng Pagkabulag”

Sa mga araw bago ang maluwalhating Unang Pangitain, ang sigasig sa relihiyon ng mga mamamayan ng Manchester, New York, USA, ay lubhang nakalilito. Sa mga salita ni Joseph Smith, “Napakalaki ng kaguluhan at sigalutan ng iba’t ibang sekta, na hindi maaari para sa isang tao … na makarating sa anumang tiyak na pagpapasiya kung sino ang tama at kung sino ang mali” (Joseph—Smith Kasaysayan 1:8).

Tinutukoy ng Aklat ni Mormon ang kaguluhang ito bago ang Panunumbalik bilang “kakila-kilabot na kalagayan ng pagkabulag … dahil sa malilinaw at pinakamahahalagang bahagi ng ebanghelyo ng Kordero na ipinagkait ng yaong karumal-dumal na simbahan” (1 Nephi 13:32; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa nagdaang mga siglo, ang malinaw na espirituwal na paningin na inilahad ng Biblia ay lumabo nang mangawala ang maraming malinaw at mahalagang bahagi nito, na kung minsan ay sa di-sadyang pagkakamali sa pagsasalin at kung minsan ay sa sadyang pagkakamali sa pag-edit, “upang mailigaw nila ang mga tamang landas ng Panginoon, upang mabulag nila ang mga mata at mapatigas ang mga puso ng mga anak ng tao” (1 Nephi 13:27; idinagdag ang pagbibigay-diin).

“Bagaman Ako’y Naging Bulag, Ngayo’y Nakakakita Ako” (Juan 9:25)

Christ healing a blind man

Isa sa pinaka-karaniwang mga himala ng Tagapagligtas ay ang pagpapanumbalik ng paningin ng mga bulag.1 Gayunman, ang mas mahalagang misyon at himala ng Tagapagligtas ay ang pagpapagaling sa mga espirituwal na bulag. “Naparito ako sa sanglibutang ito,” wika Niya, “upang ang mga hindi nakakakita ay mangakakita” (Juan 9:39).

Gamit ang metapora ni Isaias at ang pangitain ni Nephi tungkol sa espirituwal na pagkabulag sa mga huling araw, maaari nating isipin na ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isang mahimalang panunumbalik ng espirituwal na paningin.

“Ni hindi pinahihintulutan ng Panginoong Diyos na ang mga Gentil ay manatili magpakailanman sa kakila-kilabot na kalagayan ng pagkabulag. …

“… Magiging maawain ako sa mga Gentil sa araw na yaon, kung kaya nga’t isisiwalat ko sa kanila, sa pamamagitan ng sarili kong kapangyarihan, ang karamihan ng aking ebanghelyo. …

“Sapagkat, masdan, wika ng Kordero: ipakikita ko ang aking sarili sa iyong mga binhi, nang isulat nila ang maraming bagay na aking ipapangaral sa kanila, … [at] ang mga bagay na ito ay itatago, upang lumabas sa mga Gentil, sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Kordero.

“At sa mga ito masusulat ang aking ebanghelyo, wika ng Kordero, at ang aking bato, at ang aking kaligtasan.

“… Ang mga huling talaang ito … ang magpapatibay sa katotohanan ng una. … Kapwa ito pagtitibayin sa isa” (1 Nephi 13:32, 34–36, 40–41; idinagdag ang pagbibigay-diin)—magkakasama upang tulungan tayong makita ang katotohanan.

Bible and Book of Mormon

Kapwa ito “pagtitibayin sa isa” ang paraan para makakita ang dalawang mata o magampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin. Dahil may glaucoma ako, kailangan kong patakan ng mahimalang gamot na nakapagliligtas ng paningin ang dalawa kong mata dalawang beses sa isang araw para hindi ako mabulag. Bago pa natuklasan ng doktor na may glaucoma ako, bahagya nang nawalan ng paningin ang isa kong mata. Labis ang pasasalamat ko sa makabagong medisina at na hindi ako bulag. Nagpapasalamat din ako sa isa ko pang mata na maayos, na pinupunan ang bahagyang pagkawala ng paningin ng kabilang mata. Ang metapora ng dalawang mata ay may malalim at personal na kahulugan para sa akin.

Maraming pagsusuri ng siyensya ang nagpapaliwanag sa mga kalamangan ng pagkakaroon ng dalawang mata kaysa isang mata lang. Ipaliliwanag ko ang anim sa mga kalamangang iyon at ang espirituwal na pagkakatulad ng mga ito sa Aklat ni Mormon bilang ikalawang saksi ni Jesucristo sa pagpapanumbalik ng espirituwal na paningin sa mundo.

1. Mas Malawak at Mas Malinaw ang Nakikita Kapag Dalawang Mata ang Gamit

horizontal field of view

Ang maximum horizontal field of view ng mga tao ay mga 190 degrees gamit ang dalawang mata, at mga 120 degrees niyon ay nagsasanib o parehong nakikita ng dalawang mata. Higit pa sa converging field of view, bawat mata ay mayroon ding peripheral field na natatangi sa matang iyon.2

Pagkaraan ng maraming siglo ng pagkawala ng malilinaw at mahahalagang bagay, hindi gaanong naging malinaw ang Biblia. Ang paglabas ng Aklat ni Mormon na may ganap na kalinawan ay hindi lamang nagpalinaw sa espirituwal na paningin kundi binigyan din ng kinakailangang paglilinaw ang parehong nakikita ng dalawang espirituwal na mata, o binocular field of vision (tingnan sa image 1)—sa mga banal na kasulatan tinatawag natin itong batas ng dalawang saksi (tingnan sa Mateo 18:16; Eter 5:4; D at T 6:28).

Ang overlapping field of vision, o binocular summation, ay nagpapaigting sa kakayahang makita nang malinaw ang malalabong bagay.3 Nakikita natin nang mas malinaw ang mga bagay-bagay kapag ang magkahiwalay na imaheng pumapasok sa bawat mata ay nagsasama sa iisang imahe, na nagbibigay sa atin ng pagsasanib ng visual axis4 at sa gayo’y naaalis ang “kaguluhan at sigalutan” na nagpagulo sa isipan ng batang si Joseph (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:8).

Ang katotohanan na mas mainam magkaroon ng dalawang mata kaysa isa lang ay isang katotohanang alam ng lahat at pinatutunayan ang kanyang sarili na wala nang mas mainam na metaporang magagamit si Isaias para maunawaan ng lahat ng tao na: “ang mga mata ng bulag ay makakakita” (Isaias 29:18). Umaasa kami na ang mga kasalukuyang nakakakita gamit ang isang espirituwal na paningin lamang, ang Biblia, ay mauunawaan na katalinuhan ang hindi tanggihan ang Aklat ni Mormon bilang pangalawang saksi ni Jesucristo bago pa man nila ito subukan. Matutuklasan nila na “ang tungkod ng Juda” at “tungkod ng Jose” (Ezekiel 37:19) ay nagsasanib kapag nag-sync nang lubusan at malinaw ang dalawang mata—isang nagpapaunawang karanasan!

2. Stereopsis—Pag-iwas sa Panlilinlang

“Ang binocular vision … ay nagtutulot sa mga tao na malagpasan at maalis ang mga balakid nang mas mabilis at may katiyakan” dahil sa mas tumpak na lalim ng pang-unawa.5 Ang isang halimbawa ng pinakamalalim na pang-unawang ito ay makikita sa kalinawang 3-D ng isang stereoscope image sa isang simpleng larawan (tingnan ang image 2A).

stereoscope

Sa kaharian o mundo ng mga hayop, ang dalawang mata ay nagbibigay ng stereopsis, o tumpak na lalim ng pang-unawa, sa potensyal na masisila at ng kakayahang makilala ang mga pagkakaiba sa 3-D, sa gayo’y natutulungan itong “makita ang pagbabalatkayo ng [isang potensyal na maninila].”6 (tingnan sa image 2B).

disguised snake

Larawan ng ahas © iStock/Thinkstock

Ang Aklat ni Mormon ay naglalaan sa mundo ng gayon ding proteksyon sa pamamagitan ng pagpapanumbalik ng kalinawan at banal na lalim ng pang-unawa sa espirituwal na binocular field, na nagtutulot sa atin na maiwasan ang pagbabalatkayo at mga panlilinlang ni Satanas. Buong katusuhan niyang pinasimulan ang pagkalito sa pamamagitan ng pagpapalabo sa kahulugan ng maraming talata sa Biblia. Inalis ng Aklat ni Mormon ang kanyang pagbabalatkayo gamit ang napakalinaw na pagpapatibay, “sa ikalilito ng mga maling doktrina” (2 Nephi 3:12) at sa “[pag]hahati-hati [ng] lahat ng katusuhan at mga patibong at panlilinlang ng diyablo” (Helaman 3:29).

Ibinahagi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ang nakapapanatag na pangakong ito sa Aklat ni Mormon: “May kapangyarihan sa aklat na iyon na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat. Magiging mas malakas kayo para labanan ang tukso. Magkakaroon kayo ng kapangyarihang iwasan ang panlilinlang. Magkakaroon kayo ng lakas na manatili sa makipot at makitid na landas.”7

3. Pagtingin sa Paligid ng mga Harang

Ang binocular vision ay tumutulong sa isang tao na makita ang iba pang bahagi, o ang kabuuan, ng isang bagay na nasa likod ng isang harang. Ang kapakinabangang ito ay ipinaliwanag ni Leonardo da Vinci, na nakapansin na maaaring hindi makita ng kaliwang mata ang ilang bahagi o ang kabuuan ng isang bagay dahil sa nakaharang na patayong haligi ngunit maaari pa rin itong makita ng kanang mata8 (tingnan sa image 3).

binocular vision

Ang espirituwal na halimbawa nito ay matatagpuan sa mga salita ng Tagapagligtas sa mga taga-Juda, “At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila’y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor” (Juan 10:16).

Dahil hindi tinukoy ni Jesus kung sino ang ibang mga tupang iyon, hindi maintindihan ng mga Judio ang Kanyang pahayag. Gayunman, dahil sa karagdagang pananaw mula sa Aklat ni Mormon, nakita na ang mga nakatago: “At katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayo yaong aking sinabi: Mayroon akong tupa na hindi sa kawang ito; sila ay dapat ko ring dalhin, at kanilang diringgin ang aking tinig; ay magkakaroon ng isang kawan, at isang pastol” (3 Nephi 15:21). Ang resulta ay isang malinaw na field of vision na walang maling pagkaunawa sa ibig sabihin ng Tagapagligtas—wala nang mga balakid na ilusyon.

4. Ang mga Pakinabang ng Peripheral Vision ng Bawat Mata

“Ang peripheral vision ay bahagi ng paningin na nangyayari sa labas ng pinakasentro ng tingin.”9 Sa madaling salita, nakikita natin ang mga bagay sa field of vision na hindi naman talaga natin pinagtutuunan. May bahagi ang field of vision na iyon—na hindi na saklaw ng binocular field, o stereoscopic vision—na natatangi sa bawat mata (tingnan sa larawan 1).

Labis tayong nagpapasalamat para sa Biblia at sa katangi-tangi at kahanga-hangang naibibigay nito sa atin—higit sa lahat, ang kasaysayan ng buhay at ministeryo ni Jesucristo.

Lubos din tayong nagpapasalamat para sa Aklat ni Mormon at sa 20/20 na dalisay na pananaw na ibinigay nito sa atin, na naglilinaw sa doktrina ni Cristo at inihahayag ang Kanyang mga turo sa pamamagitan ng mga propeta sa sinaunang Amerika at ang Kanyang personal na pagdalaw at ministeryo sa mga Nephita.

Tulad ng dalawang mata na pinagpares ng Diyos, tinutulungan ng Biblia at ng Aklat ni Mormon ang isa’t isa, na nagreresulta sa kagila-gilalas na binocular panorama, at gayundin ng mga tanawin na naiiba sa bawat isa.

5. Pag-aalis ng Ating Blind Spot

Lahat tayo ay may isang blind spot sa ating field of vision na medyo madaling matukoy. Hawakan nang tuwid ang nakaguhit na bilog at bituin (image 4) sa harapan ninyo na nakaunat ang mga braso. Ipikit ang inyong kaliwang mata at ituon ang inyong kanang mata nang direkta sa maliit na bilog. Titigan ang bilog gamit ang inyong kanang mata, at dahan-dahang ilapit sa inyo ang larawan. Kapag nakakalahati na kayo, mawawala ang bituin sa peripheral view.

blind spot demonstration

Nagulat ba kayo? Hindi ba ninyo alam na mayroon kayong blind spot? Tulad ng pagtulong ng kabila mong mata na mawala ang blind spot na ito, gayon din ang tulong na nagagawa ng Aklat ni Mormon sa Biblia.

At tulad ng paglalaho ng bituin sa harapan ninyo mismo, hindi nakita ni Herodes ang bituin sa Betlehem at kinailangan niyang tanungin ang mga Pantas na Lalaki kung kailan “isinilang ang bituin” (Mateo 2:7). Ito ay nasa kanyang espirituwal na peripheral blind spot. Ang mga naghahanap lamang sa bituin ang nakapansin dito.

Marami ngayon, gaya ni Herodes, na tumatangging maghanap at makita ang mga bagay ng Espiritu. “Sa aba sa mga bulag na ayaw makakita” (2 Nephi 9:32). Kapalaluan ang nag-udyok sa mga Judio na “[hamakin] ang mga salita ng kalinawan, at … dumating [ang pagkabulag sa kanila] sa pamamagitan ng pagtingin nang lampas sa tanda” (Jacob 4:14).

Ang isa sa nakalulungkot na mga pananaw sa Aklat ni Mormon ay ang isang babala tungkol sa blind spot ng lahat ng tao na kapalaluan, “isang kasalanang madaling makita sa iba ngunit bihirang aminin sa ating sarili.”10 Para itong mabahong hininga—alam ng lahat pero hindi ng mayroon nito.

“Sa kapulungan sa langit bago tayo isinilang, kapalaluan ang nagpabagsak kay Lucifer.”11 Ang “kapalaluan ng … mga Nephita, … ang [n]agpatunay sa kanilang pagkalipol” (Moroni 8:27). Ang mga palalo ang masusunog na parang dayami kapag nilinis ng Diyos ng apoy ang lupa (tingnan sa Malakias 4:1; 3 Nephi 25:1).

Sa simula ng makipot at makitid na landas ay nakapaskil ang isang napipintong “babala”: “MAG-INGAT sa kapalaluan, at baka kayo ay maging katulad ng mga Nephita noong sinauna” (D at T 38:39; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang malungkot na kabalintunaan ay na ang karatulang “MAG-INGAT” mismo ang karaniwang nasa blind spot ng mga palalo. Kaya nga, “Siya na [palalo] ay matuto ng kanurungan sa pamamagitan ng pagpapakumbaba ng kanyang sarili at sa pagtawag sa Panginoon niyang Diyos, upang ang kanyang mga mata ay mabuksan nang siya ay makakita” (D at T 136:32).

6. Ang Koneksyon ng Mata sa Utak

anagram

Ang equation na ito (tingnan sa image 5) ay mukhang tumpak, ngunit hindi lubos na tama. Ang sistema ng pagpoproseso ng mga imahe sa utak ang talagang nagsasabi sa atin kung ano ang nakikita ng ating mga mata. Ang utak ang lumilikha ng ating mga panaginip sa gabi at nagbibigay-kahulugan sa mga nakikita natin sa araw. Ang pagkakita ay hindi nangangahulugan ng paniniwala o pagtingin nang tama. Halimbawa, “Nguni’t bagaman gumawa [si Jesus] sa harap nila ng gayon maraming mga tanda, gayon ma’y hindi sila nagsisampalataya sa kaniya” (Juan 12:37). Hindi sapat ang mga mata lamang para maniwala o tunay na makakita.

Tulad ng pakikipagtulungan ng utak sa mga mata, nakikipagtulungan ang Espiritu sa mga banal na kasulatan, na tumutulong sa atin na makakita sa espirituwal. Hindi sapat ang magbasa lang ng mga banal na kasulatan para makakita sa espirituwal dahil “ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu” (I Mga Taga Corinto 2:14).

Upang maging isang espirituwal na mata ang Aklat ni Mormon, kailangan nating tanggapin at taos-pusong sundin ang paanyaya ni Moroni sa Moroni 10:3–5. Ito ay isang paanyayang may lakip na pangako na ang Diyos ay “ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (talata 4; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Patotoo at Pasasalamat

Upang maiwasan ang espirituwal na pagkabulag, itinaya ng mga anak ni Lehi ang kanilang buhay para matamo ang mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 3–4). Kung wala ang mga lamina, sila “ay nanghina marahil sa kawalang-paniniwala” (Mosias 1:5). Ngayon, salamat sa limbagan at digital tools, may mas madali at mabilis na access na tayo sa mga banal na kasulatan. Gayunman, maliit na kaibhan kay Satanas kung ilayo man niya ang mga tao mula sa pagtatamo nito—na istratehiya niya noong Dark Ages—o tuksuhin niya ang mga tao na huwag itong basahin—na istratehiya niya sa mga huling araw. Alinman dito, ang kanyang “abu-abo ng kadiliman [ay matagumpay na] … bumubulag sa mga mata … ng mga anak ng tao … kaya sila nasasawi at naliligaw” (1 Nephi 12:17; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Gaya ng araw-araw na pampatak ko sa mata, tanging sa “patuloy na [paghawak] nang mahigpit sa gabay na bakal” (1 Nephi 8:30; idinagdag ang pagbibigay-diin) tayo makakaiwas na mabulag ng abu-abo sa mga huling araw na lubhang mapanlinlang at laganap. Kapag ang isang tao ay naging di-gaanong aktibo o tumalikod sa Simbahan, halos tiyak na tumigil na ang taong iyon sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon.

Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo ay talagang isang kagila-gilalas na gawa at kamangha-mangha. Ito ay pangalawang saksi kay Jesucristo at sa Kanyang maluwalhating ebanghelyo, na nag-aalok ng lahat ng pakinabang ng pangalawang mata.

Nawa’y patuloy tayong humawak nang mahigpit sa gabay na bakal nang tayo man ay maging karapat-dapat sa papuri ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo: “Mapapalad ang inyong mga mata, sapagka’t nangakakakita” (Mateo 13:16).

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mateo 9:27–31; 12:22–23; 15:30–31; 21:14; Marcos 8:22–26; 10:46–52; Lucas 7:21–22; Juan 9; 3 Nephi 17:7–9; 26:15.

  2. Tingnan sa “Binocular Vision,” Wikipedia, en.wikipedia.org.

  3. Tingnan sa Randolph Blake at Robert Fox, “The Psychophysical Inquiry into Binocular Summation,” Perception & Psychophysics, tomo 14 blg. 1 (1973), 161–68; tingnan din sa “Binocular vision.”

  4. Tingnan sa “Vergence,” Wikipedia, en.wikipedia.org.

  5. “Binocular Vision.”

  6. “Binocular Vision.”

  7. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 164.

  8. TIngnan sa “Binocular Vision.”

  9. “Peripheral Vision,” Wikipedia, en.wikipedia.org.

  10. Mga Turo: Ezra Taft Benson, 275; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  11. Mga Turo: Ezra Taft Benson, 271.