Mga Sagot mula sa mga Lider ng Simbahan
Paano Matutulungan ang mga Missionary
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2008.
Angkop tayong nagdarasal para sa kaligtasan at tagumpay ng full-time na mga missionary sa buong mundo. At ang elementong karaniwan sa marami nating panalangin ay ang kahilingang magabayan ang mga missionary sa mga tao at pamilyang handang tanggapin ang mensahe ng Panunumbalik. Ngunit sa huli responsibilidad ko at ninyo na humanap ng mga taong tuturuan ng mga missionary. Ang mga missionary ay mga full-time na mga guro; kayo at ako ay full-time na mga tagahanap. At kayo at ako bilang habambuhay na mga missionary ay hindi dapat ipagdasal na gawin ng full-time na mga missionary ang ating gawain!
Kung kayo at ako ay tunay na magdarasal at hihingi nang may pananampalataya, tulad ng ginawa ni Joseph Smith—kung [magdarasal tayo nang may hangaring] kumilos at hindi lamang magsalita—ang pangangaral ng ebanghelyo ay lalaganap sa pambihirang paraan. Maaaring isama sa gayong panalangin nang may pananampalataya ang ilan sa sumusunod na mga elemento:
-
Pasasalamat sa ating Ama sa Langit para sa mga doktrina at ordenansa ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, na nagbibigay ng pag-asa at kaligayahan sa ating buhay.
-
Paghiling na bigyan ng lakas-ng-loob at tapang na ibuka ang ating bibig at ibahagi ang ebanghelyo sa ating pamilya at mga kaibigan.
-
Pagsamo sa Ama sa Langit na tulungan tayo na matukoy ang mga indibiduwal na tao at pamilyang handang tanggapin ang ating paanyayang turuan sila ng mga missionary sa ating tahanan.
-
Pangakong gagawin ang ating bahagi ngayong araw at sa linggong ito at paghingi ng tulong na madaig ang pag-aalala, takot, at pag-aatubili.
-
Pag-asam sa kaloob na makaunawa—na makita ng mga mata at marinig ng mga tainga ang mga pagkakataong makapangaral pagdating ng panahon.
-
Pagdarasal nang taimtim para sa lakas na kumilos ayon sa alam nating nararapat.
Ang pasasalamat ay ipapahayag, at ang iba pang pagpapala ay hihilingin sa gayong panalangin, na tatapusin sa pangalan ng Tagapagligtas. At ang sagradong gawain ng panalanging iyon ay magpapatuloy at mag-iibayo.
Ang ganitong huwaran ng banal na pakikipag-usap at sagradong gawain ay maiaangkop sa ating mga panalangin para sa mahihirap at nangangailangan, sa mga maysakit at karamdaman, sa mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan na nahihirapan, at sa mga hindi dumadalo sa mga miting ng Simbahan.
Pinatototohanan ko na nagiging makahulugan ang panalangin kapag humihingi tayo nang may pananampalataya at kumikilos. Inaanyayahan ko ang lahat na manalangin nang may pananampalataya tungkol sa banal na atas na ipangaral ang ebanghelyo. Habang ginagawa natin ito, nangangako ako na mabubuksan ang mga pintuan at pagpapalain tayo upang makilala at kumilos ayon sa mga pagkakataong ilalaan.