Lahat ay Maaaring Matuto sa Isang Propeta
Henry Serion Sr., Hawaii, USA
Noong ako’y 17 taong gulang, nagtrabaho ako sa isang hotel sa Kailua-Kona, Hawaii, USA. Habang nagtatrabaho bilang bellboy, marami akong nakitang sikat na panauhin sa hotel, kabilang na sina John Wayne, Dorothy L’Amour at Esther Williams.
Isang gabi, matapos dumating ang karamihan sa mga panauhin, nagpahinga ako sandali sa harap ng hotel nang huminto ang isang limousine sa gilid at bumaba ang pitong lalaki, na nakasuot ng itim na pantalon, puting polo, at kurbata. May kasama silang isa pang lalaking nakasuot ng itim na amerikana. Nang maiparada na ng drayber ang kotse nila, nagpunta silang lahat sa dining room para maghapunan. Naisip ko na mukha silang mga FBI agent habang pabalik ako sa loob para ituloy ang trabaho ko sa pagsagot sa mga room-service call.
Mga isang oras pagkaraan, nasa labas ako ng hotel at naninigarilyo samantalang pabalik na ang grupong nakita ko kanina sa limo nila, na naghihintay sa gilid. Naglakad sila sa bangketa papunta sa kotse at binuksan nila ang pinto sa likod para pasakayin ang lalaking nakasuot ng itim na amerikana. Ngunit sa halip na pumasok sa kotse, huminto ang lalaking nakasuot ng itim na amerikana, pumihit para tingnan ako na nakasandal sa gusali, at lumapit sa akin.
Matangkad siya at payat, nakasuot ng salamin sa mata at may maikli at maputing balbas. Kinamayan niya ako at ipinatong ang isa pa niyang kamay sa balikat ko. Nagulat ako na ang gayon karangal na tao ay lalapitan at kakausapin ako, na isang binatilyong ni hindi niya kilala.
Hindi ko maalala ang lahat ng sinabi niya sa akin maliban sa sinabi niyang “makakasama sa iyo ang mga iyan,” na tinutukoy ang sigarilyo ko. Hinangaan ko ang kanyang kabaitan at pagkilos.
Mahigit isang taon pagkaraan tinuruan ako ng mga missionary at nabinyagan.
Habang tinitingnan ko ang mga larawan ng mga pinuno ng Simbahan, napansin ko ang larawan ni Pangulong George Albert Smith (1870–1951) at agad kong nakilala na siya ang mabait at marangal na lalaking iyon na nakausap ko sa harap ng hotel. Lalo pa akong humanga na kayang gawin iyon ng Pangulo ng Simbahan sa isang katulad ko, isang binatilyong ni hindi pa miyembro ng Simbahan at hindi tanyag.
Napakabait niyang tao para magpakita ng pagmamahal at malasakit sa isang binatilyong nagtatrabaho sa isang mababang tungkulin at hindi nakakaunawa sa ebanghelyo o sa pagmamahal ng ating Ama sa Langit para sa atin.
Makalipas ang animnapu’t limang taon, naunawaan ko na nang husto ang malasakit at pagmamahal na iyon, at sinisikap kong tingnan ang mga nasa paligid ko tulad ng pagtingin sa akin ni Pangulong Smith.