2016
Ang Pinakamahirap na Nararanasan ng Isang Missionary
June 2016


Ang Pinakamahirap na Nararanasan ng Isang Missionary

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Kung minsan ang pinakamalaking hamon sa gawaing misyonero ay hindi ang gawaing misyonero mismo.

young man and school images

Mga paglalarawan ni Heather Landis

Sinabi sa akin minsan ng isang missionary, “Kapag sinasabi ng mga tao na mahirap sa misyon, iniisip ko na ang ibig nilang sabihin ay giginawin ako sa klima o mahihirapan sa titirahan ko o magkakaproblema ako sa pagsasalita ng bagong wika. Ngunit para sa akin ang pinakamahirap na nararanasan ko ay kung ano ang nasa isipan ko—tulad ng panghihina ng loob o pagkayamot sa kompanyon o pagiging asiwa sa pakikipag-usap sa hindi kakilala—ang simpleng pakikitungo sa mga tagumpay at pagkabigo, ang di pagtanggap, ang pagbabago.”

young man ironing

Upang makapaghanda sa misyon, maaari at dapat mong basahin ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, at matutuhang magluto at maglaba. Ngunit dapat mo ring maranasan ngayon ang pagkakaroon ng matatag na kalooban, pakikihalubilo, at iba pang mga kakayahang kakailanganin mo bilang isang missionary. Narito ang listahan ng ilan sa mga kakayahang ito. Maaari mong lagyan ng tsek ang isa o dalawa sa mga ito na sisimulan mong gawin.

Kakayahang Magpakumbaba nang Hindi Nakadarama ng Panlalait

Isang sister missionary sa Alabama, USA, ang nagsabi minsan sa akin, “Akala ko noong i-set apart ako, magkakaroon ako ng superpowers. Kaya parang nagulat ako dahil pagdating ko sa misyon wala namang nabago sa akin. Naroon pa rin ang aking mga kahinaan, takot, at mga kakulangan. At hindi talaga nawala ang mga iyon. Kinailangan kong matutuhang mapunan ang aking mga pagkukulang sa paggawa ng gawain ng Panginoon.”

Marami man o kaunti ang mga nakamtan mo na sa buhay bago ka nagmisyon, kung ikaw ay mapagpakumbaba, madaling turuan, at handang magsikap at kumilos, tutulungan ka ng Panginoon. Ngunit ang mga kakayahan mo bilang missionary ay mapapahusay lamang kung gagamitin mo ito, kung magtatanong ka, hihingi ng tulong, at patuloy na magsisikap. Kung ang paniniwala mo ay likas talaga sa tao ang mahusay (o mahina) sa gawaing misyonero, pagsasalita ng ibang wika, pagtataglay ng patotoo, o pakikipag-ugnayan, mas mahihirapan ka.

Minsan ay sinabi sa akin ng isang missionary, “Kinailangan kong matutuhan na ito ay gawain ng Panginoon, hindi sa akin. At okey lang kung pakiramdam ko ay kulang ako sa kakayahan dahil talaga namang kulang ako sa kakayahan. Hinding-hindi sasapat ang kakayahan ko sa mga bagay na tanging Diyos lang ang makakagawa. Marami pa akong dapat pagbutihin, ngunit hindi kailangang kayanin ko ito nang mag-isa. Makakaasa ako sa Kanya.”

Sikaping gumawa ng bago at mahihirap na bagay. At matututuhan mo na huwag masyadong isipin na may mga kakulangan ka. Halimbawa:

  • Subukan mong gawin ang mga bagay na medyo iba sa mga nakasanayan mo, gaya ng bagong trabaho, karagdagang aktibidad, o mga kurso na hindi ka pamilyar. Magtanong ka, humingi ng tulong, alaming mabuti ang mga nagawang mali, at magsikap pa. Gumawa ng mga bagay na kailangan ng pagsasanay at pagsisikap para magkaroon ka ng tiwala na magagawa mong humusay kung magsisikap ka.

  • Huwag mong pansinin ang mga naririnig mo sa isip mo na nagsasabing may mga tao na ipinanganak nang may talento, matalino, o magaling makisama sa mga tao at mayroon namang hindi ganito. Ang pinakamahuhusay na atleta, musikero, iskolar—at mga missionary—ay nakaranas muna ng maraming kabiguan at matagalang pagsasanay bago nakaranas ng tagumpay.

Kakayahang Harapin ang Posibleng (at Talagang Nangyayaring) Hindi Pagtanggap ng mga Tao

Ang hindi pagtanggap ng mga tao at panghihina ng loob ay araw-araw na nararanasan sa misyon. Magsanay na makipagsapalaran at makaranas na hindi tanggapin para mas handa ka nang huwag maapektuhan nito.

  • Mag-aplay ng trabaho at magpainterbyu, at magtrabaho nang part-time o full-time.

  • Subukang sumali sa isang team o laro.

  • Magyaya ng makakadeyt o makakasama sa mga aktibidad.

  • Kapag hindi nangyari ang inaasahan mo, isipin ang mga naisip at mga nagawa mo na nagpagaan ng iyong kalooban.

  • Matuto mula sa mga balakid at sumubok muli.

sister missionaries

Ang Kakayahang Bigyan ng Motibasyon ang Sarili

Dapat alam natin kung paano bigyan ng motibasyon ang sarili kapag naiinip tayo at paano panatagin ang sarili kapag masyado na tayong balisa.

  • Kung nakakainip ang sitwasyon o parang walang progresong nangyayari, tingnan kung ano ang mali at paano ito itatama, huwag itong dibdibin, kundi sa halip ay alamin na lang kung ano ang matututuhan mo.

  • Pakiramdaman kung masyado ka nang nababalisa at alamin kung ano pa ang maaari mong gawin sa misyon na magpapakalma sa iyo (makipag-usap sa isang tao, magpahinga, magsulat, kumanta, maglakad-lakad). Maghinay-hinay muna, himayin ang problema, magpatulong sa iba, gumawa ng unti-unting pagbabago, magdasal, at labanan ang mga di-magandang naiisip mo.

missionaries

Kakayahang Maunawaan ang Pagkakaiba ng mga Tao

Ang mga kompanyon, mga lider, miyembro at mga investigator ay mababait at masasayang kasama ngunit kung minsan susubukin din nila ang pasensya mo.

Praktisin mong gawin sa mga kapatid at kaibigan mo na:

  • Matutong pahalagahan ang iba sa pamamagitan ng pagtatanong kung bakit nila ginagawa ang ginagawa nila.

  • Maging responsable at taos-pusong humingi ng paumanhin kapag nakasakit ka ng damdamin ng iba dahil sa ugali mo, kahit hindi mo naman intensyong saktan sila.

  • Unawain nang may malasakit ang pag-uugali ng ibang tao. Huwag magtanim ng hinanakit.

  • Sabihin ang problema at humingi ng tulong na lutasin ito sa halip na sisihin ang iba o magreklamo.

  • Kapag may di-pagkakaunawaan, magsalita nang malumanay at igalang ang damdamin ng iba.

  • Maging roommate sa isang taong kaiba sa iyo. Alamin at tingnan ang maganda sa mga bagay na mas nagugustuhan nila.

Kakayahang Makipag-usap sa mga Tao

Mahiyain ka man o hindi, kaya mong matutuhan ang tamang pakikipag-usap na kakailanganin mo sa misyon at sa buong buhay mo.

Kung mahiyain ka:

  • Gawing layunin na kumausap ng bagong kakilala [lalo na ang mga di-kakilalang adult] nang limang minuto bawat linggo.

  • Ngumiti, maging mausisa tungkol sa mga tao, at matutong magtanong ng mga bagay na makakahikayat sa mga tao na magsalita.

  • Alamin kung paano mo sisimulan ang pakikipag-usap at kung paano tatapusin ito.

  • Pakiramdaman kung gustong makipag-usap sa iyo ang ibang tao para maging handa ka na makinig at tumugon.

Kung palakaibigan ka:

  • Magtanong para mapagsalita mo ang iba.

  • Magsanay na makinig na mabuti.

  • Tingnan kung nagpapakita na ng pagkabagot ang kausap mo. Bigyan ng pagkakataong makabahagi ang iba.

missionary and Book of Mormon

Kakayahang Pangalagaan at Palakasin ang Katawan

Bilang mission president, kinausap ng aking asawa ang isang missionary na lumung-lumo at parang hirap na hirap. Naisip ng asawa ko na itanong ito sa kanya, “Elder, ano ang inalmusal mo?”

“Ice cream po.”

“Ano ang kinain mo sa tanghalian?”

“French fries po.”

“Ano ang kinain mo sa hapunan?”

“French fries at ice cream po.”

“Gaano katagal nang French fries at ice cream lang ang kinakain mo?”

“Mga isang buwan na po.”

“Heto ang assignment mo: umuwi ka at kumain ng kahit anong pagkain na kulay berde—pero hindi mint ice cream.”

Ang tamang pagkain at ehersisyo ay talagang nakakaapekto sa disposisyon natin sa buhay. Simulan na ngayon na:

  • Alamin ang tungkol sa tamang nutrisyon. Kumain ng masustansyang pagkain. Kung maselan ka sa pagkain, subukan mong kumain ng bagong pagkain.

  • Mag-ehersisyo. Ang regular na ehersisyo ay nakakatulong para maiwasan ang labis na pag-aalala at depresyon. Simulan muna sa simpleng ehersisyo, tulad ng paglalakad sa gabi (kasama ang isang kaibigan o habang nakikinig ng musika), magmartsa sa kinatatayuan habang may patalastas sa TV, o gumawa ng ilang sit-up at push-up.

  • Pag-ingatan ang mga gamit at damit mo, at huwag mag-aksaya ng pera at panahon.

  • Matulog sa tamang oras. Kung nahihirapan kang matulog o magising, magpatulong sa iba. Ugaliing matulog at magising sa tamang oras para sanay ka nang gawin ito kapag missionary ka na.

Kakayahang Maging Positibo ang Pananaw sa Buhay

  • Maging masayahin. Pagtawanan ang sarili, huwag ang iba. Huwag mong masyadong seryosohin ang mga bagay-bagay para hindi ka mabalisa.

  • Itanong mo sa mga nakapagmisyon kung paano nila nakayanan ang isang mahirap na bagay. Alamin ang mga ideya na maaari mong gamitin.

  • Ilista ang mga banal na kasulatan at himno na nagpapasaya sa iyo at nagpapalakas ng pananampalataya mo.

  • Labanan ng magandang bagay ang di-magandang nauulinigan mo. Kung ang tinig na iyon ay mapangutya, mapanghamak, nanghihiya, galit, malupit, o tinatanggalan ka ng pag-asa o pinapahina ang loob mo, hindi iyon mula sa Panginoon. Ang Kanyang tinig ay mananatiling puno ng pag-asa, mapaghikayat, at mahabagin, lalo na kapag nagsisikap ka.

Kakayahang Palakasin ang Espirituwalidad

  • Manalangin nang taimtim. Anyayahan ang Ama sa Langit na maupo sa tabi mo, at hayagang sabihin sa Kanya ang iyong mga problema, ninanais, at pinapasalamatan. Subukang manalangin nang malakas, magdasal na may hawak na lapis at papel para maisulat ang mga impresyong nadarama mo, o magdasal para lang magpasalamat.

  • Pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Hanapin at umasang matatanggap mo ang sagot sa mga alalahanin mo.

  • Maging missionary na ngayon. Lumabas at maglingkod kasama ang mga full-time missionary, gawing paksa ang ebanghelyo sa araw-araw na pakikipag-usap mo sa iyong mga kaibigan, at magpatotoo nang taos-puso sa simbahan. Mas matutuwa ka sa gawaing misyonero habang ginagawa mo ito.