2016
Ang mga magulang ko ay nagmumura, nakikinig sa di-magagandang musika, at nanonood ng di-angkop na mga TV show. Ano ang maaaari kong gawin para madama sa bahay namin ang Espiritu, lalo na tuwing Linggo?
June 2016


Mga Tanong at mga Sagot

“Ang mga magulang ko ay nagmumura, nakikinig sa malalakas na musika, at nanonood ng masasagwang palabas sa TV. Ano ang magagawa ko para madama ang Espiritu sa bahay, lalo na tuwing Linggo?”

Noong binyagan ka, natanggap mo ang kaloob na Espiritu Santo. Ibig sabihin nito anuman ang sitwasyon mo, mapapasaiyo ang Espiritu kung mananatili kang karapat-dapat at kung tama ang mga desisyon mo.

Sa pagtanggap mo ng sakramento bawat linggo, mapapaalalahanan ka ng mga tipang ginawa mo sa Ama sa Langit na “taglayin sa [iyong] sarili ang pangalan ng [Kanyang] Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan … nang sa tuwina ay mapasa[iyo] ang kanyang Espiritu upang makasama [mo]” (D at T 20:77). Sa pagtupad mo sa iyong mga tipan, nananatili kang karapat-dapat sa patnubay ng Espiritu.

Ang pagdalo sa sacrament meeting at iba pang mga miting ng Simbahan ay hindi lamang ang tanging paraan na maitutuon mo ang araw ng Linggo sa pagtupad ng tipan. Anuman ang sitwasyon sa bahay ninyo, maipapakita mo sa Ama sa Langit na tumutupad ka sa iyong mga tipan kapag gumagawa ka ng family history, nag-aaral ng ebanghelyo, at naglilingkod sa iba, lalo na sa mga nalulungkot o maysakit. Ang paggawa ng mga aktibidad na ito, kahit hindi ito ginagawa ng pamilya mo, ay magpapasaya sa iyo. (Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 129–32.)

Magsalita Ka

Miyembro man ng Simbahan o hindi ang mga magulang mo, sabihin mo sa kanila kung bakit mahalaga sa iyo na madama lagi ang Espiritu sa bahay ninyo, lalo na sa araw ng Linggo. Sa sitwasyon mo, maaari mong piliin ang pinakatahimik na lugar sa bahay ninyo at mag-anyaya ng ibang mga miyembro ng Simbahan na samahan ka at magkakasama ninyong anyayahang pumaroon ang Espiritu. Alam ko na kung pananatilihin mong banal ang araw ng Sabbath, pagpapalain ka nang lubos ng Panginoon.

Joskares C., edad 16, Santo Domingo, Dominican Republic

Magtuon sa Paggawa ng Mabubuting Bagay

Laging mahirap ang sitwasyon ko sa bahay kapag Linggo. Ako lamang ang miyembro ng Simbahan sa pamilya namin, at kapag Linggo nanonood ng TV at nakikinig ng gusto nilang musika ang mga magulang at kapatid ko. Gusto kong ipakita ang pagmamahal ko sa aking Ama sa Langit sa pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath. Pumupunta ako sa kuwarto ko at nagbabasa ng mga banal na kasulatan, nakikinig ng musika ng Simbahan, at bumibisita kasama ang mga kaibigan ko at ang mga missionary. Nagpapasalamat ako sa tulong ng Panginoon dahil napapahalagahan ko nang lubos ang araw ng Sabbath at sa lakas na palagi Niyang ibinibigay sa akin.

Lais de Jesus M., edad 19, Sergipe, Brazil

Basahin ang mga Banal na Kasulatan

Kausapin ang mga magulang mo tungkol sa mga ginagawa nila, pero kung ayaw nilang makinig, ipagdasal mo na tulungan kang madama ang Espiritu sa bahay ninyo. Para madama ang Espiritu sa bahay namin, nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan, at nararamdaman ko na kaagad ang Espiritu.

Blake E., edad 14, Utah, USA

Ipagdasal ang Iyong mga Magulang

Maaari mong ipagdasal ang mga magulang mo. Tulad ng isinulat ni Mormon, “Maaalaala rin ng Panginoon ang mga panalangin ng mabubuti, na isinamo sa kanya para sa kanila” (Mormon 5:21). Maaaring hindi tumigil kaagad ang mga magulang mo, pero tutulungan ka ng Panginoon.

Cole M., edad 17, Arizona, USA

Gumamit ng mga Materyal ng Simbahan

Kung may smart phone o tablet ka, maaari mong i-download ang Mormon Channel at LDS Youth apps. Ang daming magagandang awitin dito, mga video, at mga mensahe na laging nag-aanyaya sa Espiritu kapag pinapatugtog ko! Simple lang ito, pero talagang tinutulungan ako nitong madama ang Espiritu kahit na maingay sa paligid ko. Malaki ang naitutulong nito at nagdudulot ng kapayapaan sa buong bahay.

HunterEve V., edad 16, Texas, USA

Tularan ang Halimbawa ni Cristo

Mahalaga na ang isang tahanan ay mapuspos ng Espiritu, ngunit mas mahalaga na mapuspos nito ang tao. Si Cristo ang perpektong halimbawa ng isang palaging puspos ng Espiritu. Ang sikaping mamuhay nang tulad ni Cristo, maging mabait sa iba, at makita ang mundo sa kung paano Niya nakikita ito ang siya na sigurong pinakamagandang paraan na mapapasaiyo lagi ang Espiritu saan ka man naroon.

Isabel W., edad 16, Oregon, USA

Magmungkahi ng mga Aktibidad para sa Pamilya

Tuwing Linggo, siguro magandang magmungkahi ka ng puwede ninyong gawin ng pamilya mo nang magkakasama. Magmungkahi ng isang bagay na magagawa ng pamilya nang sama-sama kung saan maiiwasan ang mga bagay na di angkop sa Sabbath. Kapag sama-sama ninyong ginagawa ang isang bagay, mas magiging malapit ang pamilya ninyo sa isa’t isa. At dahil dito maiisip nila na may iba pala kayong maaaring gawin kapag Linggo. Siguro sa susunod na Linggo ay sasabihin nila, “Uy, ang saya ng ginawa natin noong nakaraan—ulitin natin.”

Ryan B., edad 19, Idaho, USA