Paano Maging Isang Mabuting Kaibigan
Ang awtor ay naninirahan sa Santa Cruz, Bolivia.
Gusto nating lahat na kabilang tayo. Narito ang magagawa ninyo kung sa pakiramdam ninyo ay ipinupuwera kayo o ang isang tao.
Naging investigator ako sa Simbahan noong tinedyer ako, pero tumigil ako sa pagdalo sa mga miting ng Linggo dahil parang ipinupuwera ako ng karamihan sa mga kabataan. Minsan, niyaya ako ng isa sa mga kabataan sa isang aktibidad sa Simbahan. Sumama ako at nagustuhan ko ang mga aktibidad dahil iyon ang mga bagay na gusto kong ginagawa: pag-arte, paglalaro ng basketball, at pagtakbo.
Sa patuloy na pagsama ko sa mga aktibidad, nakilala ko ang mga kabataan doon at nalaman ko na marami sa kanila ang nag-aaral din sa eskwelahan ko. Nang tumagal-tagal naging kaibigan ko na ang mga kabataang lalaki at babae na kapareho ko ang mga pamantayang ipinamumuhay. Nagpapasalamat ako na may nag-anyaya sa akin na sumama sa aktibidad sa Simbahan, at nagpapasalamat ako na nagpaunlak ako.
Naramdaman na ba ninyo ang naramdaman ko: parang ipinupwera o hindi itinuturing na kabilang? O may kilala ba kayo na iniisip na hindi sila tanggap at walang gaanong kaibigan? Sa eskwelahan, sa simbahan, o saan man, maraming tao ang nakaramdam ng ganyan sa buhay nila.
Paano Magkaroon ng Mabubuting Kaibigan
Malungkot kapag ipinupuwera ka, pero wala namang maitutulong kung maiinis ka o maghihinanakit. Kaya, subukan mo na lang gawin ang mga bagay na ito:
-
Makibahagi sa mga aktibidad ng Simbahan. Ito ay magagandang pagkakataon na makasama ang mga taong iginagalang ang mga pamantayan mo.
-
Mag-aral at paunlarin ang mga bagong skill o kasanayan. Ang pagsali sa mga student association, sports team, o mga club ay magandang paraan para makakilala ka ng mga tao na ang mga interes ay katulad ng sa iyo.
-
Huwag mong laging asahan na ibang tao pa ang maunang makipagkaibigan sa iyo. Ipakilala mo ang sarili mo sa iba.
-
Magpakita ng mabuting-asal at laging sundin ang mga pamantayan mo. Makakakita ka ng mga kaibigan na magpapahalaga sa iyo dahil sa ugali mo at sa inspirasyong hatid mo.
-
Mag-ukol ng oras sa iyong pamilya. Baka matuklasan mo na sa sariling tahanan mo lang pala matatagpuan ang ilan sa matatalik mong kaibigan.
Paano Kakaibiganin ang Iba
Kung minsan parang mahirap gawin ang bagay na hindi tayo komportableng gawin at ang makipagkaibigan sa ibang tao, ngunit kapag lagi nating iniisip na lahat tayo ay mga anak ng Diyos, makikita natin na mahalagang tulungan ang iba. Narito ang ilang mga ideya:
-
Kausapin ang mga tao na bago pa lamang sa eskwelahan at sa Simbahan. Ipakilala sila sa iyong mga kaibigan.
-
Anyayahan sa aktibidad sa eskwelahan o sa Simbahan ang isang taong nangangailangan ng kaibigan.
-
Kausapin—nang may kabaitan at tiyaga—ang mga taong sinasadyang iparamdam sa iba na hindi sila kabilang.
-
Umupo sa tabi ng isang taong nag-iisa o anyayahan siya na maupo sa tabi ninyo ng mga kaibigan mo.
-
Manalangin sa Ama sa Langit kapag hindi mo alam kung paano tulungan ang isang tao. Lubos Niyang alam kung ano ang kailangan ng taong iyon para maging masaya at matutulungan ka na maibigay ang tulong na iyon.