Ano ang Pinakamahalaga sa Akin?
Eleonora Sonnellini, Trieste, Italy
Noong nasa kalagitnaan na ako ng ikatlong taon sa kolehiyo, natanto ko na ang perang naipon kong pambayad ng upa sa bahay at buwanang gastusin ay hindi sasapat sa buong tag-init. Iyon ang panahon ng taon na puwede akong makapagtrabaho para may panustos sa susunod na semestre. Nakakita ako ng part-time job bilang shop assistant.
Maayos na sana ang lahat pero nabago ang iskedyul at kinailangang pumasok ako sa trabaho kahit Linggo. Noong ininterbyu ako para sa trabaho, wala akong sinabing anuman tungkol sa hindi pagtatrabaho tuwing Linggo dahil sarado naman ang tindahang iyon sa ganoong araw. Gayon pa man, mahalaga sa akin ang trabaho, at gusto ko ang ginagawa ko. May kaibigan ako na kasamahan ko sa trabaho, at puwede kaming magsalitan ng pagpasok para may tig-dalawang Linggo kami na walang pasok. Dahil dito nakakapagsimba ako kahit paano at nagagampanan ang tungkulin ko sa Simbahan.
Kaya lang, di nagtagal natanto ko na hindi ko kakayanin ang ganitong iskedyul. Talagang sa pakiramdam ko hindi ko magagawa ang mga responsibilidad ko sa araw ng Linggo kahit hindi ako nagtatrabaho tuwing Linggo. Nag-isip na ako ng dapat gawin para mabago ang sitwasyong ito. Matapos kong ipagdasal kung paano mapapalambot ang puso ng mga supervisor ko, binasa ko ang 1 Nephi 7. Naalala ko na nabasa ko sa talata 19, na matapos manalangin si Nephi, napalambot ang mga puso ng kanyang mga kapatid. Sa huli, nakaya kong kausapin ang employer ko tungkol sa hindi pagtatrabaho tuwing Linggo.
Sinabi ko sa mga superior ko na ako ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at tinanong nila ako kung ano ang pinaniniwalaan ng mga LDS. Nang ipakiusap ko kung puwedeng mag-off ako sa trabaho kapag Linggo, hindi sila pumayag. Ipinaliwanag nila na noong ininterbyu ako, sinabi ko na maaari akong magtrabaho kahit anong araw at wala akong binanggit na kailangan sa relihiyon.
Lumipas ang ilang buwan nang walang anumang pagbabago hanggang sa sumapit ang isang araw ng Linggo na nagmadali akong umalis sa Simbahan para magtrabaho. Tinanong ko ang sarili ko, “Ano ba ang pinakamahalaga sa iyo?” Mabilis at malinaw na dumating ang sagot: ang Simbahan, ang ebanghelyo, pagganap sa tungkulin, buong pusong pakikibahagi sa mga miting tuwing Linggo, at pagiging disipulo sa salita at gawa.
Nagpasiya ako na makikiusap akong muli na huwag akong papasukin nang Linggo, pero ngayon gagawin ko ito na may hawak na resignation letter, sakaling hindi nila ako payagan sa ikalawang pagkakataon.
Nagdasal ako, nag-ayuno, at nakatanggap ng mga suportang text message mula sa mga kaibigan ko.
Habang iniinterbyu, kahit kumakabog ang dibdib ko, ay kalmado ako dahil alam kong tama ang ginagawa ko. Sa pagkakataong ito, pumayag ang aking supervisor. Nasagot ang panalangin ko. Pinunit ko ang aking letter of resignation pagkauwi ko.
Marami akong natanggap na biyaya mula sa karanasang ito, pero ang biyaya na kaagad na dumating at naramdaman ko ay na hindi ako nawalan ng trabaho at nagawa ko pa ring mapanatiling banal ang araw ng Sabbath. Dahil dito lubos akong nagpapasalamat sa Panginoon.