Come, Follow Me [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin]: Pagtuturo ng mga Pangunahing Alituntunin sa Tahanan
Bahagi 2
Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Sa pagtulad sa halimbawa ng mga miyembrong ito, maituturo din ninyo ang mga alituntunin sa kurikulum ng mga kabataan sa inyong tahanan.
Tulad ng paulit-ulit na itinuro ng mga propeta, “Ang tagumpay ng bawat isa sa atin at ng buong Simbahan ay nakabatay sa kung gaano tayo katapat na nakatuon sa pamumuhay ng ebanghelyo sa tahanan.”1
Ang pamumuhay sa ebanghelyo ang pinakamagandang paraan para matutuhan at maituro ang ebanghelyo. Kapag ipinamuhay natin ang mga alituntuning ito ng doktrina, mas mapapalapit tayo at ang ating pamilya sa Espiritu. Sa tulong ng Espiritu, matututuhan at maituturo nating mabuti ang mga alituntuning ito. Papatnubayan tayo sa pinakamabibisang paraan ng pag-aaral para sa ating mga pangangailangan at sitwasyon at, kasama ang ating pamilya, mas mapapalapit tayo sa Tagapagligtas.
Hulyo: Mga Ordenansa at Tipan
Ang mga ordenansa ng priesthood at mga sagradong tipan—mga pangakong ginagawa natin sa Ama sa Langit—ay naghahatid ng malalaking pagpapala sa ating buhay. Ang isang paraan para maunawaan ang layunin ng mga ordenansa ay isipin ang mga ito bilang mahahalagang hakbang sa landas pabalik sa piling ng Ama sa Langit—ang buhay na walang hanggan. Nananatili tayo sa landas na iyan sa pamamagitan ng pagtupad ng mga tipang nagawa natin.
Halimbawa, inilarawan ng isang dalagita kung paano siya nananatili sa landas ng tipan: “Minsan may kaklase ako na humingi ng tulong sa akin. Hindi ko ito gaanong pinag-isipan, basta tinulungan ko lang siya. Pero pagkatapos niyon, ipinaalala sa akin ng Espiritu na sa pagtulong sa mga pasanin niya, tinupad ko ang mga tipang ginawa ko noong mabinyagan ako (tingnan sa Mosias 18:8–10). Nagpapasalamat ako sa mga pagkakataong ibinibigay sa akin ng Ama sa Langit araw-araw na magpasiyang tumahak sa landas ng tipan.”
Bilang pamilya, maaari ninyong matukoy ang mga ordenansang kailangan pang matanggap ng bawat miyembro at saka ninyo suriin kung gaano kahusay ninyong natutupad ang mga tipang nagawa ninyo. Halimbawa, ano ang ipinapakita ng paghahanda ninyo sa pagtanggap ng ordenansa ng sakramento kada linggo tungkol sa katapatan ninyo sa inyong mga tipan? Matuturuan kayo ng Espiritu Santo na mas matupad pa ang inyong mga tipan.
Agosto: Pag-aasawa at Pamilya
Ang pag-aasawa at pamilya ay mahalaga sa ating kaligayahan at sa plano ng Ama sa Langit para sa ating kaligtasan. Ang pamilya ang pangunahing organisasyon sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.
Ang pagtuturo sa inyong mga anak tungkol sa pag-aasawa at pamilya ay kasindali ng pagbabahagi ng personal na karanasan. Ibinahagi ng isang dalaga kung paano niya napahalagahan ang kanyang pagbubuklod sa templo:
“Naaalala ko na nakaupo akong mag-isa sa silid-selestiyal sa templo. Nag-aalala ako noon, na hindi alam kung mabubuklod ako sa templo sa araw na iyon dahil sa isang di-pagkakaintindihan tungkol sa mga recommend na kailangan ng nobyo ko.
“Nagsimula akong magdasal nang taimtim na tulutan kami ng Panginoon na mabuklod sa Kanyang templo sa araw na iyon. Nang gawin ko ito, may pumasok sa isip ko: Bagama’t nag-iisa ka sa silid-selestiyal, ang kahariang selestiyal ay selestiyal dahil hindi ka mag-iisa. Makakasama mo ang iyong walang-hanggang pamilya at ang iyong pamilya sa langit. Kaya ka ibubuklod.
“Makalipas ang apatnapung minuto at ilang pagtawag sa telepono, nabuklod kaming mag-asawa. Napuspos ako ng pasasalamat at kapanatagan. Ang ordenansa ay naging mas makahulugan sa akin dahil bubuo kami ng selestiyal na buhay sa piling ng Diyos kung saan hindi kami mag-iisa kailanman.”
Anong mga karanasaan ang naituro ninyo tungkol sa tungkulin ng pag-aasawa at pamilya sa plano ng Ama sa Langit? Matutulungan kayo ng Espiritu Santo na maalala at maibahagi ang mga angkop na karanasan. Anuman ang sitwasyon ng inyong pamilya, matuturuan kayo ng Espiritu Santo kung paano iangkop ang mga alituntunin ng pag-aasawa at pamilya sa inyong buhay.
Setyembre: Mga Kautusan
Ang mga kautusan ay mga batas at mga bagay na kinakailangang sundin na ibinigay ng isang mapagmahal na Ama sa Langit upang pagpalain ang ating buhay.
Ang isang napakabisang paraan para mapag-aralan ito ay saliksikin ang mga banal na kasulatan upang malaman ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod, tulad ng ginawa ng young adult na ito:
“Kapag pinag-aaralan ko ang isang kautusan, gusto kong basahin ang lahat ng talatang makita ko tungkol dito at inililista ko ang mga pagpapalang ipinangako ng Ama sa Langit kapag sumunod ako. Ang malaman ang iba pa tungkol sa ipinangakong mga pagpapala ay nagpalakas sa aking patotoo na mahal ako ng Ama sa Langit at nais Niya akong pagpalain.”
Para matuto o magturo tungkol sa mga kautusan, maaari ninyong basahin sa inyong mga anak ang lesson 4 sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, pag-aralan ang mga kaukulang talata, at gumawa ng sarili ninyong listahan ng ipinangakong mga pagpapala. Magagamit ninyo ang paraang ito para malaman ang mga pagpapalang may kaugnayan sa alinman sa mga alituntunin ng ebanghelyo.
Oktubre: Pagiging Higit na Katulad ni Cristo
Sa panahon ng ministeryo ni Cristo, iniutos Niya sa atin, “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal” (Mateo 5:48). Nagsisikap tayong maging perpekto kapag sinikap nating magkaroon ng maraming katangian ni Cristo nang paisa-isa at sinikap nating mapagbuti pa ito sa tulong Niya. Isang binatilyo ang nagsimulang magsikap na magkaroon ng kasigasigan.
“Gusto kong magkaroon ng mga katangian ni Cristo, kaya pinag-aralan ko ang mga banal na kasulatan at Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Sa kabanata 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, nabasa ko roon ang mga paraan sa pagtataglay ng mga katangiang tulad ng kay Cristo at ipinasiya kong subukan ito sa katangiang kasigasigan. Una isinulat ko ang sarili kong kahulugan ng kasigasigan at ang mga tanong ko tungkol dito. Pagkatapos ay binasa ko ang iminungkahing mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa kasigasigan at isinulat ko ang mga impresyon at sagot na nahanap ko sa pagbabasa ko. Pagkatapos niyon nagtakda ako ng mithiin na maging mas masigasig sa mga gawain ko sa paaralan at nadama ko na lalo akong nahihikayat at tumatatag kapag nagdarasal ako tuwing gabi para lalong maging masigasig.”
Sa pagsisikap ninyong magkaroon ng mga katangian ni Cristo at ituro ito sa inyong mga anak, matutulungan kayo ng resources ng Simbahan kung saan magsisimula. Sa mga banal na kasulatan palaging makikita ang mga halimbawa ni Cristo, at ang sangguniang tulad ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay nag-aalok ng mga paraan na tutulong sa atin na magkaroon ng mga kagawian sa pag-aaral at pagtatakda ng mga mithiin. Kapag sabay itong ginamit, ang mga banal na kasulatan at iba pang mga sanggunian ay matutulungan tayong ipamuhay ang natututuhan natin upang maging higit na katulad tayo ni Cristo.
Nobyembre: Pag-asa sa Sarili sa Espirituwal at Temporal
Ang ibig sabihin ng pag-asa sa sarili ay paggamit sa ating kalayaang itaguyod ang ating sarili at ating pamilya at paggawa ng lahat para malutas ang sarili nating mga problema. Kapag higit tayong umasa sa sarili, madaragdagan ang kakayahan nating maglingkod sa ating tahanan, Simbahan, at komunidad. Ang isa sa pinakamahuhusay na paraan para maituro ang mga konseptong ito ay sa pagpapakita ng mabuting halimbawa, gaya ng inilarawan ng miyembrong ito:
“Naaalala ko na gumigising nang maaga ang nanay ko araw-araw para mag-aral ng mga banal na kasulatan. Nakita ko kung paano siya nagkaroon ng espirituwal na lakas na nakatulong sa kanya sa mahihirap na panahon. Umaasa siya na susuportahan siya ng sarili niyang ugnayan sa Ama sa Langit. Bukod pa sa kanyang espirituwal na lakas, humanga ako sa kanyang kakayahang pangalagaan ang aming pamilya. Nakita ko siyang mag-budget, magsakripisyo ng sarili niyang gusto, mag-aral, at magpakita ng matinding pagpapakumbaba sa mga paraan na nagbigay sa kanya ng kakayahang tugunan ang mga pangangailangang pinansyal ng aming pamilya at makasama pa rin ng kanyang mga anak sa bahay pagkatapos ng klase. Gusto kong maging matatag na kagaya niya, at labis akong nagpapasalamat sa kanyang halimbawa na nagturo sa akin kung paano ito makamit.”
Paano kayo magiging mas mabuting halimbawa ng masinop na pamumuhay sa inyong mga anak? Kung wala pa kayong gaanong alam tungkol sa ilang aspeto ng pag-asa sa sarili, maaari ninyong anyayahan ang inyong mga anak na magkasama ninyong pag-aralan ito, at iyan mismo ay magiging isang magandang halimbawa.
Disyembre: Pagtatayo ng Kaharian ng Diyos sa mga Huling Araw
“Sinong nakakaalam na kung kaya ka pinasapit sa kaharian ay dahil sa bagay na ito?” (Esther 4:14). Maaari ninyong itanong ito sa inyong sarili at sa inyong mga anak kapag natuklasan ninyo ang inyong mga responsibilidad sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Ang miyembrong ito ay natutong magtiwala sa Panginoon: “Naaalala ko na tinuruan ako ng aking mga magulang mula pa sa pagkabata na palagi naming tanggapin ang mga calling dahil bigay ito ng Panginoon. Noong nasa kolehiyo ako natawag ako bilang Relief Society president. Nabahala ako, pero hindi ko naisip na humindi. Kaya sinimulan ko ang taon na may mahigit 100 kababaihang pangangalagaan, kakaunti ang karanasan, at sumasampalataya na tutulungan ako ng Panginoon. Pagkaraan ng isang taon na-release ako. Kapag naaalala ko ang mga sandali ng mga paghahayag na alam ko mismo ang lesson na ituturo o komentong ibabahagi, o ang maraming beses na ipinagluto ako ng isang tao dahil wala na akong oras na magluto, o ang maraming nakasisiglang mensaheng natanggap ko, sigurado ko na dinagdagan ng Panginoon ang aking mga pagsisikap sa pagtatayo ng kaharian.”
Habang iniisip ninyo at ng inyong mga anak ang mga paraan para maitayo ang kaharian ng Diyos, alalahaning palakasin ang kanilang loob at bigyan sila ng mga pagkakataong maglingkod. Maaari ninyong talakayin ang mga paraan para makapaglingkod sa iba sa mga tungkuling hawak ninyo. Ano ang iba pang mga paraan na makakatulong kayo sa pagsulong ng gawain? Saanman kayo maglingkod, mahalaga ang mga pagsisikap ninyo. Tulad ng sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Magbuhat [kayo] kung saan [kayo] nakatayo.”2