2016
Hindi Habang Ako ang Namumuno!
June 2016


Paglilingkod sa Simbahan

Hindi Habang Ako ang Namumuno!

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Ang susi sa ating tagumpay ay mahalin ang mga kabataang lalaki habang naglilingkod tayo sa kanila.

leader with young men

Malapit ako sa isang pamilya na may isang anak na lalaki sa Young Men. Sa isang aktibidad noong deacon siya, pinagsabihan siya ng isang lider at napahiya siya sa harap ng mga kaibigan niya. Sa dakong huli nang madama niya na siniraan pa siya, tumigil siya sa pagdalo sa mga aktibidad, at naghanap ng mga kaibigan sa labas ng kanyang ward.

Malaki ang naging epekto niyon sa akin. Ipinasiya ko na hindi kailanman mangyayari ang gayon habang ako ang namumuno kung matawag akong tumulong sa young men. Pagkaraan ng dalawang taon tinawag akong maglingkod sa mga deacon.

Sa loob ng ilang buwan natagpuan ko ang aking sarili na pinagsasabihan ang isang binatilyong ayaw sumunod sa mga patakaran.

“Hanggang dito ka lang,” sa huli ay sinabi ko tungkol sa kanyang mga kilos. “Huwag kang lalagpas.”

Lumagpas siya rito, nagkaroon kami ng kaunting pagtatalo, at umalis siya.

Kalaunan, nag-usap kami para lutasin ang hindi namin pagkakaunawaan. Sabi ko, “David, mahal kita at mabuti kang bata, pero hindi ko gusto ang ilang bagay na ginagawa mo. Lider ang turing sa iyo ng ibang binatilyo, at kung makita ka nilang gumagawa ng hindi tama, baka gawin din nila iyon.”

Naayos namin ang aming di-pagkakaunawaan, nadama niyang tanggap siya, at nagtulung-tulong kaming mga lider na bawasan ang ilan sa personal na hamon niya. Nang 14 na taong gulang na siya hiniling niya na iorden ko siyang teacher. Ngayon, pagkaraan ng ilang taon, niyayakap niya ako nang mahigpit tuwing makikita niya ako, at pinasasalamatan niya ang panahong ginugol niya sa Young Men.

Kapag mahal natin ang mga kabataan at nagagalak tayong makasama sila, alam nila iyan. Kaya nga talagang nagpakita kami ng mga counselor ko ng tunay na malasakit sa young men namin. Hindi namin idinaos kailanman ang isang aktibidad nang dahil lang sa iyon ang nakasaad sa aklat, idinaos namin ito dahil alam naming matututo ang young men ng isang kasanayan, lalago, at magkakatuwaan.

Minsan, may isa kaming kabataan na ang mga magulang ay hindi interesado sa programa namin.

“OK lang,” sabi ko sa kanila, “pero ayos lang ba kung dumalo pa rin ang anak mo, matuto, at makisaya?”

Isinama namin siya sa programa namin, at hindi nagtagal sinabi ng kanyang mga magulang na OK lang na makibahagi siya nang lubusan. Nakita nila na natututo at natutuwa ang kanilang anak. Kalaunan ay nag-full-time mission siya. Nakisaya rin ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki at nagmisyon din ito.

Nakita namin ang koneksyon sa pagitan ng mga lider na nagmamalasakit sa isang kabataan at ng kabataang iyon na natututo, lumalago, at kalaunan ay nagmimisyon. Masayang makitang lumalago ang mga kabataan, at nakakatuwang matuto na kasabay nila. Ang susi sa ating tagumpay ay mahalin sila habang naglilingkod tayo sa kanila.