Pagdama sa Diwa ng Templo
Kathy Rossier, California, USA
Nagkaroon ako ng pagkakataong bisitahin ang anak kong si Callie sa Las Vegas, Nevada, USA, kung saan sila lumipat kamakailan ng kanyang asawa at dalawang anak. Sa tanghali ang oras ng simba ng ward ni Callie, kaya nagkaroon kami ng malayang oras sa umaga para maghanda at pag-usapan ang mga gagawin namin pagkatapos magsimba. Dahil hindi pa nakabisita si Callie sa templo, ipinasiya naming pumunta roon at kunan ng mga retrato ang mga bata sa paligid ng templo.
Tulad ng ibang mga templo, ang paligid ng Las Vegas Nevada Temple ay maganda at maayos at may magagandang fountain at mga bulaklak.
Matapos basahin ang kuwento ni Pangulong Thomas S. Monson, gustung-gusto nang dalhin ni Callie ang kanyang mga anak sa templo para mahawakan nila ito (tingnan sa “Paghahanap ng Kapayapaan,” Liahona, Mar. 2004, 5–6). Ang unang ginawa niya ay ipaliwanag ang kasagraduhan at kahalagahan ng templo sa kanyang anak na si Stella.
Naunawaan ito ni Stella tulad ng sinumang tatlong-taong-gulang na bata, at hinikayat namin siyang hawakan ang templo. Kinunan namin ng retrato nang maraming beses si Stella at ang kanyang tatlong-buwang-gulang na kapatid habang nakahawak sa templo.
Nang oras na para umalis, ayaw pa ni Stella. Akala namin alam na namin ang dahilan; natutuwa siya sa lugar na iyon at tulad namin naramdaman din niya ang kapayapaang nadama namin.
Nang maisakay na namin siya sa kotse at nakabitan ng seatbelt, umalis na kami. Lumingon ako, kumaway, at sinabi kay Stella, “Sabihin mo, babay, templo.” Tumingin siya sa templo, kumaway, at nagsabi ng, “Babay, templo. Babay, Lolo.” Hindi ako sigurado kung tama ang dinig ko, ngunit nang tumingin ako kay Callie at nakitang lumuluha siya, alam kong pareho kami ng narinig.
Ang lolo ni Stella—ang aking asawang si Tim—ay namatay apat na taon bago ipinanganak si Stella. Nakita na siya ni Stella sa mga retrato at narinig nang pinag-uusapan siya ng pamilya, ngunit hindi namin siya nabanggit nang araw na iyon.
Nang mamatay si Tim, isa pa lang ang apo namin. Ngayon ay 12 na, at sa tuwing kakargahin ko ang isa sa mga sanggol na iyon na kaaalis pa lang sa piling ng Ama sa Langit, gusto kong itanong, “Nakilala mo ba roon ang lolo mo? Anong payo ang ibinigay niya sa pagpunta mo rito?”
Ang patotoo ko sa kasagraduhan ng templo ay tumibay nang araw na iyon. Hindi man natin maisasama sa loob ng templo ang ating maliliit na anak, maaari naman natin silang dalhin maski sa pintuan lamang ng templo at hayaang hawakan nila ang mga pinto na binubuksan ng karapat-dapat na mga miyembrong pumapasok sa bahay ng Panginoon.