2016
Mga Kampeon ng Sabbath
June 2016


Mga Kampeon ng Sabbath

Ang awtor ay naninirahan sa Washington, USA.

Hindi ko akalain na maraming maaapektuhan sa desisyon naming panatilihing banal ang araw ng Sabbath.

rugby team

Mga larawan sa kagandahang-loob ng Women’s cougar rugby (BYU) at ni Paul Meyers

Nang sabihin ng coach namin sa rugby na ang iskedyul ng laro ng team namin para sa quarterfinal sa pambansang kampeonato ay sa araw ng Linggo, ang tanging naisip ko ay, “Bakit ngayon pa?”

Ang team ko, ang 2010 Brigham Young University women’s rugby team, ay buong season nang naghahanda para sa kampeonato. Inaasam naming makalaro ang team na tumalo sa amin sa tournament noong nakaraang taon. Tiwala ako na mananalo kami—nasa amin ang ilan sa mga pinakamahusay na manlalaro sa bansa. Gusto naming patunayan sa larangan ng rugby na karapat-dapat kaming manalo ng pambansang kampeonato, ngunit may iba palang plano sa amin ang Ama sa Langit.

Paninindigan sa Ating mga Pamantayan

Siniguro sa amin ng mga opisyal ng Tournament na sa araw ng Biyernes at Sabado ang mga laro namin, ngunit dahil sa isang pagkakamali, naiskedyul nang Sabado at Linggo ang mga laro. Nalaman lang namin ang pagkakamali limang araw bago ang tournament, na gaganapin sa Sanford, Florida, USA. Dahil hindi opisyal na team sa BYU ang women’s rugby noong mga panahong iyon, hindi kami ang magdedesisyon kung maglalaro kami o hindi. Pinili naming huwag maglaro. Iisa ang desisyon ng lahat, at walang tumutol.

Ang paglalaro sa araw ng Linggo ay ni hindi na dapat pang isipin. Noon pa man, hindi na ito nakakagulo sa isip ko. Itinuro sa akin ng mga magulang ko na panatilihing banal ang araw ng Sabbath, at sinunod ko ang utos na ito sa buong buhay ko. Ang pagsunod sa mga utos ng Ama sa Langit ay mas mahalaga kaysa maglaro ng rugby.

Ngunit kahit alam namin na tama ang desisyon namin hindi pa rin ito naging madali. Malungkot kami nang lumipad papuntang Florida dahil alam namin na manalo o matalo man kami, sa Sabado lang kami maglalaro.

Pagdating sa Florida, nakatanggap kami ng tawag galing sa isang reporter ng New York Times na gustong magreport tungkol sa amin. Nagulat kami. Hindi namin inakalang may magkakainteres na malaman ang desisyon naming pahalagahan ang Sabbath lalo na ang isang pambansang pahayagan.

Pagsapit ng Biyernes, sa araw na dapat ay naglalaro kami kung hindi sana nagkaroon ng mali sa iskedyul, pumunta kami sa Orlando Florida Temple para mag-proxy sa binyag para sa mga patay. Matapos naming gawin ang mga ordenansa, nagsalita sa amin ang temple president. Kinuha niya ang isang artikulong isinulat tungkol sa amin at binasa ang ilan sa mga komentaryo ng mga mambabasa na naka-post online na sumasang-ayon sa desisyon namin.

Kalaunan binasa ng coach namin ang mga karagdagang komentaryong natanggap niya. Pinasalamatan kami ng mga Latter-day Saint at ng iba pang mga tao at sinabi sa amin na nakakatuwang makakita ng mga taong pinaninindigan ang mga pamantayan nila. Pinasaya kami ng mga sinabi nila. Noon namin natanto ang impluwensyang maibibigay namin kahit hindi kami naging mga pambansang kampeon.

Alam ko na alam ng Ama sa Langit ang tungkol sa amin, ngunit hindi ko inakala na may iba pang sumusubaybay sa nangyayari sa amin. Dahil sa naging resulta ng aming desisyon nagkaroon ng ibang dahilan ang pagpunta namin sa Florida: hindi kami pumunta roon para manalo, kundi upang panindigan ang aming mga pamantayan.

Mas Magandang Landas

Sumapit ang Sabado, at nanalo kami sa iskor na 46–7. Pagkatapos ay nilapitan namin ang mga opisyal at sinabi sa kanila na ipinatatalo na namin ang laro namin sa araw ng Linggo—na ang nakaiskedyul na kalaban namin ay ang team na tumalo sa amin noong nakaraang taon. Ikinalungkot ko na natapos ang season namin sa ganitong paraan. Gusto ko talagang makalaro ang team na ito, ngunit hindi ko sila gustong makalaro, o ang sinuman, sa araw ng Sabbath.

Napakaraming artikulo ang isinulat tungkol sa amin, at patuloy kaming nakatanggap ng sulat at email na nagpapahayag ng suporta. Dahil nanindigan kami sa aming mga pamantayan, mas marami kaming naantig na mga tao kaysa kung napanalunan namin ang kampeonato.

Natutuhan kong magtiwala na aakayin ako ng Ama sa Langit sa mas magandang landas kaysa iniisip ko para sa aking sarili. Gustong patunayan ng team ko na karapat-dapat kaming maging mga kampeon, ngunit napagtanto ko na nais ng Ama sa Langit na lubusang maiba ang landas na tatahakin namin. Ibinigay Niya sa amin ang pagkakataong maging halimbawa sa panahong inakala namin na walang nagmamasid sa amin, at naging kasangkapan Niya kami sa paggawa ng mabuti nang piliin naming sumunod.