2016
Talaga Bang Sulit Ito?
June 2016


Talaga Bang Sulit Ito?

Brandon Comstock, Utah, USA

Buong pagmamalaking ipinakita ng apat-na-taong-gulang na anak naming si Coleton ang isang papel na ibinigay sa kanya ng kanyang guro sa Primary na nagdedetalye ng kanyang partisipasyon sa magaganap na Primary program. Ang trabaho namin ay ituro sa kanya ang anim na salitang sasabihin niya bago ang pagtatanghal ng programa pagkaraan ng dalawang linggo.

Pagsapit ng Lunes ng gabi ginamit namin ang aming family home evening sa pagpapraktis. Nakangiting sinubukang magpraktis ni Coleton nang maraming beses, at nagbigay kaming mag-asawa ng feedback na tulad ng, “Huwag mong lokohin ang pagsasalita” at “Linawin mo ang pagsasalita mo.”

Sa kabila ng lahat ng pagsisikap namin, kahit ako ay hindi sigurado kung mas mahusay na ang ginagawa namin kaysa noong magsimula kami.

Ang paghahanda namin sa pagsisimba nang sumunod na Linggo ng umaga ay sinabayan ng nawawalang dalawang medyas, isang walong-buwang sanggol na tinutubuan ng ngipin, at isang umiiyak na apat-na-taong-gulang na bata.

Nang magsimula na ang pulong, bago pa natapos ang pambungad na himno nakadalawang punta na ako sa pasilyo karga ang umiiyak kong anak. Nang tumayo na ang koro para kumanta, halos mawalan ako na pag-asa na magkakaroon pa ng kasiya-siyang karanasan ang pamilya ko at sa halip ay umasa na lang ako na makatagal kami hanggang sa matapos ang pulong.

Nang sambitin ang huling amen, napabuntong-hininga ako. Ngunit habang natutuwa ako na natapos namin ang pulong, hindi ko maiwasang isiping, “Talaga bang sulit ito? Natututo ba ang mga anak namin sa pagdadala namin sa kanila sa simbahan linggu-linggo?”

Naisip ko ang mga salita ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabi niya: “May mga pagkakataong galit na kami ni Sister Bednar dahil ang mabubuting kaugaliang pinaghirapan naming ituro ay tila hindi agad nagbunga ng espirituwal na resultang gusto at inasahan namin. …

“Akala namin ni Sister Bednar ang matulungan ang aming mga anak na maunawaan ang nilalaman ng isang partikular na leksyon o isang talata sa banal na kasulatan ang pinakamahalagang nangyari. Ngunit ang gayong resulta ay hindi nagaganap tuwing mag-aaral o magdarasal kami nang sama-sama. Ang palagian naming layon at gawain marahil ang pinakamagandang leksyon—isang leksyong hindi namin lubos na pinahalagahan noon” (“Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2009, 19).

May ibayong tiwala, umuwi ako at nagpatuloy kaming magpraktis nang paulit-ulit ng aking anak. Nang dumating ang sandaling magsasalita na siya, sabik naming pinakinggan ang malinaw at tiwala niyang pahayag, “Si Jesucristo ang Anak ng Diyos.”

Maraming beses na naming narinig ang linyang iyan bago ang pagtatanghal, pero ang marinig siyang sambitin ito nang wala sa bahay, na siya lang mag-isa, ay kakaiba at mas nakasisiya.

Marami pa kaming gagawing pagtuturo sa aming munting anak bago siya magbinata, ngunit patuloy naming gagawin ang aming makakaya para makadalo sa mga pulong, makapag-family home evening, at magdasal araw-araw na umaasang balang-araw kapag wala na siya sa bahay at nagsasarili, maaalala niyang muli ang napakahalagang linyang iyon: “Si Jesucristo ang Anak ng Diyos.”