MULA SA Mission Field
Isang Taong Nagsusumamo
Ang awtor ay naninirahan sa Missouri, USA.
Mukha siyang masungit at mahirap kausapin. Medyo takot ako, pero gusto ko talaga siyang makausap.
Nakapaglingkod ako bilang missionary sa Catania, Italy. Minsan naranasan namin ng kompanyon ko ang isang mahirap na yugto sa aming gawain. Isang linggo ang lumipas na parang walang nangyaring maganda, at sa bawat araw hindi na namin alam kung kaya pa ba naming manatiling masigla, ngumiti, at patuloy na magpursige.
Isang gabi, determinado kaming baguhin ang takbo ng mga pangyayari. Naglibut-libot kami at kinausap ang mga tao sa parke na malapit sa bahay namin, at nakita namin ang lalaking ito na nakaupo sa bangko na nakayuko at nagsisigarilyo. Kulay itim ang lahat ng suot niya at makapal ang jacket na may hood na nakatalukbong sa kanya. Mukha siyang masungit at mahirap kausapin. Tiningnan ko siya, tiningnan din siya ng kompanyon ko, nagtinginan kami, at tumingin muli sa kanya.
Tinanong ako ni Elder Farley, “Nakausap na ba natin siya dati?”
“Palagay ko oo, kasi parang kilala ko siya,” sagot ko.
“Ako rin parang pamilyar siya sa akin,” sabi ni Elder Farley.
Kaya nilapitan na namin siya. Natatakot ako dahil hindi siya ang tipo ng tao na karaniwang kakausapin ko, ngunit parang may nagtutulak sa akin na kausapin siya.
“Magandang gabi po, kumusta kayo?” tanong namin.
Tumingin siya na nakakunot ang noo, na parang sinasabing, “Sino ba itong mga istorbong ito!?” Pagkatapos ay mahina siyang sumagot ng, “Magandang gabi.” Nagpakilala kami na mga missionary kami, at mabilis niyang sinabi sa amin na hindi siya naniniwala sa Diyos at sa anumang bagay. Tinanong namin kung bakit, na palagay ko ay ikinagulat niya.
“Dahil nawalan ako ng ina, ama, kapatid at ng pamangkin sa loob lang ng isang buwan, at dahil diyan napakadesperado na ng buhay ko. Walang ibang nagawa ang relihiyon kundi gawing miserable ang buhay ko.”
Tinanong namin kung alam ba niya kung nasaan ang mga mahal niya sa buhay.
“Nasa Catania cemetery, kung saan matagal na silang nakalibing,” sagot niya.
Ipinaliwanag namin sa kanya ang daigdig ng mga espiritu at ang Pagkabuhay na Mag-uli. Sinabi namin sa kanya na sa ngayon magkasama ang espiritu at katawan natin, at ang kamatayan ay pansamantalang paghihiwalay lamang ng espiritu at ng katawan. Sinabi namin sa kanya na naghihintay lamang ang kanyang pamilya hanggang sa magkasamang muli ang kanilang mga katawan at espiritu at mabubuhay nang magkakasama nang walang hanggan.
Tumingin siya sa amin, na nagugulumihanan, at sinabing, “Hindi ko maunawaan iyan. Pakiulit nga ninyo ang lahat ng sinabi ninyo?”
Kaya inulit namin lahat. Pagkatapos ay napataas ang kilay niya na naguguluhan, at sinabing, “Sandali, espiritu at katawan ako? At ang pamilya ko ay naghihintay lang sa akin at tinuturuan ngayon?”
Binasahan namin siya ng ilang talata mula sa Alma 40 at sa iba pang mga kabanata, at tiningnan niya kami at tinanong, “Bakit ngayon ko lang narinig ito?”
Wala pa yata akong nakilalang tao na talagang mas mapagpakumbaba pa sa taong ito. Ang taong ito ay matagal nang naliligaw, nalilito, at nalulungkot. Tinanggap niya lahat ang sinabi namin, at sinabi niya sa amin na hindi niya ito lubos na nauunawaan dahil noon pa lang niya narinig ang tungkol dito, pero gusto niya ang lahat ng ito.
Itinuro namin sa kanya kung paano tayo makakatanggap ng sagot sa pamamagitan ng panalangin. Mahigit 30 taon na siyang hindi nagdarasal, at ang huling pagkakataon na nagdasal siya ay noong maliit pa siya. Matapos naming pag-usapan ang tungkol sa mga sagot mula sa Espiritu, itinanong niya kung ano ang pakiramdam ng madama ang Espiritu. Dahil iba-iba ang karanasan namin, pareho kaming nagbahagi ng kompanyon ko kung paano namin ito nararamdaman. Sinabi ko sa kanya na para itong yakap mula sa inang matagal mo nang hindi nakikita. Naganyak akong mangako sa kanya na maaari din niyang maramdaman ang bagay na iyon, isang yakap ng kanyang ina na napakatagal nang nawalay sa kanya.
Tinanong namin kung maaari ba namin siyang makasamang magdasal. Nagtataka pa rin siyang nagtanong, “Ngayon na? Dito, sa parke?”
“Puwede tayong magdasal kahit kailan, kahit saan natin gusto,” sabi ko sa kanya. “Gusto ng Diyos na kausapin natin Siya, lalo na ikaw dahil napakatagal na panahon nang hindi mo Siya kinakausap.”
Noon pa lang siya nakarinig ng panalangin na hindi kinabisado at inialay sa isang santo, kaya gustung-gusto niyang malaman kung gaano ito kabisa. Nagsiyuko kami, at ang kompanyon ko ang nagdasal para sa aming bagong kaibigan, si Alfio, at hiniling na basbasan, tulungan, at panatagin siya. Hiniling niya na maramdaman ni Alfio na maayos ang kalagayan ng kanyang pamilya at na totoong may Diyos. Natapos ang panalangin, at nanlalaki ang mga mata sa pagkamangha na tiningnan kami ni Alfio.
“Dapat ko itong sabihin sa inyo,” sabi niya. “Hindi ako sinungaling na tao, lalo na sa bagay na tulad nito. Naramdaman kong niyakap ako nang mahigpit ng aking ina. Matagal nang walang yumayakap sa akin. Napakasarap sa pakiramdam ng yakap na iyon. Gusto kong malaman kung paano ko mararamdaman ulit iyon, dahil gusto kong makaramdam pa ng yakap na tulad niyon.”
Kinabukasan nagkita kaming muli. Umupo sa tabi namin si Alfio sa dating inupuan niya at sinabi, “Elders, sa buong buhay ko naglalakad ako nang nakatalukbong at nakayuko, nakatitig sa lupa. Hindi pa ako naglakad nang hindi nakayuko. Mula nang magdasal tayo, lumalakad na ako nang hindi nakayuko, at pinagmamasdan ang lahat. Maganda ang mundong ito.”
Tulad nang inaasahan, patuloy naming tinulungan si Alfio na makadama ng mas maraming yakap, mas makakita ng liwanag, at mas lumigaya sa buhay. Ang nakakatakot na lalaki sa upuan na parang magagalit sa amin ay isa palang tao na nagsusumamo, naghahangad na madamang muli ang pagmamahal ng Kanyang Ama sa Langit.