Pitong Magigiliw na Himala sa Landas
Ang awtor ay naninirahan sa Nevada, USA.
Pinagpala ng Panginoon ang buhay ko ng mga himala na nakatulong sa akin na sundan ang landas na inilaan Niya para sa akin.
Habang nagtuturo at naglilingkod sa maraming mababait na tao sa Texas Fort Worth Mission, madalas kong pagnilayan ang pinagpala kong buhay. Namangha ako lalo na sa pito sa mga karanasan ko, na itinuturing kong mga himala.
Una, nakaraos ako sa mga unang taon ng buhay ko, na nagsimula sa napakaabang sitwasyon. Isinilang ako sa sahig na lupa sa kubo ng aking ina sa Dessie, Ethiopia. Si Inay lang ang kamag-anak na kilala ko, at itinayo niyang mag-isa ang aming walong-talampakan (2.4 m) na kubo na hugis-simboryo, gamit ang mga patpat at putik na tinakpan niya ng mga damo at dahon. Walang tubig na dumadaloy at walang mga banyo sa aming komunidad. Laganap ang sakit at kamatayan sa aming kebele, o komunidad. Mahirap humanap ng pagkain at imposible kaming makabili. Walang araw na hindi kami nagutom ni Inay.
Noong apat na taong gulang ako, nagkasakit nang malubha si Inay. Sa kaunting lakas na natira sa kanya, sinikap naming makarating sa isang ospital, kung saan namatay ang aking pinakamamahal at pagod na ina. Iniligtas ako ng mga kawani ng ospital mula sa paggala sa lansangan at pagkamatay sa gutom sa paglalagay sa akin sa isang bahay-ampunan sa lungsod ng Addis Ababa, ang kabisera ng Ethiopia.
Ang ikalawang himala ay nangyari nang lubhang magbago ang buhay ko. Sa bahay-ampunang iyon, nanirahan ako sa isang malinis na gusali, natulog sa totoong kama, at kumain ng lahat ng pagkaing gusto ko. Naranasan din ng iba pang mga ulila ang mawalan ng isang mahal sa buhay, at itinuro nila sa akin kung paano kayanin ang pagkawala ng aking ina. Gabi-gabi nagtipon kami para kumanta ng mga awitin sa Ingles at magdasal sa wikang Amharic, ang katutubo naming wika. Ipinagdasal namin ang isa’t isa at hiniling sa Diyos na pagpalain kaming maampon ng “mabubuti, mababait, at mapagmahal na pamilya.” Ang musika at mga panalangin ay kapwa malaki ang naging epekto sa buhay ko. Hindi ako huminto sa pagdarasal kailanman.
Ikatlo, ipinakilala ako sa mga missionary at sa Simbahan noong walong taong gulang ako. Inanyayahan ako sa paglalaan ng unang gusali ng Simbahang LDS sa Ethiopia noong araw ng Linggo, Nobyembre 30, 2003. Sa paglalaan nakadama ako ng napakalakas na impluwensya ng Banal na Espiritu, at nabanaag ko sa mga missionary na naroon ang kagalakan, kaligayahan, at ang malakas na impluwensya ring iyon. Naaalala ko na gusto kong maging katulad nila. Pero wala akong ideya kung paano ko makakamtan ang mithiing ito.
Ang ikaapat na himala ay sumunod kaagad. Isang pamilya sa Estados Unidos ang umampon sa akin. Sinundo ako ng bago kong ama sa bahay-ampunan at iniuwi ako. Sinimulan naming kilalanin ang isa’t isa, at nanirahan na ako sa bago kong tahanan.
Agad lumitaw ang maraming pagsubok pagdating ko. Saanman ako magpunta pinagtatawanan ng mga tao ang pagsasalita ko ng Ingles. Ang limitadong kaalaman ko ay naging problema sa eskuwela. Humingi ako ng tulong sa panalangin, at pagkatapos ay lalo pa akong nagsikap at nag-aral para higit akong matuto, lalo na sa Ingles. Muling sinagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin ko. Makalipas ang dalawang taon ipinagmamalaki kong nilaktawan ko ang isang grado.
Pagkatapos ay nagkaroon ng problema sa pamilya. Ang mga panalangin sa Panginoon, matatayog na mithiin para sa sarili, at matinding hangaring magtagumpay ang tumulong sa akin na malagpasan ang mahirap na panahong iyon. Sa huli, sa tulong ng isang social worker, nagkasundo kami ng aking ama na wakasan na ang pag-ampon sa akin. Panahon ito para manalangin, magtiis, manampalataya, at humingi ng tulong sa Ama sa Langit.
Ako ay 15 taong gulang na noon, nanirahan ako sa isang pamilyang kumandili sa akin nang isang taon. Noon dumating ang ikalimang himala. Habang sakay ng sleigh kasama ang dalawang kaibigan, nakilala ko ang isang pamilyang LDS na may dalawang mababait na anak na babae. Habang papauwi, sinabi ng isa sa mga anak, “Palagay ko po nais ng Panginoon na ampunin natin si Ephrem Smith.” Ang nakamamangha, gayon din ang natanggap na inspirasyon ng tatlo pang miyembro ng pamilya. Ang ama ay nagtatrabaho sa Department of Social Services, at hindi nagtagal ay lumipat ako sa bago kong tahanan. Sa simula pa lamang binigyan na ako ng kalayaan ng aking bago at kahanga-hangang ama. Halimbawa, ipinaliwanag niya na nagsisimba ang pamilya nila tuwing Linggo. Hinayaan niya akong magpasiya kung sasama ako sa kanila o mananatili ako sa bahay; sabi niya mamahalin pa rin nila ako kahit ipasiya kong hindi magsimba. Ipinasiya kong magsimba, at simula noon ay marami na akong nagawang mabubuting desisyon.
Ang ikaanim na himala ay nangyari nang magkaroon ako ng patotoo sa ebanghelyo. Isang araw ng Linggo naupo ako sa sacrament meeting at kumanta ng “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115). Nagsimulang pumatak ang malalaking luha sa aking mga pisngi nang makatanggap ako ng personal na patotoo na si Jesus ang Cristo at na ang Simbahan ay Kanyang Simbahan.
Sa wakas, pagkaraan ng siyam na taon, nalaman ko kung paano maging katulad ng mga missionary na iyon! Ang edad para magmisyon ay 18 na, at hindi pa naaayos ang pag-ampon sa akin. Naghintay pa ako nang pitong mahahabang buwan hanggang sa maayos ang pag-ampon sa akin. Sa wakas, maipapasa na ang mga papeles ko para sa misyon. Pagkaraan ng apat na araw natanggap ko ang mission call ko. Sa loob lamang ng isang linggo pinagpala ako ng Panginoon na maayos ang mga papeles sa pag-ampon sa akin at dumating ang mission call ko. Napakahalaga sa akin ng dalawang papeles na ito! Ang mga ito ang ikapito kong himala! Oo, totoong maraming himalang nangyari mula sa kubong yari sa putik sa Ethiopia hangang sa napakahalaga kong pagmimisyon.