2016
Mga Dapat Tandaan sa Pagbabahagi ng Patotoo
June 2016


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Mga Dapat Tandaan sa Pagbabahagi ng Patotoo

Mula sa “President Kimball Speaks Out on Testimony,” New Era, Ago. 1981, 4–7; ang pagsulat ng malalaking titik ay iniayon sa pamantayan.

Kapag ibinabahagi ninyo ang inyong patotoo, lumalakas ito.

bearing testimony

Bawat kaluluwa sa mundong ito ay maaaring tumanggap ng paghahayag, na katulad ng kay Pedro [tingnan sa Mateo 16:13–17]. Ang paghahayag na iyon ay magiging patotoo, isang kaalaman na buhay si Cristo, na si Jesucristo ang Manunubos ng mundong ito. Bawat kaluluwa ay makatitiyak dito, at kapag natamo niya ang patotoong ito, ito ay nanggaling sa Diyos at hindi lamang sa pag-aaral. Mahalagang elemento ang pag-aaral, siyempre, pero kailangan itong lakipan ng labis na pagdarasal at pagsisikap, at saka darating ang paghahayag na ito. …

Kasama ang mga pulong-patotoo sa pinakamaiinam na miting sa ward sa buong buwan, kung taglay ninyo ang Espiritu. Kung naiinip ka sa pulong-patotoo, ikaw ang may problema, at hindi ang ibang tao. Maaari kayong tumayo at magpatotoo at isiping ito ang pinakamainam na miting sa buong buwan, pero kung uupo lang kayo at magbibilang ng mga mali sa pagsasalita at pagtatawanan ang taong hindi makapagsalita nang maayos, maiinip nga kayo, at dahil diyan aalis na kayo sa Simbahan. …

Bawat buwan ay pinupulong ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ang lahat ng General Authority sa templo. Nagpapatotoo sila at nagsasabihan kung gaano nila kamahal ang isa’t isa na gaya ninyong lahat. Bakit kailangan ng mga General Authority ang pulong-patotoo? Kapareho rin ng pangangailangan ninyo sa pulong-patotoo. Akala ba ninyo ay tatagal kayo nang tatlo, at anim, at siyam, at labindalawang buwan nang hindi nagpapatotoo at mapanatili pa rin itong malakas?

Takot na takot gumamit ng karaniwang mga salita ang ilang mabubuting miyembro natin kaya pilit nilang tinatalakay ang ibang bagay para maiwasang ipahayag ang kanilang patotoo. Huwag mag-alala sa kasimplehan ng patotoo. Kapag nagpapatotoo ang Pangulo ng Simbahan, sinasabi niyang, “Alam ko na si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos, isang banal na kinatawan. Alam ko na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos.” Kita na ninyo, iyon din ang sinasabi ninyong lahat. Ganyan ang isang patotoo. …

Ang patotoo ay hindi isang payo; ang patotoo ay hindi isang sermon (walang sinuman sa inyo ang naroon para payuhan ang iba); hindi ito isang kuwento ng paglalakbay. Naroon kayo para ipahayag ang sarili ninyong patotoo. Kamangha-mangha ang masasabi ninyo sa 60 segundong patotoo, o 120, o 240, o ilang minuto man ang ibigay sa inyo, kung puro patotoo lang ang sasabihin ninyo. Gusto naming malaman ang inyong nadarama. Talaga bang mahal ninyo ang gawain? Maligaya ba kayo sa inyong gawain? Mahal ba ninyo ang Panginoon? Nagagalak ba kayong maging miyembro ng Simbahan?

… Huwag kayong paupo-upo lang diyan sa pulong-ayuno at dayain ang inyong sarili at sabihing, “Palagay ko hindi ako magpapatotoo ngayon. Hindi yata makatarungan iyon sa iba pang mga miyembrong ito dahil napakarami kong naging oportunidad.” Magpatotoo kayo. At sapat na ang isang minuto para magpatotoo.

May patotoo kayo! Kailangan itong patatagin at pasiglahin at palaguin, siyempre; at iyan nga ang ginagawa ninyo. Kapag ibinabahagi ninyo ang inyong patotoo, lumalakas ito.