Elder Gary E. Stevenson: Isang Maunawaing Puso
Noong mga 11 taong gulang si Gary Stevenson, isinama siya ng kanyang ama na mag-hiking. “Palundag-lundag ako sa mga bato sa harapan ng tatay ko,” paggunita niya. “Binalak kong akyatin ang isang malaking bato at tumingin sa ibaba. Habang paakyat ako sa tuktok ng malaking bato, sinunggaban niya ako sa sinturon ko at hinila ako pababa.
“‘Bakit po?’ tanong ko, at sumagot siya, ‘Huwag kang umakyat sa batong iyan. Manatili lang tayo sa daanan.’ Ilang sandali pa nang tumingin kami sa ibaba mula sa bandang itaas ng daanan, nakita namin ang isang rattlesnake sa tuktok ng malaking bato, na nagpapaaraw.
“‘Kaya kita hinila pababa,’ sabi ni Itay.
“Kalaunan habang pauwi kami sakay ng kotse, alam kong hinihintay niyang itanong ko na: ‘Paano po ninyo nalaman na may ahas doon?’ Sabi niya, ‘Tuturuan kita tungkol sa Espiritu Santo.’ Nagkaroon kami ng biglaang lesson tungkol sa tungkuling maaaring gampanan ng Espiritu Santo sa ating buhay: nagpoprotekta, umaaliw, at nagpapatotoo. ‘Sa pagkakataong ito,’ sabi ni Itay, ‘pinrotektahan ka ng Espiritu Santo sa pamamagitan ko. Sinabihan niya ako na hilahin ka pababa.’”
Ang karanasang ito, bagama’t simple, ay tumulong kay Elder Stevenson na maunawaan na kapag dumating ang mga pahiwatig ng Espiritu, dapat itong tanggapin at sundin. Isa iyon sa maraming aral na natutuhan niya sa kanyang ama.
Kahanga-hangang Ina, Kahanga-hangang mga Guro
Ayon kay Elder Stevenson, ang kanyang ina ay isang halimbawa ng dalisay na kabutihan: “Nahikayat ako ng mga inaasahan niya sa akin. Sa lahat halos ng ginawa ko lagi kong inisip na, ‘Ayaw kong biguin si Inay.’”
Magkasamang pinagtibay ng kanyang mga magulang ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa family home evening at iba pang mga aktibidad o pagtitipon ng pamilya. “Isinalig nila ang aming tahanan sa mga turo ng ebanghelyo. Ito ang pundasyon ng aming buhay,” wika niya.
Ginabayan din siya ng iba pang kilalang guro. “Naaalala ko sa ilang training namin bilang General Authority na nagmungkahi si Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na maglista kami ng 20 tao na naging maganda ang impluwensya sa aming buhay. Sa palagay ko lahat ay makikinabang sa paggawa nito. Masayang isipin ang lahat ng mabubuting kalalakihan at kababaihang naroon para tulungan ako, lalo na noong kabataan ko.”
Pinatatag ng Pamilya at mga Kaibigan
Si Gary Evan Stevenson ay isinilang noong Agosto 6, 1955, at lumaki sa Logan, Utah, USA. Ang kanyang mga magulang na sina Evan at Jean Hall Stevenson ay may apat na anak. Si Gary ang pangalawang anak at panganay na lalaki.
“Malapit ako sa mga kapatid ko. Inasahan ng ate kong si Debbie na gagawin ko ang tama. Inasahan naman ng nakababata kong mga kapatid na sina Merilee at Doug na magiging mabuti akong halimbawa. Dama naming lahat ang responsibilidad na mamuhay nang matwid at makibahagi sa mga aktibidad ng Simbahan.” Mataas din ang inaasahan ng kanyang mga kamag-anak: “Halimbawa, nang magmisyon ang pinakamatanda kong pinsan, pinirmahan niya ang isang $2 bill at ipinasa iyon sa sumunod na pinsan na naghahandang magmisyon. Ang $2 bill na iyon ay ipinasa-pasa sa 16 na magpipinsan na nagmisyon sa iba’t ibang dako ng mundo, na nagpaalala sa bawat isa na nagkakaisa kami sa paglilingkod sa Panginoon.”
Mabuti rin ang naging impluwensya sa kanya ng mga kaibigang maytaglay ng priesthood. “Maaga kong nalaman sa buhay ko kung ano ang ibig sabihin ng mapabilang sa isang korum, hindi lamang sa araw ng Linggo kundi maging sa komunidad at sa paaralan,” wika niya. “Nadama ko na ako ay may halaga, kabilang, may kapatiran, at paglilingkod.” Ang partikular na naaalala niya ay nang samahan niya ang isang miyembro ng korum na mangolekta ng mga fast offering mula sa isang sister sa ward na hindi na makaalis ng bahay, bulag, at walang gaanong kita. “Sa kabila ng kanyang sitwasyon, palagi siyang may isang nickel [5 cents] o dime [10 cents] na fast offering,” paggunita niya.
Isang Kaloob na Kailangang Pagsumikapan
Nang makatapos ng hayskul at makapag-aral sandali sa Utah State University, tinawag si Elder Stevenson na maglingkod sa Japan Fukuoka Mission. “Nag-alala ako sa pag-aaral ng wikang Hapon. Naragdagan ang pag-aalala ko pagdating ko sa missionary training center.” Ngunit pagkaraan ng anim na linggo, ang taimtim na pagdarasal at masigasig na pag-aaral ay nagpadama sa akin ng kapanatagan na pagpapalain ako ng Panginoon na matuto ng wikang Hapon, ngunit kailangan kong magsumikap nang husto. Itinuro nito sa akin na ang kaloob na makapagsalita ng ibang wika ay parang pananampalataya at paggawa at iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo. Matapos gawin ang lahat ng magagawa mo, pinagkalooban ka ng pagpapala.”
Pagkatapos ng kanyang misyon, nahilig si Elder Stevenson sa kasaysayan ng Simbahan, pag-aaral ng Aklat ni Mormon, at Doktrina at mga Tipan, at pagsasaliksik ng mga journal ng kasaysayan at family history. Naging interesado siya lalo na kay Joseph Smith at sa pamilya nito, sa pamilya Whitmer, kay Oliver Cowdery, at kay Martin Harris. Sinaliksik niya ang pagsasalin at paglalathala ng iba’t ibang edisyon ng Aklat ni Mormon.
Natutuhan niyang muli na ang pananampalataya at kasipagan ay magkasama. “Bawat sagot sa bawat tanong tungkol sa ebanghelyo ay hindi agad na dumarating,” ang payo niya. “Inaasahan ng Panginoon na tayo ay magbabasa, mag-aaral, magninilay, at magdarasal.” At kapag ginawa natin ito nang may pananampalataya at mabuting hangarin, kalaunan ay darating ang matibay na patotoo.”
Sa buong buhay niya, nadama niya na napakapalad niya nang pagturuin siya sa mga kabataan sa mga klase nila sa Sunday School, Gospel Doctrine, at Young Men. Dahil sa mga tungkuling ito, napatotohanan niya ang kanyang matinding damdamin sa katotohanan ng mga banal na kasulatan, isang patotoo na lalo pang pinatibay ng maraming taon ng pag-aaral.
Sa Utah State University, binalikan ni Elder Stevenson ang kanyang pag-aaral ng business administration and marketing. Maraming oras siyang namalagi sa library. “Tuwing papasok ako roon, sinasalubong ako ng isang karatula … na may nakasulat na, ‘Sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa’ [Mga Kawikaan 4:7].” Natimo sa kanyang puso ang talatang ito sa banal na kasulatan at pagkaraan ng ilang taon ay naging tema ito ng isang mensahe niya sa debosyonal sa Brigham Young University.
“Ang pag-unawang ito ay dumarating kapag pinagsama ang pag-aaral at panalangin,” ang paliwanag niya sa mensaheng iyon. “Kapag nagtiwala tayo at umasa sa Panginoon, darating sa puso natin ang mas matinding pag-unawa na nagmumula sa Kanya.”1
Pag-iibigang Nagsimula sa Institute
Sa Old Testament class sa institute of religion, nakilala niya si Lesa Jean Higley, na lumipat sa idaho mula sa California at estudyante na noon sa Utah State. “Hiniling ng guro na gumanap si Lesa bilang Eva at ako bilang si Satanas na tutukso sa kanya. Dahil dito, natagalan akong kumbinsihin siya na magdeyt kami,” paggunita niya nang nakangiti. Nagdeyt sila nang mahigit isang taon at pagkatapos ay ikinasal sa Idaho Falls Idaho Temple noong 1979.
Nagniningning ang mga mata ni Elder Stevenson kapag binabanggit niya si Lesa. Itinuturing niya si Lesa na siyang “nagbibigay-sigla sa buhay ko.”2 Si Sister Stevenson ay nagtapos ng degree sa home economics education, nagturo sa paaralan sa mga unang taon ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa, at palaging nagbabahagi ng kanyang panahon at mga talento sa mga paaralan, civic at community board, organisasyon, at iba pang mga gawain. Gayunman, itinuturing ni Elder Stevenson ang mga talento nito bilang maybahay na kabilang sa pinakamagagandang katangiang bigay ng Diyos dito: “May kakayahan siyang isentro ang aming tahanan sa ebanghelyo, isang ligtas at masayang tahanan kung saan nananahan ang Espiritu.” Ang kakayahang ito, lakip ang isang malalim na pag-unawa na ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa paglilingkod sa iba, ay nagpala sa buhay ng kanyang asawa, kanyang pamilya, at sa maraming nakapaligid sa kanya.
Sina Elder at Sister Stevenson ay may apat na anak na lalaki. “Sama-sama kaming nagtamasa ng lahat ng bagay sa pagdaan ng mga taon,” sabi niya. “Naglaro ng basketball, football, baseball, at tennis ang mga bata. Mahilig kaming lahat sa mga aktibidad sa labas tulad ng four-wheeling, snowmobiling, skiing, snowboarding, at iba’t ibang water sports. Gayunman, naimpluwensyahan din ng kultura ni Lesa ang aming mga anak, kaya nahilig sila sa musika at sining. At para mapaglingkuran ng aming pamilya ang ibang tao, kinailangan niya ang ‘pisikal na lakas’ ng mga bata.”
Pagtatayo ng Negosyo
Nagtayo ng negosyo si Elder Stevenson dahil sa pagmamahal niya sa mga taga-Asia. Pag-uwi niya mula sa misyon, sinimulan niya at ng ilang kaibigan na mag-angkat ng panregalong accessories mula sa Asia. Nauwi ito sa pagbebenta ng mga produktong pampalakas. Sa sumunod na tatlong dekada, lumago ang kanilang maliit na negosyo at naging matagumpay na kumpanya ito na may mahigit 2,500 empleyado.
Naaalala ng isang empleyado ang saloobin ni Elder Stevenson bilang negosyante: “Pinag-uusapan namin noon ang isang mahirap na desisyon para sa negosyo. Sinabi ko sa kanya na kailangan naming tiyakin na legal ang gagawin namin. Sinabi niya sa akin na hindi lang dapat maging legal ang gagawin namin kundi dapat din naming gawin ang tama.”
“Ang pag-ayon sa mabubuting tuntunin sa negosyo ay makakatulong sa negosyo,” sabi ni Elder Stevenson. “Ang integridad, kasipagan, pagkahabag, paggalang sa mga tao—kasabay ng pananagutan—ay hindi mga tuntuning pinag-uusapan at ginagawa lamang tuwing Linggo. Ginagawa ang mga ito araw-araw sa buong linggo.”
Nang lumago ang negosyo, gayon din ang oras na kinailangan niyang iukol dito: “Bata pa akong bishop na may maliliit na anak at pabalik-balik din ako sa Asia taun-taon. Nilapitan ako ng aking ama at sinabi niya, ‘Napansin ko na kapag kasama mo ang pamilya mo, parang hindi ka rin nila talaga kasama. Nangangamba ako na baka ipinahihiwatig nito na kapag nasa trabaho ka, hindi ka lubos na nakatuon doon, at kapag ginagampanan mo ang tungkulin mo bilang bishop, baka inaalala mo ang trabaho o pamilya mo. Kailangan mong balansehin pang maigi ang buhay mo.’”
Nagkaroon ng malaking epekto ang payong ito. Sabi ni Elder Stevenson, “Natutuhan ko na mahalagang panatilihing balanse ang panahon mo sa pamilya, propesyon, at tungkulin sa Simbahan, at tiyakin na napapangalagaan mo rin ang sarili mo.”
Tinawag na Maglingkod—Nang Paulit-ulit
Minsa’y hinikayat ng isang respetadong negosyante si Elder Stevenson na “matuto, kumita, at maglingkod.” Noong 2004 nasubukan ang bahagi ng payong iyon na “maglingkod” nang kapwa paglingkurin si Elder Stevenson at ang matagal na niyang kasosyo sa negosyo na si Scott Watterson bilang mission president. Nadama nila na kailangan nilang ipaliwanag sa maraming stakeholder at kostumer kung bakit nila pansamantalang iiwanan ang kanilang kumpanya. Isa-isa nilang binisita ang mga ito.
“Nang ipaliwanag namin ang aming tungkulin at na maglilingkod kami nang tatlong taon nang walang bayad mula sa Simbahan, iginalang nila iyon,” sabi niya. Iniwanan nila ang kanilang negosyo sa pamamahala ng isang mapagkakatiwalaang executive team, at umunlad ito.
Bilang pangulo ng Japan Nagoya Mission, nadama ni Elder Stevenson na lumalim pa ang pagmamahal niya sa mga taga-Asia. “Itinuturing ko itong pangalawang tahanan ko,” wika niya. Nag-ibayo pa ang pagmamahal niya sa kanyang asawa nang makita niya na unti-unti nitong tinanggap ang kultura ng lugar, tinulungan ang iba pati na ang mga missionary at miyembro, at natutuhang magpatotoo sa wikang Hapon, at patuloy na inalagaan ang dalawang anak nilang kasama nila. May ilang naturuan at nabinyagan dahil sa pagsisikap nitong kaibiganin ang mga nasa paligid niya.
Pitong buwan pa lang silang nakakauwi mula sa kanilang misyon nang paglingkurin si Elder Stevenson sa Unang Korum ng Pitumpu noong 2008.
“Natigilan ako at napakumbaba. Naisip ko, ‘Marami pang ibang makapaglilingkod nang mas mahusay kaysa sa akin.’ Ngunit naisip ko ang mga nakaraang taon—bilang elders quorum president, high councilor, bishop, at counselor sa stake presidency—na nadama ko na hindi pa sapat ang kakayahan kong gawin ang mga ipinagagawa sa akin. Natutuhan ko na bago tayo tawagin, maaaring hindi tayo marapat para dito, ngunit ang pagtawag ay nagpapasimula ng pagkamarapat sa langit.
“Sinasabi sa atin ng isa sa mga paborito kong talata sa banal na kasulatan ang dalawang bagay na dapat nating gawin kapag tinawag tayo: Una, ‘maging matapat.’ Pangalawa, tumayo sa katungkulang itinalaga sa iyo (tingnan sa D at T 81:5). Para sa akin ang kahulugan nito ay manampalataya, alamin ang kailangan, at pagkatapos ay gawin ang lahat para magampanang mabuti ang tungkulin. Kung gagawin natin ito, palalakasin at gagawin tayong karapat-dapat ng Panginoon upang mapagpala ang iba.”
Sa Asia Ulit
Bilang miyembro ng Pitumpu, natalaga si Elder Stevenson bilang counselor sa Area Presidency at pagkatapos ay naging pangulo ng Asia North Area.
Noong Marso 2011, isang lindol at tsunami ang puminsala sa Japan. Ang 9.0-magnitude na lindol ay lumikha ng tsunami na kumitil sa buhay ng 20,000 tao, nagpalikas sa libu-libo, at sumira sa 550,000 kabahayan.
Binisita niya ang apektadong lugar nang maraming beses. “Nang makausap namin ang mga tao, sari-saring emosyon ang nadama namin,” paggunita niya. “Napansin naming lahat na sa kabila ng trahedya at kawalan ay naroon ang pag-asa at pagbangong muli. Paulit-ulit na naantig ang aming puso nang masaksihan namin ang nagpapagaling na balsamo ng pagmamahal ng ating Tagapagligtas.”
Bukod pa riyan, nasaksihan niya mismo kung paano tumutulong ang Simbahan sa mga nangangailangan: “Ang malaman ang gagawin sa oras ng kalamidad at makatulong sa pagpaplano kung paano tutugon—diyan nakita na ginagampanan ng Simbahan ni Jesucristo ang isa mga banal na responsibilidad nito na pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan.” Ipinaliwanag niya na isang sagradong pribilehiyo ang mapaglingkuran ang mga nangangailangan at makita ang iba na ginagawa rin ito: “Nalaman namin ang kabutihan ng sangkatauhan.”
Ang Pamana ng mga Bishop
Ang pag-unawa niya sa pagkahabag ay mas tumimo sa kanyang puso nang matawag siyang Presiding Bishop noong 2012. Sa katungkulang iyan pinamahalaan niya ang malawak na network ng Simbahan na nagpapadala ng welfare assistance at emergency response sa mga Banal sa mga Huling Araw at sa iba, gayundin ng humanitarian aid sa mga anak ng Ama sa Langit sa “ilan sa mga pinakaliblib na lugar, ilan sa pinakamahihirap na lugar, ilan sa mga pinaka-abang lugar sa buong mundo.”3
Mahalaga ang tungkulin ng bishop para kay Elder Stevenson. “Noong 12 taong gulang ako, natawag na bishop ang tatay ko,” pag-alaala niya. “Maraming balo sa ward, at madalas akong isama ni Itay kapag naglilingkod siya sa kanila. Pinagtatapon niya ako ng basura, pinaglilinis ng ilang bagay sa bahay, o pinag-iimbita ako ng mga kaibigan para magkalaykay ng mga dahon o magpala ng niyebe. Kapag umalis na kami, laging masaya ang pakiramdam ko. Ang pagbisita sa mga balo ay nakatulong sa akin na maunawaan na bahagi ng tungkulin ng mga bishop ang paglingkurang isa-isa ang mga tao. Ang mga bishop ng Simbahan ay mga bayani ko.”
Isang Pangako mula sa Isang Propeta
Noong Martes bago ang pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2015, may tumawag sa bishop noon na si Bishop Stevenson na humihiling na makipagkita siya kay Pangulong Thomas S. Monson at sa mga tagapayo nito.
“[Ipinaabot] sa akin ni Pangulong Monson ang tawag sa Korum ng Labindalawang Apostol. Itinanong niya kung tatanggapin ko ito. … Pumayag ako. Pagkatapos … magiliw akong kinausap ni Pangulong Monson, na inilalarawan [na nang tawagin] siya … bilang Apostol maraming taon na ang nakararaan, … nakadama rin siya ng kakulangan. Mahinahon niyang sinabi sa akin, ‘Bishop Stevenson, gagawing karapat-dapat ng Panginoon ang mga taong tinatawag Niya.’ Ang nakakakalmang mga salitang iyon ng isang propeta ang nagbigay sa akin ng kapayapaan [mula noon].”4
Si Elder Gary E. Stevenson ay tunay na isang lalaking walang panlilinlang. Bilang Apostol, tulad ng ginawa niya noong Presiding Bishop siya at noong miyembro siya ng Pitumpu at tulad ng ginawa niya sa buong buhay niya, patuloy siyang tutulong sa mga maralita at nangangailangan. Susundin niya ang utos sa banal na kasulatan na “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina” (D at T 81:5). Mahirap ang tungkuling ito, ngunit angkop na angkop ito sa kanya dahil sa kanyang maunawaing puso.