Pangkalahatang Kumperensya
Namamangha kay Cristo at sa Kanyang Ebanghelyo
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2022


13:25

Namamangha kay Cristo at sa Kanyang Ebanghelyo

Nawa’y ang pag-alala sa nakita ng ating mga mata at ang nadama ng ating mga puso ay magdagdag ng pagkamangha sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagpagligtas.

Mayroon akong mahal na kaibigan na matalino, retiradong propesor sa unibersidad, isang malikhaing manunulat, at, higit sa lahat, tapat na disipulo ni Jesucristo. Napuntahan na niya ang Banal na Lupain nang maraming beses upang makibahagi sa mga kumperensya, magsagawa ng pananaliksik sa akademya, at gumabay sa mga naglilibot. Ayon sa kanya, tuwing pupuntahan niya ang lugar kung saan naglakad si Jesus, namamangha siya dahil talagang may natututuhan siyang bago, kagila-gilalas, at kalugud-lugod tungkol sa Tagapagligtas, sa Kanyang mortal na ministeryo, at sa Kanyang pinakamamahal na bayan. Ang pagkamangha ng kaibigan ko kapag nagsasalita siya tungkol sa lahat ng natututuhan niya sa Banal na Lupain ay nakakahawa, at ang pagkamanghang ito ay naging mahalagang aspeto sa kanyang malalaking tagumpay at mga nais makamit sa akademya.

Habang nakikinig ako sa kanyang mga karanasan at nadarama ang kanyang kasiglahan, napagnilayan ko kung gaano kalaki ang espirituwal na pagkamangha na maaari at dapat nating madama para sa ebanghelyo ni Jesucristo at ang kaibhang magagawa nito sa ating pagkadisipulo at sa ating paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan. Ang pagkamangha o panggigilalas na tinutukoy ko ay karaniwan sa lahat ng taos-pusong nagtutuon ng kanilang buhay sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo at mapagkumbabang kinikilala ang Kanyang presensya sa kanilang buhay. Ang gayong pagkamangha, na binigyang-inspirasyon ng impluwensya ng Espiritu Santo, ay nagpapatindi ng kasabikang ipamuhay nang may galak ang doktrina ni Cristo.1

Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng ilang halimbawa kung paano naipapakita ang ganitong damdamim. Halimbawa, ipinahayag ng propetang si Isaias ang lubos niyang pasasalamat sa Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kagalakan sa Kanya.2 Ang mga nakarinig kay Jesus na nangangaral sa sinagoga sa Capernaum ay nagulat sa Kanyang doktrina at sa kalakasang taglay Niya sa pagtuturo.3 Ito rin ang damdaming pumukaw sa kaibuturan ng puso ng batang si Joseph Smith nang binasa niya sa Biblia ang unang kabanata ng Santiago, na naghikayat sa kanya na hangarin ang karunungan ng Diyos.4

Mga kapatid, kapag totoong namamangha tayo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, mas masaya tayo, mas masigasig tayo sa gawain ng Diyos, at nakikilala natin ang kamay ng Panginoon sa lahat ng bagay. Bukod pa rito, ang pag-aaral natin ng mga salita ng Diyos ay mas makabuluhan; ang ating mga panalangin, ay mas may layunin; ang ating pagsamba, ay mas mapitagan; ang ating paglilingkod sa kaharian ng Diyos, ay mas masigasig. Lahat ng ginagawa nating ito ay nag-aambag sa impluwensiya ng Banal na Espiritu nang mas madalas sa ating buhay.5 Kaya nga, lalakas ang ating patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo, mapapanatili nating buhay sa atin si Cristo,6 at mamumuhay tayo nang “nakaugat at nakatayo sa kanya, at matibay sa pananampalataya, … na sumasagana sa pasasalamat.”7 Kapag namuhay tayo sa ganitong paraan, nagiging mas espirituwal na matatag tayo at napoprotektahan laban sa pagbagsak sa bitag ng kawalan ng interes sa mga bagay na espirituwal.

Ang gayong kawalan ng interes ay nakikita sa unti-unting pagkawala ng ating kasabikan na lubos na makibahagi sa ebanghelyo ng Panginoon. Karaniwang nagsisimula ito kapag nadama natin na natamo na natin ang lahat ng kinakailangang kaalaman at mga pagpapala para sa ating kaligayahan sa buhay na ito. Ang ganitong pagiging kampante, ika nga, ay nagiging dahilan para balewalain natin ang mga kaloob ng ebanghelyo, at kalaunan, may peligrong mapapabayaan na natin ang regular na pakikibahagi sa mahahalagang aspeto ng ebanghelyo ni Jesucristo8 at ang mga tipang ginawa natin. Bunga nito, unti-unti nating inilalayo ang ating sarili sa Panginoon; pinahihina ang ating kakayahang “pakinggan Siya,”9 nawawalan ng interes at malasakit sa kadakilaan ng Kanyang gawain. Ang pag-aalinlangan hinggil sa mga katotohanan ng mga natanggap na natin ay maaaring pumasok sa ating isipan at puso, kaya madali na tayong matukso ng kaaway.10

Isinulat ni Pastor Aiden Wilson Tozer, isang kilalang manunulat at magiting na Kristiyano, “Ang pagiging kampante ay mapanganib na kaaway ng lahat ng espirituwal na pag-unlad.”11 Hindi ba ito mismo ang nangyari sa mga tao ni Nephi matapos isilang si Cristo? Sila ay “unti-unting hindi na nanggigilalas sa isang palatandaan o isang kababalaghan mula sa langit, … hindi [pinaniniwalaan ang] lahat ng narinig nila at nakita.” Sa gayon “nabulag [ni Satanas] ang kanilang mga mata at naakay silang palayo na maniwala na ang doktrina ni Cristo ay isang kahangalan at walang kabuluhang bagay.”12

Mahal kong mga kapatid, sa Kanyang perpekto at walang hanggang pagmamahal at kaalaman sa ating likas na pagkatao,13 naglaan ang Tagapagligtas ng daan upang maiwasan nating mahulog sa bitag ng espirituwal na kawalan ng interes. Ang paanyaya ng Tagapagligtas ay nagbibigay sa atin ng mas malawak na pananaw, lalo na kung iisipin ang masalimuot na daigdig kung saan tayo nabubuhay, “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin.”14 Kapag tinanggap natin ang paanyaya ng Tagapagligtas, ipinapakita natin ang ating pagpapakumbaba, ang hangarin nating maturuan, at ang ating pag-asa na maging higit na katulad Niya.15 Nakapaloob din sa paanyayang ito ang paglilingkod sa Kanya at sa mga anak ng Diyos “nang [ating] buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas.”16 Pinakamahalaga sa ating pagsisikap sa buhay na ito, mangyari pa, ay ang dalawang dakilang utos, mahalin ang ating Panginoong Diyos at mahalin ang ating kapwa tulad ng ating sarili.17

Ang ganitong uri ng pag-uugali ay bahagi ng banal na pagkatao ng Tagapagligtas at makikita sa lahat ng ginawa Niya noong Kanyang ministeryo sa lupa.18 Samakatwid, kapag tapat at tunay nating itinutuon ang ating sarili sa Kanya at natututo mula sa Kanyang perpektong halimbawa,19 mas nakikilala natin Siya. Lalo tayong nananabik at nagnanais na ipamuhay ang pinakamataas na pamantayan, ang halimbawang dapat nating ipakita, at ang mga kautusang dapat nating sundin. Nagkakaroon din tayo ng karagdagang pang-unawa, karunungan, banal na katangian, at biyaya sa Diyos at sa ating kapwa.20 Matitiyak ko sa inyo na ang kakayahan nating madama ang impluwensya at pagmamahal ng Tagapagligtas ay mag-iibayo sa ating buhay, pinalalakas ang ating pananampalataya, ang hangarin nating gumawa nang matwid, at ang hangarin nating maglingkod sa Kanya at sa iba.21 Bukod pa rito, ang ating pasasalamat para sa mga pagpapala at hamon na nararanasan natin sa mortalidad ay magpapatatag sa atin at magiging bahagi ng ating tunay na pagsamba.22

Mahal kong mga kaibigan, lahat ng bagay na ito ay nagpapalakas sa ating espirituwal na pagkamangha hinggil sa ebanghelyo at naghihimok sa atin na masayang tuparin ang mga tipang ginagawa natin sa Panginoon—kahit sa gitna ng mga pagsubok at hamon na nararanasan natin. Mangyari pa, upang maganap ang lahat ng ito, kailangan nating ituon ang ating sarili nang may pananampalataya at tunay na layunin sa mga turo ng Tagapagligtas,23 nagsisikap na taglayin ang Kanyang mga katangian sa ating pamumuhay at pagkatao.24 Maliban pa riyan, kailangan nating mas lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng pagsisisi,25 hinahangad ang Kanyang kapatawaran at ang Kanyang nakatutubos na kapangyarihan sa ating buhay at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Ipinangako mismo ng Panginoon na gagabayan Niya ang ating mga landas kung magtitiwala tayo sa Kanya nang buong puso, kinikilala Siya sa lahat ng ating landasin at hindi nananalig sa ating sariling pang-unawa.26

Si Elder Jones kasama si Wes

Isang lalaking nakilala ko kamakailan, na ang pangalan ay Wes at dumalo siya sa kumperensya ngayon, ay tinanggap ang paanyaya ni Cristo na matuto tungkol sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo at nagsimulang mamangha sa Kanyang pagmamahal pagkaraan ng 27 taong paglayo sa landas ng tipan. Sinabi niya sa akin na isang araw ay nakontak siya sa Facebook ng isang missionary, si Elder Jones, na pansamantalang naka-assign sa lugar ni Wes bago pumunta sa kanyang orihinal na misyon sa Panama. Nang makita ni Elder Jones ang profile ni Wes, kahit hindi pa niya alam na miyembro na ito ng Simbahan, nadama niya ang patnubay ng Espiritu Santo at alam niya na dapat niyang kontakin kaagad si Wes. Agad siyang kumilos ayon sa impresyong ito. Namangha si Wes sa di-inaasahang pagkontak na ito at nagsimulang matanto na iniisip siya ng Panginoon sa kabila ng kanyang paglayo mula sa landas ng tipan.

Mula noon, nagsimulang mag-usap nang madalas si Wes at ang mga missionary. Si Elder Jones at ang kanyang kompanyon ay naglingkod at nagbigay ng mga espirituwal na mensahe linggu-linggo na nakatulong kay Wes na maibalik ang kanyang pagkamangha sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Pinag-alab nitong muli ang ningas ng kanyang patotoo sa katotohanan at sa pagmamahal ng Tagapagligtas sa kanya. Nadama ni Wes ang kapayapaang nagmumula sa Mang-aaliw at nagkaroon ng lakas na kailangan niya para makabalik sa kawan. Sinabi niya sa akin na ang karanasang ito ay nagbigay muli sa kanya ng espirituwal at emosyonal na kasiglahan at nakatulong sa kanya na pawiin ang lahat ng hinanakit na naipon sa paglipas ng mga taon dahil sa mahihirap na karanasan niya.

Tulad ng naobserbahan ng aking mapag-isip na kaibigang propesor na binanggit ko kanina, palaging may isang bagay na napakaganda at kamangha-manghang matutuhan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.27 Ang Panginoon ay may magagandang pangako na ibinibigay sa lahat ng tao, at sa atin din, na naghahangad na matuto tungkol sa Kanya at sundin ang Kanyang mga salita sa kanilang buhay. Sinabi niya kay Enoc, “Masdan, ang aking Espiritu ay [pasasaiyo], dahil dito ang lahat ng iyong salita ay pangangatwiranan ko; at ang mga bundok ay maglalaho sa harapan mo, at ang mga ilog ay liliko mula sa pinag-aagusan nito; at ikaw ay mananahan sa akin, at ako sa iyo.”28 Sa pamamagitan ng Kanyang tagapaglingkod na si Haring Benjamin, ipinahayag niya, “Kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae; sapagkat masdan, sa araw na ito kayo ay kanyang espirituwal na isinilang; sapagkat sinasabi ninyo na ang inyong mga puso ay nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; anupa’t kayo ay isinilang sa kanya at naging kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae.”29

Samakatwid, kapag tayo ay tunay at patuloy na nagsisikap na matuto tungkol sa Tagapagligtas at tularan ang Kanyang halimbawa, ipinapangako ko sa inyo, sa Kanyang pangalan, na ang Kanyang mga banal na katangian ay maisusulat sa ating mga isipan at puso,30 na tayo ay magiging higit na katulad Niya, at makakalakad tayong kasama Niya.31

Mahal kong mga kapatid, dalangin ko na patuloy tayong mamamangha kay Jesucristo at sa Kanyang ganap, walang hanggan, at perpektong pagmamahal. Nawa’y ang pag-alala sa nakita ng ating mga mata at ang nadama ng ating mga puso ay magdagdag ng pagkamangha sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagpagligtas, na makapagpapagaling sa sugat ng ating kaluluwa at damdamin at tutulungan tayo na mas mapalapit sa Kanya. Nawa’y mamangha tayo sa mga dakilang pangako na nasa mga kamay ng Ama at na Kanyang inihanda para sa matatapat:

“Ang kaharian ay sa inyo at ang mga pagpapala nito ay sa inyo, at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay sa inyo.

“At siya na tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat ay gagawing maluwalhati.”32

Si Jesus ang Manunubos ng sanlibutan, at ito ang Kanyang Simbahan. Pinatototohanan ko ang mga katotohanang ito sa kamangha-mangha, sagrado, at dakilang pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.