Pagbabalik-loob ang Ating Mithiin
Walang makahahalili sa panahon na iniuukol mo sa mga banal na kasulatan, sa pakikinig sa Espiritu Santo na direktang nangungusap sa iyo.
Sa loob lamang ng mahigit tatlong taon, sama-sama tayo sa paglalakbay bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon. Oktubre 2018 nang anyayahan tayo ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na pag-aralan ang tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa bago at nakahihikayat na paraan, kasama ang resource na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin bilang gabay natin.
Sa alinmang paglalakbay, mainam na tumigil paminsan-misan para masuri ang ating progreso at matiyak na sinisikap pa rin nating makamit ang ating mithiin.
Pagbabalik-loob ang Ating Mithiin
Isipin ang mahalagang pahayag na ito mula sa pambungad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin:
“Ang layunin ng lahat ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo ay para palalimin ang ating pagbabalik-loob [sa Ama sa Langit at kay Jesucristo]. …
“… Ang uri ng pag-aaral ng ebanghelyo na nagpapalakas sa ating pananampalataya at humahantong sa mahimalang pagbabalik-loob ay hindi nangyayari nang biglaan. Hindi lamang sa isang silid-aralan ito nangyayari kundi maging sa ating mga puso at tahanan. Nangangailangan ito ng palagian at araw-araw na pagsisikap na maunawaan at maipamuhay ang ebanghelyo. Ang pag-aaral ng ebanghelyo na humahantong sa tunay na pagbabalik-loob ay nangangailangan ng impluwensya ng Espiritu Santo.”1
Iyan ang himalang hangad natin—kapag ang tao ay may karanasan ukol sa mga banal na kasulatan2 at ang karanasang iyon ay biniyayaan ng impluwensya ng Espiritu Santo. Ang gayong mga karanasan ay mahahalagang saligang bato para sa ating pagbabalik-loob sa Tagapagligtas. At gaya ng ipinaalala sa atin kamakailan ni Pangulong Russell M. Nelson, ang mga espirituwal na pundasyon ay kailangang palaging patibayin.3 Ang pangmatagalang pagbabalik-loob ay habambuhay na proseso.4 Pagbabalik-loob ang ating mithiin.
Upang maging lubos na epektibo, kailangang may sarili kang karanasan sa mga banal na kasulatan.5 Ang pagbabasa o pakikinig sa mga karanasan at pananaw ng ibang tao ay makatutulong, ngunit hindi iyon makapaghahatid ng gayon ding kapangyarihan na nagpapabalik-loob. Walang makahahalili sa panahon na iniuukol mo sa mga banal na kasulatan, sa pakikinig sa Espiritu Santo na direktang nangungusap sa iyo.
Ano ang Itinuturo sa Akin ng Espiritu Santo?
Bawat linggo kapag binubuksan ko ang aking manwal na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, isinusulat ko ang tanong na ito sa itaas ng pahina: “Ano ang itinuturo sa akin ng Espiritu Santo sa linggong ito habang binabasa ko ang mga kabanatang ito?”
Habang pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan, paulit-ulit kong iniisip ang tanong na iyon. At patuloy ang pagdating ng mga espirituwal na impresyon, at isinusulat ko ito sa aking manwal.
Ngayon, paano ko nalalaman kapag tinuturuan ako ng Espiritu Santo? Karaniwan itong nangyayari sa maliliit at simpleng paraan. Kung minsan ay bigla na lang matutuon ang pansin ko sa isang talata sa pahina. Sa ibang pagkakataon naman, nadarama ko na parang naliliwanagan ang isipan ko ng mas malawak na pag-unawa sa alituntunin ng ebanghelyo. Dama ko rin ang impluwensya ng Espiritu Santo kapag nag-uusap kami ng asawa kong si Anne Marie tungkol sa binabasa namin. Ang kanyang pananaw ay palaging nag-aanyaya sa Espiritu.
Ang Propeta at ang Paskua
Sa taong ito pinag-aaralan natin ang Lumang Tipan—na sagradong banal na kasulatan na pumupuspos ng liwanag sa ating mga kaluluwa. Habang binabasa ang Lumang Tipan, para bang kasama ko ang mga mapagkakatiwalaang gabay: sina Adan, Eva, Enoc, Noe, Abraham, at marami pang iba.
Sa linggong ito, habang pinag-aaralan ko ang Exodo kabanata 7–13, natutuhan natin kung paano pinalaya ng Panginoon ang mga anak ni Israel mula sa matagal na pagkabihag sa Egipto. Nabasa natin ang tungkol sa siyam na salot—siyam na kamangha-manghang pagpapamalas ng kapangyarihan ng Diyos—na nasaksihan ni Faraon nang hindi lumalambot ang kanyang puso.
At sinabi ng Panginoon sa Kanyang propetang si Moises ang tungkol sa ikasampung salot—at kung paano makapaghahanda para dito ang bawat pamilya sa Israel. Bilang bahagi ng rituwal na tatawagin nilang Paskua, ang mga Israelita ay mag-aalay ng lalaking tupa, na walang kapintasan. At dapat nilang markahan ang mga hamba ng pinto ng kanilang tahanan gamit ang dugo ng kordero. Nangako ang Panginoon na lahat ng mga tahanan na may marka ng dugo ay poprotektahan laban sa matinding salot na paparating.
Sinasabi sa mga banal na kasulatan, “Ang mga anak ni Israel … ay ginawa kung ano ang iniutos ng Panginoon … kay Moises” (Exodo 12:28). May lubos na kapangyarihan ang simpleng pahayag na iyon ng pagsunod.
Dahil sinunod ng mga anak ni Israel ang payo ni Moises at kumilos nang may pananampalataya, sila ay naligtas mula sa salot at, sa paglipas ng panahon ay napalaya sa pagkakabihag.
Kaya, ano ang itinuro sa akin ng Espiritu Santo sa mga kabanatang ito ng linggong ito?
Narito ang ilang bagay na tumimo sa isip ko:
-
Ang Panginoon ay kumikilos sa pamamagitan ng Kanyang propeta para protektahan at iligtas ang Kanyang mga tao.
-
Ang pananampalataya at pagpapakumbaba na sundin ang propeta ay nauuna bago ang himala ng proteksiyon at pagkaligtas.
-
Ang dugo sa hamba ng pinto ay panlabas na tanda ng panloob na pananampalataya kay Jesucristo, ang Kordero ng Diyos.
Ang Propeta at ang mga Pangako ng Panginoon
Namamangha ako sa paralelismo sa paraan ng pagpapala ng Panginoon sa Kanyang mga tao sa kuwentong ito sa Lumang Tipan at sa paraan ng pagpapala rin Niya sa Kanyang mga tao ngayon.
Nang ipakilala sa atin ng buhay na propeta ng Panginoon na si Pangulong Nelson ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin bilang paraan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, inanyayahan niya tayong gawin natin ang ating mga tahanan na santuwaryo ng pananampalataya at sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo.
At ipinangako niya ang apat na pagpapala:
-
ang inyong mga araw ng Sabbath ay magiging kaluguran,
-
ang inyong mga anak ay magiging sabik na matutuhan at ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas,
-
ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay at [sa inyong] tahanan ay mababawasan, at
-
magkakaroon ng malaki at patuloy na mga pagbabago sa inyong pamilya.6
Ngayon, wala tayong anumang mga journal entry mula sa mga nakaranas ng Paskua kasama ni Moises sa Egipto. Gayunman, marami tayong mga patotoo mula sa mga Banal na, taglay ang gayong pananampalataya, ay sumusunod sa payo ngayon ni Pangulong Nelson at natatanggap ang ipinangakong mga pagpapala.
Narito ang ilan sa mga patotoong iyon:
Sinabi ng ina ng isang bata pang pamilya: “Pinag-uusapan namin si Cristo at nagagalak kay Cristo sa aming tahanan. Para sa akin iyan ang pinakamalaking pagpapala—na ang mga anak ko ay magsisilaki na may ganitong mga usapan ukol sa ebanghelyo sa tahanan na lalong maglalapit sa kanila sa Tagapagligtas.”7
Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng isang may-edad na brother sa pamamagitan ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay tinatawag niyang “lagusan na puno ng banal na liwanag na tumutulong sa atin na makita ang doktrina ng ebanghelyo na kailangan sa ating espirituwal na kapakanan.”8
Inilarawan ng bata pang maybahay ang mga pagpapala sa kanyang buhay may-asawa: “Nakilala ko nang mas malalim ang puso ng asawa ko, at mas nabuksan ko sa kanya ang puso ko habang magkasama kaming nag-aaral.”9
Napansin ng ina ng isang malaking pamilya kung paano nagbago ang kanyang pagsisikap na turuan ang kanyang pamilya. Sinabi niya: “Dati-rati, para akong tumutugtog ng piano habang nakasuot ng makapal na guwantes. Tumutugtog ako, pero parang hindi akma ang musika. Ngayon ay wala na ang makapal na guwantes, at kahit hindi pa rin perpekto ang tugtog, dinig ko na ang pagkakaiba. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay nagbigay sa akin ng pananaw, kakayahan, pokus, at layunin.”10
Isang bata pang asawang lalaki ang nagsabing: “Ang pinakamahalaga kong mga priyoridad sa tahanan ay naging mas malinaw simula nang regular kong binabasa sa umaga ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Inaakay ako ng pag-aaral na ito na mas isipin pa ang mga bagay na pinakamahalaga sa akin, gaya ng templo, relasyon ko sa aking asawa, at calling ko. Nagpapasalamat ako na ang tahanan ko ay isang santuwaryo kung saan ang Diyos ang inuuna.”11
Sinabi ng isang sister: “Ang araw-araw na mga karanasan ko sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay bihirang kapansin-pansin, pero sa paglipas ng panahon ay nakikita ko na nababago ako ng palagian at nakapokus na pag-aaral sa mga banal na kasulatan. Ang gayong uri ng pag-aaral ay nagpapababa ng aking kalooban, nagtuturo sa akin, at unti-unti akong binabago.”12
Inireport ng isang returned missionary: “Dahil sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay nababalik ang dati kong paraan ng pag-aaral ng banal na kasulatan, gaya noong nasa misyon ako at kung dati ay sapat na ang makapagbasa lang ako, ngayon ay sinisikap kong kilalanin ang Diyos.”13
Sinabi ng isang brother: “Mas dama ko ang Espiritu Santo sa buhay ko at ang paghahayag ng Diyos na gumagabay sa mga desisyon ko. Mas malalim na ang pakikipag-usap ko tungkol sa kagandahan ng simpleng doktrina ni Cristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala.”14
Ibinahagi ng pitong-taong gulang na bata: “Malapit na akong binyagan, at ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ang naghahanda sa akin. Pinag-uusapan namin sa pamilya ang tungkol sa binyag, at hindi na ako kinakabahan ngayon tungkol sa pagpapabinyag. Tumutulong ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para maisapuso ko ang Espiritu Santo, at masaya ang pakiramdam ko kapag binabasa ko ang mga banal na kasulatan.”15
At ang huli, mula sa ina na may ilang anak: “Habang pinag-aaralan namin ang salita ng Diyos, tinulungan Niya ang pamilya namin na magkaroon ng lakas sa halip na mag-alala; malampasan ang mga hamon at pagsubok; makadama ng pagmamahal at kapayapaan sa halip na makipagtalo at mambatikos; at maimpluwensyahan ng Diyos sa halip na maimpluwensyahan ng kaaway.”16
Sila at ang marami pang ibang matatapat na tagasunod ni Cristo ay masimbulong naglagay ng dugo ng Kordero ng Diyos sa pasukan ng kanilang mga tahanan. Ipinakikita nila ang kanilang panloob na katapatan sa pagsunod sa Tagapagligtas. Ang pananampalataya nila ay nasundan ng himala. Ito ang himala ng taong nagkaroon ng karanasan sa mga banal na kasulatan at ang karanasang iyon ay pinagpapala ng impluwensya ng Espiritu Santo.
Kapag pinag-aaralan natin ang banal na kasulatan, walang espirituwal na taggutom sa lupain. Gaya ng sabi ni Nephi, “At sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, kailanman sila ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila tungo sa pagkabulag, upang akayin sila sa pagkalipol” (1 Nephi 15:24).
Noong unang panahon, habang sinusunod ng mga anak ni Israel ang utos ng Panginoon na ibinigay sa propetang si Moises, sila ay biniyayaan ng kaligtasan at kalayaan. Ngayon, sa pagsunod natin sa utos ng Panginoon na ibinibigay sa pamamagitan ng ating buhay na propetang si Pangulong Nelson, pinagpapala rin tayo at nagbabalik-loob ang ating mga puso at napoprotektahan ang ating mga tahanan.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay buhay. Ito ang Kanyang Simbahan, na ipinanumbalik sa lupa sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta ng Panginoon ngayon. Mahal ko siya at sinusuportahan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.