Pangkalahatang Kumperensya
Sapagkat Gayon na Lamang ang Pagmamahal ng Diyos sa Atin
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2022


9:58

Sapagkat Gayon na Lamang ang Pagmamahal ng Diyos sa Atin

Mahal na mahal tayo ng Diyos kaya isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak—hindi upang hatulan tayo, kundi upang iligtas tayo.

“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16). Nang una kong mapansin ang talatang ito, wala ako sa simbahan o sa family home evening. Nanonood ako ng isang sporting event sa telebisyon. Saanmang istasyon ako manood, at kahit na anong laro man ito, may isa o higit pa na may hawak ng karatula na may nakasulat na “Juan 3:16.”

Nagustuhan ko rin ang talata 17: “Sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.”

Isinugo ng Diyos si Jesucristo, ang Kanyang bugtong na Anak sa laman, upang magbuwis ng Kanyang buhay para sa bawat isa sa atin. Ginawa Niya ito dahil mahal Niya tayo at gumawa Siya ng plano para makauwi ang bawat isa sa atin sa Kanya.

Ngunit hindi ito isang planong tila panlahatan, sakop ang sinuman, at patsamba-tsamba lang. Ito’y personal, na itinakda ng mapagmahal na Ama sa Langit, na nakakaalam sa ating puso, sa ating pangalan, at sa kailangan Niyang ipagawa sa atin. Bakit tayo naniniwala roon? Dahil itinuro sa atin iyan sa mga banal na kasulatan.

Paulit-ulit na narinig ni Moises na sinasambit ng Ama sa Langit ang mga salitang “Moises, aking anak” (tingnan sa Moises 1:6; tingnan din ang mga talata 7, 40). Nalaman ni Abraham na siya ay anak ng Diyos, hinirang para sa kanyang misyon bago pa man siya isilang (tingnan sa Abraham 3:12, 23). Sa kamay ng Diyos, inilagay si Esther sa isang posisyong may kapangyarihan para iligtas ang kanyang mga tao (tingnan sa Esther 4). At pinagkatiwalaan ng Diyos ang isang dalagita, isang alipin, na magpatotoo sa isang buhay na propeta para mapagaling si Naaman (tingnan sa 2 Mga Hari 5:1–15).

Gustung-gusto ko lalo na ang butihing lalaking hindi katangkaran na umakyat sa puno para makita si Jesus. Batid ng Tagapagligtas na naroon siya, tumigil, tumingala sa mga sanga, at sinambit ang mga salitang ito: “Zaqueo, … bumaba ka” (Lucas 19:5). At hindi natin malilimutan ang 14-na-taong-gulang na batang lalaki na nagpunta sa kakahuyan at nalaman kung gaano talaga kapersonal ang plano: “[Joseph,] ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).

Mga kapatid, tayo ang pinagtutuunan ng plano ng ating Ama sa Langit at ang dahilan ng misyon ng ating Tagapagligtas. Bawat isa sa atin, isa-isa, ay Kanilang gawain at Kanilang kaluwalhatian.

Para sa akin, walang aklat ng kasulatan na naglalarawan dito nang mas malinaw kaysa sa pag-aaral ko ng Lumang Tipan. Kabanata sa kabanata natutuklasan natin ang mga halimbawa kung paano masidhing nakikibahagi sa ating buhay ang Ama sa Langit at si Jehova.

Napag-aralan natin kamakailan si Jose, ang pinakamamahal na anak ni Jacob. Mula noong kabataan niya, labis nang kinasiyahan ng Panginoon si Jose, subalit nagdanas siya ng mabibigat na pagsubok sa mga kamay ng kanyang mga kapatid. Dalawang linggo na ang nakararaan, marami sa atin ang naantig sa pagpapatawad ni Jose sa kanyang mga kapatid. Sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin mababasa natin: “Sa maraming paraan, magkapareho ang buhay ni Jose at ni Jesucristo. Kahit naging sanhi ng Kanyang malaking pagdurusa ang ating mga kasalanan, nag-aalok ng kapatawaran ang Tagapagligtas, inililigtas Niya tayong lahat mula sa isang kapalarang mas masahol pa sa taggutom. Kailangan man nating humingi ng tawad o magpatawad—sa isang banda ay kailangan nating lahat ang dalawang ito—inaakay tayo ng halimbawa ni Jose sa Tagapagligtas, ang tunay na pinagmumulan ng paghilom at muling pagkakasundo.”1

Ang isang aral na gustung-gusto ko sa salaysay na iyon ay mula sa kapatid ni Jose na si Juda, na gumanap ng isang papel sa personal na plano ng Diyos para kay Jose. Nang ipagkanulo ng kanyang mga kapatid si Jose, kinumbinsi sila ni Juda na huwag patayin si Jose kundi ipagbili siya para maging alipin (tingnan sa Genesis 37:26–27).

Maraming taon ang lumipas, kinailangan ni Juda at ng kanyang mga kapatid na dalhin ang kanilang bunsong kapatid na si Benjamin sa Ehipto. Noong una’y hindi pumayag ang kanilang ama. Ngunit nangako si Juda kay Jacob—iuuwi niya si Benjamin.

Sa Ehipto, nasubukan ang pangako ni Juda. Pinaratangan ang binatilyong si Benjamin na gumawa ng krimen. Tapat sa pangako, nag-alok si Juda na magpakulong kapalit ni Benjamin. “Sapagkat,” wika niya, “paano ako makakapunta sa aking ama kung ang bata’y hindi kasama?” (tingnan sa Genesis 44:33–34). Determinado si Juda na tuparin ang kanyang pangako at iuwi nang ligtas si Benjamin. Nadarama ba ninyo sa iba ang nadama ni Juda para kay Benjamin?

Hindi ba ganito ang nadarama ng mga magulang sa kanilang mga anak? Ang nadarama ng mga missionary sa mga taong pinaglilingkuran nila? Ang nadarama ng mga lider ng Primary at kabataan sa mga tinuturuan at minamahal nila?

Sinuman kayo o anuman ang inyong sitwasyon ngayon, may isang taong ganito mismo ang nadarama sa inyo. May isang nagnanais na bumalik sa Ama sa Langit na kasama kayo.

Nagpapasalamat ako sa mga taong hindi tayo sinukuan kailanman, na patuloy na ibinubuhos ang kanilang kaluluwa sa pagdarasal para sa atin, at patuloy tayong tinuturuan at tinutulungang maging marapat na makauwi sa ating Ama sa Langit.

Kamakaila’y gumugol ng 233 araw sa ospital ang isang mahal na kaibigang may COVID-19. Sa panahong iyon, binisita siya ng kanyang pumanaw na ama, na hiniling na iparating ang isang mensahe sa kanyang mga apo. Kahit sa kabila ng tabing, hinangad ng butihing lolong ito na tulungan ang kanyang mga apo na makabalik sa kanilang tahanan sa langit.

Lalong naaalala ng mga disipulo ni Cristo ang “mga Benjamin” sa buhay nila. Sa buong mundo narinig na nila ang malinaw na panawagan ng buhay na propeta ng Diyos na si Pangulong Russell M. Nelson. Ang mga kabataang lalaki at babae ay abala sa batalyon ng mga kabataan ng Panginoon. Ang mga indibiduwal at pamilya ay tumutulong nang may diwa ng ministering—minamahal, binabahaginan, at inaanyayahan ang mga kaibigan at kapitbahay na lumapit kay Cristo. Naaalala at sinisikap ng mga kabataan at adult na tuparin ang kanilang mga tipan—punuin ang mga templo ng Diyos, hanapin ang pangalan ng pumanaw na mga kapamilya, at tumanggap ng mga ordenansa para sa kanila.

Bakit kasama sa personal na plano ng Ama sa Langit para sa atin ang pagtulong sa iba na bumalik sa Kanya? Dahil ito ang paraan para maging katulad tayo ni Jesucristo. Sa huli, itinuturo sa atin ng salaysay tungkol kina Juda at Benjamin ang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ibinuwis Niya ang Kanyang buhay para makauwi tayo. Ang mga salita ni Juda ay nagpapahayag ng pagmamahal ng Tagapagligtas: “paano ako makakapunta sa aking ama kung [ikaw] ay hindi kasama?” Bilang mga tagatipon ng Israel, maaari din nating sabihin iyon.

Ang Lumang Tipan ay puno ng mga himala at magigiliw na awa na siyang tanda ng plano ng Ama sa Langit. Sa 2 Mga Hari 4, ginamit ang pariralang “[nangyari] isang araw” nang tatlong beses para bigyang-diin sa akin na nangyayari ang mahahalagang kaganapan ayon sa takdang panahon ng Diyos at walang detalyeng napakaliit para sa Kanya.

Pinatotohanan ng bago kong kaibigang si Paul ang katotohanang ito. Lumaki si Paul sa isang tahanang kung minsa’y mapang-abuso at laging makitid ang isip tungkol sa relihiyon. Habang nag-aaral sa isang military base sa Germany, napansin niya ang dalawang sister na tila may espirituwal na liwanag. Nang itanong niya kung bakit naiiba sila, sumagot sila na miyembro sila ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Hindi nagtagal, nagsimula si Paul na makipagkita sa mga missionary at inanyayahan sa simbahan. Nang sumunod na Linggo, nang bumaba siya ng bus, napansin niya ang dalawang lalaking nakasuot ng puting polo at kurbata. Tinanong niya kung mga elder sila ng Simbahan. Sumagot sila ng oo, kaya sinundan sila ni Paul.

Sa oras ng samba, itinuro ng pastor ang mga tao sa kongregasyon at inanyayahan silang magpatotoo. Sa pagtatapos ng bawat patotoo, tumatambol ang drummer at sumisigaw ang kongregasyon ng, “Amen.”

Nang ituro ng pastor si Paul, tumayo siya at sinabing, “Alam ko na si Joseph Smith ay isang propeta at ang Aklat ni Mormon ay totoo.” Walang tumambol o nag-amen. Kalaunan ay natanto ni Paul na mali ang napuntahan niyang simbahan. Hindi nagtagal, natagpuan ni Paul ang tamang lugar at nabinyagan siya.

Sa araw ng binyag ni Paul, sinabi sa kanya ng isang miyembro na hindi niya kilala, “Iniligtas mo ang buhay ko.” Ilang linggo bago iyon, nagpasiya ang lalaking ito na maghanap ng ibang simbahan at dumalo sa isang samba na may nagtatambol at nag-aamen. Nang marinig ng lalaki na magpatotoo si Paul tungkol kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon, natanto niya na kilala siya ng Diyos, alam ang kanyang mga paghihirap, at may plano para sa kanya. Para kay Paul at sa lalaki, “[nangyari] isang araw,” talaga!

Alam din natin na may personal na plano ng kaligayahan ang Ama sa Langit para sa bawat isa sa atin. Dahil isinugo ng Diyos ang Kanyang Pinakamamahal na Anak para sa atin, ang mga himalang kailangan natin ay “mangyayari sa araw mismo” na kailangang matupad ang Kanyang plano.

Pinatototohanan ko na sa taong ito marami pa tayong matututuhan tungkol sa plano ng Diyos para sa atin sa Lumang Tipan. Itinuturo ng sagradong aklat na iyon ang tungkulin ng mga propeta sa walang-katiyakang mga panahon at ang kamay ng Diyos sa isang mundong nalilito at kadalasa’y nag-aaway-away. Tungkol din iyon sa mapagkumbabang mga nananampalataya na tapat na umaasam sa pagparito ng ating Tagapagligtas, tulad ng pag-asam at paghahanda natin para sa Kanyang Ikalawang Pagparito—ang Kanyang maluwalhating pagbabalik na matagal nang ipinropesiya.

Hanggang sa araw na iyon, maaaring hindi natin makita gamit ang ating natural na mga mata ang plano ng Diyos para sa lahat ng aspekto ng ating buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:3). Ngunit maaalala natin ang tugon ni Nephi nang maharap siya sa isang bagay na hindi niya maunawaan: kahit hindi niya alam ang kahulugan ng lahat ng bagay, alam niya na mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak (tingnan sa 1 Nephi 11:17).

Ito ang aking patotoo sa magandang umagang ito ng Sabbath. Nawa’y isulat natin ito sa ating puso at hayaan itong puspusin ang ating kaluluwa ng kapayapaan, pag-asa, at walang-hanggang kagalakan: Gayon na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa atin na isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak—hindi upang hatulan tayo kundi upang iligtas tayo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.