Huwag Kang Matakot: Sumampalataya Ka Lamang!
Simulan ang inyong paghahanap ng kaligayahan sa pamamagitan ng pasasalamat sa mga biyaya na natanggap na natin mula sa nagbibigay ng bawat mabuting kaloob.
Patutungkulan ko sa mensahe ko ngayon ang mga kabataan ng Simbahan, ibig sabihin sino man na kasing-edad ni Pangulong Russell M. Nelson o mas bata pa. Bihira akong gumamit ng mga visual, pero hindi ko mapigilang ibahagi ang isang ito.
Ang cri de coeur na ito ay mula sa aking walong-taong-gulang na kaibigang si Marin Arnold, na isinulat niya noong siya ay pitong taong gulang. Isasalin ko para sa inyo ang kanyang isinulat na parang binagong wikang Egipto:
Mahal kong Bishop
ang panklatang kuperensa
ay Kainip bakit
Kelangan natin
Gawin ito? sabihin po nyo
Tapat sayo, Marin
Arnold.1
Marin, sigurado ako na sa mensaheng ibibigay ko ay walang dudang maiinip ka na naman. Pero kapag sumulat ka sa bishop mo para magreklamo, mahalagang sabihin mo sa kanya na ang pangalan ko ay “Kearon. Elder Patrick Kearon.”
Sa loob ng halos dalawang taon, isang pandemya na kasingtindi ng epekto ng mga salot na inilarawan sa biblia ang lumukob sa ating mundo, at kahit napahinto ng salot na iyon ang halos lahat ng bagay sa lipunan, malinaw na hindi nito napahinto ang kalupitan, karahasan, at ang matindihang salungatan sa puitika—pambansa o pandaigdigan. At hindi lang iyan, nahaharap pa rin tayo sa mga hamon sa lipunan at kultura na matagal nang nariyan, mula sa kakulangan ng kabuhayan, sa kawalang-pakundangan sa kapaligiran hanggang sa di-pantay na pagtingin sa mga lahi at marami pang iba.
Ang gayong mahihirap na panahon ay nakapanghihina ng loob sa ating mga kabataan, sila na inaasahan natin nang may magandang pananaw at kasiglahan hinggil sa buhay natin sa hinaharap. Minsan nang nabanggit, “ang lakas ng kabataan ay ang karaniwang yaman ng buong sanlibutan. Ang … kabataan … ang bubuo ng ating lipunan … sa hinaharap.”2 Bukod pa rito, sa mga kamay ng ating mga anak ipinagkakatiwala ang tadhana ng Simbahang ito.
Dahil sa ating kasalukuyang panahon, nauunawaan natin kung nababawasan nang kaunti ang ideyalismo ng mga kabataan. Si Dr. Laurie Santos, isang propesor sa Yale University, ay nagbukas kamakailan ng isang klase na may pamagat na “Psychology and the Good Life. “Sa unang taon na inalok ang klase, halos [isang-quarter] ng [buong] undergraduate student body ang naka-enroll.”3 Mahigit 64 na milyong katao ang bumisita sa kanyang podcast. Tungkol sa pangyayaring ito, isinulat ng isang mamamahayag kung gaano kasakit na makita ang napakaraming matatalinong estudyante, mga kabataan—at adult—na desperadong “naghahanap ng isang bagay na nawala sa kanila” o, ang mas malala pa, inaasam ang isang bagay na hindi pa nila nakamit.4
Ang pakiusap ko ngayon sa ating mga kabataan, at sa inyong mga magulang at adult na nagpapayo sa kanila, ay simulan ang inyong paghahanap ng kaligayahan sa pamamagitan ng pasasalamat sa mga biyaya na natanggap na natin mula sa nagbibigay ng bawat mabuting kaloob.5 Sa mismong sandali na nagtatanong ang maraming tao sa mundo ng mahihirap na tanong tungkol sa mga bagay na espirituwal, dapat na ang isasagot natin ay ang “mabuting balita”6 ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na nagpapahalaga sa misyon at mensahe ng Tagapagligtas ng sanlibutan, ay nagbibigay ng paraan na pinakamahalaga at pang-walang hanggan upang makahanap ng mabuti at gumawa ng mabuti sa panahong iyon na kinakailangan.
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na ang henerasyong ito ng mga kabataan ay may kapasidad na magkaroon ng “epekto [para sa kabutihan] sa mundo kaysa naunang mga henerasyon.”7 Tayo, sa lahat ng tao, ay dapat “uma[a]wit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig,”8 ngunit kailangan diyan ng disiplina—“pagkadisipulo,” ika nga—yaong nagbabantay laban sa mga negatibong pag-uugali at nakapipinsalang gawi na hahadlang sa atin sa pag-awit ng awiting iyon ng walang hanggang kaligtasan.
Kahit nananatili tayo sa “maaliwalas na panig ng kalsada,”9 maaaring may makilala tayong tao na determinandong maghanap ng negatibo at hindi magandang bagay sa halos lahat ng sitwasyon. Alam ninyo ang kanyang kasabihan: “Lalaganap muna ang matinding kadiliman bago dumilim nang lubusan.” Isang napakasamang pananaw, at miserableng buhay! Oo, maaaring gusto nating tumakas kung minsan mula sa ating kasalukuyang kalagayan, ngunit hindi natin talaga dapat takasan kung sino tayo—mga anak ng buhay na Diyos na nagmamahal sa atin, na laging handang patawarin tayo, at hindi tayo kailanman pababayaan. Kayo ay Kanyang pinakamahalagang pag-aari. Kayo ang Kanyang anak, na Kanyang binigyan ng mga propeta at mga pangako, mga espirituwal na kaloob at mga paghahayag, mga himala at mga mensahe, at mga anghel sa magkabilang panig ng tabing.10
Binigyan din Niya kayo ng simbahan na nagpapalakas sa mga pamilya sa buhay na ito at nagbubuklod sa kanila para sa kawalang-hanggan. Naglalaan ito ng mahigit 31,000 ward at branch kung saan ang mga tao ay nagtitipon at kumakanta at nag-aayuno at nananalangin para sa isa’t isa at nagbibigay sa mga maralita ng kanilang makakayanan. Dito, ang bawat tao ay pinangangalanan, pinahahalagahan, at pinaglilingkuran at kung saan handang maglingkod sa isa’t isa ang mga kaibigan at kapitbahay sa mga katungkulang klerikal at maging kustodyal. Libu-libong young adult—at mga senior couple—ang nagmimisyon sa sarili nilang gastos at hindi alintana saan man sila maglingkod, at ang mga miyembro, bata man o matanda ay bumibiyahe papunta sa mga templo upang gumawa ng mga sagradong ordenansang kailangan sa pagbubuklod sa mga pamilya—isang maigting na gawain sa mundong nagkakahati-hati ngunit siyang nagpapahayag na ang gayong pagkakahati ay pansamantala lamang. Ilan lamang ito sa mga dahilang ibinibigay natin para “sa pag-asang nasa [atin].”11
Mangyari pa, sa ating kasalukuyang panahon, ang sinumang disipulo ni Jesucristo ay nahaharap sa matitinding alalahanin. Ang mga pinuno ng Simbahang ito ay ibinibigay ang kanilang buhay sa paghahangad ng patnubay ng Panginoon para malutas ang mga hamong ito. Kung may ilang mga isyu na hindi nagtatapos sa mabuting paraan, marahil ay bahagi ito ng krus na sinabi ni Jesus na kailangan nating pasanin upang sumunod sa Kanya.12 Ito ay sa dahilang tiyak na may madidilim na panahon at mahihirap na alalahanin kung kaya’t ipinangako ng Diyos na, sa isang haliging ulap sa umaga at isang haliging apoy sa gabi, gagabayan Niya ang mga propeta, magbibigay ng gabay na bakal, magbubukas ng makitid na pasukan patungo sa makipot na landas, at higit sa lahat ay bibigyan tayo ng kapangyarihang [magampanan] ang ating katungkulan.13
Kaya nakikiusap ako, patuloy na aktibong lumahok sa Simbahan, kahit na may ilang bagay o mga tao na hindi ninyo gusto rito. Magpainit sa Kanyang liwanag at paliwanagin ang inyong ilaw sa layunin.14 Kinakanta nila ito sa Primary: Si Jesus ay talagang “[gusto na kayo ay] maging isang sinag.”15
Nang magsumamo ang pinunong Judio na si Jairus na pagalingin ni Jesus ang kanyang 12-taong-gulang na anak na babae na nasa bahay at naghihingalo, hindi kaagad nakaalis si Jesus dahil sa mga taong nakapalibot sa Kanya kaya sinabi ng isang alipin sa nag-aalalang amang ito, “Patay na ang anak mong babae; huwag mo nang abalahin pa ang Guro.”
“Subalit nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kanya, Huwag kang matakot. Sumampalataya ka lamang at siya’y gagaling.”16
At gumaling nga siya. At kayo ay gagaling din. “Huwag kang matakot: sumampalataya ka lamang.”
Dahil bawat isa sa inyo na nakikinig ngayon ay mahalaga sa Diyos at sa Simbahang ito, magtatapos ako sa espesyal na pahayag na ito bilang apostol. Bago pa ninyo natanggap ang kaloob na Espiritu Santo, naitimo na sa inyong kaluluwa ang liwanag ni Cristo,17 na “liwanag na nasa lahat ng bagay … nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay,”18 at siyang naghihikayat ng kabutihan sa puso ng lahat ng taong nabuhay o mabubuhay pa. Ang liwanag na iyon ay ibinigay upang protektahan at turuan kayo. Isa sa mga pinakamensahe nito ay nagsasaad na ang pinakamahalaga sa lahat ng kaloob ay ang buhay, isang kaloob na matatamo lamang nang walang-hanggan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Bilang Ilaw at Buhay ng Sanlibutan,19 pumarito ang Bugtong na Anak ng Diyos upang bigyan tayo ng buhay sa pamamagitan ng pagdaig sa kamatayan.
Kailangang lubos nating pagtuunan ang kaloob na buhay na iyan at kaagad tulungan ang mga taong posibleng nagtatangkang kitlin ang sagradong kaloob na ito. Mga lider, adviser, kaibigan, pamilya—magbantay sa mga senyales ng depresyon, kawalan ng pag-asa, o anumang bagay na nagpapahiwatig ng pananakit sa sarili. Mag-alok ng tulong. Makinig. Makialam kung naaangkop.
Sa sinuman sa ating mga kabataan na nahihirapan, anuman ang inyong mga alalahanin o paghihirap, hindi sagot ang pagpapakamatay. Hindi nito maiibsan ang sakit na nararamdaman ninyo o iniisip ninyong naidudulot ninyo. Sa mundong nangangailangan ng lahat ng liwanag na makukuha nito, huwag sana ninyong balewalain ang walang-hanggang liwanag na itinimo ng Diyos sa inyong kaluluwa bago pa likhain ang daigdig na ito. Makipag-usap sa isang tao. Humingi ng tulong. Huwag ninyong kitlin ang buhay na pinag-alayan ni Cristo ng Kanyang buhay upang maligtas. Makakayanan ninyo ang mga paghihirap sa buhay na ito dahil tutulungan namin kayong makayanan ang mga ito. Mas malakas kayo kaysa inaakala ninyo. Ang tulong ay makukuha, mula sa iba at lalo na sa Diyos. Kayo ay minamahal at pinahahalagahan at kailangan. Kailangan namin kayo! “Huwag kang matakot: sumampalataya ka lamang.”
Isang tao na naharap sa mga sitwasyong mas kapigha-pighati kaysa sa mararanasan natin, ang minsang nagsabi: “Sumulong [mga mahal kong mga kaibigang kabataan]. Lakas ng loob, … at humayo, humayo sa pananagumpay! Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak.”20 Napakaraming dahilan para magalak tayo. Magkakasama tayo, at kasama natin Siya. Huwag ninyong ipagkait sa amin ang pagkakataong makasama kayo. Ito ang pakiusap ko, sa sagrado at banal na pangalan ng Panginoong Jesucristo, ang ating Guro, amen.