Mga Aral sa May Balon
Maaari tayong bumaling sa Tagapagligtas para sa lakas at paggaling na magbibigay sa atin ng kakayahang tuparin ang lahat ng isinugong gawin natin dito.
Kaysayang makasama ang bawat isa sa inyo sa sesyong ito ng pangkalahatang kumperensya para sa kababaihan!
Lumaki ako sa kanlurang New York at dumalo sa maliit na branch ng Simbahan na mga 20 milya (32 km) mula sa bahay namin. Habang nakaupo ako sa klase sa Sunday School sa silong ng luma at inuupahan naming chapel kasama ang kaibigan kong si Patti Jo, hindi ko naisip kailanman na magiging bahagi ako ng isang pandaigdigang kapatiran ng milyun-milyong kababaihan.
Limang taon na ang nakararaan, nagkasakit nang malubha ang asawa kong si Bruce noong naglilingkod kami kasama ang nakatalagang mga Banal sa Europe East Area. Umuwi kami, at pumanaw siya makalipas lamang ang ilang linggo. Biglang nagbago ang buhay ko. Nagluluksa ako noon at nanghihina at nagdaramdam. Nagsumamo ako sa Panginoon na gabayan ako sa aking landas: “Ano po ang gusto Ninyong gawin ko?”
Makalipas ang ilang linggo, iniisa-isa ko ang mga sulat sa akin nang mapansin ko ang isang maliit na larawan sa isang catalog. Nang tingnan ko ito nang malapitan, natanto ko na rendisyon ito ng isang pintor sa babaeng Samaritana na kasama si Jesus sa may balon. Sa sandaling iyo’y malinaw na nangusap sa akin ang Espiritu: “Iyan ang dapat mong gawin.” Inaanyayahan ako ng isang mapagmahal na Ama sa Langit na lumapit sa Tagapagligtas at matuto.
Gusto kong ibahagi sa inyo ang tatlong aral na natututuhan ko habang patuloy akong umiinom mula sa Kanyang balon ng “tubig na buhay.”1
Una: Hindi ang Ating Nakaraan at Kasalukuyang Sitwasyon ang Nagpapasiya sa Ating Hinaharap
Mga kapatid, alam ko na kapareho ng sa akin ang nadarama ng marami sa inyo, na hindi sigurado kung paano haharapin ang mahihirap na hamon at kawalan—kawalan dahil ang buhay ninyo ay hindi umaayon sa inyong inasam, ipinagdasal, at naiplano.
Anuman ang ating sitwasyon, ang ating buhay ay sagrado at may kahulugan at layunin. Bawat isa sa atin ay minamahal na anak ng Diyos, isinilang na may angking kabanalan sa ating kaluluwa.
Ginawang posible ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, na maging malinis at mapagaling tayo. Ito ang nagbibigay sa atin ng kakayahang tuparin ang ating layunin sa lupa anuman ang mga desisyon ng mga kapamilya, may-asawa man tayo o wala, ang kalusugan ng ating katawan o isipan, o iba pang sitwasyon.
Isipin ang babae sa may balon. Ano kaya ang naging buhay niya? Nahiwatigan ni Jesus na lima na ang naging asawa niya at hindi siya kasal sa lalaking kinakasama niya nang panahong iyon. Gayunpaman, sa kabila ng mga paghihirap niya sa buhay, ang isa sa mga unang pagpapahayag ng Tagapagligtas sa madla na Siya ang Mesiyas ay sa kanya. Sinabi Niya, “Ako na nagsasalita sa iyo ay siya nga.”2
Naging isa siyang mabisang saksi, na nagpapahayag sa kanyang mga kababayan na si Jesus ang Cristo. “At marami sa mga Samaritano sa lunsod na iyon ang sumampalataya sa kanya dahil sa sinabi ng babae.”3
Hindi ang kanyang nakaraan at kasalukuyang sitwasyon ang nagpasiya sa kanyang hinaharap. Tulad niya, mapipili nating bumaling sa Tagapagligtas ngayon para sa lakas at pagpapagaling na magbibigay sa atin ng kakayahang tuparin ang lahat ng isinugong gawin natin dito.
Pangalawa: Ang Kapangyarihan ay Nasa Atin
Sa isang pamilyar na talata sa Doktrina at mga Tipan, hinihikayat ng Panginoon ang kababaihan at kalalakihan na maging “sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan; sapagkat ang kapangyarihan ay nasa kanila.”4
Mga kapatid, ang kapangyarihan ay nasa atin upang isakatuparan ng maraming kabutihan!
Nagpatotoo si Pangulong Russell M. Nelson, “Bawat babae at bawat lalaki na nakikipagtipan sa Diyos at tumutupad sa mga tipang iyon, at karapat-dapat na nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood, ay matatanggap mismo ang kapangyarihan ng Diyos.”5
Nalaman ko na kapag sinisikap nating igalang ang mga sagradong tipan na ginawa sa binyag at sa mga banal na templo, pagpapalain tayo ng Panginoon “ng Kanyang nagpapagaling, nagpapalakas na kapangyarihan” at ng “mga espirituwal na pananaw at kamalayan na hindi pa [natin] kailanman natamo.”6
Pangatlo: “Mula sa Maliliit na Bagay Nagmumula ang Yaong Dakila”7
Sa Sermon sa Bundok, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “Kayo ang asin ng lupa”8 at “Kayo ang ilaw ng sanlibutan.”9 Kalaunan ay ikinumpara Niya ang paglago ng kaharian ng langit sa pampaalsa, “na kinuha ng isang babae, at inihalo sa tatlong takal na harina, hanggang sa ang lahat ay malagyan ng pampaalsa.”10
-
Asin
-
Pampaalsa
-
Ilaw o Liwanag
Kahit paunti-unti lamang, bawat isa ay nakakaapekto sa lahat ng bagay na nasa paligid nito. Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na gamitin ang Kanyang kapangyarihan para magsilbing asin, pampaalsa, at ilaw o liwanag.
Asin
Nakakagulat ang laki ng kaibhang nagagawa ng pagbubudbod ng asin sa lasa ng ating kinakain. Gayunpama’y isa ang asin sa pinakamura at pinakasimpleng mga sangkap.
Sa aklat ng 2 Mga Hari, mababasa natin ang tungkol sa “isang dalagita”11 na binihag ng mga taga-Siria at naging tagapagsilbi sa asawa ni Naaman, na kapitan ng hukbo ng Siria. Siya ay nagsilbing asin; bata pa siya, walang halaga sa mundo, at malinaw na hindi niya inasam sa buhay niya na maging alipin sa ibang bansa.
Gayunman, may dalawa siyang ipinahayag nang may kapangyarihan ng Diyos, na nagpapatotoo sa asawa ni Naaman: “Sana’y naroon ang aking panginoon na kasama ng propeta na nasa Samaria! Kanyang pagagalingin siya sa kanyang ketong.”12
Ang kanyang mga salita ng pananampalataya ay ipinarating kay Naaman, na kumilos ayon sa kanyang mga salita, na nagpagaling sa kanya kapwa sa pisikal at sa espirituwal.
Madalas tayong nakatuon sa mga tagapaglingkod na nakakumbinsi kay Naaman na maligo sa ilog Jordan, tulad ng iniutos ng propetang si Eliseo, ngunit hindi sana naparoon si Naaman sa pintuan ni Eliseo kung wala ang isang “dalagita.”
Maaaring bata pa kayo o pakiramdam ninyo’y wala kayong halaga, ngunit maaari kayong magsilbing asin sa inyong pamilya, sa paaralan, at sa inyong komunidad.
Pampaalsa
Nakakain na ba kayo ng tinapay na walang pampaalsa? Paano ninyo ito ilalarawan? Siksik? Mabigat? Matigas? Sa kaunting pampaalsa lamang, umaalsa ang tinapay, lumalaki para mas gumaan at mas lumambot.
Kapag inaanyayahan natin ang kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay, mapapalitan natin ang “lupaypay na diwa”13 ng inspiradong mga pananaw na nagpapasigla sa iba at nagbibigay-puwang para maghilom ang mga puso.
Kailan lang ay nanatiling nakahiga sa kama sa Pasko ng umaga ang isang kaibigan ko, sa sobrang kalungkutan. Nagmakaawa ang kanyang mga anak na bumangon siya; gayunman, nasasaktan siya dahil sa nakabinbin niyang pakikipagdiborsyo. Umiiyak habang nakahiga sa kama, ibinuhos niya ang kanyang damdamin sa panalangin sa kanyang Ama sa Langit, na sinasabi sa Kanya ang kawalan niya ng pag-asa.
Sa pagtatapos ng kanyang panalangin, ibinulong sa kanya ng Espiritu na batid ng Diyos ang dinaramdam niya. Napuspos siya ng pagkahabag ng Diyos sa kanya. Ang sagradong karanasang ito ang nagpatibay sa kanyang damdamin at nagbigay sa kanya ng pag-asa na hindi siya nagdadalamhating mag-isa. Bumangon siya, lumabas, at gumawa sila ng isang snowman ng kanyang mga anak, kaya napalitan ng tawanan at saya ang bigat ng damdamin noong umagang iyon.
Ilaw o Liwanag
Gaano karaming ilaw ang kailangan para matagos ang dilim sa isang silid? Isang munting sinag. At ang sinag ng liwanag sa isang madilim na lugar ay maaaring magmula sa kapangyarihan ng Diyos na nasa inyo.
Bagama’t maaari ninyong madama na nag-iisa kayo habang nagngangalit ang mga unos ng buhay, maaari kayong magliwanag sa dilim ng di-pagkakaunawaan, pagkalito, at kawalan ng paniniwala. Ang inyong liwanag ng pananampalataya kay Cristo ay maaaring maging matatag at tiyak, na umaakay sa mga nasa paligid ninyo tungo sa kaligtasan at kapayapaan.
Mga kapatid, maaaring mabago ang mga puso at mapagpala ang mga buhay kapag nag-alok tayo ng isang kurot ng asin, isang kutsarang pampaalsa, at isang sinag ng liwanag.
Pinatototohanan ko na ang Tagapagligtas ang asin sa ating buhay, na nag-aanyaya sa atin na tikman ang Kanyang kagalakan at pagmamahal.14 Siya ang pampaalsa kapag mahirap ang ating buhay, na nagbibigay sa atin ng pag-asa15 at nagpapagaan sa ating mga pasanin16 sa pamamagitan ng Kanyang walang-kapantay na kapangyarihan at tumutubos na pagmamahal.17 Siya ang ating ilaw,18 na tumatanglaw sa ating landas pauwi.
Dalangin ko na makalapit tayo sa Tagapagligtas, tulad ng babae sa may balon, at makainom ng Kanyang tubig na buhay. Kasama ng mga tao ng Samaria, maipapahayag natin na, “Ngayo’y suma[sa]mpalataya kami, … sapagkat kami mismo ay nakarinig at nalalaman naming ito nga [ang Cristo,] ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”19 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.