Pangkalahatang Kumperensya
Pinagagaling ni Cristo ang Nawasak
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2022


10:39

Pinagagaling ni Cristo ang Nawasak

Mapagagaling Niya ang mga nawasak na ugnayan sa Diyos, nawasak na ugnayan sa iba, at nawasak na mga bahagi ng ating sarili.

Ilang taon na ang nakararaan, sa isang pagtitipon ng pamilya, tinanong ng pamangkin kong si William, na noon ay walong taong gulang, ang panganay naming anak na si Briton kung gusto niyang makipaglaro ng bola sa kanya. Masayang sumagot si Briton ng, “Oo! Gusto ko ‘yan!” Matapos nilang maglaro nang ilang minuto, hindi nakontrol ni Briton ang bola at aksidente niyang nabasag ang isa sa mga antigong plorera ng kanyang lolo’t lola.

Sumama talaga ang pakiramdam ni Briton. Nang sinimulan niyang pulutin ang mga basag na piraso, lumapit ang batang si William sa kanyang pinsan at magiliw itong tinapik sa likod. Pagkatapos ay inalo niya ito, “Huwag kang mag-alala, Briton. Minsan ay may nabasag ako sa bahay nina Lola at Lolo, at niyakap ako ni Lola at sabi niya, ‘OK lang, William. Limang taong gulang ka lang naman.’”

Sumagot si Briton ng, “Pero, William, 23 taong gulang na ako!”

Marami tayong matututuhan mula sa mga banal na kasulatan tungkol sa kung paano tayo tutulungan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo na harapin ang mga bagay na nawasak sa ating buhay, anuman ang edad natin. Mapagagaling Niya ang mga nawasak na ugnayan sa Diyos, nawasak na ugnayan sa iba, at nawasak na mga bahagi ng ating sarili.

Nawasak na mga Ugnayan sa Diyos

Habang nagtuturo ang Tagapagligtas sa templo, isang babae ang dinala sa Kanya ng mga eskriba at Fariseo. Hindi natin alam ang buong kuwento niya, ang alam lang natin ay “nahuli [siya] sa akto ng pangangalunya.”1 Kadalasan, ang mga banal na kasulatan ay naglalahad lamang ng maliit na bahagi tungkol sa buhay ng isang tao, at kung minsan, batay sa bahaging iyan ay malamang na pumuri o manghusga tayo. Walang buhay ng tao ang mauunawaan sa pamamagitan lamang ng isang kahanga-hangang sandali o ng isang nakakahiyang kabiguan sa harap ng publiko. Ang layunin ng mga salaysay na ito sa banal na kasulatan ay tulungan tayong makita na si Jesucristo ang sagot noon, at Siya ang sagot ngayon. Alam Niya ang buong kuwento ng buhay natin at ang mismong dinaranas natin, gayundin ang ating mga kakayahan at kahinaan.

Ang tugon ni Cristo sa minamahal na anak na ito ng Diyos ay “Hindi rin kita hinahatulan. Humayo ka na at mula ngayo’y huwag ka nang magkasala.”2 Ang isa pang paraan ng pagsasabi ng “humayo ka na, at mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” ay maaaring “humayo ka na at mula ngayo’y magbago.” Inanyayahan siya ng Tagapagligtas na magsisi: na baguhin ang kanyang pag-uugali, ang mga tao sa paligid niya, ang nadarama niya tungkol sa kanyang sarili, sa kanyang puso.

Dahil kay Cristo, ang desisyon nating “humayo at mula ngayo’y magbago” ay maaari ding magtulot sa atin na “humayo at mula ngayo’y gumaling,” sapagkat Siya ang pinagmumulan ng paggaling ng lahat ng nawasak sa ating buhay. Bilang dakilang Tagapamagitan sa Ama, pinababanal at muling binubuo ni Cristo ang mga nawasak na ugnayan—higit sa lahat, ang ating ugnayan sa Diyos.

Nilinaw sa Joseph Smith Translation na talagang sinunod ng babae ang payo ng Tagapagligtas at binago ang kanyang buhay: “At ang babae ay niluwalhati ang Diyos simula sa sandaling iyon, at naniwala sa kanyang pangalan.”3 Sa kasawiang palad ay hindi natin nalaman ang kanyang pangalan o ang iba pang mga detalye tungkol sa kanyang buhay dahil malamang na nangailangan ng matinding determinasyon, pagpapakumbaba, at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo upang siya ay makapagsisi at magbago. Ang alam natin ay isa siyang babaeng “naniwala sa kanyang pangalan” na nauunawaan na saklaw siya ng Kanyang walang katapusan at walang hanggang sakripisyo.

Mga Nawasak na Ugnayan sa Iba

Sa Lucas kabanata 15 mababasa natin ang isang talinghaga tungkol sa isang lalaking may dalawang anak. Hiningi ng nakababatang anak sa kanyang ama ang kanyang mana, naglakbay siya patungo sa isang malayong lupain, at nilustay ang kanyang kabuhayan sa maaksayang pamumuhay.4

“Nang magugol na niyang lahat ay nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at siya’y nagsimulang mangailangan.

“Kaya’t pumaroon siya at sumama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing iyon na nagpapunta sa kanya sa kanyang mga bukid upang magpakain ng mga baboy.

“At siya’y nasasabik na makakain ng mga pinagbalatan na kinakain ng mga baboy at walang sinumang nagbibigay sa kanya ng anuman.

“Subalit nang siya’y matauhan ay sinabi niya, ‘Ilan sa mga upahang lingkod ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, ngunit ako rito’y namamatay sa gutom!

“Titindig ako at pupunta sa aking ama, at aking sasabihin sa kanya, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo,

“Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Ituring mo ako na isa sa iyong mga upahang lingkod’”.

“Siya’y tumindig at pumunta sa kanyang ama. Subalit habang nasa malayo pa siya, natanaw siya ng kanyang ama at ito’y awang-awa sa kanya. Ang ama’y tumakbo, niyakap siya at hinagkan.”5

Makabuluhan para sa akin ang katotohanan na tumakbo ang ama papunta sa kanyang anak. Ang sakit na idinulot ng anak sa kanyang ama ay tiyak na malalim at matindi. Maaari din talagang nahiya ang ama sa mga ginawa ng kanyang anak.

Kung gayon, bakit hindi na nahintay ng ama na humingi ng tawad ang kanyang anak? Bakit hindi na niya nahintay na magkaroon ng pagsasauli at pagkakasundo bago siya nagpatawad at nagmahal? Ang bagay na ito ay madalas kong pag-isipan.

Itinuturo sa atin ng Panginoon na ang pagpapatawad sa kapwa ay utos sa lahat ng tao, “Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.”6 Ang magpatawad ay maaaring mangailangan ng matinding lakas ng loob at pagpapakumbaba. Maaaring kailanganin din nito ang mahabang panahon. Kinakailangang manampalataya at magtiwala tayo sa Panginoon habang pinananagutan natin ang nararamdaman ng ating puso. Nakasalalay rito ang kabuluhan at kapangyarihan ng ating kalayaang pumili.

Sa paglalarawan sa amang ito sa talinghaga tungkol sa alibughang anak, binigyang-diin ng Tagapagligtas na ang pagpapatawad ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na maibibigay natin sa isa’t isa at lalo na sa ating sarili. Ang pag-aalis ng hinanakit sa ating puso sa pamamagitan ng pagpapatawad ay hindi palaging madali, ngunit posible ito sa pamamagitan ng nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Jesucristo.

Mga Nawasak na Bahagi ng Ating Sarili

Sa Mga Gawa kabanata 3 malalaman natin ang tungkol sa isang lalaking isinilang na lumpo at “araw-araw siya’y inilalagay nila sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa mga pumapasok sa templo.”7

Ang pulubing lumpo ay mahigit 40 taong gulang na8 at ginugol ang kanyang buong buhay sa tila walang katapusang pag-asam at paghihintay, dahil umaasa siya sa pagiging bukas-palad ng iba.

Isang araw, nakita niya “sina Pedro at Juan na papasok sa templo [at] humingi siya ng limos.

“[At] pagtitig sa kanya ni Pedro, kasama si Juan, ay sinabi, “Tingnan mo kami.

“Itinuon niya ang kanyang pansin sa kanila na umaasang mayroong tatanggapin mula sa kanila.

“Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesucristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.

“Kanyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya’y itinindig at agad na lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong.

“[At] siya’y lumukso, tumayo at nagpalakad-lakad; pumasok siya sa templo na kasama nila, lumalakad, lumulukso, at nagpupuri sa Diyos.”9

Kadalasan sa buong buhay natin maaari nating matagpuan ang ating sarili, tulad ng pulubing lumpo sa pintuan ng templo, na matiyaga—o kung minsan ay naiinip na—“naghihintay sa Panginoon.”10 Naghihintay na mapagaling ang katawan o damdamin. Naghihintay sa mga sagot na titimo sa kaibuturan ng ating puso. Naghihintay ng isang himala.

Ang paghihintay sa Panginoon ay maaaring maging isang sagradong kalagayan—isang kalagayan ng pagpipino at pagpapadalisay kung saan ay mas malalim nating makikilala nang personal ang Tagapagligtas. Ang paghihintay sa Panginoon ay maaari ring maging isang kalagayan kung saan makikita natin ang ating sarili na nagtatanong ng, “O Diyos, nasaan kayo?”11—isang kalagayan kung saan ang espirituwal na pagsisikap ay nangangailangan na manampalataya tayo kay Cristo sa pamamagitan ng intensyonal na pagpili sa Kanya nang paulit-ulit. Naranasan ko ito, at nauunawaan ko ang uring ito ng paghihintay.

Hindi mabilang ang mga oras na ginugol ko sa isang cancer treatment facility, nahihirapan kasama ng maraming iba pa na umaasam na mapagaling. Ang ilan ay nabuhay; ang iba ay hindi. Natutuhan ko sa matinding paraan na ang kaligtasan mula sa mga pagsubok ay magkakaiba sa bawat isa sa atin, kaya hindi tayo dapat gaanong magtuon sa paraan ng pagliligtas sa atin at dapat ay mas pagtuunan natin ang Tagapagligtas mismo. Ang dapat nating pagtuunan palagi ay si Jesucristo!

Ang ibig sabihin ng manampalataya kay Cristo ay pagtitiwala hindi lamang sa kalooban ng Diyos kundi maging sa Kanyang takdang panahon. Dahil nalalaman Niya kung ano mismo ang kailangan natin at kung kailan mismo natin ito kailangan. Kapag sumusunod tayo sa kalooban ng Panginoon, sa huli ay tatanggap tayo nang higit pa sa inaasam natin.

Mahal kong mga kaibigan, lahat tayo ay may mga bagay sa ating buhay na nawasak na kailangang buuin, ayusin, o pagalingin. Kapag bumaling tayo sa Tagapagligtas, kapag iniaayon natin ang ating puso’t isipan sa Kanya, kapag nagsisi tayo, pupunta Siya sa atin “na may pagpapagaling sa kanyang mga bagwis,”12 at mapagmahal na yayakapin tayo, at sasabihing, “OK lang ‘yan. Ikaw ay 5—o 16, 23, 48, 64, 91 na taong gulang pa lang naman. Maaayos natin ito nang magkasama!”

Pinatototohanan ko na walang anuman sa inyong buhay na nawasak na hindi mahihilom ng nakapagpapagaling, tumutubos, at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Jesucristo. Sa sagrado at banal na pangalan Niya na makapangyarihang magpagaling, si Jesucristo, amen.