Video: “Kayo ang Kababaihang Nakinita Niya”
Noong 1979 si Pangulong Spencer W Kimball ay nasa ospital at hiniling sa kanyang asawang si Camilla, na basahin ang kanyang mensahe sa pangkalahatang pulong ng kababaihan.
Sister Camilla Kimball: “Ang karamihan sa malaking pag-unlad sa Simbahan sa mga huling araw ay darating sapagkat marami sa mabubuting kababaihan ng mundo (na kadalasa’y mas espirituwal) ang mapupunta sa Simbahan nang maramihan. Mangyayari ito dahil magpapakita ng kabutihan at kahusayan sa pananalita ang kababaihan ng Simbahan sa kanilang buhay at makikitang natatangi at kakaiba—sa masayang paraan—mula sa kababaihan ng sanlibutan.”1
Pangulong Russell M. Nelson: “Mahal kong mga kapatid na babae, kayo na napakahalagang katuwang namin sa mga huling araw na ito, ang panahong nakinita noon ni Pangulong Kimball ay ang ngayon. Kayo ang kababaihang nakinita niya! Ang inyong kabutihan, liwanag, pagmamahal, kaalaman, katapangan, pagkatao, pananampalataya, at matwid na buhay ang magdadala ng iba pang mabubuting kababaihan ng mundo sa Simbahan, kasama ang kanilang mga pamilya, sa mas maraming bilang kaysa noon!
“Kailangan … [namin] ang inyong lakas, katatagan, pananalig, kakayahang mamuno, karunungan, at mga tinig. Hindi kumpleto ang kaharian ng Diyos at hindi makukumpleto kung walang kababaihang gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito, kababaihang nangungusap nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos! …
“… Anuman ang inyong tungkulin, anuman ang inyong kalagayan, kailangan namin ang inyong mga impresyon, ideya, at inspirasyon. Kailangan namin kayong tuwiran at hayagang magsalita sa mga ward at stake council. Kailangan namin ang bawat kababaihang may asawa na magsalita bilang ‘isang tumutulong at ganap na katuwang’ sa pakikiisa ninyo sa inyong asawa sa pamumuno sa inyong pamilya. May asawa man o wala, taglay ninyong kababaihan ang naiibang mga kakayahan at natatanging intuwisyon na ipinagkaloob sa inyo ng Diyos. Hindi namin matutularang mga kalalakihan ang inyong kakaibang impluwensya.
“Alam namin na ang huli at pinakadakila sa buong paglikha ay ang paglikha sa babae! Kailangan namin ang inyong lakas! …
“… Pinasasalamatan ko kayo, mahal kong mga kapatid na babae, at binabasbasan ko kayo na maabot ninyo ang inyong buong potensyal, na ganap ninyong magampanan ang layunin ng paglikha sa inyo, habang nagtutulungan tayo sa sagradong gawaing ito. Magkakasama nating tutulungan ang mundo na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.”2