Pangkalahatang Kumperensya
Banal na Pagmamahal sa Plano ng Ama
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2022


14:47

Banal na Pagmamahal sa Plano ng Ama

Ang layunin ng doktrina at mga patakaran nitong ipinanumbalik na Simbahan ay ihanda ang mga anak ng Diyos para sa kaligtasan at kadakilaan sa pinakamataas na antas nito.

Ipinakikita ng plano ng ebanghelyo ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang mga anak. Upang maunawaan ito, kailangang hangarin nating maunawaan ang Kanyang plano at mga kautusan. Mahal na mahal Niya ang Kanyang mga anak kaya’t ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo, upang maging ating Tagapagligtas at Manunubos, upang magdusa at mamatay para sa atin. Sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kakaiba ang ating pag-unawa sa plano ng ating Ama sa Langit. Binibigyan tayo nito ng kakaibang pananaw sa layunin ng mortal na buhay, sa banal na paghuhukom na kasunod nito, at sa maluwalhating tadhana sa huli ng lahat ng anak ng Diyos.

Mahal ko kayo, mga kapatid ko. Mahal ko ang lahat ng anak ng Diyos. Nang tinanong si Jesus, “Alin ba ang dakilang utos sa kautusan?” Itinuro Niya na ang mahalin ang Diyos at ang kapwa ang una sa mga dakilang utos ng Diyos.1 Ang mga utos na iyon ang una dahil inaanyayahan tayo ng mga ito na umunlad sa espirituwal sa pamamagitan ng pagsisikap na tularan ang pagmamahal ng Diyos para sa atin. Sana ay mas maunawaan nating lahat ang mapagmahal na doktrina at mga patakaran na itinatag ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang sasabihin ko ay paglilinaw kung paano ipinapaliwanag ng pagmamahal ng Diyos ang doktrinang iyon at ang mga inspiradong patakaran ng Simbahan.

I.

Ang kadalasang maling pagkaunawa sa paghuhukom na kasunod ng mortal na buhay ay na ang mabubuting tao ay mapupunta sa lugar na tinatawag na langit at ang masasama ay mapupunta sa walang katapusang lugar na tinatawag na impiyerno. Ang maling akalang ito na dalawa lamang ang huling hahantungan ay nagpapahiwatig na ang mga hindi makasusunod sa lahat ng kautusan na kailangan para makapasok sa langit ay nakatadhanang mapunta sa impiyerno.

Ang mapagmahal na Ama sa Langit ay may mas mabuting plano para sa Kanyang mga anak. Itinuturo ng inihayag na doktrina ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo na lahat ng anak ng Diyos—na may mga eksepsyon na masyadong limitado para isaalang-alang dito—ay mapupunta sa isang kaharian ng kaluwalhatian.2 Itinuro ni Jesus na “Sa bahay ng aking ama ay maraming tahanan.”3 Mula sa makabagong paghahayag, alam natin na ang mga tahanang iyon ay nasa tatlong magkakaibang kaharian ng kaluwalhatian. Sa Huling Paghuhukom bawat isa sa atin ay hahatulan batay sa ating mga ginawa at sa hangarin ng ating puso.4 Bago iyon, kailangang pagdusahan natin ang mga kasalanan na hindi natin pinagsisihan. Malinaw na nakasaad iyan sa mga banal na kasulatan.5 Pagkatapos ay pagkakalooban tayo ng ating matwid na Hukom ng tirahan sa isa sa mga kahariang iyon ng kaluwalhatian. Sa gayon, gaya ng alam natin sa makabagong paghahayag, lahat ay “hahatulan … , at bawat tao ay makatatanggap alinsunod sa kanyang mga sariling gawa, sa kanyang sariling nasasakupan, sa mga mansiyon na inihanda.”6

Pinili ng Panginoon na maghayag nang kaunti tungkol sa dalawa sa mga kahariang ito ng kaluwalhatian. Kapag ikukumpara sa dalawang ito, maraming inihayag ang Panginoon tungkol sa pinakamataas na kaharian ng kaluwalhatian, na inilalarawan ng Biblia bilang “kaluwalhatian ng araw.”7

Sa kaluwalhatiang “selestiyal”8 may tatlong antas, o lebel.9 Ang pinakamataas sa mga ito ay ang kadakilaan sa kahariang selestiyal, kung saan maaari tayong maging katulad ng ating Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Upang tulungan tayong magkaroon ng mga katangiang makadiyos at baguhin ang likas na pagkatao para makamit ang ating banal na potensiyal, inihayag ng Panginoon ang doktrina at itinatag ang mga kautusan batay sa walang-hanggang batas. Ito ang itinuturo natin sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw dahil ang layunin ng doktrina at mga patakaran nitong ipinanumbalik na Simbahan ay ihanda ang mga anak ng Diyos para sa kaligtasan sa kahariang selestiyal, at lalo na, para sa kadakilaan sa pinakamataas na antas nito.

Ang ginawang mga tipan at ipinangakong mga pagpapala sa matatapat sa mga templo ng Diyos ang siyang susi. Ito ang dahilan kaya nagtatayo tayo ng mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo, at ang tungkol dito ay inawit nang napakaganda ng koro. Ang ilan ay naguguluhan sa pagbibigay-diing ito, hindi nauunawaan na ang mga tipan at ordenansa ng templo ang gumagabay sa atin sa pagkamit ng kadakilaan. Mauunawaan lamang ito sa konteksto ng inihayag na katotohanan tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian. Dahil sa lubos na pagmamahal ng ating Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang mga anak, naglaan Siya ng iba pang mga kaharian ng kaluwalhatian—tulad ng ipinaliwanag ni Elder Quentin L. Cook kahapon—lahat ng ito ay mas kahanga-hanga kaysa sa makakaya nating unawain.10

Ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang lahat ng ito. Inihayag Niya na Siya ang “lumuluwalhati sa Ama, at inililigtas ang lahat ng gawa ng kanyang mga kamay.”11 Ipinagkakaloob ang kaligtasang iyan sa iba’t ibang kaharian ng kaluwalhatian. Nalaman natin mula sa makabagong paghahayag na “lahat ng kaharian ay may batas na ibinigay.”12 Makabuluhan na:

“Siya na hindi makasusunod sa batas ng isang kahariang selestiyal ay hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang selestiyal.

“At siya na hindi makasusunod sa batas ng kahariang terestriyal ay hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang terestriyal.

“At siya na hindi makasusunod sa batas ng kahariang telestiyal ay hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang telestiyal.”13

Sa madaling salita, ang kaharian ng kaluwalhatian na matatanggap natin sa Huling Paghuhukom ay batay sa mga batas na pinili nating sundin sa mapagmahal na plano ng ating Ama sa Langit. Sa ilalim ng planong iyon ay may maraming kaharian upang lahat ng Kanyang mga anak ay maitalaga sa isang kaharian kung saan sila maaaring “manahanan.”

II.

Ginagamit ng mga turo at mga patakaran ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon ang mga walang-hanggang katotohanang ito sa paraan na lubusang mauunawaan ito sa konteksto lamang ng mapagmahal na plano ng ating Ama sa Langit para sa lahat ng Kanyang mga anak.

Dahil dito, iginagalang natin ang kalayaang pumili ng bawat tao. Alam ng karamihan ang malalaking pagsisikap ng Simbahan na itaguyod ang kalayaang panrelihiyon. Ang mga pagsisikap na ito ay para sa pagsulong ng plano ng ating Ama sa Langit. Hangad nating tulungan ang lahat ng Kanyang mga anak—hindi lamang ang ating mga miyembro—na magamit ang mahalagang kalayaan sa pagpili.

Gayundin, kung minsan ay tinatanong tayo kung bakit tayo nagpapadala ng mga missionary sa napakaraming mga bansa, kahit sa mga bansang Kristiyano. Tinatanong din tayo kung bakit nagbibigay tayo ng napakaraming tulong sa mga hindi miyembro ng ating Simbahan nang hindi iniuugnay ang tulong na ito sa ating mga pagsisikap sa gawaing misyonero. Ginagawa natin ito dahil itinuro sa atin ng Panginoon na ituring natin ang lahat ng Kanyang mga anak bilang mga kapatid natin, at nais nating ibahagi ang ating espirituwal at temporal na kasaganaan sa lahat.

Ang walang hanggang doktrina ay naglalaan din ng naiibang pananaw tungkol sa mga bata. Sa pananaw na ito nauunawaan natin ang pagkakaroon ng mga anak at pag-aaruga sa kanila bilang bahagi ng dakilang plano. Ito ay nakagagalak at sagradong tungkulin ng mga taong nabigyan ng kakayahan na makibahagi rito. Kaya nga, iniuutos sa atin na ituro at ipagtanggol ang mga alituntunin at gawi na nagbibigay ng pinakamainam na kalagayan para sa pag-unlad at kaligayahan ng mga bata sa ilalim ng plano ng Diyos.

III.

Panghuli, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay angkop na kinikilala bilang Simbahan na nakasentro sa pamilya. Ngunit ang hindi gaanong naiintindihan ng iba ay hindi lamang sa mortal na buhay na ito tayo nagtutuon sa pamilya. Ang walang hanggang ugnayan ay napakahalaga sa ating teolohiya. Ang misyon ng ipinanumbalik na Simbahan ay tulungan ang lahat ng anak ng Diyos na maging marapat sa nais ng Diyos na patunguhan nila sa huli. Sa pagtubos na laan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, lahat ay maaaring magkaroon ng buhay na walang hanggan (kadakilaan sa kahariang selestiyal), na sinabi ni Inang Eva na “ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin.”14 Ito ay higit pa sa kaligtasan. Ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na “sa walang hanggang plano ng Diyos, ang kaligtasan ay [responsibilidad ng bawat] tao; [ngunit] ang kadakilaan ay [responsibilidad ng] pamilya.”15

Mahalaga sa atin ang paghahayag ng Diyos na ang kadakilaan ay makakamit lamang sa katapatan sa mga tipan ng walang-hanggang kasal ng isang lalaki at ng isang babae.16 Ang banal na doktrinang iyan ang dahilan kung kaya’t itinuturo natin na ang “kasarian ay isang mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan.”17

Ito rin ang dahilan kung bakit iniuutos ng Panginoon sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan na tutulan natin ang impluwensya at pamimilit ng lipunan at batas na talikuran ang Kanyang doktrina ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, at tutulan ang mga pagbabago na nag-aalis ng mga pagkakaiba sa pagitan ng mga lalaki at mga babae o nagpapalito o nagpapalit ng kasarian.

Ang paninindigan ng ipinanumbalik na Simbahan tungkol sa mahahalagang alituntuning ito ay kadalasang pumupukaw sa pagsalungat o oposisyon. Nauunawaan namin iyan. Tinulutan ng plano ng ating Ama sa Langit ang “pagsalungat sa lahat ng bagay,”18 at ang pinakamatinding pagsalungat ni Satanas ay nakatuon sa anumang mahalaga sa planong iyon. Bunga nito, hinahangad niyang hadlangan ang pag-unlad tungo sa kadakilaan sa pamamagitan ng pagbaluktot sa doktrina ng kasal, pag-uudyok na huwag magkaroon ng mga anak, o paglikha ng kalituhan ukol sa kasarian. Gayunman, alam natin na sa huli, ang banal na layunin at plano ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ay hindi mababago. Ang personal na mga situwasyon ay maaaring magbago, at tinitiyak ng plano ng Diyos na sa huli, ang matatapat na tumutupad sa kanilang mga tipan ay magkakaroon ng pagkakataong maging kwalipikado sa bawat ipinangakong pagpapala.19

Ang isang natatangi at mahalagang aral na tutulong sa atin na maghanda para sa buhay na walang hanggan, “ang pinakadakila sa lahat ng mga kaloob ng Diyos,”20 ay ang pagpapahayag tungkol sa pamilya noong 1995.21 Mangyari pa, ang mga deklarasyon dito ay ibang-iba sa ilang batas, gawain, at adbokasiya ngayon, gaya ng pagsasama nang hindi kasal at kasal sa pagitan ng mga taong magkapareho ang kasarian. Ang mga hindi lubusang nakauunawa sa mapagmahal na plano ng Ama para sa Kanyang mga anak ay maaaring ituring ang pagpapahayag na ito sa pamilya na isang patakaran na maaaring baguhin. Kabaliktaran nito, pinagtitibay namin na ang pagpapahayag sa pamilya, na nakabatay sa hindi mababagong doktrina, ay naglalarawan sa uri ng mga ugnayan ng pamilya kung saan nangyayari ang pinakamahalagang bahagi ng ating walang-hanggang pag-unlad.

Iyan ang konteksto para sa natatanging doktrina at mga patakaran ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

IV.

Sa napakaraming ugnayan at sitwasyon sa mortal na buhay, kailangan nating makisalamuha sa mga taong naiiba sa atin. Bilang mga tagasunod ni Cristo na dapat magmahal sa ating mga kapwa-tao, dapat tayong mamuhay nang payapa kasama ang mga taong hindi natin katulad ng pinaniniwalan. Lahat tayo ay mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. Para sa ating lahat, ibinigay Niya ang buhay pagkatapos ng kamatayan at, sa huli, ang isang kaharian ng kaluwalhatian. Nais ng Diyos na tayong lahat ay magsikap para sa pinakamataas na pagpapalang maaari nating maabot sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang pinakamataas na mga kautusan, tipan, at ordenansa, na lahat ay humahantong sa Kanyang banal na mga templo na itinatayo sa iba’t ibang panig ng mundo. Kailangang sikapin nating ibahagi sa iba ang mga katotohanang ito ng kawalang-hanggan. Ngunit dahil mahal natin ang lahat ng ating kapwa, palagi nating tinatanggap ang kanilang mga desisyon. Tulad ng itinuro ng propeta sa Aklat ni Mormon, kailangan tayong patuloy na sumulong, na may “pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.”22

Gaya ng ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa ating huling kumperensya: “Sa buong kasaysayan ng mundo, ngayon mas mahalaga at mas kailangan sa personal na buhay ng bawat tao ang kaalaman tungkol sa ating Tagapagligtas. … Makapangyarihan ang dalisay na doktrina ni Cristo. Binabago nito ang buhay ng lahat ng taong nakauunawa rito at hangad na ipamuhay ito.”23

Nawa’y maipamuhay nating lahat ang sagradong doktrinang iyon sa ating buhay, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.