Pangkalahatang Kumperensya
Ang Ating Kaugnayan sa Diyos
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2022


13:17

Ang Ating Kaugnayan sa Diyos

Anuman ang maranasan natin sa buhay na ito, maaari tayong magtiwala sa Diyos at magalak sa Kanya.

Tulad ni Job sa Lumang Tipan, sa oras ng pagdurusa maaaring madama ng ilan na pinabayaan na sila ng Diyos. Dahil alam natin na may kapangyarihan ang Diyos na hadlangan o alisin ang anumang paghihirap, maaari tayong matuksong magreklamo kung hindi Niya ito ginagawa, marahil maitanong natin, “Kung hindi ipinagkakaloob ng Diyos ang tulong na ipinagdarasal ko, paano ako magkakaroon ng pananampalataya sa Kanya?” Minsan sa gitna ng kanyang matitinding pagsubok, sinabi ng matwid na si Job:

“[A]lamin ninyo ngayon na inilagay ako ng Diyos sa pagkakamali, at isinara ang kanyang lambat sa paligid ko.

“Narito, ako’y sumisigaw ‘[dahil sa kamalian]!’ Hindi ako pinapakinggan, ako’y humihiyaw ngunit walang katarungan.”1

Sa Kanyang tugon kay Job, itinanong ng Diyos, “Upang ikaw ay [maging matwid], ako ba’y iyong hahatulan?”2 O sa madaling salita, “Pati ba ako’y ilalagay mo sa kamalian? Upang ikaw ay [mabigyang-katwiran], ako ba’y iyong hahatulan?”3 Pilit na ipinaalala ni Jehova kay Job ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan at walang-hanggang karunungan, at inamin ni Job nang may lubos na pagpapakumbaba na wala siyang anumang ari-arian na maihahambing ni katiting sa kaalaman, kapangyarihan, at kabutihan ng Diyos at hindi mahahatulan ang Pinakamakapangyarihang Diyos:

“Alam kong magagawa mo ang lahat ng mga bagay,” sabi niya, “at wala kang layunin na mahahadlangan.

“… Aking nasambit ang hindi ko nauunawaan; mga bagay na lubhang kahanga-hanga para sa akin, na hindi ko nalalaman. …

Kaya’t ako’y namumuhi sa sarili ko, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.”4

Sa huli, si Job ay binigyan ng pribilehiyong makita ang Panginoon, at “pinagpala ng Panginoon ang mga huling araw ni Job na higit kaysa kanyang pasimula.”5

Totoong kahangalan sa tulad nating mortal na limitado ang pang-unawa na ipalagay na mahahatulan natin ang Diyos, na isipin halimbawa na “hindi ako masaya, kaya tiyak na may maling ginagawa ang Diyos.” Sa atin, na Kanyang mga mortal na anak sa mundong puno ng ligalig at kasamaan, na kakaunti lamang ang nalalaman tungkol sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap, ay ipinapahayag Niya, “Lahat ng bagay ay kapiling ko, sapagkat aking nalalaman silang lahat.”6 Si Jacob ay matalinong nagbabala, “Huwag hangaring pagpayuhan ang Panginoon, kundi tumanggap ng payo mula sa kanyang kamay. Sapagkat masdan, kayo na rin sa inyong sarili ay nalalamang nagpapayo siya sa karunungan, at sa katarungan, at sa dakilang pagkaawa, sa lahat ng kanyang gawa.”7

May ilang tao na mali ang pagkaunawa sa mga pangako ng Diyos dahil iniisip nila na sa pagsunod sa Kanya ay may partikular na resulta silang matatanggap sa takdang panahon. Maaaring isipin nila, “Kung masigasig akong maglilingkod sa full-time mission, bibiyayaan ako ng Diyos ng masayang buhay may-asawa at mga anak,” o “Kung iiwasan kong gumawa ng schoolwork sa araw ng Sabbath, patataasin ng Diyos ang mga grado ko sa eskwela,” o “Kung magbabayad ako ng ikapu, ibibigay sa akin ng Diyos ang trabahong iyon na gustung-gusto ko.” Kung hindi mangyayari sa kanilang buhay ang mga bagay-bagay sa eksaktong paraan na gusto nila o sa inaaasahan nilang panahon, maaaring isipin nila na hindi tapat ang Diyos sa kanila. Ngunit hindi awtomatikong nangyayari ang mga bagay-bagay sa paraan ng Diyos. Hindi natin dapat ituring ang plano ng Diyos na parang vending machine kung saan (1) pipili lang tayo ng gusto nating pagpapala, (2) ibibigay ang kailangang dami ng mabubuting gawa, at (3) kaagad nang darating ang hinihinging biyaya.8

Ang Diyos ay talagang tutupad sa Kanyang mga tipan at pangako sa bawat isa sa atin. Wala tayong dapat ipag-alala tungkol diyan.9 Ang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo—na nagpakababa-baba sa lahat ng bagay at pagkatapos ay umakyat sa itaas10 at nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupal11—ay nagbibigay-katiyakan na kayang tuparin at tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Mahalaga na iginagalang at tinutupad natin ang Kanyang mga batas, ngunit hindi lahat ng pagpapalang nakasalalay sa pagsunod sa batas12 ay hinubog, dinisenyo, at itinakda ayon sa ating mga inaasahan. Ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya ngunit dapat nating ipaubaya sa Kanya ang pamamahala ng mga pagpapala, kapwa temporal at espirituwal.

Ipinaliwanag ni Pangulong Brigham Young na ang kanyang pananampalataya ay hindi nakasalig sa mga resulta ng mga pangyayari o mga pagpapala kundi sa kanyang patotoo at kaugnayan kay Jesucristo. Sabi niya: “Ang aking pananampalataya ay hindi nakasalalay sa mga ginagawa ng Panginoon sa mga isla ng dagat, sa kanyang pagdadala ng mga tao rito, … ni sa mga biyayang ipinagkakaloob niya sa mga taong ito o sa mga taong iyan, ni kung tayo ba ay mga pinagpala o hindi, kundi ang pananampalataya ko ay nakasalalay sa Panginoong Jesucristo, at sa kaalamang natanggap ko mula sa kanya.”13

Ang ating pagsisisi at pagsunod, ang ating paglilingkod at mga sakripisyo ay talagang mahalaga. Nais nating mapabilang sa mga inilarawan ni Eter na “nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa.”14 Ngunit iyan ay hindi dahil lang sa gusto nating mailagay ito sa talaan ng langit. Mahalaga ang mga bagay na ito dahil ginagawa tayong kabahagi nito sa gawain ng Diyos at siyang paraan upang makipagtulungan tayo sa Kanya sa sarili nating pagbabago mula sa pagiging likas na tao hanggang sa pagiging banal.15 Ang inaalok sa atin ng ating Ama sa Langit ay ang Kanyang sarili at ang Kanyang Anak, isang malapit at matibay na kaugnayan sa Kanila na posible dahil sa biyaya at pamamagitan ni Jesucristo, na ating Manunubos.

Tayo ay mga anak ng Diyos, na itinalaga para sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. Ang ating tadhana ay maging Kanyang mga tagapagmana, “mga kasamang tagapagmana ni Cristo.”16 Ang ating Ama ay handang gabayan ang bawat isa sa atin sa Kanyang landas ng tipan na may mga hakbang na nilayon para sa ating kani-kanyang pangangailangan at iniakma sa Kanyang plano para sa ating lubos na kaligayahan sa piling Niya. Maaasahan natin ang simula ng pagbubuo ng tiwala at pananampalataya sa Ama at sa Anak, ng Kanilang pagmamamahal na higit na nadarama, at patuloy na kapanatagan at patnubay mula sa Banal na Espiritu.

Sa kabila nito, hindi magiging madali ang landas na ito para sa sinuman sa atin. Napakaraming pagdadalisay na kailangan upang maging madali ito. Sinabi ni Jesus:

“Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga.

“Ang bawat sanga sa akin na hindi nagbubunga ay inaalis niya; at ang bawat sanga na nagbubunga ay nililinis niya upang lalong magbunga.”17

Ang proseso ng paglilinis at pagdadalisay na iniutos ng Diyos, ay kinakailangang maging mahirap at masakit paminsan-minsan. Tulad nga ng ipinahayag ni Pablo, tayo ay “mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung tunay ngang nagtitiis tayong kasama niya, upang tayo’y luwalhatiin namang kasama niya.”18

Kaya, sa gitna ng apoy ng mandadalisay na ito, sa halip na magalit sa Diyos, maging malapit sa Diyos. Magsumamo sa Ama sa ngalan ng Anak. Lumakad na kasama Nila sa pamamagitan ng Espiritu, araw-araw. Tulutan Silang maipakita sa paglipas ng panahon ang Kanilang katapatan sa inyo. Kilalanin Silang mabuti at kilalaning mabuti ang inyong sarili.19 Hayaang manaig ang Diyos.20 Tiniyak sa atin ng Tagapagligtas:

“Makinig sa kanya na siyang tagapamagitan sa Ama, na siyang nagsusumamo sa inyong kapakanan sa harapan niya—

“Sinasabing: Ama, masdan ang mga pagdurusa at ang kamatayan niya na walang ginawang kasalanan, na inyong lubos na kinalulugdan; masdan ang dugo ng inyong Anak na nabuhos, ang dugo niya na inyong ibinigay upang ang inyong sarili ay luwalhatiin;

Kaya nga, Ama, iligtas ang mga kapatid kong ito na naniniwala sa aking pangalan, upang sila ay makaparito sa akin at magkaroon ng buhay na walang hanggan.”21

Isipin ang ilang halimbawa ng matatapat na kalalakihan at kababaihan na nagtiwala sa Diyos, kumpiyansa na ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala ay mapapasakanila sa buhay na ito o sa kamatayan. Ang kanilang pananampalataya ay hindi nakabatay sa ginawa o hindi ginawa ng Diyos sa isang partikular na sitwasyon o sandali kundi sa pagkakilala nila sa Kanya bilang kanilang mapagpalang Ama at si Jesucristo bilang kanilang tapat na Manunubos.

Nang iaalay na si Abraham ng saserdote ni Elkenah ng Egipto, nagsumamo siya sa Diyos na iligtas siya, at ginawa ito ng Diyos.22 Si Abraham ay nabuhay at naging ama ng matatapat at sa pamamagitan ng kanyang binhi ang lahat ng bansa sa mundo ay pagpapalain.23 Bago nangyari iyan, sa mismong altar ding ito, ang mismong saserdote ring iyon ni Elkenah ay nag-alay ng tatlong dalaga na “dahil sa kanilang kalinisan [ay] ayaw nilang yumukod upang sambahin ang mga diyos na kahoy o ng bato.”24 Namatay sila roon bilang mga martir.

Si Jose ng sinauna, na ipinagbili bilang alipin ng kanyang sariling mga kapatid noong siya ay bata pa, ay bumaling sa Diyos sa kanyang paghihinagpis. Unti-unti, naging bantog siya sa bahay ng kanyang amo sa Egipto ngunit nawalang lahat ang kanyang pinaghirapan dahil sa maling paratang ng asawa ni Potifar. Maaaring isipin ni Jose, “Bilangguan ang napala ko sa pagsunod sa batas ng kalinisang-puri.” Ngunit sa halip ay patuloy siyang bumaling sa Diyos at umunlad kahit nakabilanggo siya. Nadagdagan pa ang labis na kabiguan ni Jose nang kalimutan ng kinaibigan niyang bilanggo ang pangako nitong tutulungan niya si Jose, matapos niyang makabalik sa posiyon sa palasyo ni Faraon. Kalaunan, tulad ng alam ninyo, namagitan ang Panginoon at inilagay si Jose sa pinakamataas na posisyon ng pagtitiwala at kapangyarihan na pumapangalawa kay Faraon, at dahil dito ay nailigtas ni Jose ang sambahayan ni Israel. Walang alinlangang makapagpapatunay si Jose na “lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya.”25

Si Abinadi ay determinadong tuparin ang kanyang banal na tungkulin. “Tatapusin ko ang aking mensahe,” sabi niya, “at pagkatapos hindi na mahalaga kung [ano ang mangyayari sa akin], kung mangyayari na ako ay maliligtas.”26 Hindi niya naligtasan ang pagkamatay bilang martir, ngunit tunay na siya ay naligtas sa kaharian ng Diyos, at ang kanyang isang mahalagang napabalik-loob, si Alma, ay nagpabago sa takbo ng kasaysayan ng mga Nephita hanggang sa pagparito ni Cristo.

Sina Alma at Amulek ay iniligtas mula sa bilangguan sa Ammonihas bilang kasagutan sa kanilang pagsamo, at ang kanilang mga taga-usig ay nangamatay.27 Gayunman, bago iyon, ang mga taga-usig ding ito ay naghulog ng mga sumasampalatayang kababaihan at kanilang mga anak sa nagniningas na apoy. Si Alma, na naghihinagpis habang nasasaksihan ang nakapanghihilakbot na tagpong ito, ay pinigilan ng Espiritu na gamitin ang kapangyarihan ng Diyos upang “iligtas sila mula sa mga ningas”28 upang sila ay matanggap ng Diyos sa kaluwalhatian.29

Si Propetang Joseph Smith na nanlulupaypay sa piitan sa Liberty, Missouri, ay walang magawa para matulungan ang mga Banal habang sila ay pinagnanakawan at itinataboy mula sa kanilang mga tahanan sa gitna ng matinding taglamig. “O Diyos, nasaan kayo?” Paghihinagpis ni Joseph. “Hanggang kailan pipigilan ang inyong kamay?”30 Bilang tugon, nangako ang Panginoon: “Ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang; at muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas. … Ikaw ay hindi pa katulad ni Job.”31

Sa huli, maaaring ipahayag ni Joseph na tulad ni Job, “Bagaman ako’y patayin [ng Diyos], ako’y aasa pa rin sa kanya.”32

Isinalaysay ni Elder Brook P. Hales ang kuwento ni Sister Patricia Parkinson na isinilang na may normal na paningin ngunit sa edad na 11 ay nabulag.

Ikinuwento ni Elder Hales: “Matagal ko nang kilala si Pat at sinabi ko sa kanya kamakailan na hanga ako sa katotohanan na palagi siyang positibo at masaya. Ang sagot niya, ‘Naku, hindi mo pa ako nakasama sa bahay, ano? Malungkot din ako paminsan-minsan. Nakaranas na ako ng matitinding depresyon, at madalas akong umiyak.’ Gayunman, dagdag pa niya, ‘Mula nang magsimulang maglaho ang paningin ko, kakatwa, pero alam ko na kapiling namin ng pamilya ko ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas. … Sa mga nagtatanong sa akin kung galit ba ako dahil bulag ako, ang sagot ko, ‘Kanino naman ako magagalit? Kasama ko ang Ama sa Langit dito; hindi ako nag-iisa. Kasama ko Siya sa lahat ng oras.’”33

Sa huli, ang mabiyayaang magkaroon ng malapit at matibay na kaugnayan sa Ama at sa Anak ang hinahangad natin. Ito ang malaking kaibhan sa lahat at sulit ang halaga nito magpakailanman. Kasama natin si Pablo na magpapatotoo na “ang pagtitiis sa panahong kasalukuyan [ang buhay na ito] ay hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.”34 Pinatototohanan ko na anuman ang maranasan natin sa buhay na ito, maaari tayong magtiwala sa Diyos at magalak sa Kanya.

“Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.

“Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin.”35

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.