“Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas”
Kapag tayo ay nagpapakumbaba at sumasampalataya kay Jesucristo, ginagawang posible ng biyaya ni Cristo at ng Kanyang walang-hanggang nagbabayad-salang sakripisyo ang pagbabago.
Ikinuwento minsan ni Pangulong Thomas S. Monson ang tungkol sa warden ng bilangguan na si Clinton Duffy. “Noong 1940s at 1950s, si [Warden Duffy] ay nakilala sa kanyang pagsisikap na pagbaguhin ang kalalakihan na nasa kanyang bilangguan. Puna ng isang tao, ‘Dapat alam mo na hindi mababago ng mga leopardo ang mga batik sa kanilang katawan!’
“Sagot ni Warden Duffy, ‘Dapat alam mong hindi ako nagtatrabaho para sa mga leopardo. Ang tinutulungan ko ay mga tao, at nagbabago ang tao araw-araw.’”1
Isa sa mga pinakamalaking kasinungalingan ni Satanas ang pagsasabing hindi na maaaring magbago ang kalalakihan at kababaihan. Ang kasinungalingang ito ay paulit-ulit na sinasabi sa iba’t ibang paraan gaya ng sinasabi ng daigdig na hindi natin kayang magbago—o mas malala pa, na hindi tayo dapat magbago. Itinuro sa atin na ang ating kalagayan ang batayan ng ating pagkatao. Dapat nating “tanggapin kung sino tayo,” sabi ng mundo, “at maging tapat sa ating sarili.”
Maaari Tayong Magbago
Bagama’t mabuti talagang maging tapat sa sarili, dapat tayong maging tapat sa ating totoong sarili bilang mga anak ng Diyos na may banal na katangian at tadhana na maging katulad Niya.2 Kung ang mithiin natin ay maging tapat sa banal na katangian at tadhanang ito, kung gayon kailangan nating lahat na magbago. Ang salita sa banal na kasulatan para sa pagbabago ay pagsisisi. “Itinuturing ng maraming tao,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, na “parusa ang pagsisisi—isang bagay na dapat iwasan maliban sa pinakamatitinding sitwasyon. … Kapag iniuutos ni Jesus sa inyo at sa akin na ‘mangagsisi,’ inaanyayahan Niya tayo na [magbago].”3
Mga Kondisyon ng Diyos
Ang mga computer software developer ay gumagamit ng mga pahayag na may kondisyon para sabihin sa mga computer kung ano ang gagawin. Kung minsan ang mga ito ay tinatawag na kung-kung gayon na mga pahayag. Gaya ng, kung ang x ay totoo, kung gayon gawin ang y.
Kumikilos din ang Panginoon gamit ang mga kondisyon: mga kondisyon ng pananampalataya, kondisyon ng kabutihan, kondisyon ng pagsisisi. Maraming halimbawa ng mga pahayag na may kondisyon mula sa Diyos, gaya ng:
“Kung susundin mo ang aking mga kautusan at magtitiis hanggang wakas [kung gayon] ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”4
O “kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, [kung gayon] kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”5
Kahit ang pag-ibig ng Diyos, bagaman walang-katapusan at ganap, ay batay rin sa mga kondisyon.6 Halimbawa:
“Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, [kung gayon] ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kanyang pagibig.”7
Ipinaliwanag pa ni Elder D. Todd Christofferson ang katotohanang ito ng ebanghelyo nang itinuro niya: “Minsan ay sinasabi ng ilan, ‘Minamahal ng Tagapagligtas ang kung sinuman ako,’ at tiyak na totoo iyon. Ngunit hindi Niya madadala ang sinuman sa atin sa Kanyang kaharian nang hindi tayo nagbabago, ‘sapagkat walang maruming bagay ang makatatahan doon, o makatatahan sa kanyang kinaroroonan’ [Moises 6:57]. Dapat munang mabigyan ng solusyon ang ating mga kasalanan.”8
Ang Mahihinang Bagay ay Maaaring Maging Malalakas
Ang pagpapala ng pagtanggap ng kapangyarihan ng Diyos na tutulong sa atin na magbago ay may kondisyon din. Ang Tagapagligtas, sa pagsasalita kay propetang Moroni sa Aklat ni Mormon, ay nagturo: “Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.”9
Kapag binasa pa nang mas mabuti ang itinuturo sa atin dito ng Panginoon, sinabi muna Niya na nagbibigay Siya sa kalalakihan at kababaihan ng kahinaan, [pang-isahan], na bahagi ng ating mortal na karanasan bilang nahulog o makamundong nilalang. Tayo ay naging mga likas na lalaki at babae dahil sa Pagkahulog ni Adan. Ngunit sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makakaya nating madaig ang ating kahinaan o kamunduhan.
At sinabi Niya na ang Kanyang biyaya ay sapat at kung magpapakumbaba tayo at mananampalataya sa Kanya, kung gayon Kanyang “gagawin ang mahihinang bagay [maramihan] na malalakas sa [atin].” Sa madaling salita, kapag binabago muna natin ang pagiging makamundo natin, ang ating kahinaan, magagawa nating baguhin ang ating mga pag-uugali, ang ating mga kahinaan.
Mga Kailangan sa Pagbabago
Repasuhin natin ang mga kailangan sa pagbabago ayon sa huwaran ng Panginoon:
Una, kailangan nating magpakumbaba. Ang kondisyon ng Panginoon para sa pagbabago ay pagpapakumbaba. “Kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan,”10 sabi Niya. Ang kabaligtaran ng pagpapakumbaba ay kapalaluan. Nagkakaroon ng kapalaluan kapag mas inuuna natin ang iniisip o nadarama natin kaysa sa iniisip o nadarama ng Diyos.
Itinuro ni Haring Benjamin na, “ang likas na tao ay kaaway ng Diyos … at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang … hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, [at] mapagpakumbaba.”11
Para magbago, kailangan nating hubarin ang likas na tao at maging mapagpakumbaba at handang pasakop. Kailangan nating magpakumbaba nang sapat para masunod ang buhay na propeta. Magpakumbaba upang gumawa at tumupad ng mga tipan sa templo. Magpakumbaba para magsisisi sa araw-araw. Kailangan tayong magpakumbaba upang naisin nating magbago, upang “[maihandog ang ating] mga puso sa Diyos.”12
Pangalawa, kailangan tayong manampalataya kay Jesucristo. Muli, ang mga salita ng Tagapagligtas: “Kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin,”13 bibigyan Niya tayo ng kapangyarihan upang madaig ang ating mga kahinaan. Sa pagpapakumbaba, na may pananampalataya kay Jesucristo, mapapasaatin ang kapangyarihan ng Kanyang biyaya at ang kabuuan ng mga pagpapala dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala.
Itinuro ni Pangulong Nelson na ang “tunay na pagsisisi ay nagsisimula sa pananampalataya na may kapangyarihan si Jesucristo na linisin, pagalingin, at palakasin tayo. … Ang ating pananampalataya ang nagbubukas sa kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay.”14
Pangatlo, sa Kanyang biyaya ay magagawa Niya ang mahihinang bagay na maging malalakas. Kung magpapakumbaba tayo at sasampalataya kay Jesucristo, kung gayon magagawa nating magbago dahil sa Kanyang biyaya. Sa madaling salita, bibigyan Niya tayo ng lakas na magbago. Posible ito dahil, tulad ng sinabi Niya, “ang Aking biyaya ay sapat para sa lahat ng tao.”15 Ang Kanyang nagpapalakas na biyaya ay nagbibigay sa atin ng kakayahan na malampasan ang lahat ng balakid, lahat ng mga hamon, at lahat ng mga kahinaan sa hangarin nating magbago.
Ang ating pinakamalaking mga kahinaan ay maaaring maging pinakamalaking kalakasan natin. Maaari tayong magbago at “[maging] mga bagong nilikha.”16 Ang mga bagay na mahihina ay literal na magagawang “maging malalakas sa [atin].”17
Isinagawa ng Tagapagligtas ang Kanyang walang katapusan at walang hanggang Pagbabayad-sala upang tayo ay talagang magbago, magsisi, at maging mas mabuti. Tayo ay talagang maaaring ipanganak na muli. Madaraig natin ang mga nakagawian, adiksyon, at maging ang “hangarin na gumawa ng masama.”18 Bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit, nasa atin ang kakayahang magbago.
Mga Halimbawa ng Pagbabago
Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng kalalakihan at kababaihan na nagbago.
Si Saulo, isang Fariseo at aktibong tagausig noon ng simbahang Kristiyano,19 ay naging si Pablo, na Apostol ng Panginoong Jesucristo.
Si Alma ay isang saserdote sa hukuman ng masamang Haring Noe. Narinig niya ang mga salita ni Abinadi, lubusang nagsisi, at naging isa sa mga dakilang misyonero ng Aklat ni Mormon.
Ginugol ng anak niyang si Alma ang kanyang kabataan sa hangaring wasakin ang Simbahan. Kabilang siya sa “pinakamasama sa lahat ng makasalanan”20 hanggang sa magbago ang puso niya at naging makapangyarihang misyonero.
Si Moises ay inampon sa pamilya ng Faraon at pinalaki sa luho bilang prinsipe ng Egipto. Ngunit nang naunawaan niya kung sino talaga siya at nalaman ang kanyang banal na tadhana, nagbago siya at naging dakilang tagabigay ng batas at propeta ng Lumang Tipan.21
Ang lolo ng asawa ko si James B. Keysor, ay lagi akong pinahahanga sa malaking pagbabago ng kanyang puso.22 Isinilang sa matatapat na pioneer na mga Banal sa mga Huling Araw sa Lambak ng Salt Lake noong 1906, namatay ang nanay niya noong bata pa siya at nahirapan sa kanyang kabataan. Noong tinedyer at young adult siya, malayo siya sa Simbahan; at sa panahong iyon ay nagkaroon siya ng masasamang gawi. Gayunpaman, nakilala niya at pinakasalan ang isang matapat na babae at magkasama nilang pinalaki ang limang anak.
Noong 1943, kasunod ng mahihirap na taon ng Great Depression at panahon ng World War II, si Bud, gaya ng tawag sa kanya ng mga kaibigan at pamilya, ay umalis sa Utah at lumipat sa Los Angeles, California, para maghanap ng trabaho. Sa panahong ito na malayo siya sa kanyang pamilya, nakitira siya sa kanyang kapatid at bayaw, na noon ay bishop sa kanilang ward.
Dahil sa pagmamahal at impluwensya ng kanyang kapatid at bayaw muling nabuhay ang kanyang interes sa Simbahan at nagsimulang basahin ang Aklat ni Mormon tuwing gabi bago matulog.
Isang gabi, habang nagbabasa siya sa Alma kabanata 34, naantig ang kanyang puso nang mabasa niya ang mga salitang ito:
“Oo, nais ko na kayo ay lumapit at huwag nang patigasin pa ang inyong mga puso. …
“Sapagkat masdan, ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain.”23
Habang binabasa niya ito ay may nadama siyang kakaiba at nalaman niyang kailangan niyang magbago, magsisi, at nalaman niya ang kailangan niyang gawin. Siya ay bumangon sa kanyang higaan at lumuhod at nagsimulang magdasal, sumasamo sa Panginoon na patawarin siya at bigyan siya ng lakas na kailangan niya para mabago niya ang kanyang buhay. Sinagot ang kanyang dasal, at mula noon, hindi na niya binalikan ang dati niyang buhay. Naglingkod si Bud sa Simbahan at nanatiling tapat na Banal sa mga Huling Araw hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Nagbago sya sa lahat ng aspeto. Ang kanyang isipan, kanyang puso, kanyang mga kilos, at kanyang mismong pagkatao ay nagbago.
Mga kapatid, ang ating banal na tadhana at layunin ay maging katulad ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Ginagawa natin ito kapag nagbabago, o nagsisisi tayo. Tinatanggap natin ang “larawan [ng Tagapagligtas] sa [ating] mga mukha.”24 Tayo ay nagiging bago, malinis, naiiba, at patuloy lang natin itong ginagawa sa bawat araw. Kung minsan parang urong-sulong tayo, pero patuloy tayong mapagpakumbabang sumusulong nang may pananampalataya.
At kapag tayo ay nagpapakumbaba at sumasampalataya kay Jesucristo, ginagawang posible ng biyaya ni Cristo at ng Kanyang walang-hanggang nagbabayad-salang sakripisyo ang pagbabago.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating tunay na Tagapagligtas at Manunubos. Ang Kanyang biyaya ay sapat. Ipinapahayag ko na Siya “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.”25 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.