Pangkalahatang Kumperensya
Bawat Isa sa Atin ay May Kuwento
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2022


12:47

Bawat Isa sa Atin ay May Kuwento

Hanapin ang inyong pamilya, lahat ng inyong henerasyon, at iuwi sila.

Mga kaibigan, mga kapatid, bawat isa sa atin ay may kuwento. Habang natutuklasan natin ang ating kasaysayan, tayo ay nakokonekta bilang pamilya, napapabilang sa pamilya, at nagiging pamilya tayo.

Ako si Gerrit Walter Gong. Ang Gerrit ay pangalang Dutch, ang Walter (pangalan ng tatay ko) ay pangalang Amerikano, at ang Gong mangyari pa ay pangalang Chinese.

Tinataya ng mga eksperto na may mahigit-kumulang na 70–110 bilyong tao na ang nabuhay sa mundo. Marahil ay isa lang ang napangalanang Gerrit Walter Gong.

Bawat isa sa atin ay may kuwento. Gustung-gusto ko ang “patak ng ulan [at] ang hangin na kay-inam.”1 Naglakad ako kasama ng mga penguin sa Antarctica, habang ginagaya ang paglakad ng mga ito. Nagbigay ako sa mga ulila sa Guatemala, sa mga batang-kalye sa Cambodia, sa mga kababaihang Maasai sa African Mara ng kauna-unahang retrato ng sarili nila.

Naghintay ako sa ospital sa bawat anak namin na isinisilang—kapag pinatulong ako ng doktor.

Nagtitiwala ako sa Diyos. Naniniwala ako na “[tayo] ay gayon, upang [tayo] ay magkaroon ng kagalakan,”2 na may mga oras at panahon para sa lahat ng bagay sa ilalim ng langit.3

Alam ba ninyo ang inyong kwento? Ano ang kahulugan ng inyong pangalan? Dumami ang populasyon ng mundo mula 1.1 bilyong tao noong 1820 hanggang halos 7.8 bilyon noong 2020.4 Ang taong 1820 ay tila isang mahalagang pagbabago sa kasaysayan. Maraming isinilang pagkaraan ng 1820 ang may buhay na alaala at mga talaan para matukoy ang ilang henerasyon ng pamilya. Makakaisip ba kayo ng espesyal at matamis na alaala kasama ang inyong lolo o lola o iba pang kapamilya?

Anuman ang kabuuang bilang ng mga indibiduwal na nabuhay sa lupa, ito ay may hangganan, mabibilang, sa paisa-isang tao. Ikaw at ako, bawat isa sa atin ay mahalaga.

At isipin sana ninyo ito: kilala man natin sila o hindi, bawat isa sa atin ay isinilang sa isang ina at ama. At bawat ina at ama ay isinilang sa isang ina at ama.5 Sa pamamagitan ng pag-silang o pag-ampon man sa angkan, lahat tayo ay nakakonekta sa pamilya ng Diyos at sa pamilya ng tao.

Isinilang noong AD 837, sinimulan ng aking ika-30 kalolo-lolohan, si First Dragon Gong, ang village ng aming pamilya sa southern China. Noong una akong bumisita sa Gong village, sinabi ng mga tao, “Wenhan huilaile” (“Nagbalik na si Gerrit”).

Sa panig ng nanay ko, libu-libo ang apelyidong kabilang sa aming buhay na family tree, at marami pang tutuklasin.6 Bawat isa sa atin ay may iba pang pamilya na ikokonekta. Kung iniisip ninyo na nakumpleto na ng inyong tiyahin-sa-tuhod ang buong genealogy ng inyong pamilya, hanapin sana ninyo ang inyong mga pinsan at ang mga pinsan ng inyong mga pinsan. Ikonekta ang inyong buhay na alaala ng mga pangalan ng pamilya sa 10 bilyong pangalan na mahahanap sa FamilySearch ngayon sa koleksyon nito online at sa 1.3 bilyong indibiduwal sa Family Tree nito.7

Buhay na puno na may mga ugat at sanga

Hilingin sa mga kaibigan o kapamilya na gumawa ng buhay na family tree. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, ang mga buhay na family tree ay may mga ugat at mga sanga.8 Kayo man ang una o pansampung kilalang henerasyon, kumonekta sa inyong mga ninuno para makilala ng inyong mga inapo ang kanilang pamilya. Ikonekta ang mga ugat at sanga sa inyong buhay na family tree.9

Ang tanong na “Saan ka nanggaling?” ay nagtatanong ng angkan, lugar ng kapanganakan, at lupang sinilangan o bayang tinubuan. Sa pangkalahatan, 25 porsiyento sa atin ay mababakas ang bayang tinubuan sa China, 23 porsiyento sa India, 17 porsiyento sa iba pang bahagi ng Asia at ng Pacific, 18 porsiyento sa Europe, 10 porsiyento sa Africa, 7 porsiyento sa mga lupain ng Amerika.10

Ang tanong na “Saan ka nanggaling?” ay nag-aanyaya rin sa atin na tuklasin ang ating banal na identidad at espirituwal na layunin sa buhay.

Bawat isa sa atin ay may kuwento.

Ikinonekta ng isang pamilyang kakilala ko ang limang henerasyon ng pamilya nang bumisita sila sa dati nilang tirahan sa Winnipeg, Canada. Ikinuwento roon ng lolo sa kanyang mga apong lalaki ang araw na dinala ng dalawang missionary (tinawag niya ang mga iyon na mga anghel mula sa langit) ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, na nagpabago sa kanilang pamilya magpakailanman.

Isang ina na kakilala ko ang naghikayat sa kanyang mga anak at kanilang mga pinsan na magtanong sa kanilang lola-sa-tuhod tungkol sa mga karanasan nito noong bata pa siya. Ang mga pakikipagsapalaran at aral sa buhay ng kanilang Lola ay isa na ngayong mahalagang aklat ng pamilya na pinagkakaisa ang mga henerasyon.

Isang binatilyong kakilala ko ang gumagawa ngayon ng isang “journal tungkol kay Itay.” Ilang taon na ang nakararaan, nabangga ng isang sasakyan ang tatay niya at namatay. Ngayon, para makilala ang tatay niya, iniingatan ng matapang na binatilyong ito ang mga alaala at kuwento noong bata pa siya mula sa mga kapamilya at kaibigan.

Kapag itinatanong kung saan naroon ang kahulugan ng buhay, sinasabi ng karamihan na sa pamilya muna.11 Kabilang dito ang kapamilyang buhay at pumanaw na. Mangyari pa, kapag namatay tayo, hindi tayo tumitigil sa pag-iral. Patuloy tayong nabubuhay sa kabilang panig ng tabing.

Buhay na buhay pa rin, ang ating mga ninuno ay karapat-dapat na maalala.12 Naaalala natin ang ating pamana sa pamamagitan ng mga kuwento ng kasaysayan, mga talaan ng angkan at kuwento ng pamilya, mga bantayog o lugar ng alaala, at mga pagdiriwang na may mga larawan, pagkain, o bagay na nagpapaalala sa atin ng mga mahal sa buhay.

Isipin kung saan kayo nakatira—hindi ba kamangha-mangha kung paano naaalala at pinararangalan ng inyong bansa at komunidad ang mga ninuno, kapamilya, at iba pa na naglingkod at nagsakripisyo? Halimbawa, sa pag-alaala sa tag-ani sa panahon ng taglagas sa South Moulton, Devonshire, England, mahilig kaming maghanap ni Sister Gong ng maliit na simbahan at komunidad kung saan nanirahan ang mga henerasyon ng aming mga pamilyang Bawden. Pinararangalan namin ang aming mga ninuno sa pagbubukas ng kalangitan sa pamamagitan ng gawain sa templo at family history13 at sa pagiging isang kawing14 sa tanikala ng aming mga henerasyon.15

Sa panahong ito na “ako muna,” nakikinabang ang mga lipunan kapag nakokonekta ang mga henerasyon sa makabuluhang mga paraan. Kailangan nating malaman ang ating pinag-ugatan para tayo lumago at umunlad—mga tunay na ugnayan, makabuluhang paglilingkod, buhay na mas makabuluhan kaysa sa mga eksaheradong larawan sa social media.

Ang pagkonekta sa ating mga ninuno ay maaaring magpabago ng ating buhay sa mga di-inaasahang paraan. Mula sa kanilang mga pagsubok at tagumpay, nagtatamo tayo ng pananampalataya at lakas.16 Mula sa kanilang pagmamahal at mga sakripisyo, natututo tayong magpatawad at patuloy na sumulong. Nagiging matatag ang ating mga anak. Nakatatanggap tayo ng proteksyon at lakas. Ang pagkonekta sa mga ninuno ay nagpapaibayo sa pagiging malapit ng pamilya sa isa’t isa, sa pasasalamat, sa mga himala. Ang mga koneksyong iyon ay maaaring maghatid ng tulong mula sa kabilang panig ng tabing.

Dumarating ang mga kagalakan sa mga pamilya, gayon din ang mga kalungkutan. Walang taong perpekto, gayon din ang pamilya. Kapag ang mga taong dapat magmahal, mangalaga, at magprotekta sa atin ay bigong gawin iyon, nadarama natin na pinabayaan tayo, nahihiya, nasasaktan. Ang pamilya ay maaaring maging isang bagay na walang laman. Subalit, sa tulong ng langit, maaari nating maunawaan ang ating pamilya at makipagkasundo sa isa’t isa.17

Kung minsan nakatutulong sa atin ang di-natitinag na katapatan sa matitibay na ugnayan ng pamilya upang magawa ang mahihirap na bagay. Sa ilang sitwasyon, ang komunidad ay nagiging parang kapamilya. Isang kahanga-hangang dalaga na ang magulong pamilya ay madalas lumipat ng tirahan ang nakahanap ng mapagmahal na pamilya sa Simbahan saanman siya naroon para pangalagaan at tanggapin siya. Ang lahi at mga gawi ng pamilya ay nakakaimpluwensya ngunit hindi ito ang magtatakda ng ating pagkatao.

Nais ng Diyos na maging maligaya at walang hanggan ang ating pamilya. Napakahaba ng walang hanggan kung palulungkutin natin ang isa’t isa. Napaikli ng kaligayahan kung ang mga itinatanging ugnayan ay natigil sa buhay na ito. Sa pamamagitan ng mga sagradong tipan, iniaalok ni Jesucrsito ang Kanyang pagmamahal, kapangyarihan, at biyaya upang baguhin tayo18 at paghilumin at ayusin ang ating mga nasirang ugnayan. Sa di-makasariling paglilingkod sa templo para sa mga mahal sa buhay, nagkakaroon ng epekto ang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas sa kanila at sa atin. Dahil napabanal, makababalik tayo sa kinaroroonan ng Diyos bilang mga pamilyang nagkakaisa magpakailanman.19

Bawat isa sa mga kuwento ng ating buhay ay hindi pa natatapos, habang tayo ay tumutuklas, lumilikha, at nagiging pamilya na may mga posibilidad na higit pa sa inaakala natin.

Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Ito tila baga sa iba ay magiging napakapangahas na doktrina na ating pinag-uusapan—isang kapangyarihan na nagtatala o nagbubuklod sa lupa at nagbubuklod sa langit.”20 Ang lipunang binubuo natin dito ay maaaring umiral nang may walang-hanggang kaluwalhatian doon.21 Tunay ngang “tayo kung wala [ang mga miyembro ng ating pamilya] ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap,” ibig sabihin, sa “isang buo at husto at ganap na pagsasanib.”22

Ano ang magagawa natin ngayon?

Una, isiping nakikita ninyo ang inyong sarili sa pagitan ng dalawang salamin ng kawalang-hanggan. Sa isang direksyon, ilarawan ang inyong sarili bilang isang anak, apo, apo-sa-tuhod; sa kabilang direksyon naman, ngitian ang inyong sarili bilang tita, nanay, lola. Napakabilis ng paglipas ng panahon! Sa bawat panahon at ginagampanan sa buhay, pansinin kung sino ang kasama ninyo. Tipunin ang kanilang mga retrato at mga kuwento; gawing buhay ang kanilang mga alaala. Itala ang kanilang mga pangalan, karanasan, mahahalagang petsa. Pamilya ninyo sila—ang pamilyang mayroon kayo at ang pamilyang gusto ninyo.

Habang kayo ay nagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa mga kapamilya, ang espiritu ni Elijah, “isang pagpapatibay ng Espiritu Santo na nagpapatotoo sa likas na kabanalan ng pamilya,”23 ay sama-samang ibubuklod ang puso ng inyong mga ama, ina, at anak sa pagmamahal.24

Pangalawa, planuhin at gawing natural ang paggawa ng family history. Tawagan ang inyong lola. Tumitig sa mga mata ng bagong-silang na sanggol. Maglaan ng oras—tuklasin ang kawalang-hanggan—sa bawat yugto ng inyong paglalakbay sa buhay. Pag-aralan at kilalanin nang may pasasalamat at katapatan ang pamana ng inyong pamilya. Ipagdiwang at tularan ang mabubuting bagay na natukasan ninyo at, kung kinakailangan, mapagpakumbabang gawin ang lahat ng posible upang hindi maipasa ang hindi mabubuting bagay. Hayaang magsimula sa inyo ang mabubuting bagay.

Pangatlo, bumisita sa FamilySearch.org. I-download ang naroong mga mobile app. Libre at masayang gawin ang mga ito. Tumuklas, kumonekta, maging kabilang. Tingnan kung ano ang kaugnayan ninyo sa mga tao sa isang silid, kung gaano kadali at kasayang magdagdag ng mga pangalan sa inyong buhay na family tree, matagpuan at mapagpala ang inyong mga ugat at mga sanga.

Pang-apat, tumulong na pag-isahin ang mga pamilya magpakailanman. Alalahanin ang dami ng mga tao sa langit. Mas marami pa ang nasa kabilang panig ng tabing kaysa sa panig na ito. Habang dumarami ang mga templo na mas malapit sa atin, mangyaring ibigay sa mga naghihintay para sa mga ordenansa sa templo ang oportunidad na matanggap nila ang mga ito.

Ang pangako sa Pasko ng Pagkabuhay at ito na noon pa man ay na, kay Jesucristo at sa pamamagitan Niya, maaaring maging pinakamaganda ang kuwento ng ating buhay at maaaring maging maligaya at walang hanggan ang ating pamilya. Sa lahat ng ating henerasyon, pinagagaling ni Jesucristo ang mga namimighati, inililigtas ang mga bihag, pinalalaya ang mga naaapi.25 Kabilang sa pagiging bahagi ng tipan sa Diyos at sa isa’t isa26 ang kaalamang muling magsasama ang ating espiritu at katawan sa pagkabuhay na mag-uli at maaaring magpatuloy ang ating itinatanging mga ugnayan sa kabilang buhay nang may ganap na kagalakan.27

Bawat isa sa atin ay may kuwento. Halina’t tuklasin ang sa inyo. Hanapin ang inyong tinig, inyong awit, inyong pakikiisa sa Kanya. Ito ang pinakalayunin kaya nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa at nakitang mabuti ang mga iyon.28

Purihin ang plano ng kaligayahan ng Diyos, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang patuloy na pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo at Simbahan. Hanapin ang inyong pamilya, lahat ng inyong henerasyon, at iuwi sila. Sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit,” Aklat ng mga Awit Pambata, 16.

  2. 2 Nephi 2:25.

  3. Tingnan sa Eclesiastes 3:1.

  4. Batay sa United Nations Secretariat, The World at Six Billion (1999), 5, table 1; “World Population by Year,” Worldometer, worldometers.info.

  5. Marami ang pinagpalang magkaroon ng mga magulang na hindi pisikal na nagsilang sa kanila, gayunpaman ibinuklod sila bilang pamilya sa pamamagitan ng bigkis ng pagmamahal at pag-ampon at ng mga sagradong tipan ng pagbubuklod.

  6. Pinasasalamatan ko ang mga tao na nagpapasimula ng mga paraan para maorganisa sa mga family tree ang napakaraming pangalan ng pamilya.

  7. Noong 2021, halos 99 milyong pangalan ang nadagdag sa mga pampublikong family tree. At kamakailan, nakumpleto ang digitization ng 2.4 milyong rolyo ng microfilm na naglalaman ng humigit-kumulang 37 bilyong pangalan (na may ilang duplikasyon). Ang mga talaang ito ng mga pangalan ng indibiduwal ay maaari nang ihanda para masaliksik, mahanap, at maidagdag sa family tree ng sangkatauhan.

  8. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Mga Ugat at Sanga,,” Liahona, Mayo 2004, 27–29.

  9. Mangyari pa, habang tinutuklas at binubuo natin ang ating buhay na family tree, panatilihin lamang ang 100 porsiyentong paggalang para sa pribado at boluntaryong pakikibahagi ng mga miyembro ng pamilya, kapwa buhay at patay.

  10. Kinalkula ni David Quimette ang mga numerong ito, batay sa Angus Maddison, The World Economy: A Millennial Perspective (2001), 241, table B-10.

  11. Tingnan sa Laura Silver at iba pa, “What Makes Life Meaningful? Views from 17 Advanced Economies,” Pew Research Center, Nov. 18, 2021, pewresearch.org.

  12. Binanggit sa 1 Nephi 9:5; 1 Nephi 19:3; Ang Mga Salita ni Mormon 1:6–7; at Alma 37:2 ang tungkol sa pag-iingat ng mga talaan at pag-alaala “para sa isang matalinong layunin,” kabilang ang pagpapala sa darating na mga henerasyon.

  13. Tingnan sa Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Buksan ang Kalangitan sa Pamamagitan ng Gawain sa Templo at Family History,” Ensign, Okt. 2017, 34–39; Liahona, Okt. 2017, 14–19; tingnan din sa “RootsTech Family Discovery Day—Opening Session 2017” (video), ChurchofJesusChrist.org.

  14. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:18.

  15. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Keep the Chain Unbroken” (Brigham Young University devotional, Nob. 30, 1999), speeches.byu.edu. Binanggit din ang pahayag ni Pangulong Hinckley sa mensahe ni David A. Bednar na,“Isang Matibay na Dugtong” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Set. 10, 2017), SimbahanniJesucristo.org.

  16. Halimbawa, sa pamilya namin, pinakasalan ni Henry Bawden, taga-Devonshire, England, si Sarah Howard, na nandayuhan kasama ang kanyang pamilya matapos silang sumapi sa Simbahan. Habang nasa St. Louis si Sarah noong tinedyer pa siya, namatay ang kanyang ama, ina, at limang kapatid. Sina Henry at Sarah ay may 10 anak. Pinalaki rin ni Sarah ang anim na anak ng unang asawa ni Henry na si Ann Ireland pagkamatay nito. Naging ina rin si Sarah ng dalawang bata pang apong babae nang mamatay ang babaeng manugang niya (ni Sarah). Sa kabila ng maraming hamon sa buhay, si Sarah ay naging mabait, mapagmahal, mahabagin, at napakasipag din. Ang magiliw na tawag sa kanya ay “Little Grandma (Munting Lola).”

  17. Mahirap man, kapag pinatawad natin ang ating sarili at ang isa’t isa sa tulong ni Cristo, tayo ay nagiging “mga anak ng Diyos” (Mateo 5:9).

  18. Para sa halimbawa, tingnan sa Mosias 3:19.

  19. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org.

  20. Doktina at mga Tipan 128:9.

  21. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:2.

  22. Doktrina at mga Tipan 128:18.

  23. Russell M. Nelson, “A New Harvest Time,” Ensign, Mayo 1998, 34; tingnan din sa Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Buksan ang Kalangitan sa Pamamagitan ng Gawain sa Templo at Family History,” 16–18.

  24. Tingnan sa Mosias 18:21.

  25. Tingnan sa Lucas 4:18.

  26. May nagsabi sa akin na ang salitang Hebreo para sa pamilya—mishpachah—ay nanggaling sa isang salitang-ugat na Hebreo (shaphahh) na ibig sabihin ay “pagsamahin o bigkisin.” Bawat tungkulin sa loob ng pamilya ay naglalayong patibayin ang pagsasamahan ng pamilya.

  27. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:15–16, 34; 93:33; 138:17.

  28. Tingnan sa Genesis 1:4, 31.