Pambungad na Mensahe
Pinararangalan natin ang mga anak na babae ng Diyos sa espesyal na sesyong ito na nakatuon sa mga problema nila at ng kanilang mga organisasyon.
Mahal kong mga kapatid na babae, sa pagsisimula natin sa di-karaniwang sesyong ito ng pangkalahatang kumperensya para sa kababaihan, malugod kong inihahatid ang pambungad na mensaheng ito mula sa Unang Panguluhan.
Ang ating mga sesyon ngayong Sabado ay may kasaysayan ng iba’t ibang layunin at iba’t ibang audience. Ngayong gabi ay nagdaragdag tayo sa kasaysayang iyon sa pagsisimula natin sa isang bagong layunin at pamamaraan para sa malapit na hinaharap. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi nagbabago. Ang doktrina ng ebanghelyo ay hindi nagbabago. Ang ating mga personal na tipan ay hindi nagbabago. Ngunit sa paglipas ng mga taon, nagbabago ang mga miting na idinaraos natin para iparating ang ating mga mensahe at malamang na patuloy na magbago sa paglipas ng mga taon.
Sa ngayon, ang miting ngayong Sabado ng gabi ay isang sesyon ng pangkalahatang kumperensya, hindi sesyon ng anumang organisasyon. Tulad ng lahat ng sesyon ng pangkalahatang kumperensya, ang pagpaplano, mga tagapagsalita, at musika ay itinatalaga ng Unang Panguluhan.
Hiniling namin kay President Jean B. Bingham, General President ng Relief Society, na mangasiwa sa sesyong ito. Ang mga sesyon sa Sabado ng gabi sa hinaharap ay maaaring pangasiwaan ng isa sa iba pang mga Pangkalahatang Pinuno ng Simbahan, gaya ng mga miyembro ng mga General Presidency ng Relief Society, Young Women, at Primary, na itatalaga ng Unang Panguluhan.
Ang sesyong ito ng pangkalahatang kumperensya ngayong Sabado ng gabi ay tutuon sa mga problema ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw. Kabibilangan ito ng doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, mga patakaran ng Simbahan na nauugnay lalo na sa kababaihan, at mga pangkalahatang responsibilidad at gawain ng mga organisasyong kinabibilangan ng kababaihan at mga kabataang babae ng Simbahan. Bagama’t sadyang ibinobrodkast ang sesyong ito sa mga audience sa buong daigdig tulad ng lahat ng mga sesyon ng pangkalahatang kumperensya, ang audience na inanyayahang dumalo sa Conference Center para sa sesyong ito ay ang kababaihan at mga batang babae na edad 12 pataas. Isinama namin ang ilang priesthood leader na nangungulo sa kalahok na mga organisasyon.
Ang pinasisimulan natin dito ay tumutugon sa resources ng komunikasyon na available ngayon sa pamunuan at mga miyembro ng pandaigdigang Simbahan ng Panginoon. Ang doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo ay para sa lahat, kaya iyon ang ating pangunahing motibo at nais marating. Pinararangalan natin ang mga anak na babae ng Diyos sa espesyal na sesyong ito sa pamamagitan ng pagtutuon sa mga problema nila at ng kanilang mga organisasyon.
Nagpapasalamat kami na dahil sa broadcast technology ay may kakayahan na ngayon ang mga lider ng Simbahan na magdaos ng detalyadong training sa pamamagitan ng pagtutuon sa partikular na mga audience na nasa malayo. Natutuwa rin kami na nadaragdagan na ang pagkakataong magbiyahe ngayon. Dahil diyan ay naipapadala natin ang mga lider ng Simbahan para magdaos ng kinakailangang regular na face-to-face leadership training.
Ito ang gawain ng Panginoong Jesucristo. Tayo ay Kanyang mga lingkod, na pinapatnubayan ng Kanyang Banal na Espiritu. Hinihiling namin na pagpalain ng Panginoon ang mga lider ng mga organisasyong ito at ang matatapat na kababaihan at mga batang babaeng naglilingkod sa Panginoon sa mga organisasyong ito at sa kani-kanilang buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.