Pangkalahatang Kumperensya
Gawin ang Pinakamahalaga
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2022


10:46

Gawin ang Pinakamahalaga

Kapag itinutok natin ang ating buhay kay Jesucristo, bibiyayaan tayo ng espirituwal na lakas, kasiyahan, at galak.

Hindi pa natatagalan, nagkaroon ng impresyon ang isang mahal na kaibigan na bisitahin ang isang babae sa kanyang ward. Binalewala niya ang pahiwatig dahil halos hindi niya kilala ito—wala siyang dahilan. Pero dahil patuloy itong pumapasok sa isip niya, ipinasiya niyang sundin ang pahiwatig. Dahil hindi na siya komportable sa nalalapit na pagbisita, naisip niya na ang pagdadala ng isang bagay sa sister ay makakapawi sa pagkabalisa niya. Hindi siya maaaring pumunta nang walang bitbit! Kaya bumili siya ng ice cream, at nagpunta na siya para simulan ang ipinag-aalala niyang baka hindi akmang pagbisita.

Kumatok siya sa pinto ng babae, at di-nagtagal ay binuksan ito ng sister. Iniabot sa kanya ng kaibigan ko ang ice cream na nasa brown na supot, at nagsimula ang pag-uusap. Hindi nagtagal ay natanto ng kaibigan ko kung bakit kinailangan ang pagbisitang ito. Habang nakaupo sila sa balkonahe sa harapan ng bahay, sinabi ng babae ang napakaraming hamon na kinakaharap niya. Pagkaraan ng isang oras na pag-uusap sa mainit na panahon, napansin ng kaibigan ko na natutunaw ang ice cream sa brown na supot.

Bulalas niya, “Pasensya na at natunaw ang ice cream mo!”

Magiliw na tumugon ang babae, “OK lang! Lactose intolerant ako!”

Sa isang panaginip, sinabi ng Panginoon sa propetang si Lehi, “Pinagpala ka Lehi, dahil sa mga bagay na iyong ginawa.”1

Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay higit pa sa pag-asam o paniniwala. Kailangan dito ang pagsisikap, pagkilos, at pagiging tapat sa pangako. Mayroon itong ipinagagawa sa atin, na “maging tagatupad [tayo] ng salita, at hindi tagapakinig lamang.”2

Sa kaso ng natunaw na ice cream, ano ang pinakamahalaga? Ang ice cream? O na may ginawa ang kaibigan ko?

Nagkaroon ako ng magandang karanasan sa isang magiliw na dalagita na tapat na nagtanong: “Sister Craven, paano mo po nalaman na anumang tungkol sa Simbahan ay totoo? Kasi po wala akong nararamdaman.”

Bago ko siya sinagot, tinanong ko muna siya ng ilang bagay. “Ikuwento mo sa akin ang personal na pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan.”

Sagot niya, “Hindi po ako nagbabasa ng mga banal na kasulatan.”

Tanong ko, “Eh ang pamilya mo? “Nagbabasa ba kayo ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin nang sama-sama?”

Sabi niya, “Hindi po.”

Nagtanong ako tungkol sa pagdarasal niya: “Ano ang nadarama mo kapag nagdarasal ka?”

Sagot niya: “Hindi po ako nagdarasal.”

Simple lang ang tugon ko sa kanya: “Kung may gusto kang malaman, mayroon kang kailangang gawin.”

Hindi ba totoo iyan sa anumang gusto nating matutuhan o malaman? Inanyayahan ko ang bago kong kaibigan na simulang gawin ang turo ng ebanghelyo ni Jesucristo: pagdarasal, pag-aaral, paglilingkod sa iba, at pagtitiwala sa Panginoon. Hindi darating ang pagbabalik-loob nang wala tayong ginagawa. Dumarating ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo habang sadya tayong nagsisikap na makaalam sa pamamagitan ng pagtatanong, paghahanap, at pagkatok. Dumarating ito sa pamamagitan ng paggawa.3

Sa Doktrina at mga Tipan, paminsan-minsa’y sinasabi ng Panginoon, “Hindi mahalaga.”3 Napapaisip ako na kung ang ilang bagay ay hindi mahalaga, o di-gaanong mahalaga, siguradong may mga bagay na pinakamahalaga. Sa mga pagsisikap nating gumawa ng isang bagay o gumawa ng anuman, maaari nating itanong sa ating sarili, “Ano ang pinakamahalaga?”

Madalas gamitin ng mga nag-aanunsyo ang mga slogan na tulad ng “Kailangan” o “Dapat Magkaroon” sa pag-asa na maakit tayong maniwala na ang produktong ibinebenta nila ay kailangan para sa ating kaligayahan o kapakanan. Pero kailangan ba talaga ang ibinebenta nila? Dapat ba talaga tayong magkaroon nito? Mahalaga ba talaga ito?

Narito ang ilang ideyang dapat isaalang-alang. Ano ang pinakamahalaga?

  • Kung ilang “like” ang nakukuha natin sa ating mga social media post? O kung gaano tayo kamahal at pinahahalagahan ng ating Ama sa Langit?

  • Ang pagsusuot ng uso na pananamit? O ang paggalang sa ating katawan sa pamamagitan ng pagsusuot ng disenteng damit?

  • Ang paghahanap ng mga sagot sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa internet? O ang pagtanggap ng mga sagot mula sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo?

  • Ang maghangad pa ng iba? O ang makuntento sa kung ano ang ibinigay sa atin?

Itinuturo ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Kasama ang Espiritu Santo bilang kompanyon ninyo, makikita ninyo ang celebrity culture na umuusig sa lipunan natin. Maaari kayong maging mas matalino sa mga naunang henerasyon. …

“Magtakda ng pamantayan para sa mundo!”5

Kailangang magsikap para manatiling nakatuon sa kung ano ang tunay na kailangan para sa walang-hanggang kagalakan. Wala nang iba pang mas gugustuhin si Satanas kaysa sa mawala ang ating mga pangwalang-hanggang pagpapahalaga, na nag-aakay sa atin na sayangin ang mahalagang oras, mga talento, o espirituwal na lakas sa mga bagay na hindi mahalaga. Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na mapanalanging pag-isipan ang mga bagay na gumagambala sa atin sa paggawa ng bagay na pinakamahalaga.

Itinuro ng guro sa ikatlong baitang sa klase ng panganay naming anak na lalaki na “kontrolin ang inyong utak.” Isang paalala iyon sa kanyang mga batang estudyante na kontrolado nila ang kanilang mga iniisip at sa gayo’y makokontrol nila ang kanilang ginagawa. Ipinapaalala ko sa sarili ko na “kontrolin ang aking utak” kapag nakikita ko na natatangay ako ng mga bagay na di-gaanong mahalaga.

Isang estudyante sa high school ang nagsabi sa akin kamakailan na naging popular sa ilang kabataan sa Simbahan na balewalain ang mga kautusan nang may kalkuladong plano na magsisi kalaunan. “Para itong isang badge of honor,” sabi niya sa akin. Siguradong patuloy na patatawarin ng Panginoon ang mga mapagpakumbabang nagsisisi nang “may tunay na layunin.”6 Ngunit ang puno ng awang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay hindi dapat gamitin sa mapanghamak na paraan na tulad nito. Alam natin ang talinghaga ng isang tupang nawala. Siyempre, iiwan ng pastol ang 99 na tupa para hanapin ang isang tupang nawala. Pero naiisip ba ninyo ang kagalakang dulot sa Mabuting Pastol ng mga taong pumipiling mapasama sa 99? Ang mga nananatiling magkakasama at nagtutulungang maipamuhay ang kanilang mga tipan? Mailalarawan ba ninyo sa inyong isipan kung ano ang mangyayari sa mundo o sa paaralan ninyo o sa trabaho ninyo o sa tahanan ninyo kung ang popular na gawin ay ang maging masunurin? Hindi ito tungkol sa pagiging sakdal ng buhay—tungkol ito sa pagkakaroon ng kagalakan habang ginagawa natin ang ating makakaya para ipamuhay ang mga tipang ginawa natin sa Panginoon.

Sa pagpapahayag ng higit na pagdududa ng mundo tungkol sa Diyos at pag-iibayo ng kalituhan at mga panggigipit, ito ang panahon na kailangang manatili tayong pinakamalapit sa propeta. Bilang tagapagsalita ng Panginoon, maaari tayong magtiwala na ang kanyang hinihimok, ipinapayo, at isinasamong gawin natin ay mga bagay na pinakamahalaga.

Bagama’t maaaring hindi ito madali, laging may paraan para magawa ang tamang bagay. Habang kausap ang isang grupo ng mga kaibigan sa paaralan, nasaktan ang damdamin ng isang dalagita nang humantong ang usapan sa pamimintas sa mga pamantayan ng Simbahan. At natanto niya na hindi niya kayang manatiling tahimik—may kailangan siyang gawin. Magalang siyang nagsalita tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit at kung paano pagpapalain at poprotektahan ng mga kautusang Kanyang itinakda ang Kanyang mga anak. Mas madali sana para sa kanya na hindi gumawa ng kahit ano. Pero ano ang pinakamahalaga? Makabilang sa madla? O mamukod-tangi bilang isang saksi ng Diyos sa “lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar”?7

Kung lalabas ang Simbahan ni Jesucristo mula sa pagkakatago, kailangan nating lumabas mula sa pagkakatago. Bilang kababaihang tumutupad ng tipan, kailangan nating pasikatin ang ating liwanag ng ebanghelyo sa buong mundo sa pamamagitan ng paglabas at pamumukod-tangi. Sama-sama natin itong ginagawa bilang mga anak na babae ng Diyos—isang puwersa ng 8.2 milyong kababaihang edad 11 pataas, na ang gawain ay parehong-pareho. Tinitipon natin ang Israel kapag nakikibahagi tayo sa gawain ng kaligtasan at kaluwalhatian: nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, alagaan ang ibang nangangailangan, anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo, at pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan.8 Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay iebanghelyo ng pagkilos at ebanghelyo ng kagalakan! Huwag nating maliitin ang kakayahan nating gawin ang mga bagay na pinakamahalaga. Ang ating banal na pamana ang nagbibigay sa atin ng lakas-ng-loob at kumpiyansa na gawin at maging tulad tayo ng alam ng ating mapagmahal na Ama sa Langit na kaya nating marating.

Ang tema ng mga kabataan para sa taong ito ay mula sa Mga Kawikaan 3:5–6:

“Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.

“Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin.”

Ang isang mahalagang bahagi ng pagtitiwala sa Panginoon ay ang pagsulong, na naniniwalang gagabayan Niya tayo kahit hindi natin alam ang lahat ng sagot.

Mga kapatid, hindi ito tungkol sa ice cream. At hindi ito tungkol sa paggawa ng iba pa. Tungkol ito sa paggawa ng mahalaga. Ito ay paggamit ng doktrina ni Cristo sa ating buhay habang nagsisikap tayong maging katulad Niya.

Habang mas nagsisikap tayong manatiling matatag sa landas ng tipan, mas lalago ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Habang mas lumalago ang ating pananampalataya, mas nanaisin nating magsisi. At habang mas nagsisisi tayo, mas lalakas ang kaugnayan natin sa Diyos sa tipan. Ang kaugnayang iyon sa tipan ang umaakit sa atin sa templo dahil ang pagtupad ng mga tipan sa templo ang paraan para makapagtiis tayo hanggang wakas.

Kapag itinutok natin ang ating buhay kay Jesucristo, gagabayan tayong gawin ang pinakamahalaga. At bibiyayaan tayo ng espirituwal na lakas, kasiyahan, at galak! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.