2010–2019
Mga Sagot sa Panalangin
Pangkalahatang Kumperensya ng Abril 2019


2:3

Mga Sagot sa Panalangin

Alam ng Ama ang nangyayari sa atin, ang ating mga pangangailangan, at lubos tayong tutulungan.

Ang isang mahalaga at nakapapanatag na doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ang sakdal na pagmamahal ng ating Ama sa Langit sa Kanyang mga anak. Dahil sa sakdal na pagmamahal na iyan, pinagpapala Niya tayo hindi lang ayon sa ating mga pagnanais at pangangailangan kundi ayon din sa Kanyang sukdulang karunungan. Tulad ng simpleng pagkasabi ng propetang si Nephi, “Alam kong mahal [ng Diyos] ang kanyang mga anak.”1

Ang isang aspeto ng sakdal na pagmamahal na iyan ay ang partisipasyon ng ating Ama sa Langit sa mga detalye ng ating buhay, kahit hindi natin alam o nauunawaan iyon. Humihingi tayo ng banal na patnubay at tulong sa Ama sa taos-puso at taimtim na panalangin. Kapag tumutupad tayo sa ating mga tipan at nagsisikap na maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas, may karapatan tayo sa patuloy2 na pagdaloy ng banal na patnubay sa pamamagitan ng impluwensya at inspirasyon ng Espiritu Santo.

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan: “Sapagka’t talastas ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago ninyo hingin sa kaniya,”3 at Siya ang “nakaaalam ng lahat ng bagay, sapagkat lahat ng bagay ay nakikita ng [Kanyang] mga mata.”4

Isang halimbawa nito ang propetang si Mormon. Hindi na niya nakita ang mga resulta ng kanyang ginawa. Subalit naunawaan niya na maingat siyang ginabayan ng Panginoon. Nang magkainspirasyon siya na isama ang maliliit na lamina ni Nephi sa kanyang talaan, isinulat niya: “At gagawin ko ito para sa isang matalinong layunin; sapagkat ganito ang bulong sa akin, alinsunod sa mga pamamatnubay ng Espiritu ng Panginoon na nasa akin. At ngayon, hindi ko nalalaman ang lahat ng bagay; subalit nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay na darating; anupa’t pinapatnubayan niya ako na gumawa alinsunod sa kanyang kalooban.”5 Kahit hindi alam ni Mormon na mawawala ang 116 na pahina ng manuskrito, gumawa at naghanda ng paraan ang Panginoon para malagpasan ang balakid na iyon bago pa ito nangyari.

Alam ng Ama ang nangyayari sa atin, ang ating mga pangangailangan, at lubos tayong tutulungan. Kung minsa’y ibinibigay ang tulong na iyan sa mismong sandali o matapos man lang tayong humingi ng tulong sa Kanya. Kung minsa’y hindi sinasagot ang ating pinakataimtim at nararapat na mga hangarin sa paraang inaasam natin, ngunit nalalaman natin na may mas dakilang mga pagpapalang nakalaan ang Diyos. At kung minsan, hindi ipinagkakaloob sa buhay na ito ang ating matwid na mga hangarin. Ilalarawan ko sa pamamagitan ng tatlong iba’t ibang salaysay ang mga paraan na maaaring sagutin ng ating Ama sa Langit ang ating taimtim na mga kahilingan sa Kanya.

Natawag na magmisyon ang bunsong anak naming lalaki sa France Paris Mission. Sa paghahandang maglingkod, sumama kami sa kanya sa pagbili ng karaniwang mga polo, amerikana, kurbata, medyas, at pangginaw. Sa kasamaang-palad, walang stock ang pangginaw na gusto niya na kasya sa kanya. Gayunman, sinabi ng store clerk na magkakaroon niyon sa loob ng ilang linggo at ihahatid sa missionary training center sa Provo bago lumipad ang anak namin patungong France. Binayaran namin ang pangginaw at hindi na namin iyon inisip.

Pumasok ang aming anak sa missionary training center noong Hunyo, at dumating ang pangginaw ilang araw lang bago siya lumipad noong Agosto. Hindi na niya iyon isinukat kundi madaliang ipinasok iyon sa kanyang maleta kasama ng kanyang mga damit at iba pang bagay.

Nang papalapit na ang taglamig sa Paris, kung saan naglilingkod noon ang aming anak, sumulat siya sa amin na inilabas niya ang pangginaw, isinukat iyon, pero napakaliit pala niyon. Kaya nagdeposito kami ng ekstrang pera sa bangko niya para makabili siya ng ibang pangginaw sa Paris, na siya niyang ginawa. Medyo naiinis, sinulatan ko siya at sinabihan na ipamigay ang pangginaw dahil hindi naman niya magagamit iyon.

Kalaunan ay natanggap namin ang email niyang ito: “Masyadong malamig dito. … Parang tumatagos ang hangin sa amin, kahit maganda at medyo mabigat ang bago kong pangginaw. … Ibinigay ko ang luma ko sa [ibang missionary sa apartment namin] na nagsabi na matagal na niyang ipinagdarasal na makakuha sana siya ng mas magandang pangginaw. Ilang taon na siyang convert at nanay lang ang mayroon siya … at ang missionary na nagbinyag sa kanya na sumusuporta sa kanya sa kanyang misyon kaya nga sagot sa panalangin ang pangginaw na iyon, kaya napakasaya ko dahil diyan.”6

Alam ng Ama sa Langit na ang missionary na ito na naglilingkod noon sa France mga 6,200 milya (10,000 kilometro) ang layo mula sa kanilang tahanan ay agarang mangangailangan ng bagong pangginaw para sa maginaw na taglamig sa Paris ngunit walang pambili ang missionary na ito. Alam din ng Ama sa Langit na may matatanggap ang aming anak mula sa clothing store sa Provo, Utah, na isang pangginaw na napakaliit. Alam Niya na magkakasama ang dalawang missionary na ito sa paglilingkod sa Paris at na ang pangginaw ay magiging sagot sa aba at taimtim na panalangin ng isang missionary na agaran ang pangangailangan.

Itinuro ng Tagapagligtas:

“Hindi baga ipinagbibili ng isang beles ang dalawang maya? at kahit isa sa kanila’y hindi mahuhulog sa lupa kung hindi pahintulot ng inyong Ama.

“Datapuwa’t maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat.

“Huwag kayong mangatakot: kayo’y lalong mahalaga kay sa maraming maya.”7

Sa ibang mga sitwasyon, kapag hindi ipinagkaloob ang ating karapat-dapat na mga hangarin sa paraang inasam natin, siguro’y para talaga iyon sa ating kapakanan sa huli. Halimbawa, kinainggitan at kinamuhian ng kanyang mga kapatid si Jose na anak ni Jacob hanggang sa balakin nilang patayin si Jose. Sa halip, ipinagbili nila siya sa Egipto bilang alipin.8 Kung may isang tao man na hindi sinagot ang kanyang mga panalangin sa paraang inasam niya, maaaring si Jose iyon. Ang totoo, ang malinaw na kasawian niya ay nagresulta sa malalaking pagpapala sa kanya at nagligtas sa kanyang pamilya sa gutom. Kalaunan, matapos maging pinagkakatiwalaang pinuno sa Egipto, may malaking pananampalataya at karunungan niyang sinabi sa kanyang mga kapatid:

“At ngayo’y huwag kayong magdalamhati, o magalit man sa inyong sarili na inyo akong ipinagbili rito: sapagka’t sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang magadya ng buhay.

“Sapagka’t may dalawang taon nang ang kagutom ay nasa lupain; at may limang taon pang hindi magkakaroon ng pagbubukid, o pagaani man.

“At sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang papanatilihin kayong pinakalahi sa lupa, at upang iligtas kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang pagliligtas.

“Hindi nga kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Dios.”9

Habang nasa kolehiyo, natanggap ang panganay naming anak na lalaki sa napakagandang part-time student job na may potensyal na humantong sa isang maganda at permanenteng trabaho pagka-graduate niya. Nagsumikap siya nang apat na taon sa student job na ito, naging lubhang kwalipikado, at lubos na nirespeto ng kanyang mga katrabaho at superbisor. Sa pagtatapos niya sa senior year, halos parang itinakda ng langit (kahit sa isip lang ng aming anak), nabuksan nga ang permanenteng posisyon at siya ang nangunang kandidato, na bawat palatandaan at inaasahan ay talagang makukuha niya ang trabaho.

Pero hindi siya ang kinuha. Hindi iyon maintindihan ng sinuman sa amin. Handang-handa na siya, maganda ang interbyu, siya na ang pinaka-kwalipikado, at ipinagdasal na niya iyon nang may malaking pag-asam at pag-asa! Nabigla siya at nadismaya, at hindi namin maintindihan kung bakit ganoon ang nangyari. Bakit siya pinabayaan ng Diyos sa kanyang matwid na hangarin?

Ilang taon ang lumipas bago naging napakalinaw ng sagot. Kung natanggap siya sa trabahong pinangarap niya nang mag-graduate siya, nakalagpas sana sa kanya ang mahalagang pagkakataong nagpabago sa buhay niya na napatunayan na ngayon na para sa kanyang walang-hanggang kapakanan at pagpapala. Alam ng Diyos ang katapusan sa simula pa lamang (tulad ng palaging nangyayari), at sa sitwasyong ito, ang sagot sa maraming matwid na panalangin ay hindi, kapalit ng mas magandang kahihinatnan.

At kung minsan, ang sagot sa panalangin na pinakahihiling natin nang matwid at taimtim ay hindi ibinibigay sa buhay na ito.

Si Sister Patricia Parkinson ay ipinanganak na may normal na paningin, ngunit sa edad na pito ay nagsimula siyang mabulag. Sa edad na siyam, nagsimulang mag-aral si Pat sa Utah Schools for the Deaf and Blind sa Ogden, Utah, mga 90 milya (145 km) mula sa bahay nila, kaya kinailangan niyang mangupahan sa eskuwela—kasama ang lahat ng pangungulila sa pamilya na posibleng maranasan ng isang nuwebe-anyos.

Sa edad na 11 lubos na siyang nabulag. Umuwi si Pat nang permanente sa edad na 15 para mag-aral ng high school sa kanilang lugar. Nagpatuloy siya sa kolehiyo at nagtapos na may undergraduate degree sa communication disorders at psychology, at matapos ang isang magiting na pakikipaglaban sa nagdududang university admissions officials, pumasok siya sa graduate school at nakatapos ng master’s degree sa speech language pathology. Nagtuturo ngayon si Pat sa 53 estudyante sa elementarya at namamahala sa apat na speech language technician sa kanyang school district. May sarili na siyang bahay at kotse, na minamaneho ng mga kaibigan at kapamilya kapag kailangan ni Pat ng transportasyon.

Sister Patricia Parkinson

Sa edad na 10, nakaiskedyul si Pat na muling magpaopera para lunasan ang kanyang naglalahong paningin. Palaging sinasabi sa kanya ng kanyang mga magulang kung ano ang mangyayari sa pag-opera sa kanya, ngunit sa kung anong dahilan ay hindi nila sinabi sa kanya ang tungkol sa partikular na operasyong ito. Nang sabihin nga ng kanyang mga magulang na nakaiskedyul na ang operasyon, ayon sa kanyang ina, “takot na takot” si Pat. Tumakbo sa kabilang kuwarto si Pat ngunit bumalik din kalaunan at sinabi sa kanyang mga magulang nang medyo pagalit, “Ito ang sasabihin ko sa inyo. Alam ko ito, alam ito ng Diyos, at mabuti pang malaman din ninyo. Magiging bulag ako habambuhay!”

Ilang taon na ang nakararaan, nagpunta si Pat sa California para bisitahin ang mga kapamilyang nakatira doon. Habang nasa labas kasama ang kanyang tatlong-taong-gulang na pamangkin [na anak ng kuya niya], sinabi ng bata sa kanya, “Tita Pat, bakit hindi mo hilingin sa Ama sa Langit na bigyan ka ng bagong mga mata? Kasi kung hihiling ka sa Ama sa Langit, ibibigay Niya sa iyo ang gusto mo. Humiling ka lang sa Kanya.”

Sabi ni Pat nabigla siya sa tanong pero sumagot siya, “Kung minsan kasi, hindi ganyang kumilos ang Ama sa Langit. Kung minsan gusto Niyang matutuhan mo ang isang bagay, kaya nga hindi Niya ibinibigay sa iyo ang lahat ng gusto mo. Kung minsan kailangan mong maghintay. Ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas ang nakakaalam kung ano ang makakabuti sa atin at ang kailangan natin. Kaya, hindi Nila ipagkakaloob sa iyo ang lahat ng gusto mo sa sandaling gusto mo iyon.”

Matagal ko nang kilala si Pat at sinabi ko sa kanya kamakailan na hanga ako sa katotohanan na palagi siyang positibo at masaya. Ang sagot niya, “Naku, hindi mo pa ako nakasama sa bahay, ano? Malungkot din ako paminsan-minsan. Nakaranas na ako ng matitinding depresyon, at madalas akong umiyak.” Gayunman, dagdag pa niya, “Mula nang magsimulang maglaho ang paningin ko, kakatwa, pero alam ko na kapiling namin ng pamilya ko ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas. Hinarap namin iyon sa pinakamainam na paraan, at sa palagay ko, sa tamang paraan. Naging sapat na matagumpay akong tao, at kadalasan ay naging masaya ako. Naaalala ko ang Kanyang impluwensya sa lahat ng bagay. Sa mga nagtatanong sa akin kung galit ba ako dahil bulag ako, ang sagot ko: ‘Kanino naman ako magagalit? Kasama ko ang Ama sa Langit dito; hindi ako nag-iisa. Kasama ko Siya sa lahat ng oras.’”

Sa sitwasyong ito, ang hangarin ni Pat na mabalik ang kanyang paningin ay hindi ipinagkaloob sa buhay na ito. Ngunit ang kanyang motto, na natutuhan niya sa kanyang ama, ay “Lilipas din ito.”10

Sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, “Ang Ama sa sandaling ito ay inaalala kayo, alam ang inyong nadarama, at ang mga espirituwal at temporal na pangangailangan ng lahat ng nakapaligid sa inyo.”11 Ang mahalaga at nakapapanatag na katotohanang ito ay matatagpuan sa tatlong karanasang naisalaysay ko.

Mga kapatid, kung minsa’y sinasagot kaagad ang ating mga panalangin ayon sa resultang inaasam natin. Kung minsan, hindi sinasagot ang ating mga panalangin sa paraang inaasam natin, subalit dumarating ang panahon na natututuhan natin na ang Diyos ay may nakahihigit na mga pagpapalang inihanda para sa atin kaysa una nating inasahan. At kung minsa’y hindi ipinagkakaloob sa buhay na ito ang ating matwid na mga kahilingan sa Diyos.12 Tulad ng sinabi ni Elder Neal A. Maxwell, “Kasama rin sa pananampalataya ang tiwala sa takdang panahon ng Diyos.”13

Tiniyak na sa atin na sa Kanyang sariling paraan at sa Kanyang sariling panahon, pagpapalain tayo ng Ama sa Langit at lulutasin ang lahat ng ating alalahanin, kawalang-katarungan, at kabiguan.

Itinuro ni Haring Benjamin: “ ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan. O tandaan, tandaan na ang mga bagay na ito ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang siyang nagsabi ng mga ito.”14

Alam ko na dinidinig ng Diyos ang ating mga dalangin.15 Alam ko na bilang isang mapagmahal na Ama na nakakaalam ng lahat, lubos Niyang sinasagot ang ating mga dalangin, ayon sa Kanyang sukdulang karunungan, at sa mga paraan na magiging para sa ating kapakanan at pagpapala sa huli. Pinatotohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.