Magtuon kay Jesucristo
Kung magtutuon tayo kay Jesucristo, tutulungan Niya tayong ipamuhay ang ating mga tipan at matupad nang husto ang ating tungkulin bilang mga elder sa Israel.
Habang naglalakad si Jesus sa isang kalsada malapit sa Capernaum1 kasama ang isang malaking grupo ng tao na nakapaligid sa Kanya, isang babaeng may matinding sakit sa loob ng 12 taon ang umabot at humipo sa laylayan ng Kanyang damit. Kaagad siyang gumaling.2
Itinala ng mga banal na kasulatan na si Jesus, nababatid “na may umalis na [kapangyarihan] sa [Kanya],”3 “ay pagdaka’y pumihit sa karamihan”4 at “lumingap … upang makita siya na gumawa ng bagay na ito.”5 “Nang makita ng babae na siya’y hindi nalingid,”6 siya ay “nagpatirapa sa harap niya, at sinabi sa kaniya ang buong katotohanan.”7
At sinabi ni Jesus sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.”8
Iniligtas ni Jesucristo ang babae. Siya ay pisikal na pinagaling, subalit nang lumingon sa kanya si Jesus, ipinahayag niya ang pananampalataya niya sa Kanya at pinagaling ang Niya ang kanyang puso.9 Kinausap Niya ang babae nang may pagmamahal, tiniyak ang Kanyang pagsang-ayon, at binasbasan siya ng Kanyang kapayapaan.10
Mga kapatid, bilang mga maytaglay ng banal na priesthood, tayo ay kalahok sa gawain ng kaligtasan. Noong nakaraang taon ay tuwirang ipinatong ng Panginoon ang pamumuno sa gawaing ito sa mga balikat ng mga elder sa Israel.11 Mayroon tayong isang inspiradong atas mula sa Panginoon—kasamang nakikipagtulungan sa ating mga kapatid na babae, dapat tayong maglingkod sa isang mas sagradong paraan, pabilisin ang pagtitipon sa Israel sa parehong panig ng tabing, itatag ang mga tahanan natin bilang mga kanlungan ng pananampalataya at pag-aaral ng ebanghelyo, at ihanda ang daigdig para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.12
Tulad sa lahat ng bagay, ipinakita sa atin ng Tagapagligtas ang paraan: tayo ay dapat magtuon at maglingkod kay Jesucristo tulad ng Kanyang pagtuon at pagsunod sa Kanyang Ama.13 Ganito sinabi ng Tagapagligtas kay Propetang Joseph ang paraan:
“Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.
“Masdan ang sugat na tumagos sa aking tagiliran, at gayon din ang bakas ng mga pako sa aking mga kamay at paa; maging matapat, sundin ang aking mga kautusan, at inyong mamamana ang kaharian ng langit.”14
Bago ang buhay na ito, ipinangako ni Jesus sa Kanyang Ama na gagawin Niya ang kalooban ng Kanyang Ama at magiging ating Tagapagligtas at Manunubos. Nang itanong ng Kanyang Ama, “Sino ang isusugo ko?”15 Sumagot si Jesus:
“Narito ako, isugo ako.”16
“Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan.”17
Sa Kanyang buong buhay sa lupa ay isinabuhay ni Jesus ang pangakong iyon. Itinuro Niya ang doktrina ng Kanyang Ama nang may pagpapakumbaba, pagkamaamo, at pagmamahal at ginawa Niya ang gawain ng Ama gamit ang kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang Ama na ibinigay sa Kanya.18
Ibinigay ni Jesus ang Kanyang puso sa Kanyang Ama. Sabi niya:
“Ako’y umiibig sa Ama.”19
“Ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya’y nakalulugod.”20
“Bumaba ako … hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng [Ama na] nagsugo sa akin.”21
Sa Kanyang pagdurusa sa Getsemani, “Gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.”22
Noong inatasan ng Panginoon ang mga elder ng Israel na “isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip” at “masdan ang sugat” sa Kanyang nabuhay na mag-uling katawan, ito ay pagtawag sa kanila na talikuran ang kasalanan at ang daigdig at bumaling sa Kanya at mahalin at sundin Siya. Ito ay isang pagtawag na ituro ang Kanyang doktrina at gawin ang Kanyang gawain ayon sa Kanyang paraan. Ito, samakatwid, ay isang pagtawag na lubos na magtiwala sa Kanya, isuko ang ating kalooban at ibigay ang ating mga puso sa Kanya, at maging katulad Niya sa pamamagitan ng Kanyang mapagtubos na kapangyarihan.23
Mga kapatid, kung magtutuon tayo kay Jesucristo, babasbasan Niya tayo upang maging Kanyang mga elder sa Israel—mapagpakumbaba, maamo, mababa ang loob, puspos ng Kanyang pagmamahal.24 At dadalhin natin ang kagalakan at mga pagpapala ng Kanyang ebanghelyo at Kanyang Simbahan sa ating mga pamilya at ating mga kapatid sa magkabilang panig ng tabing.
Inatas sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na magtuon lamang kay Jesucristo sa paraang ito: “Hindi madali o otomatiko ang maging gayon kalakas na mga disipulo. Kailangan tayong magtuon [nang nakatrangka] sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Kailangang mag-isip nang husto sa pagsisikap na magtuon sa Kanya sa bawat pag-iisip. Nguni’t kapag ginawa natin ito, mawawala ang ating mga pagdududa at takot.”25
Ang trangka ay isang napakagandang salita. Ang ibig sabihin nito ay nakaugnay nang mabuti, upang magdikit at kumapit nang lubusan.26 Tinatrangka natin ang ating tuon kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa ating mga tipan.
Kapag isinasabuhay natin ang ating mga tipan, iniimpluwensyahan ng mga ito ang lahat ng bagay na sinasabi at ginagawa natin. Namumuhay tayo ayon sa tipan27 na puno ng mga payak na gawain ng pananampalataya araw-araw na nakatuon kay Jesucristo: pananalangin mula sa puso sa pangalan Niya, nagpapakabusog sa Kanyang salita, bumabaling sa Kanya upang pagsisihan ang ating mga kasalanan, sinusunod ang Kanyang mga kautusan, nakikibahagi sa sakramento at pinapanatiling banal ang Kanyang Sabbath, sumasamba sa Kanyang banal na templo na kasindalas ng makakayanan natin, at ginagamit ang Kanyang banal na priesthood upang paglingkuran ang mga anak ng Diyos.
Binubukas ng mga gawaing ito ng dedikasyon sa tipan ang ating mga puso at isipan sa mapagtubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas at nagpapabanal na impluwensya ng Espiritu Santo. Nang taludtod sa taludtod, binabago ng Tagapagligtas ang ating pinakakatauhan, at mas lumalalim ang ating pagbabalik-loob sa Kanya at nabubuhay ang ating mga tipan sa ating mga puso.28
Ang mga pangakong ginagawa natin sa ating Ama sa Langit ay nagiging matitibay na pangako, ang ating pinakamalalalim na paghahangad. Ang mga pangako sa atin ng Ama sa Langit ay pinupuspos tayo ng pagpapasalamat at kagalakan.29 Ang ating mga tipan ay hindi na mga batas na dapat nating sundin at nagiging mga minamahal na alituntuning nagbibigay-inspirasyon at pumapatnubay sa atin at itinatrangka ang tuon natin kay Jesucristo.30
Ang mga gawaing ito ng dedikasyon ay para sa lahat, sa mga bata at matatanda. Kayong mga kabataang lalaki na taglay ang Aaronic Priesthood, lahat ng bagay na sinabi ko ngayong gabi ay naaangkop sa inyo. Pinasasalamatan ko ang Diyos para sa inyo. Dahil sa inyo ay nakagagawa ng mga sagradong ordenansa at mga tipan ang milyun-milyong mga Banal sa mga Huling Araw kada linggo. Kapag kayo ay naghahanda, nagbabasbas, o nagpapasa ng sakramento; nagmi-minister; nagbibinyag sa templo; nag-aanyaya ng kaibigan sa aktibidad; o nagliligtas sa isang miyembro ng inyong korum, ginagawa ninyo ang gawain ng kaligtasan. Magagawa rin ninyong magtuon kay Jesucristo at ipamuhay ang inyong mga tipan araw-araw. Ipinapangako ko sa inyo na kapag ginawa ninyo iyon, kayo ay magiging mga pinagkakatiwalaang tagapaglingkod ng Panginoon ngayon at, sa darating na panahon ay magigiting na elder sa Israel.
Mga kapatid, alam ko na ang lahat ng ito ay maaaring tila napakahirap. Subalit mangyaring tandaan ang mga salitang ito ng Tagapagligtas: “Hindi ako nagiisa, sapagka’t ang Ama ay sumasa akin.”31 Ganoon din tayo. Hindi tayo nag-iisa. Mahal tayo ng Panginoong Jesucristo at ng ating Ama sa Langit, at napasasaatin Sila.32 Dahil nagtuon si Jesus sa Kanyang Ama at kinumpleto ang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo, makatutuon tayo kay Jesucristo nang may katiyakang tutulungan Niya tayo.
Walang perpekto sa atin. Kung minsan ay walang pagbabago sa atin. Tayo ay nagagambala o humihina ang loob. Nadarapa tayo. Subalit kung nagtutuon tayo kay Jesucristo nang may nagsisising puso, itataas Niya tayo, iaangat Niya tayo, lilinisin ang kasalanan natin, patatawarin tayo, at paghihilumin ang ating puso. Siya ay matiyaga at mabait; ang Kanyang mapagtubos na pagmamahal ay hindi nagwawakas at hindi nabibigo.33 Tutulungan Niya tayong ipamuhay ang ating mga tipan at matupad ang ating tungkulin bilang mga elder sa Israel.
At pagpapalain tayo ng Ama ng lahat ng bagay na kinakailangan upang matupad ang Kanyang mga layunin—“[mga] bagay … maging sa langit at sa lupa, ang buhay at ang liwanag, ang Espiritu at ang kapangyarihan, ipinadala sa pamamagitan ng kalooban ng Ama sa pamamagitan ni Jesucristo, na kanyang Anak.”34
Kapag ang banal na liwanag at kapangyarihan ay dumadaloy sa ating mga buhay, tatlong mahihimalang bagay ang nangyayari:
Una, makakakita tayo! Sa pamamagitan ng paghahayag ay magsisimula tayong makakita na tulad ng pagkakita ni Jesus sa babae: lampas sa panlabas na itsura patungo sa puso.35 Sa pagtingin natin tulad ng pagtingin ni Jesus, pagpapalain Niya tayo na mahalin ang mga pinaglilingkuran natin gamit ang Kanyang pagmamahal. Gamit ang tulong na ito, ang mga pinaglilingkuran natin ay makikita ang Tagapagligtas at madarama ang Kanyang pagmamahal.36
Pangalawa, magkakaroon tayo ng kapangyarihan ng priesthood! Tayo ay mayroong awtoridad at kapangyarihang kumilos sa pangalan ni Jesucristo upang “[pagpalain], [gabayan], [protektahan], at [palakasin ang] ibang tao” at magdala ng mga himala sa mga minamahal natin at ingatan ang ating mga kasal at mag-anak.37
Pangatlo, makakasama natin si Jesucristo! Kung saan tayo pupunta, pupunta Siya. Kapag nagtuturo tayo, nagtuturo Siya. Kapag nang-aalo tayo, nang-aalo Siya. Kapag nagbabasbas tayo, nagbabasbas Siya.38
Mga kapatid, hindi ba’t may dahilan upang magsaya tayo? Mayroon! Taglay natin ang banal na priesthood ng Diyos. Sa pagtutuon natin kay Jesucristo, pamumuhay sa ating mga tipan, at pagtatrangka ng ating tuon sa Kanya, nakikiisa tayo sa ating mga kapatid na babae at naglilingkod sa mas banal na paraan, tinitipon ang ikinalat na Israel sa bawat panig ng tabing, pinalalakas at ibinubuklod ang ating mga pamilya, at inihahanda ang daigdig para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo. Mangyayari ito. Pinatototohanan ko ito.
Isinasara ko ito nang may panalangin mula sa aking puso, na lahat tayo, bawat isa, ay magtutuon kay Jesucristo sa bawat pag-iisip. Huwag mag-alinlangan. Huwag matakot. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.