Malalim at Tumatagal na Pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo
Ang layunin natin ay balansehin ang karanasan sa Simbahan at tahanan na higit na magpapalakas ng pananampalataya at espirituwalidad at magpapalalim ng pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo.
Tulad ng napakaganda at mahusay na sinabi ni Pangulong Russell M Nelson, ang mga lider ng Simbahan ay matagal nang pinag-aaralan at pinag-uusapan ang “plano na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan upang matuto ng doktrina, palakasin ang pananampalataya, at mapag-ibayo ang personal na pagsamba.” Pagkatapos ay ipinaalam ni Pangulong Nelson ang mga pagbabago upang matamo “ang isang bagong balanse at koneksyon sa pagitan ng pagtuturo ng ebanghelyo sa tahanan at sa Simbahan.”1
Upang magawa ang mga layunin na ito—na inilarawan at pinamunuan ni Pangulong Russell M. Nelson at alinsunod sa pasya ng Konseho ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol—ang mga miting tuwing Linggo ay babaguhin sa mga susunod na kaparaanan, simula Enero 2019.
Iskedyul ng mga Miting sa Araw ng Linggo
Ang mga miting ng Simbahan tuwing Linggo ay kapapalooban ng 60 minuto na sacrament meeting bawat Linggo, at nakatuon sa Tagapagligtas, ordenansa ng sakramento, at espirituwal na mga mensahe. Pagkatapos ng oras para pumunta sa mga klase, ang mga miyembro ng Simbahan ay dadalo sa isang 50-minutong klase na magsasalit-salit bawat Linggo:
-
Ang Sunday School ay gaganapin sa una at ikatlong Linggo ng buwan.
-
Ang mga miting ng mga korum ng Priesthood, Relief Society, at Young Women ay gaganapin sa ikalawa at ikaapat na Linggo.
-
Ang mga miting sa ikalimang Linggo ay gaganapin sa ilalim ng pamumuno ng bishop.
Ang Primary ay gaganapin bawat Linggo kasabay ng 50-minutong oras na ito at kabibilangan ng oras ng pagkanta at mga klase.
Tungkol sa iskedyul sa miting ng Linggo, matagal nang alam ng mga nakatatandang lider ng Simbahan na para sa ilan sa ating mga minamahal na miyembro, ang tatlong oras na iskedyul tuwing Linggo ay maaaring maging mahirap. Ito ay totoo lalo na sa mga magulang na may maliliit na anak, mga bata sa Primary, matatandang miyembro, bagong binyag, at iba pa.2
Ngunit higit pa sa pagpapaikli ng iskedyul tuwing Linggo ang pagbabagong ito. Kinilala ni Pangulong Nelson nang may pasasalamat ang dami ng mga nagawa bilang resulta ng inyong tapat na pagtalima sa mga paanyaya noong nakaraan. Siya, at ang buong pamunuan ng Simbahan, ay nagnanais na maghatid ng dagdag na kaligayahan sa ebanghelyo sa mga magulang, bata, kabataan, mga kabinataan at kadalagahan, matatanda, bagong binyag, at mga taong tinuturuan ng mga missionary sa pamamagitan ng isang balanseng pagsisikap na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan. Ang mga layunin at biyaya na kaakibat ng pagbabago na ito at iba pang mga pagbabago kamakailan ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
-
Lumalalim na pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo at pagpapatatag ng pananampalataya sa Kanila.
-
Pagpapatatag sa mga indibiduwal at pamilya sa pamamagitan ng kurikulum na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan na nag-aambag sa maligayang pamumuhay sa ebanghelyo.
-
Paggalang sa araw ng Sabbath, nang nakatuon sa ordenansa ng sakramento.
-
Pagtulong sa lahat ng anak ng Ama sa Langit sa magkabilang panig ng tabing sa pamamagitan ng gawaing misyonero at pagtanggap ng mga ordenansa at tipan at biyaya ng templo.
Pag-aaral ng Ebanghelyo na Nakasentro sa Tahanan at Sinusuportahan ng Simbahan
Ang iskedyul na ito kapag Linggo ay magtutulot ng mas maraming oras para sa home evening at para pag-aralan ang ebanghelyo sa tahanan sa araw ng Linggo, o sa iba pang mga oras na pipiliin ng mga indibiduwal at pamilya. Ang family activity night ay maaaring gawin tuwing Lunes o sa iba pang araw. Sa paggawa nito, ang mga lider ay dapat ipagpatuloy ang hindi pagdaraos ng mga miting at aktibidad sa Simbahan tuwing Lunes ng gabi. Gayunman, ang oras na ginugugol sa home evening, pag-aaral ng ebanghelyo, at aktibidad para sa mga indibiduwal at pamilya ay maaaring isagawa ayon sa indibiduwal na mga sitwasyon.
Ang pag-aaral ng ebanghelyo ng mga pamilya at indibiduwal sa tahanan ay higit na mapapahusay ng pinagkaisang kurikulum at ng bagong sanggunian na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa mga pamilya at indibiduwal na nauugnay sa itinuturo sa Sunday School at Primary.3 Sa Enero, pag-aaralan ng mga klase ng mga kabataan ng Simbahan at adult Sunday School at Primary ang Bagong Tipan. Ang bagong home-study na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na sanggunian para sa mga indibiduwal at pamilya—na tinatalakay din ang Bagong Tipan—ay ginawa upang tulungan ang mga miyembro na matutuhan ang ebanghelyo sa tahanan. Ipinaliwanag nito: “Ang sanggunian na ito ay para sa bawat indibiduwal at pamilya sa Simbahan. Layon nito na tulungan [tayong mas] matutuhan ang ebanghelyo—mag-isa man [tayo] o kasama ang [ating] pamilya. … Ang mga outline sa [bagong] sanggunian na ito ay inorganisa ayon sa lingguhang … iskedyul.”4
Ang mga bagong lesson sa Primary ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na itinuturo sa simbahan ay susundin ang kaparehas na panglingguhan na iskedyul. Ang pangmatanda at pangkabataan na klase ng Sunday School sa una at ikatlong Linggo ay pag-uugnayin upang masuportahan ng mga ito ang bagong sanggunian sa tahanan na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Sa ikalawa at ikaapat na Linggo, ang mga miyembro ng Priesthood at Relief Society ay patuloy na pag-aaralan ang mga turo ng mga lider ng Simbahan, na nagbibigay-diin sa bagong mensahe ng mga makabagong propeta.5 Ang Young women at Aaronic Priesthood na mga kabataang lalaki ay mag-aaral ng mga paksa ng ebanghelyo sa mga araw na iyon.
Ang bagong sanggunian sa pag-aaral na pangtahanan ay mayroong “Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening.”6 Ang mga outline para sa bawat linggo ay naglalaman ng nakatutulong na mga ideya sa pag-aaral at mga aktibidad para sa mga indibiduwal at pamilya. Ang sanggunian na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa mga indibiduwal at pamilya ay marami ring larawan na makatutulong na mapahusay ang pag-aaral nang indibiduwal at kasama ang pamilya, lalo na sa mga bata.7 Ang bagong sanggunian na ito ay ibibigay sa bawat sambahayan sa Disyembre ng taong ito.
Si Pangulong Nelson, mula sa ikanyang unang pagsasalita sa mga miyembro ng Simbahan noong Enero, ay hinikayat tayo na maghanda sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa pamamagitan ng paglalakad sa landas ng tipan.8
Ang kundisyon sa mundo ay patuloy na nangangailangan ng malalim na pagbabalik loob ng indibiduwal at ng papagpapalakas ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Inihanda tayo ng Panginoon, nang taludtod sa taludtod, para sa mapanganib na panahon na hinaharap natin. Nitong mga nakaraang taon, ginabayan tayo ng Panginoon upang bigyang solusyon ang ilang magkakaugnay na mga pangunahing bagay kabilang ang:
-
Paggalang sa araw ng Sabbath at ang sagradong ordenansa ng sakramento na binigyang-diin sa nakalipas na tatlong taon.
-
Sa ilalim ng pamumuno ng bishop, ang pinalakas na mga elders’ quorum at Relief Society ay nakatauon sa layunin ng Simbahan9 at pagtulong sa mga miyembro na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan.
-
Ang ministering sa “mas dakila at mas banal na paraan” ay maligayang ginagawa.
-
Nakatuon sa pangunahing layunin sa simula pa lamang, ang mga tipan sa templo at paggawa ng family history ay nagiging makabuluhang bahagi ng landas ng tipan.
Ang mga pagbabagong inanunsyo ngayong umaga ay isa pang halimbawa ng gabay para sa mga pagsubok ng ating panahon.
Binigyang diin ng tradisyonal na kurikulum ng Simbahan ang mga nararanasan sa Simbahan tuwing Linggo. Alam natin na kapag mas mahusay ang ating pagtuturo at mas espirituwal na handa ang mga miyembro ng klase natin, mas maganda ang nararanasan natin sa Simbahan tuwing Linggo. Nabiyayaan tayo kung kaya’t madalas dinaragdagan at pinalalakas ng Espiritu ang pagbabalik-loob sa Simbahan.
Ang bagong kurikulum na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan ay kailangan na impluwensiyahan nang mas malakas ang espirituwalidad ng pamilya at pag-uugali at ang espirituwalidad at pag-uugali ng bawat indibiduwal. Alam natin ang espirituwal na epekto at ang malalim at tumatagal na pagbabalik-loob na maaaring magawa sa loob ng tahanan. Ilang taon na ang nakalipas, pinagtibay ng isang pag-aaral na para sa mga kabataang lalaki at babae, ang impluwensiya ng Espiritu Santo ay madalas nararamdaman sa indibiduwal na pag-aaral ng banal na kasulatan at pagdarasal sa tahanan. Ang layunin natin ay balansehin ang karanasan sa Simbahan at tahanan na higit na magpapalakas ng pananampalataya at espirituwalidad at magpapalalim ng pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo.
Sa bahagi ng pagbabagong ito na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan, ang bawat indibiduwal at pamilya na ang magpapasiya nang may panalangin kung paano at kailan ito ipatutupad. Halimbawa, bagamat pagpapalain nito nang malaki ang lahat ng pamilya, ayon sa lokal na pangangailangan, nararapat din para sa mga wala pang asawa, solo na magulang, part-member na pamilya, bagong miyembro,10 at iba pa na magtipon nang grupu-grupo maliban pa sa karaniwang pagsamba sa araw ng Linggo upang maranasan na makahalubilo ang isa’t isa sa ebanghelyo at mapalakas sa pamamagitan ng pag-aaral nang magkakasama ng sanggunian na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan. Sino man na may gusto ay maaaring gawin ito nang impormal.
Sa maraming bahagi ng mundo, pinipili ng karamihan na manatili sa simbahan pagkatapos ng normal na iskedyul tuwing Linggo upang makipagkuwentuhan. Walang bagay sa inanunsiyong pagbabagong ito ang hahadlang sa maganda at kapakipakinabang na gawi na ito sa anumang paraan.
Upang tulungan ang mga miyembro na maghanda para sa Sabbath, ang ibang mga ward ay nagpapadala na ng impormasyon sa pamamagitan ng email, text, o mensahe sa social media sa kalagitnaan ng linggo. Sa bagong anunsiyo na ito, hinihikayat namin kayo na gawin ang uring ito ng pakikipag-ugnayan. Ang mga paanyayang ito ay magpapaalala sa mga miyembro ng iskedyul ng miting para sa Linggong iyon, pati na ang paksa na pag-aaralan sa klase, at susuportahan ang patuloy na pag-uusap tungkol sa ebanghelyo sa tahanan. Bukod pa rito, ang mga miting sa Linggo ng mga nakatatanda ay magbibigay din ng impormasyon upang pag-ugnayin ang pag-aaral sa Simbahan at tahanan bawat linggo.
Ang sacrament meeting at oras ng klase ay kakailanganing pag-isipan nang may panalangin upang matiyak na ang espirituwal na prayoridad ay mas binibigyang-diin kumpara sa mga gawaing administratibo. Halimbawa, ang karamihan sa mga anunsiyo ay maaaring isama sa paanyaya na ibinibigay sa kalagitnaan ng linggo o sa isang ipinrint na programa. Bagamat ang sacrament meeting ay dapat magkaroon ng pambungad at pangwakas na panalangin, sa pangalawang meeting na lamang kailangan ang pangwakas na panalangin.11
Tulad ng binanggit kanina, ang bagong iskedyul ng lingguhang mga miting ay magsisimula pa lang sa Enero 2019. May ilang dahilan para dito. Ang dalawang pinakamahalaga ay, una, upang magkaroon ng sapat na oras na maipamahagi ang sanggunian na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa mga indibiduwal at pamilya at, pangalawa, upang bigyan ang mga stake president at mga bishop ng panahon na makapag-iskedyul ng mga miting, na may layunin na mas maraming mga ward ang magsimula nang mas maaga.
Sa paghahangad ng mga lider ng paghahayag, ang gabay na natanggap sa mga nakaraang ilang taon ay ang palakasin ang sacrament meeting, igalang ang araw ng Sabbath, at hikayatin at tulungan ang mga magulang at indibiduwal na gawin ang kanilang mga tahanan na pinagmumulan ng espirituwal na lakas at dagdag na pananampalataya—isang lugar ng kaligayahan at kasiyahan.
Mga Pambihirang Pagpapala
Ano ang kahulugan ng mga pagbabagong ito para sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? Naniniwala kami na mabibiyayaan ang mga miyembro sa pambihirang paraan. Ang Linggo ay maaaring maging isang araw ng pag-aaral ng ebanghelyo at pagtuturo sa Simbahan at sa tahanan. Habang ginagawa ng mga indibiduwal at pamilya ang family council, family history, ministering, paglilingkod, personal na pagsamba, at masayang oras kasama ang pamilya, ang Sabbath ay tunay na magiging kalugud-lugod.
Isang pamilya sa Brazil na miyembro ng isang stake ang sumubok na gamitin ang bagong sanggunian sa tahanan na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin . Ang ama, si Fernando, isang returned missionary, at kanyang asawang si Nancy, na may apat na maliliit na anak, ay nag-ulat: “Nang ipaalam sa stake namin ang programang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin , tuwang-tuwa ako, at naisip ko, ‘magbabago na ang paraan ng pag-aaral namin ng mga banal na kasulatan sa aming tahanan.’ Nangyari talaga ito sa aming tahanan, at bilang isang lider sa Simbahan, nakita ko na nangyari ito sa iba pang mga tahanan. … Tinulungan kami nito na talagang pag-usapan ang mga banal na kasulatan sa aming tahanan. Kaming mag-asawa ay nagkaroon ng mas malalim na pagkaunawa sa mga paksang pinag-aralan. … Natulungan kami na … palawakin ang kaalaman namin sa ebanghelyo, at palakasin ang aming pananampalataya at patotoo. … Pinatototohanan ko … na alam ko na binigyang inspirasyon ito ng Panginoon upang ang patuloy at epektibong pag-aaral ng mga altuntunin at doktrina na nakatala sa mga banal na kasulatan ay maghatid ng dagdag na pananampalataya, patotoo, at liwanag sa mga pamilya … sa patuloy na sumasamang mundo.”12
Sa mga stake kung saan una itong sinubukan sa iba’t ibang panig ng mundo, nagkaroon ng napakagandang tugon sa bagong sanggunian sa tahanan na Pumarito Ka, Sumunod ka sa Akin. Marami ang nagsabi na mula sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nagawa nilang pag-aralan na talaga ang mga ito. Naramdaman din ng karamihan na ang karanasan ay nagpalakas ng pananampalataya at nagkaroon ng magandang epekto sa ward.13
Malalim at Tumatagal na Pagbabalik-loob
Ang layunin ng mga pagbabagong ito ay magkaroon ng mas malalim at tumatagal na pagbabalik-loob sa mga nakatatanda at sa bagong henerasyon. Ang unang pahina ng sanggunian para sa mga indibiduwal at pamilya ay nagsasabing: “Ang layunin ng lahat ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo ay para palalimin ang ating pagbabalik-loob at tulungan tayong maging higit na katulad ni Jesucristo. … Nangangahulugan ito ng pag-asa kay Cristo na baguhin ang ating puso.”14 Ito ay naisasagawa sa paglapit “hindi lamang sa isang silid-aralan kundi maging sa puso at tahanan ng isang tao. Nangangailangan ito ng palagian at araw-araw na pagsisikap na maunawaan at maipamuhay ang ebanghelyo. Ang tunay na pagbabalik-loob ay nangangailangan ng impluwensya ng Espiritu Santo.”15
Ang pinakamahalagang layunin at pinakadakilang biyaya ng malalim at tumatagal na pagbabalik-loob ay ang karapatdapat na pagtanggap ng mga tipan at ordenansa ng landas ng tipan.16
Inaasahan namin na sama-sama kayong magsasanggunian at maghahangad ng paghahayag sa pagpapatupad ng mga pagbabagong ito—nang hindi lumalabis dito o tinatangkang higpitan nang labis ang mga indibiduwal o mga pamilya. Ang karagdagang impormasyon ay ibabahagi sa mga darating na pabatid, kabilang ang liham at iba pang ipadadala ng Unang Panguluhan.
Pinatototohanan ko sa inyo na sa mga pag-uusap ng Konseho ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol sa templo, at matapos na magsumamo sa Panginoon ang minamahal nating propeta para sa paghahayag upang isulong ang mga pagbabagong ito, isang makapangyarihang kumpirmasyon ang natanggap ng lahat. Si Russell M. Nelson ang ating buhay na Pangulo at propeta. Ang mga anunsiyo na ginawa ngayon ay magdadala ng maraming biyaya sa lahat ng malugod na tatanggapin ang mga pagbabago at hihingin ang gabay ng Espiritu Santo. Magiging mas malapit tayo sa ating Ama sa Langit at sa ating Panginoon at Tagapagligtas, si Jesucristo, kung kanino ay tunay na isang saksi. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.