2010–2019
Ibig Mo Bagang Gumaling?
Oktubre 2018


10:58

Ibig Mo Bagang Gumaling?

Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kung pipiliin nating magsisi at ituon nang lubos ang ating puso sa Tagapagligtas, mapagagaling Niya ang ating espiritu.

Noong ilang buwan pa lamang sa kanyang misyon, tinatapos ng aming bunsong anak na lalaki at ng kanyang missionary companion ang pag-aaral nila nang bahagyang sumakit ang kanyang ulo. Kakaiba ang nadama niya; sa una ay hindi niya makontrol ang kanyang kaliwang braso; at pagkatapos ay namanhid ang kanyang dila. Ang kaliwang bahagi ng kanyang mukha ay tumabingi. Hirap siyang magsalita. Alam niya na may masamang nangyayari. Ang hindi niya alam ay dumaranas siya ng matinding stroke sa tatlong bahagi ng kanyang utak. Natakot siya nang bahagya siyang maparalisa. Kung maaagapan ang taong na-stroke, malaki ang magiging epekto nito sa mabilis niyang paggaling. Mabilis at may katatagan na kumilos ang kanyang tapat na kompanyon. Pagkatapos tumawag sa 911, binigyan niya ng basbas ang aking anak. Himalang limang minuto lamang ang layo ng ambulansya.

Pagkatapos maisugod ang aming anak sa hospital, agad na pinag-aralan ng mga doktor ang sitwasyon at nagpasiyang magbibigay sila ng gamot sa aming anak na posible at unti-unting magpapagaling sa pagkaparalisa na sanhi ng stroke.1 Gayunman, kung hindi na-stroke ang aming anak, magkakaroon ng matitinding epekto ang gamot, tulad ng pagdurugo sa utak. Kinailangang pumili ng aming anak. Pinili niyang tanggapin ang gamot. Bagama’t ang lubos na paggaling ay nangangailangan ng maraming operasyon at maraming buwan, nakabalik ang aming anak sa misyon at tinapos ito nang gumaling siya mula sa mga epektong dulot ng stroke.

Ang ating Ama sa Langit ay makapangyarihan at nalalaman ang lahat ng bagay. Alam Niya ang pisikal na mga paghihirap natin. Alam Niya ang mga paghihirap ng ating katawan dahil sa karamdaman, sakit, katandaan, aksidente, o kapansanan mula nang isinilang. Alam Niya ang mga paghihirap ng ating damdamin dahil sa pag-aalala, kalungkutan, depresyon, o sakit sa pag-iisip. Kilala Niya ang bawat tao na dumanas ng kawalang-katarungan o ng pang-abuso. Alam Niya ang ating mga kahinaan at hilig at mga tukso na pinaglalabanan natin.

Sa buhay na ito sinusubukan tayo na maipakita natin kung pipiliin natin ang mabuti kaysa sa masama. Para sa mga taong sumusunod sa Kanyang mga kautusan, sila ay mananahang kasama Siya “sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”2 Upang matulungan tayo na umunlad katulad Niya, ipinagkaloob ng Ama sa Langit ang lahat ng kapangyarihan at kaalaman sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Walang pisikal, emosyonal, o espirituwal na karamdamam ang hindi mapagagaling ni Cristo.3

Mula sa mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, isinalaysay sa mga banal na kasulatan ang maraming himalang nangyari nang gamitin ni Jesucristo ang Kanyang banal na kapangyarihan upang pagalingin ang mga taong pisikal na nagdurusa.

Ang Ebanghelyo ayon kay Juan ay nagsasalaysay ng kuwento tungkol sa isang lalaki na 38 taon nang maysakit na nagpahina ng kanyang katawan.

“Nang makita ni Jesus na siya’y nakahandusay, at mapagkilalang siya’y malaon nang panahong maysakit, ay sinabi niya sa kaniya, Ibig mo bagang gumaling?”

Tumugon ang mahinang lalaki na walang taong tumutulong sa kanya sa sandaling kailangan niya ito.

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.

“At pagdaka’y gumaling ang lalake, at binuhat ang kaniyang higaan at lumakad.”4

Mangyaring pansinin ang dalawang bagay tungkol sa kung gaano katagal nagdusa ang lalaking ito nang walang tulong—38 taon—at kung gaano kabilis ang kanyang paggaling nang tumulong ang Tagapagligtas. Ang paggaling ay “pagdaka” o kaagad nangyari.

Sa isa pang pangyayari, isang babae na may 12 taon nang inaagasan ng dugo, na “ginugol sa mga manggagamot ang lahat niyang pagkabuhay, … ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit at pagdaka’y naampat ang kaniyang agas. …

“[At] sinabi ni Jesus, May humipo sa akin, sapagka’t naramdaman ko na may umalis na bisa sa akin.

“At nang makita ng babae na siya’y hindi nalingid, … isinasaysay [niya] sa harapan ng buong bayan … kung paanong gumaling siya kapagdaka.”5

Sa Kanyang buong ministeryo, itinuro ni Cristo na may kapangyarihan Siya na pagalingin ang pisikal na katawan. Hindi natin matutukoy ang panahon kung kailan magaganap ang pagpapagaling ni Cristo sa ating mga pisikal na karamdaman. Ang paggaling ay nangyayari ayon sa Kanyang kalooban at karunungan. Sa mga banal na kasulatan, may mga taong maraming taon nang nahihirapan dahil sa sakit; ang iba sa buong buhay nila. Ang mga karamdaman sa buhay na ito ay magdadalisay sa atin at magpapalalim sa ating pananalig sa Diyos. At kapag tinulutan natin si Cristo na pagalingin tayo, palagi Niya tayong palalakasin sa espirituwal upang maaari tayo magkaroon ng mas malaking kakayahan na matiis ang ating mga pasanin.

Sa huli, alam natin na lahat ng pisikal na sakit, karamdaman, o kapansanan ay mapagagaling sa Pagkabuhay na Mag-uli. Iyan ang kaloob sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.6

Mapagagaling ni Jesucristo hindi lamang ang ating pisikal na katawan. Mapagagaling din Niya ang ating espiritu. Sa buong banal na kasulatan nalaman natin kung paano tinulungan ni Cristo ang mga nanghihina ang espiritu at pinagaling sila.7 Kapag inisip natin ang mga karanasang ito, nadaragdagan ang ating pag-asa at pananampalataya sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na pagpalain ang ating buhay. Mababago ni Jesucristo ang ating puso, mapagagaling tayo sa mga epekto ng kawalang-katarungan o pang-aabuso, at mapapalakas ang ating kakayahan na makayanan ang kawalan at kapighatian, na nagdadala sa atin ng kapayapaan na tumutulong sa atin na matiis ang mga pagsubok sa ating buhay, pinagagaling ang ating nasaktang damdamin.

Mapagagaling din tayo ni Cristo kapag nagkasala tayo. Nagkakasala tayo kapag kusa nating nilabag ang mga batas ng Diyos.8 Kapag nagkakasala tayo, ang ating mga kaluluwa ay nagiging marumi. Walang maruming bagay ang makatatahan sa kinaroroonan ng Diyos.9 “Ang pagiging malinis mula sa kasalanan ay ang mapagaling sa espirituwal.”10

Alam ng Diyos Ama na magkakasala tayo, at naghanda Siya ng paraan para matubos tayo. Itinuro ni Elder Lynn G. Robbins: “Ang pagsisisi ay hindi alternatibong plano [ng Diyos] sakali mang mabigo tayo. Pagsisisi ang Kanyang plano, batid na gagawin natin ito.”11 Kapag nagkasala tayo, mayroon pa rin tayong pagkakataon na piliin ang mabuti kaysa sa masama. Pinipili natin ang mabuti kapag nagsisi tayo pagkatapos nating magkasala. Sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, matutubos tayo mula sa ating mga kasalanan at maibabalik sa kinaroroonan ng Diyos Ama kung magsisisi tayo. Ang espirituwal na paggaling ay hindi mula sa isang panig lamang—nangangailangan ito ng kapangyarihang tumubos ng Tagapagligtas at taos-pusong pagsisisi ng nagkasala. Para sa mga taong pinili ang hindi magsisi, tinatanggihan nila ang pagpapagaling na ibinibigay ni Cristo. Para sa kanila, parang walang pagtubos na ginawa.12

Kapag nagpapayo ako sa ibang mga tao na naghahangad na magsisi, nagugulat ako sa napansin ko na ang mga taong nabubuhay sa kasalanan ay nahihirapang gumawa ng tamang mga desisyon. Lilisan sa kanila ang Espiritu Santo, at madalas ay nahihirapan silang piliin ang mga bagay na maglalapit sa kanila sa Diyos. Mahihirapan sila sa loob ng maraming buwan o mga taon, nahihiya o natatakot sa mga bunga ng kanilang mga kasalanan. Madalas nilang madama na hindi na sila magbabago pa o mapapatawad. Madalas kong marinig na natatakot sila na kung malalaman ng mga mahal nila sa buhay ang kanilang ginawa, hindi na sila mamahalin o iiwanan sila. Kapag ganito ang inisip nila, magpapasiya sila na manahimik na lang at ipagpaliban ang kanilang pagsisisi. Mali ang nadama nila na mas makabubuti pang hindi magsisi sa ngayon nang sa gayon ay hindi na nila masaktan pa ang mga mahal nila sa buhay. Sa kanilang isipan ay mas mabuti pang magdusa sa kabilang-buhay kaysa dumaan sa proseso ng pagsisisi ngayon. Mga kapatid, hindi kailanman mabuting ideya na ipagpaliban ang inyong pagsisisi. Madalas gamitin ng kaaway ang takot para hadlangan tayo na kumilos agad sa ating pananampalataya kay Jesucristo.

Kapag nalaman ng mga mahal sa buhay ang nagawang kasalanan, bagama’t nasaktan sila nang labis, madalas ay gusto nilang tulungan ang nagkasala na tunay na nagsisi na magbago at na makipagkasundo sa Diyos. Katunayan, mabilis ang espirituwal na paggaling kapag ang mga nagkasala ay nagtapat at napalilibutan ng mga taong nagmamahal sa kanila at tumutulong sa kanila na talikdan ang kanilang mga kasalanan. Mangyaring alalahanin na makapangyarihan si Jesucristo dahil napagagaling Niya rin ang mga inosenteng biktima na sumasamo sa Kanya.13

Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang ating mga espiritu ay napipinsala kapag tayo ay nagkakamali at nagkakasala. Ngunit hindi tulad ng nangyayari sa ating mortal na katawan, kapag ganap na nagsisi, walang pilat na maiiwan dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang pangako ay: ‘Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito’ [Doktrina at mga Tipan 58:42].”14

Kapag nagsisi tayo “nang may buong layunin ng puso,”15kapagdaka ang dakilang plano ng pagtubos ay madadala” sa ating buhay.16 Pagagalingin tayo ng Tagapagligtas.

Ang missionary companion at ang mga doktor na tumulong sa aming na-stroke na anak sa misyon ay kaagad kumilos. Pinili ng aming anak na tanggapin ang gamot na magpapagaling sa mga epektong sanhi ng stroke. Napagaling ang pagkaparalisa niya na maaari sanang nakaapekto sa buong buhay niya. Tulad nito, kapag nagsisi agad tayo at dinala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa ating buhay, mabilis tayong mapagagaling mula sa mga epekto ng kasalanan.

Narito ang paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson:“Kung umalis kayo sa landas, inaanyayahan ko kayo … na bumalik. Anumang problema, anumang hamon ang inyong hinaharap, may lugar para sa inyo dito, sa Simbahan ng Panginoon. Kayo at ang mga henerasyong hindi pa isinisilang ay mapagpapala ng inyong mga kilos ngayon na bumalik sa landas ng tipan.”17

Kinakailangan sa ating espirituwal na paggaling ang pagsunod sa mga kundisyong ibinigay ng ating Tagapagligtas. Huwag tayong magpaliban! Kumilos na tayo ngayon! Kumilos ngayon para ang espirituwal na pagkaparalisa ay hindi makahadlang sa inyong walang hanggang pag-unlad. Habang nagsasalita ako, kung nadama ninyong humingi ng kapatawaran sa taong nagawan ninyo ng mali, inaanyayahan ko kayong kumilos. Sabihin sa kanila ang nagawa ninyo. Humingi ng kapatawaran sa kanila. Kung nakagawa kayo ng isang kasalanan na nakaapekto sa pagiging karapat-dapat ninyo sa templo, inaanyayahan ko kayo na kausapin ang inyong bishop—ngayon. Huwag magpaliban.

Mga kapatid, ang Diyos ay ating mapagmahal na Ama sa Langit. Ipinagkaloob Niya ang lahat ng kapangyarihan at kaalaman sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Dahil sa Kanya, ang buong sangkatauhan ay mapagagaling balang-araw sa lahat ng pisikal na karamdaman magpakailanman. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kung pipiliin nating magsisi at ituon nang lubos ang ating puso sa Tagapagligtas, mapagagaling Niya ang ating espiritu. Maaaring magsimula agad ang paggaling na iyan. Nasa atin ang pagpapasiya. Ibig ba nating gumaling?

Pinatototohanan ko binayaran ni Jesucristo ang halaga upang tayo ay mapagaling. Ngunit kailangan nating piliing tanggapin ang gamot na iyon na magpapagaling sa atin na ibinibigay Niya. Tanggapin ito ngayon. Huwag magpaliban. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Ang gamot ay tinatawag na tPA (tissue plasminogen activator).

  2. Mosias 2:41.

  3. Tingnan sa Mateo 4:24. Naglibot si Jesucristo na pinagagaling ang lahat ng taong maysakit, maging yaong lahat ng mga may karamdaman, maging ang mayroong “sarisaring sakit,” “pahirap,” “mga inaalihan ng mga demonio,” at “mga himatayin.”

  4. Tingnan sa Juan 5:5–9; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  5. Tingnan sa Lucas 8:43-47; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  6. Tingnan sa Alma 40:23; Helaman 14:17.

  7. Tingnan sa Lucas 5:20, 23–25; tingnan din sa Joseph Smith Translation, Lucase 5:23 (sa Lukas 5:23, footnote a): “Alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka at lumakad ka?”

  8. Tingnan sa I Ni Juan 3:4.

  9. Tingnan sa 3 Nephi 27:19.

  10. The Gospel of Jesus Christ,” Preach My Gospel: A Guide to Missionary Service, binagong edisyon (2018), lds.org/manual/missionary.

  11. Lynn G. Robbins, “Hanggang sa Makapitongpung Pito,” Liahona, Mayo 2018, 22.

  12. Tingnan sa Mosias 16:5.

  13. Sa maraming pagkakataon nasaksihan ko ang mabilis na paggaling ng mga indibiduwal kapag tinutulungan ng pamilya ang mga taong sumira sa pangakong maging tapat at mapagkakatiwalaan, tinutulungan sila na lubos na bumaling sa Tagapagligtas dahil sa Kanyang kapangyarihang mapagaling ang kanilang buhay. Kung talagang taos-pusong sinisikap ng mga taong nagsisisi na magbago, ang mga kapamilya na tumutulong sa kanila sa pag-aaral ng ebanghelyo, taimtim na panalangin, at paglilingkod na katulad ng kay Cristo ay hindi lamang natulungan ang nagkasala na magbago kundi nakikita rin nila ang mabilis na pagpapagaling ng Tagapagligtas sa kanilang buhay. Kung nararapat, ang mga inosenteng biktima ay makatutulong sa nagkasala sa pamamagitan ng paghingi ng banal na tulong tungkol sa kung ano ang dapat pag-aralan nang magkasama, kung paano maglilingkod, at kung paano isasali ang pamilya sa pagsuporta at pagpapalakas sa taong nagsisisi para magbago at makinabang sa nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo.

  14. Boyd K. Packer, “Ang Plano ng Kaligayahan,” Liahona, Mayo 2015, 28.

  15. 3 Nephi 18:32.

  16. Alma 34:31; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  17. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 7.