2010–2019
Matibay at Matatag sa Pananampalataya kay Cristo
Oktubre 2018


15:10

Matibay at Matatag sa Pananampalataya kay Cristo

Upang manatiling matibay at matatag sa pananampalataya kay Cristo kailangang tumimo sa puso at kaluluwa ng isang tao ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Sa kasaysayan ng Lumang Tipan, nabasa natin ang tungkol sa magkakasunod na panahon kung saan tinupad ng mga anak ni Israel ang kanilang tipan kay Jehova at sumamba sa Kanya at ang mga panahong binalewala nila ang tipang iyon at sumamba sa mga diyus-diyusan o kay Baal.1

Ang paghahari ni Achab ay isa sa mga panahon ng apostasiya sa hilangang kaharian ng Israel. Sa isang pagkakataon ay sinabihan ng propetang si Elijah si Haring Achab na tipunin ang mga tao ng Israel gayundin ang mga propeta o mga saserdote ni Baal sa Bundok ng Carmelo. Nang magtipon na ang mga tao, sinabi sa kanila ni Elijah, “Hanggang kaylan kayo mangagaalinlangan sa dalawang isipan? [o sa madaling salita, “Ano ba talaga ang pasiya ninyo?”] kung ang Panginoon ay Dios, sumunod kayo sa kaniya: nguni’t kung si Baal, sumunod nga kayo sa kaniya. At ang bayan ay hindi sumagot sa kaniya kahit isang salita.”2 Kaya’t sinabi ni Elijah na siya at ang mga propeta ni Baal ay magkatay ng tig-isang baka at ilagay ito sa ibabaw ng kahoy sa kani-kanilang altar, ngunit “huwag lagyan ng apoy sa ilalim.”3 At, “Tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, at tatawagan ko ang pangalan ng Panginoon: at ang Dios na sumagot sa pamamagitan ng apoy, ay siyang maging Dios. At ang buong bayan ay sumagot, at nagsabi, Mabuti ang pagkasabi.”4

Magugunita ninyo na ang mga saserdote ni Baal ay nagsisigaw sa kanilang huwad na diyos sa loob ng maraming oras para magpadala ng apoy, ngunit “wala kahit tinig, ni sinomang sumagot, ni sinomang makinig.”5 Nang si Elijah na ang tatawag sa Diyos, inayos niya ang nasirang altar ng Panginoon, inilatag ang kahoy at ipinatong doon ang alay, at iniutos na buhusan ito ng tubig, hindi lang isang beses, kundi nang tatlong beses. Walang alinlangan na hindi siya makapagsisindi ng apoy ni hindi ito magagawa ng anumang kakayahan ng tao.

“At nangyari, sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, na si Elias [Elijah], na propeta ay lumapit, at nagsabi, Oh Panginoon, na Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel, pakilala ka sa araw na ito, na ikaw ay Dios sa Israel, at ako ang iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat na bagay na ito sa iyong salita. …

“Nang magkagayo’y ang apoy ng Panginoon ay nalaglag, at sinupok ang handog na susunugin at ang kahoy, at ang mga bato, at ang alabok, at hinimuran ang tubig na nasa hukay.

“At nang makita ng buong bayan, sila’y nagpatirapa: at kanilang sinabi, Ang Panginoon ay siyang Dios; ang Panginoon ay siyang Dios.”6

Ngayon maaaring sabihin ni Elijah:

  • Maaaring ang Diyos, na ating Ama sa Langit, ay totoo, o hindi, ngunit kung Siya ay totoo, sambahin Siya.

  • Maaaring si Jesucristo ay Anak ng Diyos, ang nabuhay na mag-uling Manunubos ng sangkatauhan, o hindi, ngunit kung Siya nga, sumunod sa Kanya.

  • Maaaring ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, o hindi, ngunit kung ito ay salita ng Diyos, kung gayon “[mas lumapit] sa Diyos sa pamamagitan ng [pag-aaral at] pagsunod sa mga tuntunin nito.”7

  • Maaaring nakita at nakausap ni Joseph Smith ang Ama at ang Anak noong tagsibol ng 1820, o hindi, ngunit kung nakita niya, sundin ang balabal ng propeta, pati ang mga susi ng pagbubuklod na ako, si Elijah, ang naggawad sa kanya.

Sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Hindi ninyo kailangang itanong kung ano ang totoo [tingnan sa Moroni 10:5]. Hindi na ninyo kailangang isipin kung sino ang ligtas na mapagkakatiwalaan ninyo. Sa pamamagitan ng personal na paghahayag, magkakaroon kayo ng sariling patotoo na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, na si Joseph Smith ay propeta, at ito ang Simbahan ng Panginoon. Anuman ang sabihin o gawin ng ibang tao, walang makapag-aalis ng patotoo na ikinintal sa inyong puso’t isipan sa kung ano ang totoo.”8

Nang ipangako ni Santiago na ang Diyos ay “nagbibigay ng sagana sa lahat” ng naghahangad ng Kanyang karunungan,9 ipinayo rin siya:

“Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan. Sapagkat yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila.

“Sapagka’t huwag isipin ng taong yaon na siya’y tatanggap ng anomang bagay sa Panginoon.

“Ang taong may dalawang akala, ay walang tiyaga sa lahat ng kaniyang mga paglakad.”10

Ang ating Tagapagligtas, sa kabilang banda, ay perpektong halimbawa ng katatagan. Sinabi Niya, “Hindi ako binayaang nagiisa [ng Ama]; sapagka’t ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya’y nakalulugod.”11 Isipin ang mga paglalarawang ito mula sa mga banal na kasulatan tungkol sa kalalakihan at kababaihan na, tulad ng Tagapagligtas, ay matibay at matatag:

Sila ay “nagbalik-loob sa totoong pananampalataya; at ayaw nilang iwanan ito, sapagkat sila ay matitibay, at matatatag, at di matitinag, bukal sa loob nang may buong pagsusumigasig sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon.”12

“Ang kanilang mga pag-iisip ay di matinag, at patuloy nilang ibinibigay ang kanilang tiwala sa Diyos.”13

“At masdan, nalalaman ninyo sa inyong sarili, sapagkat nasaksihan ninyo ito, na kasindami ng nadaala sa kanila sa kaalaman ng katotohanan … ay matibay at matatag sa pananampalataya, at sa bagay kung saan sila ay ginawang malaya.”14

“At sila’y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin.”15

Upang manatiling matibay at matatag sa pananampalataya kay Cristo kailangang tumimo sa puso at kaluluwa ng isang tao ang ebanghelyo ni Jesucristo, ibig sabihin ang ebanghelyo ay hindi lamang nagiging isa sa maraming impluwensya sa buhay ng isang tao kundi ang pinakamahalagang priyoridad ng kanyang buhay at pagkatao. Sinabi ng Panginoon:

“Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.

“At aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at inyong iingatan ang aking mga kahatulan, at isasagawa.

“At … kayo’y magiging aking bayan, at ako’y magiging inyong Dios.”16

Ito ang tipan na ginawa natin sa ating binyag at sa mga ordenansa sa templo. Ngunit may ilan na hindi pa lubusang tinatanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang buhay. Bagama’t, gaya ng sinabi ni Pablo, sila ay “nangalibing [kay Cristo] sa pamamagitan ng bautismo,” wala pa sa kanila ang bahaging “kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay … , gayon din naman tayo’y makalalakad sa panibagong buhay.”17 Ang ebanghelyo ay hindi pa pinakamahalaga sa kanilang buhay. Hindi pa sila nakasentro kay Cristo. Pinipili nila ang mga doktrina at kautusan na susundin nila at kung saan at kailan sila maglilingkod sa Simbahan. Sa kabilang banda, sa lubos na pagtupad sa mga tipan ng “mga hinirang alinsunod sa tipan”18, sila ay nakakaiwas sa panlilinlang at nananatiling matatag sa pananampalataya kay Cristo.

Karamihan sa atin ay nasa gitna ng dalawang uri ng pakikibahagi sa ebanghelyo; ang isa ay pakikibahagi sa ebanghelyo dahil sa nahikayat ng iba at, ang isa naman ay lubos at taos-pusong katapatan, tulad ni Cristo na gawin ang kalooban ng Diyos. Sa dalawang uring ito ng pakikibahagi, ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo ay pumapasok sa ating puso at siyang humihikayat sa ating kaluluwa. Maaaring hindi ito mangyari sa isang iglap, ngunit tayong lahat ay dapat sumulong patungo sa pinagpalang kalagayan na iyon.

Mahirap ito ngunit mahalaga upang manatiling matibay at matatag kapag natatagpuan natin ang ating sarili na dinadalisay “sa hurno ng paghihirap,”19 isang bagay na darating sa ating lahat sa malao’t madali sa mortalidad. Kung wala ang Diyos, ang mahihirap na karanasang ito ay mauuwi sa kawalan ng pag-asa, pagkasiphayo, at maging sa pagkapoot. Sa Diyos, ang kapanatagan ang kapalit ng pasakit, kapayapaan ang kapalit ng kaguluhan, at pag-asa ang kapalit ng kalungkutan. Ang pananatiling matatag sa pananampalataya kay Cristo ay maghahatid ng Kanyang nagtataguyod na biyaya at suporta.20 Gagawin Niyang pagpapala ang pagsubok at, sa mga salita ni Isaias, “[bi]bigyan sila ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo.”21

Magbabanggit ako ng tatlong halimbawa na personal kong nalaman:

May isang babae na matagal nang may karamdaman na hindi gumagaling sa kabila ng pagpapagamot, basbas ng priesthood, at pag-aayuno at mga panalangin. Gayunman, ang kanyang pananampalataya sa bisa ng panalangin at katotohanan ng pagmamahal ng Diyos para sa kanya ay hindi naglalaho. Nagsisikap siya araw-araw (at kung minsan sa bawat oras) na gawin ang kanyang tungkulin sa Simbahan at, kasama ng kanyang asawa, inaalagaan ang kanilang bata pang pamilya, ngumingiti hangga’t makakaya niya. Ang pagiging mahabagin niya sa kapwa ay lalong lumalim, pinadalisay ng paghihirap na nararanasan niya, at madalas niyang kalimutan ang kanyang sarili sa paglilingkod sa iba. Siya ay nanatiling matatag, at napasasaya ang mga taong nasa paligid niya.

Isang lalaking lumaki sa Simbahan, naging full-time missionary, at pinakasalan ang isang magandang babae ang nagulat nang magsimulang magsalita nang hindi maganda ang ilan sa kanyang mga kapatid tungkol sa Simbahan at kay Propetang Joseph Smith. Makalipas ang ilang panahon umalis sila sa Simbahan at tinangkang himukin siyang sumunod. Gaya ng madalas mangyari sa gayong mga sitwasyon, lagi siyang pinadadalhan nila ng mga essay, podcast, at video na gawa ng mga kalaban ng Simbahan, na karamihan sa kanila ay mga galit na miyembro noon ng Simbahan. Nilait ng kanyang mga kapatid ang kanyang pananampalataya, sinasabi sa kanya na siya ay mapaniwalain at naliligaw. Wala siyang sagot sa lahat ng kanilang sinabi, at nagsimulang humina ang kanyang pananampalataya dahil sa walang tigil na oposisyon. Inisip niya kung dapat na siyang tumigil sa pagsisimba. Kinausap niya ang kanyang asawa. Kinausap niya ang mga taong pinagtitiwalaan niya. Nanalangin siya. Habang nagninilay siya sa mahirap na sitwasyong ito, naalala niya ang mga pagkakataon nang madama niya ang Banal na Espiritu at nakatanggap ng patotoo ng katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu. Sinabi niya sa huli, “Sa totoo lang, aminado ako na hindi lang isang beses akong inantig ng Espiritu at ang patotoo ng Espiritu ay totoo.” Nakadama siya ng panibagong kaligayahan at kapayapaan kasama ang kanyang asawa at mga anak.

Isang mag-asawa na palagi at masayang sumusunod sa payo ng mga Kapatid sa kanilang buhay ang nagdalamhati sa hirap na naranasan nila sa pagkakaroon ng mga anak. Gumastos sila nang malaki sa pagpapatingin sa mahuhusay na doktor at, makalipas ang ilang panahon, ay nabiyayaan ng anak na lalaki. Gayunman, nakalulungkot na makalipas lang ang mga isang taon, ang sanggol ay hindi sinasadyang naging biktima ng isang aksidente at dahil dito halos mananatili siyang comatose, na may malaking depekto sa utak. Inalagaan siyang mabuti, ngunit hindi masabi ng mga doktor kung ano ang susunod na mangyayari. Ang batang ito na pinaghirapan at taimtim na ipinagdasal ng mag-asawang ito para maisilang sa mundo ay parang kinuha na rin, at hindi nila alam kung ibabalik pa siya sa kanila. Hirap sila ngayong tustusan ang mahahalagang pangangailangan ng kanilang sanggol habang ginagawa ang iba pa nilang mga responsibilidad. Sa napakahirap na sandaling ito, bumaling sila sa Panginoon. Umasa sila sa “pangarawaraw na kakanin” na natatanggap nila mula sa Kanya. Tinulungan sila ng maawaing mga kaibigan at pamilya at pinalalakas ng mga basbas ng priesthood. Lalo silang naging malapit sa isa’t isa, marahil ang pagsasama nila ngayon ay lalo pang tumibay at naging lubos na hindi sana nangyari.

Noong Hulyo 23, 1837, ang Panginoon ay nagbigay ng paghahayag sa dating Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na si Thomas B. Marsh. Ito ay naglalaman ng mga sumusunod:

“At manalangin para sa iyong mga kapatid na nasa Labindalawa. Paalalahanan sila nang lubos para sa kapakanan ng aking pangalan, at sila ay paalalahanan sa lahat ng kanilang kasalanan, at maging matapat ka sa harapan ko sa aking pangalan.

“At matapos ang kanilang mga tukso, at maraming pagdurusa, masdan, ako, ang Panginoon, ay maaawa sa kanila, at kung hindi nila patitigasin ang kanilang mga puso, at hindi patitigasin ang kanilang mga leeg laban sa akin, sila ay magbabalik-loob, at akin silang pagagalingin.”22

Naniniwala ako na ang mga alituntuning ipinahayag sa mga talatang ito ay angkop sa ating lahat. Ang mga tukso at kahirapang nararanasan natin, pati na rin ang anumang pagsubok na sa tingin ng Panginoon ay kailangan nating maranasan, ay maaaring humantong sa ating lubos na pagbabalik-loob at paggaling. Ngunit mangyayari lamang ito kung hindi natin patitigasin ang ating puso o patitigasin ang ating mga leeg laban sa Kanya. Kung mananatili tayong matibay at matatag, anuman ang mangyari, matatamo natin ang pagbabalik-loob na nais ng Tagapagligtas para sa atin nang sabihin Niya kay Pedro, “Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid,”23 isang lubos na pagbabalik-loob na hindi na magbabago. Ang ipinangakong paggaling ay paglilinis at pagdadalisay ng ating nagkasalang kaluluwa, at gagawin tayong banal.

Naalala ko ang payo ng ating mga ina: “Kumain ka ng gulay; mabuti iyan para sa iyo.” Tama ang mga nanay natin, at sa konteksto ng pagiging matatag sa pananampalataya, ang “pagkain ng gulay” ay pagdarasal sa tuwina, pagpapakabusog sa mga banal na kasulatan araw-araw, paglilingkod at pagsamba sa Simbahan, pagiging karapat-dapat na tumanggap ng sakramento bawat linggo, pagmamahal sa inyong kapwa, at pagpasan ng inyong krus sa pagsunod sa Diyos sa bawat araw.24

Laging alalahanin ang pangako na darating ang mabubuting bagay, ngayon at sa hinaharap, para sa mga taong matibay at matatag sa pananampalataya kay Cristo. Alalahanin ang “buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal.”25 “O kayong lahat na may dalisay na puso, itaas ninyo ang inyong mga ulo at tanggapin ang kasiya-siyang salita ng Diyos, at magpakabusog sa kanyang pagmamahal; sapagkat maaari ninyong gawin ito, kung matatag ang inyong mga isipan, magpakailanman.”26 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.