Sugatan
Sa matitinding pagsubok sa lupa, habang matiyaga tayong nagpapakatatag, ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas ay maghahatid sa inyo ng liwanag, pang-unawa, kapayapaan, at pag-asa.
Noong Marso 22, 2016, bago lang mag-alas-8 ng umaga, dalawang bomba ng terorista ang sumabog sa Brussels Airport. Naihatid na nina Elder Richard Norby, Elder Mason Wells, at Elder Joseph Empey si Sister Fanny Clain sa airport para isakay ng eroplano patungo sa kanyang mission sa Cleveland, Ohio. Tatlumpu’t dalawang tao ang namatay, at lahat ng mga missionary ay nasugatan.
Ang pinakamalubhang nasugatan ay si Elder Richard Norby, edad 66, na naglilingkod na kasama ang kanyang asawang si Sister Pam Norby.
Ikinuwento ni Elder Norby ang sandaling iyon:
“Nalaman ko kaagad ang nangyari.
“Tinangka kong tumakbo para makaligtas, pero nadapa ako kaagad. … Nakita ko na malubha ang pinsala ng kaliwang binti ko. [Napansin] ko ang maitim at parang sapot ng gagambang uling na nakalaylay mula sa dalawang kamay ko. Maingat ko iyong hinila, pero natanto ko na hindi pala iyon uling kundi balat kong nasunog. Pumupula sa dugo ang puting polo ko dahil sa sugat na nasa likod ko.
“Nang mamalayan ko ang nangyari, [pumasok] sa isip ko ang napakatinding ideya: … alam ng Tagapagligtas kung nasaan ako, kung ano ang nangyari, at [kung ano] ang nararanasan ko sa sandaling iyon.”1
Sumunod ang mahihirap na araw para kay Richard Norby at sa kanyang asawang si Pam. Inilagay siya sa induced coma, na sinundan ng mga operasyon, impeksyon, at malaking kawalan ng katiyakan.
Nabuhay si Richard Norby, pero ang buhay niya ay hindi na magiging katulad ng dati. Pagkaraan ng dalawa’t kalahating taon, patuloy pa rin sa paggaling ang mga sugat niya; brace ang ipinalit sa nawalang parte ng kanyang binti; bawat hakbang ay kaiba kaysa noong bago nangyari iyon sa Brussels Airport.
Bakit ito nangyari kina Richard at Pam Norby?2 Naging tapat sila sa kanilang mga tipan, nagmisyon na sila dati sa Ivory Coast, at nagkaroon ng magandang pamilya. Natural na sabihin ng isang tao na, “Hindi ito makatarungan! Hindi ito tama! Ibinigay nila ang buhay nila para sa ebanghelyo ni Jesucristo; paano nangyari ito?”
Ito ang Mortalidad
Bagama’t maiiba ang mga detalye, dumarating sa ating lahat ang mga trahedya, di-inaasahang mga hamon at pagsubok, kapwa sa pisikal at sa espirituwal dahil ito ang mortalidad.
Habang iniisip ko ngayong umaga ang mga tagapagsalita sa sesyong ito lamang ng kumperensya, naisip ko na dalawa ang may mga anak at tatlo ang may mga apo na namatay nang di-inaasahan. Walang hindi nagkasakit at nalungkot, at sa linggong ito mismo, isang anghel sa lupa na minamahal nating lahat, si Sister Barbara Ballard, ang sumakabilang-buhay. Pangulong Ballard, hindi namin malilimutan ni ang iyong patotoo sa umagang ito.
Naghahanap tayo ng kaligayahan. Nangangarap tayo ng kapayapaan. Umaasam tayo ng pagmamahal. At binubuhusan tayo ng Panginoon ng kamangha-mangha at saganang mga pagpapala. Ngunit kasabay ng kagalakan at kaligayahan, isang bagay ang tiyak: magkakaroon ng mga sandali, oras, araw, kung minsa’y taon na masusugatan ang inyong kaluluwa.
Itinuturo sa mga banal na kasulatan na matitikman natin ang pait at tamis3 at magkakaroon ng “pagsalungat sa lahat ng bagay.”4 Sabi ni Jesus, “Pinasisikat [ng inyong Ama] ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.”5
Ang mga sugat ng kaluluwa ay hindi natatangi sa mayaman o mahirap, sa isang kultura, isang bansa, o isang henerasyon. Dumarating ito sa lahat at bahagi ito ng pagkatutong natatanggap natin mula sa karanasan sa buhay na ito.
Ang mga Matuwid ay Tinatablan
Ang mensahe ko ngayon higit sa lahat ay para sa mga sumusunod sa mga utos ng Diyos, tumutupad sa kanilang mga pangako sa Diyos, at, gaya ng mga Norby o iba pang mga lalaki, babae, at bata sa pandaigdigang grupong ito, ay nahaharap sa mga pagsubok at hamon na di-inaasahan at napakasakit.
Ang ating mga sugat ay maaaring magmula sa kalamidad na dulot ng kalikasan o sa isang aksidente. Maaari itong magmula sa isang taksil na asawa, na sumisira sa buhay ng isang tapat na asawa’t mga anak. Ang mga sugat ay maaaring magmula sa kadiliman at kalungkutang dulot ng pighati, di-inaasahang pagkakasakit, pagdurusa o maagang pagkamatay ng isang mahal sa buhay, kalungkutan sa pagkawala ng pananampalataya ng isang kapamilya, lumbay kapag hindi makapag-asawa, o maraming iba pang makabagbag-damdamin at masakit na mga “[kalumbayang] hindi nakikita ng mata.”6
Nauunawaan natin na ang mga paghihirap ay bahagi ng buhay, ngunit kapag sa atin mismo dumating ang mga ito, maaari tayong masindak. Kailangan nating maging handa, nang hindi natatakot. Sabi ni Apostol Pedro, “Huwag kayong mangagtaka, tungkol sa mahigpit na pagsubok sa inyo, na dumarating sa inyo upang kayo’y subukin, na waring ang nangyayari sa inyo’y di karaniwang bagay.”7 Kasama ng kaligayahan at kagalakan, ang mga pagsubok at trahedya ay nakalangkap sa plano ng ating Ama. Ang mga pakikibakang ito, bagama’t mahirap, ang nagtuturo sa atin kadalasan ng pinakamagagandang aral.8
Kapag ibinabahagi ang mahimalang kuwento ng 2,060 na mga batang mandirigma ni Helaman, gustung-gusto natin ang talatang ito: “Alinsunod sa kabutihan ng Diyos, at sa aming labis na panggigilalas, at sa kagalakan din ng aming buong hukbo, wala ni isa mang katao sa kanila ang nasawi.”
Ngunit sabi pa sa talata: “At wala ni isang katao sa kanila ang hindi nakatanggap ng maraming sugat.”9 Bawat isa sa 2,060 ay nagkaroon ng maraming sugat, at bawat isa sa atin ay masusugatan sa pakikibaka sa buhay, ito man ay pisikal, espirituwal, o pareho.
Si Jesucristo ang Ating Mabuting Pastol
Huwag sumuko kailanman—gaano man kalalim ang mga sugat ng inyong kaluluwa, anuman ang pinagmulan nito, saan man o kailan man ito nangyari, at gaano man kabilis o katagal ito manatili, hindi kayo nakatadhanang mapahamak sa espirituwal. Nakatadhana kayong makaligtas sa espirituwal at lumago sa pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos.
Hindi nilikha ng Diyos ang ating mga espiritu para mahiwalay sa Kanya. Ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang di-masukat na kaloob na Pagbabayad-sala, ay hindi lamang tayo inililigtas mula sa kamatayan at inaalok tayo, sa pamamagitan ng pagsisisi, ng kapatawaran para sa ating mga kasalanan, kundi handa rin Siyang iligtas tayo mula sa mga kalungkutan at sakit ng ating sugatang kaluluwa.10
Ang Tagapagligtas ang ating Mabuting Samaritano,11 na isinugo “upang magpagaling ng mga bagbag na puso.”12 Lumalapit Siya sa atin samantalang nilalampasan lamang tayo ng iba. Mahabagin Niyang inilalagay ang Kanyang nagpapagaling na balsamo sa ating mga sugat at binebendahan ang mga ito. Binubuhat Niya tayo. Inaalagaan Niya tayo. Sinasabihan Niya tayong, “[Lumapit] sa akin … at pagagalingin ko [kayo].”13
“At [si Jesus] ay … magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; … upang … [dalhin] sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao. … [na dinadala sa Kanyang sarili ang ating] mga kahinaan, [dahil siya ay puspos] ng awa.”14
Mga nalulumbay, magsipaglapit;
Sa Diyos ay dumulog, at magpugay.
Dito inyong dalhin, ang dalamhati;
Langit ay lunas sa bawat lumbay.15
Sa panahon ng malaking pagdurusa, sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph, “Lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.”16 Paano magiging para sa ating ikabubuti ang masasakit na sugat? Sa matitinding pagsubok sa lupa, habang matiyaga tayong nagpapakatatag, ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas ay maghahatid sa inyo ng liwanag, pang-unawa, kapayapaan, at pag-asa.17
Huwag na Huwag Sumuko
Manalangin nang buong puso. Palakasin ang inyong pananampalataya kay Jesucristo, sa Kanyang realidad, sa Kanyang biyaya. Panghawakan ang Kanyang mga salita: “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka’t ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.”18
Tandaan, ang pagsisisi ay mabisang espirituwal na gamot.19 Sundin ang mga kautusan at maging marapat sa Mang-aaliw, na inaalala na nangako ang Tagapagligtas, “Hindi ko kayo iiwang magisa: ako’y paririto sa inyo.”20
Ang kapayapaan ng templo ay isang nakagiginhawang balsamo sa sugatang kaluluwa. Bumalik sa bahay ng Panginoon taglay ang iyong pusong sugatan at dala ang pangalan ng inyong mga kapamilya nang madalas hangga’t maaari. Ipinapakita sa atin ng templo ang ating maikling buhay sa mundo mula sa walang-hanggang pananaw.21
Balikan ninyo ang nakaraan, at alalahanin na napatunayan ninyo ang inyong pagkamarapat bago kayo isinilang. Kayo ay magiting na anak ng Diyos, at sa tulong Niya, maaari kayong magtagumpay sa mga pakikibaka ninyo sa masamang mundong ito. Nagawa na ninyo ito noon, at magagawa ninyo itong muli.
Isipin ninyo ang hinaharap. Totoong-totoo ang inyong mga problema at kalungkutan, ngunit hindi magtatagal ang mga ito magpakailanman.22 Ang iyong madilim na gabi ay lilipas, dahil “ang Anak ay bumangon nang may kagalingan sa Kanyang mga pakpak.”23
Sabi sa akin ng mga Norby, “Dumarating ang mga kabiguan paminsan-minsan pero hindi namin hinahayaang mamalagi ang mga ito.”24 Sabi ni Apostol Pablo, “Nangagigipit kami, gayon ma’y hindi nangaghihinagpis; nangatitilihan, gayon ma’y hindi nangawawalan ng pagasa; pinaguusig, gayon ma’y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayon ma’y hindi nangasisira.”25 Maaaring pagod na kayo, ngunit huwag na huwag kayong susuko.26
Kahit may sarili kayong masasakit na sugat, likas kayong tutulong sa iba, na nagtitiwala sa pangako ng Tagapagligtas: “Sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon.”27 Ang mga sugatang gumagamot sa mga sugat ng iba ay mga anghel ng Diyos sa lupa.
Sa loob lang ng ilang sandali, makikinig tayo sa ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson, isang taong matibay ang pananampalataya kay Jesucristo, may pag-asa at kapayapaan, mahal ng Diyos ngunit nasugatan din ang kaluluwa.
Noong 1995 ang anak niyang si Emily, habang nagdadalantao, ay nasuring may kanser. May mga araw ng pag-asa at kaligayahan nang isilang ang malusog na sanggol nito. Ngunit nagbalik ang kanser, at namatay ang pinakamamahal nilang si Emily dalawang linggo lang pagkaraan ng kanyang ika-37 kaarawan, at naiwan ang kanyang mahal na asawa at limang bata pang mga anak.
Sa pangkalahatang kumperensya, di-nagtagal matapos siyang pumanaw, ipinagtapat ni Elder Nelson: “Tumulo ang aking mga luha ng kalungkutan na hinihiling na sana’y may magawa pa ako para sa aming anak. … Kung mayroon lang akong kapangyarihang buhayin ang patay, natukso sana akong ibalik ang [kanyang] buhay. … [Ngunit] hawak ni Jesucristo ang mga susing iyon at gagamitin iyon kay Emily … at sa lahat ng tao sa takdang oras ng Panginoon.”28
Noong isang buwan, habang bumibisita kami sa mga Banal sa Puerto Rico at sa paggunita sa mapangwasak na bagyo noong isang taon, nagsalita si Pangulong Nelson nang may pagmamahal at habag:
“[Ito] ay bahagi ng buhay. Ito ang dahilan kaya tayo narito. Narito tayo para magkaroon ng katawan at masubukan at mapatunayan. Ang ilan sa mga pagsubok na iyon ay pisikal; ang ilan ay espirituwal, at ang inyong mga pagsubok dito ay kapwa pisikal at espirituwal.”29
“Hindi pa kayo sumusuko. Ipinagmamalaki namin kayo. Malaki na ang nawawala sa inyo, matatapat na Banal, ngunit sa kabila ng lahat, napalakas ninyo ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.”30
“Sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, makasusumpong tayo ng kagalakan kahit sa gitna ng ating pinakamalalang kalagayan.”31
Lahat ng Luha ay Papahirin
Mga kapatid, ipinapangako ko sa inyo na ang pagpapalakas ng inyong pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay magbibigay sa inyo ng dagdag na katatagan at pag-asa. Para sa inyo, na matwid, ang Manggagamot ng ating kaluluwa, sa Kanyang panahon at paraan, ay pagagalingin ang lahat ng inyong sugat.32 Walang kaapihan, walang pag-uusig, walang pagsubok, walang kalungkutan, walang pighati, walang pagdurusa, walang sugat—gaano man kalalim, gaano man kalawak, gaano man kasakit—na hindi bibigyan ng kapanatagan, kapayapaan, at walang-hanggang pag-asa Niya na ang bukas na mga bisig at sugatang mga kamay ay tatanggapin tayo sa Kanyang kinaroroonan. Sa araw na iyon, pagpapatotoo ni Apostol Juan, ang matwid na “[nanggagaling] sa malaking kapighatian”33 ay tatayo na “nangadaramtan ng mapuputing damit … sa harapan ng luklukan ng Diyos.” Ang Cordero ay “lulukuban sila … at papahirin ng Dios ang bawa’t luha ng kanilang mga mata.”34 Darating ang araw na ito. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.