Pangangalaga sa mga Kaluluwa
Tumutulong tayo sa ating kapwa nang may pagmamahal dahil ito ang iniutos sa atin ng ating Tagapagligtas.
Sa pag-uusap namin kamakailan ng kaibigan ko, sinabi niya sa akin na noong siya ay bata pa, at bagong miyembro ng Simbahan, bigla niyang nadama na para bang hindi siya kabilang sa kanyang ward. Ang mga missionary na nagturo sa kanya ay nalipat sa ibang lugar, at nadama niya na parang nag-iisa na lang siya. Dahil walang mga kaibigan sa ward, nakita niya ang dati niyang mga kaibigan at sumama sa kanilang mga gawain na naglayo sa kanya sa simbahan—hanggang sa mawalay na siya sa kawan. Nang may luha sa mga mata, inilarawan niya ang labis niyang pasasalamat nang kaibiganin siya ng isang miyembro sa ward at, sa isang mainit at sa paraang naramdaman niyang kabilang siya, inanyayahan siyang bumalik. Sa loob ng ilang buwan, nakabalik siya sa kawan, pinalalakas ang iba pa pati na rin ang kanyang sarili. Hindi ba tayo magpapasalamat sa pastol sa Brazil na hinanap ang binatilyong ito, si Elder Carlos A. Godoy, na nakaupo ngayon sa likuran ko bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu?
Hindi ba’t nakamamangha na ang gayong maliliit na pagsisikap ay magkakaroon ng mga bungang pangwalang-hanggan? Ang katotohanang ito ang sentro ng paglilingkod ng Simbahan. Ang ating simple at araw-araw na mga pagsisikap ay magagawang kahima-himala ng Ama sa Langit. Anim na buwan pa lamang ang nakalipas mula noong ibalita ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang Panginoon ay gumawa ng mahahalagang mga pagbabago sa paraan ng pangangalaga natin sa isa’t isa,”1 ipinaliliwanag na, “Tayo ay magpapatupad ng isang mas bago at mas banal na pamamaraan sa pangangalaga at paglilingkod sa iba. Tatawagin natin ang mga pagsisikap na ito bilang ‘ministering.’”2
Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson: “Ang katangian ng totoo at buhay na Simbahan ng Panginoon ay ang organisado at nakadirektang pagsisikap na maglingkod sa mga indibidwal na anak ng Diyos at sa kanilang mga pamilya. Dahil ito ang Kanyang Simbahan, bilang kanyang mga lingkod, maglilingkod tayo sa nangangailangan, tulad ng ginawa Niya. Maglilingkod tayo sa Kanyang pangalan, nang may kapangyarihan at awtoridad Niya, at nang may mapagmahal na kabaitan Niya.”3
Mula nang maibalita, ang mga nagawa ninyo ay talagang kahanga-hanga! Nakatanggap kami ng mga report ng malaking tagumpay sa pagpapatupad ng mga pagbabagong ito sa halos lahat ng stake sa buong mundo ayon sa tagubilin ng ating buhay na propeta. Halimbawa, nakapag-asign na ng mga ministering brother at sister sa mga pamilya—kasama ang mga kabataang lalaki at babae—at ginagawa na ang mga ministering interview.
Sa palagay ko di nagkataon lang na anim na buwan bago ang pagpapahayag kahapon—“isang bagong balanse at ugnayan sa pagitan ng pagtuturo ng ebanghelyo sa tahanan at sa Simbahan,”4—ay ibinigay ang pagpapahayag tungkol sa “ministering.” Simula sa Enero, sa isang oras na kabawasan sa ating pagsamba sa simbahan, lahat ng natutuhan natin sa ministering ay tutulong sa atin na muling balansehin ang kahungkagang iyon sa mas mataas at mas banal na nakasentro sa tahanan na karanasan sa araw ng Sabbath kasama ang pamilya at mga mahal sa buhay.
Sa pagsasaayos ng organizational structure, maitatanong natin, “Paano natin malalaman na naglilingkod tayo ayon sa paraan ng Panginoon? Natutulungan ba natin ang Mabuting Pastol ayon sa paraang nais Niya?”
Sa kamakailang pag-uusap, si Pangulong Henry B. Eyring ay pinuri ang mga Banal sa pag-akma sa malaking pagbabagong ito ngunit sinabi ring lubos siyang umaasa na nauunawaan ng mga miyembro na ang ministering ay higit pa sa “pagiging mabait lamang.” Hindi sinasabing hindi mahalaga ang pagiging mabait, ngunit batid ng mga yaong nakauunawa sa tunay na kahulugan ng ministering na higit pa ito sa pagiging mabait. Kapag ginawa ayon sa paraan ng Panginoon, malaki ang magiging impluwensya ng ministering sa kabutihan na magpapatuloy hanggang sa kawalang-hanggan, gaya ng nangyari kay Elder Godoy.
“Ipinakita ng Tagapagligtas ang ibig sabihin ng ministering nang maglingkod Siya nang may pagmamahal. … Kanyang … tinuruan, ipinagdasal, inalo, at binasbasan ang mga taong nakapaligid sa Kanya, at inanyayahan ang lahat na sumunod sa Kanya. … Habang nagmiminister ang mga miyembro ng Simbahan [sa mas banal na paraan], mapanalanging hahangarin nila na maglingkod na tulad ng gagawin Niya kung nandito Siya—upang … ‘pangalagaan ang simbahan tuwina, at makapiling at palakasin sila,’ ‘dumalaw sa bahay ng bawat kasapi,’ at tulungan ang bawat isa na maging tunay na disipulo ni Jesucristo.”5
Naiintindihan natin na ang totoong pastol ay minamahal ang kanyang mga tupa, kilala ang bawat isa sa pangalan, at “personal na nagmamalasakit sa” kanila.6
Ang matagal ko nang kaibigan ay isang rantsero sa buong buhay niya, ginagawa ang mahirap na gawain ng pag-aalaga ng mga baka at tupa sa mabatong Rocky Mountains. Minsan ay ikinuwento niya sa akin ang hirap at panganib ng pag-aalaga ng mga tupa. Ikinuwento niya na noong maagang tagsibol, nang ang niyebe sa malawak na bulubundukin ay halos tunaw na, inilagay niya sa kabundukan ang kawan na may mga 2,000 tupa, na pag-aari ng kanilang pamilya, para sa tag-init. Doon ay binantayan niya ang mga tupa hanggang matapos ang taglagas, kung kailan aalisin ang mga ito para ilipat sa isang lugar sa kaparangan sa panahon ng taglamig. Inilarawan niya kung gaano kahirap mag-alaga ng isang malaking kawan, kinakailangang gumising nang madaling-araw at matatapos nang hating-gabi. Hindi niya magagawa iyon nang mag-isa.
Ang iba ay tumulong sa pag-aalaga ng kawan, kasama rito ang mga bihasang manggagawa sa rantso katuwang ang mga mas bata pa na natututo sa kanila. Umasa rin siya sa dalawang matandang kabayo, dalawang bisiro na sinasanay, dalawang sheepdog [asong tagapag-alaga ng tupa], at dalawa o tatlong tutang sheepdog. Sa buong panahon ng tag-init, nararanasan ng kaibigan ko at ng kanyang mga tupa ang malakas na hangin, unos, sakit, pinsala, tagtuyot, at lahat ng iba pang hirap na maiisip ng tao. May mga taon na naghahatid sila ng tubig sa buong panahon ng tag-init para lang mabuhay ang mga tupa. Pagkatapos, kada taon sa pagtatapos ng taglagas, kapag malapit na ang taglamig at naialis na ang mga tupa sa bundok at binilang ang mga ito, madalas na mahigit sa 200 ang nawawala.
Ang kawan na may 2,000 tupa na inilagay sa kabundukan noong maagang tagsibol ay naging 1,800 na lang. Karamihan sa nawawalang mga tupa ay hindi nawala dahil sa sakit o kamatayan kundi dahil sa mga maninila gaya ng mga leon o koyote sa bundok. Madalas matagpuan ng mga hayop na ito ang mga tupa na humiwalay mula sa kawan, na inilayo ang kanilang sarili sa pangangalaga ng kanilang pastol. Maaari bang pag-isipan ninyo sandali ang ikinuwento ko sa espirituwal na konteksto? Sino ang pastol? Sino ang kawan? Sino ang mga tumutulong sa pastol?
Sinabi mismo ni Jesucristo, “Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, … at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga tupa.”7
Ganito rin ang itinuro ng propetang si Nephi na “pakakainin [ni Jesus] ang kanyang mga tupa, at sa kanya sila mamamastol.”8 Nakadama ako ng patuloy na kapayapaan sa kaalamang “ang Panginoon ay aking pastor”9 at bawat isa sa atin ay kilala Niya at nasa Kanyang pangangalaga. Kapag nararanasan natin ang malakas na hangin at unos, sakit, pinsala, at tagtuyot sa buhay, ang Panginoon—ang ating Pastol—ay magmiministeryo sa atin. Pagagalingin Niya ang ating mga kaluluwa.
Tulad sa pag-aalaga ng kaibigan ko sa kanyang mga tupa sa tulong ng mga bata at matatandang manggagawa, mga kabayo, at mga sheepdog ng rantso, hinihingi rin ng Panginoon ang tulong natin sa mahirap na gawain ng pangangalaga sa mga tupa ng Kanyang kawan.
Bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit at bilang mga tupa sa Kanyang kawan, tinatamasa natin ang pagpapala na indibidwal na mapangalagaan ni Jesucristo. Kasabay nito, may responsibilidad tayo na tumulong na mag-ministering sa ating kapwa sa paligid natin bilang mga pastol din. Sinusunod natin ang mga salita ng Panginoon na “paglilingkuran mo ako at hahayo sa aking pangalan, at titipuning magkakasama ang aking mga tupa.”10
Sino ang pastol? Lahat ng lalaki, babae, at bata sa kaharian ng Diyos ay isang pastol. Hindi na kailangang pormal na tawagin. Noong umahon tayo mula sa mga tubig ng binyag, inatasan na tayo sa gawaing ito. Tumutulong tayo sa ating kapwa nang may pagmamahal dahil ito ang iniutos ng ating Tagapagligtas na gawin natin. Binigyang-diin ni Alma: “Sapagkat sinong pastol … na may maraming tupa [ang] hindi nagbabantay sa kanila, nang ang mga lobo ay huwag makapasok at silain ang kanyang kawan? … Hindi ba’t kanya itong itataboy palabas?”11 Kapag nahihirapan sa temporal o espirituwal ang ating kapwa, tumutulong tayo sa kanila. Pinapasan natin ang pasanin ng isa’t isa, nang ang mga ito ay gumaan. Nakikidalamhati tayo sa mga yaong nagdadalamhati. Inaaliw natin yaong mga nangangailangan ng aliw.12 Inaasahan ito ng Panginoon sa atin. At darating ang araw na mananagot tayo para sa pangangalagang ginawa natin sa paglilingkod sa Kanyang kawan.13
Ibinahagi ng aking pastol na kaibigan ang isa pang mahalagang bagay sa pangangalaga ng mga tupa sa lugar na pinagpapastulan. Sinabi niya na madaling mahuli ng mga hayop na maninila ang nawawalang mga tupa. Sa katunayan, mga 15 porsiyento ng oras niya at ng kanyang pangkat ang nauubos sa paghahanap ng nawawalang mga tupa. Kung mahahanap nila kaagad ang nawawalang mga tupa, bago tuluyang mapalayo ang mga ito mula sa kawan, maliit ang tsansa na mapahamak ang mga tupa. Ang paghahanap sa nawawalang mga tupa ay nangangailangan ng maraming tiyaga at disiplina.
Ilang taon na ang nakararaan, nakabasa ako ng isang artikulo sa isang lokal na pahayagan na kahanga-hanga kaya itinago ko ito. Mababasa sa ulo ng balita, “Determined Dog Won’t Abandon Lost Sheep.”14 Inilarawan sa artikulong ito ang isang maliit na bilang ng mga tupa na pagmamay-ari ng isang rantso na hindi kalayuan sa lupain ng aking kaibigan na naiwan sa lugar na pinagpapastulan ng mga ito. Makalipas ang dalawa o tatlong buwan, na-stranded ang mga ito at hindi nakaalis sa kabundukan dahil sa niyebe. Kapag iniiwan ang mga tupa, ang sheepdog ang naiiwan sa mga ito, dahil tungkulin nito na pangalagaan at protektahan ang mga tupa. Palagi itong nakabantay! Mananatili ito roon—pinaliligiran ang nawawalang mga tupa sa loob ng ilang buwan sa malamig at maniyebeng panahon, nagsisilbing proteksyon laban sa mga koyote, leon, o iba pang mga hayop na mananakit sa mga tupa. Nakabantay ito roon hanggang sa maakay na nito ang mga tupa pabalik sa pastol at sa kawan. Ang kuhang-larawan na nasa unang pahina ng artikulong ito ay nagtutulot sa indibidwal na makita ang katatagan sa mga mata at kilos ng sheepdog na ito.
Sa Bagong Tipan, makikita natin ang isang talinghaga at tagubilin mula sa Tagapagligtas na nagbibigay ng karagdagang kaalaman hinggil sa ating responsibilidad bilang mga pastol, mga ministering sister at brother, sa nawawalang mga tupa:
“Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon, ay hindi iiwan ang siyam na pu’t siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan?
“At pagka nasumpungan niya, ay pinapasan niya sa kaniyang balikat, na natutuwa.
“At paguwi niya sa tahanan, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at ang kaniyang mga kapitbahay, na sasabihin sa kanila, Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka’t nasumpungan ko ang aking tupang nawala.”15
Kapag ibinuod natin ang aral na itinuro sa talinghaga, makikita natin ang mahahalagang payo na ito:
-
Dapat nating tukuyin ang nawawalang mga tupa.
-
Hahanapin natin sila hanggang sa matagpuan natin sila.
-
Kapag natagpuan natin sila, maaari natin silang pasanin sa ating mga balikat para maiuwi.
-
Paliligiran natin sila ng mga kaibigan sa kanilang pagbabalik.
Mga kapatid, ang pinakamalaking mga hamon at gantimpla ay darating kapag nag-minister tayo sa nawawalang mga tupa. Ang mga miyembro ng Simbahan sa Aklat ni Mormon ay “pinangalagaan ang kanilang mga tao, at pinagyaman sila sa mga bagay na may kinalaman sa kabutihan.”16 Matutularan natin ang kanilang mga halimbawa at maaalala na ang ministering ay dapat “pinapatnubayan ng Espiritu, … naangkop, at … ayon sa pangangailangan ng bawat miyembro.” Mahalaga rin na “sinisikap nating tulungan ang mga indibidwal at pamilya na maghanda para sa kanilang susunod na ordenansa, tuparin ang [kanilang] mga tipan … , at maging self-reliant.”17
Lahat ng kaluluwa ay mahalaga sa ating Ama sa Langit. Ang Kanyang personal na paanyaya na mag-minister ay pinakamahalaga sa Kanya, dahil ito ang Kanyang gawain at kaluwalhatian. Ito ay literal na gawain ng kawalang-hanggan. Bawat isa sa Kanyang mga anak ay mayroong napakalaking potensiyal sa Kanyang paningin. Mahal Niya kayo nang may pagmamahal na hindi ninyo maaarok. Tulad ng tapat na sheepdog, mananatili ang Panginoon sa bundok para protektahan kayo sa malakas na hangin, unos, niyebe, at iba pa.
Itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson sa huling kumperensya: “Ang ating mensahe sa mundo [at idaragdag ko, “sa ating kawan na pinaglilingkuran”] ay simple at taos-puso: inaanyayahan natin ang lahat ng anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na lumapit sa kanilang Tagapagligtas, tanggapin ang mga pagpapala ng banal na templo, magkaroon ng walang-hanggang kagalakan, at maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan.”18
Nawa’y magtakda tayo ng mithiin sa pahayag na ito ng propeta nang sa gayon ay magabayan natin ang mga kaluluwa patungo sa templo at sa huli ay sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Hindi Siya umaasa na gumawa tayo ng mga himala. Ang tanging hinihingi Niya ay dalhin natin ang ating mga kapatid sa Kanya, dahil Siya ang may kapangyarihang tumubos ng mga kaluluwa. Kapag ginawa natin ito, maaaring matamo at matatamo natin ang pangakong ito: “At pagkahayag ng pangulong Pastor, ay magsisitanggap kayo ng di nasisirang putong ng kaluwalhatian.”19 Ito ay pinatototohanan ko—at si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas at ating Manunubos—sa pangalan ni Jesucristo, amen.