2010–2019
Panahon Na
Oktubre 2018


11:9

Panahon Na

Kung mayroon man sa inyong buhay na kinakailangan ninyong ayusin, ngayon na ang panahon.

Ilang taon na ang nakararaan, habang naghahanda para sa isang business trip, nakaramdam ako ng pananakit sa dibdib. Dahil nag-aalala sa akin, nagpasiya ang asawa ko na samahan ako. Sa unang eroplanong sinakyan namin, lalong tumindi ang sakit kaya’t nahirapan na akong huminga. Nang lumapag ang eroplano, umalis kami sa paliparan at nagpunta sa hospital, at doon, matapos ang maraming pagsusuri, sinabi ng doktor na ligtas nang magpatuloy sa aming biyahe.

Bumalik kami sa paliparan at sumakay ng eroplano para sa aming huling destinasyon. Nang papalapag na ang eroplano, nagsalita ang piloto sa intercom at hiniling na magpakilala ako. Lumapit ang flight attendant, at sinabing katatanggap lang nila ng isang emergency call, at sinabi sa akin na may ambulansyang naghihintay sa paliparan na magdadala sa akin sa ospital.

Sumakay kami sa ambulansya at kaagad na dinala sa emergency room. Doon ay sinalubong kami ng dalawang nag-aalalang doktor na nagpaliwanag na mali ang pagsusuri sa akin at ang totoo ay mayroon akong malubhang pulmonary embolism, o pamumuo ng dugo, sa aking baga, na nangangailangan ng agarang gamutan. Sinabi sa amin ng mga doktor na maraming pasyente ang hindi nakakaligtas sa kundisyong ito. Batid na malayo kami sa aming tahanan at hindi nakatitiyak kung handa kami sa gayong pangyayari na magpapabago sa aming buhay, sinabi ng mga doktor na kung mayroon man sa aming buhay na kinakailangang ayusin, ngayon na ang panahon.

Malinaw kong naaalala kung paano halos kaagad nabago ang buo kong pananaw sa nakababalisang sandaling iyon. Ang tila napakahalaga sa mga naunang sandali ay wala nang anumang halaga sa oras na iyon. Nawala sa isipan ko ang mga alalahanin sa mundong ito at natuon sa mga bagay na walang hanggan—naisip ko ang aking pamilya, mga anak, at sa huli ang pagsusuri sa sarili kong buhay.

Kumusta na tayo bilang pamilya at indibiduwal? Namumuhay ba tayo ayon sa mga tipan na ginawa natin at ayon sa mga inaasahan ng Panginoon, o marahil ay hindi sinasadya na tinutulutan natin ang mga alalahanin sa mundong ito na makagambala sa atin mula sa mga bagay na pinakamahalaga?

Inaanyayahan ko kayo na pag-isipan ang isang mahalagang aral sa karanasang ito: tumigil sa pagtutuon sa mga alalahanin sa mundo at suriin ang inyong buhay. O tulad ng sinabi ng doktor, kung mayroon man sa inyong buhay na kinakailangan ninyong ayusin, ngayon na ang panahon.

Pagsusuri sa Ating Buhay

Nabubuhay tayo sa mundong puno ng impormasyon, naiimpluwensyahan ng patuloy na pagdami ng mga bagay na nakagagambala na lalo pang nagpapahirap para maisaayos ang buhay sa magulong mundong ito at makatuon sa mga bagay na walang hanggan ang kahalagahan. Ang araw-araw nating buhay ay patuloy na nalalantad sa mga balita na umaagaw ng ating pansin, na inilalabas ng mga teknolohiyang mabilis magbago.

Hangga’t hindi tayo nag-uukol ng oras na mag-isip nang mabuti, maaaring hindi natin matanto ang epekto ng mabilis na pagbabagong ito sa kapaligiran sa ating buhay araw-araw at sa mga pinipili natin. Maaari nating matagpuan ang ating buhay na nakatuon na lamang sa mga impormasyon na nasa memes, video, at sa mga balitang umaagaw ng ating pansin. Bagama’t maganda at kasiya-siya, karamihan sa mga ito ay walang gaanong nagagawa sa ating walang hanggang pag-unlad, subalit naiimpluwensyahan nito ang pananaw natin sa buhay sa mundong ito.

Maihahalintulad ang mga nakagagambalang bagay sa mundo sa mga nangyari sa panaginip ni Lehi. Habang sumusulong tayo sa landas ng tipan na ang mga kamay ay mahigpit na nakahawak sa gabay na bakal, naririnig at nakikita natin ang mga “panlalait at pagtuturo ng kanilang daliri” mula sa malaki at maluwang na gusali (1 Nephi 8:27). Maaaring hindi natin sinasadya, ngunit kung minsan humihinto tayo at itinutuon ang ating paningin para tingnan kung ano ang kaguluhang iyon. Maaaring ang ilan pa sa atin ay bumibitaw sa gabay na bakal at mas lumalapit pa roon para makita nang malapitan ang nangyayari. Ang iba ay maaaring tuluyan nang lumayo sa landas “dahil sa mga yaong humahamak sa kanila” (1 Nephi 8:28).

Pinayuhan tayo ng Tagapagligtas na “mangagingat kayo … baka mangalugmok ang inyong mga puso sa … mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito” (Lucas 21:34). Ipinaaalala sa atin ng makabagong paghahayag na marami ang tinawag, subalit iilan ang napili. Sila ay hindi napili “sapagkat ang kanilang mga puso ay … nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito, at naghahangad ng mga parangal ng tao” (Doktrina at mga Tipan 121:35; tingnan din sa talata 34). Ang pagsusuri ng ating buhay ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na tumigil sa pagtutuon sa mundo, pag-isipan kung nasaan na tayo sa landas ng tipan, at, kung kinakailangan, gumawa ng mga pagbabago para matiyak na nakahawak tayo nang mahigpit at nakatuon sa kawalang-hanggan.

Kamakailan, sa isang pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga kabataan na huminto sa pagtutuon sa mundo, humiwalay sa social media sa pamamagitan ng pitong araw na hindi paggamit nito. At kagabi lamang, nagbigay siya ng katulad na paanyaya sa mga kababaihan bilang bahagi ng sesyon ng kababaihan ng kumperensya. Pagkatapos ay sinabi niya sa mga kabataan na pansinin ang anumang pagkakaiba sa kung ano ang nadarama nila, kung ano ang iniisip nila, o kung paano sila nag-iisip. Pagkatapos ay hinikayat niya sila na “suriing mabuti ang buhay sa Panginoon … upang matiyak na ang mga paa ninyo ay matatag na nakatayo sa landas ng tipan.” Hinikayat niya sila na kung mayroon mang mga bagay sa kanilang buhay na kinakailangang baguhin, “ngayon ang perpektong panahon para magbago.”1

Kapag sinusuri natin ang mga bagay sa ating buhay na kinakailangang baguhin, maaaring itanong natin sa ating sarili: Paano natin madaraig ang mga panggagambala sa mundong ito at manatiling nakatuon sa kawalang-hanggan na nasa harapan natin?

Sa mensahe sa kumperensya noong 2007 na may pamagat na “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks kung ano ang dapat ipriyoridad sa pagpili sa maraming magkakasalungat na mga bagay na hinihingi ng mundo. Ipinayo niya, “Dapat nating talikuran ang ilang magagandang bagay para mapili ang iba pang mas maganda o pinakamaganda dahil ang mga ito ay nagpapalakas sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at nagpapatatag sa ating mga pamilya.”2

Iminumungkahi ko na ang pinakamagagandang bagay sa buhay na ito ay nakasentro kay Jesucristo at pag-unawa sa walang hanggang mga katotohanan kung sino Siya at kung sino tayo sa ating kaugnayan sa Kanya.

Hanapin ang Katotohanan

Kapag hinangad nating makilala ang Tagapagligtas, hindi natin dapat balewalain ang mahalagang katotohanan tungkol sa kung sino tayo at bakit tayo naririto. Ipinaalala sa atin ni Amulek na “ang buhay na ito ang panahon para … maghanda sa pagharap sa Diyos,” ang panahon “na ibinigay sa atin upang maghanda para sa kawalang-hanggan” (Alma 34:32–33). Tulad ng paalala sa atin ng kasabihang, “Hindi tayo mga tao na mayroong espirituwal na karanasan. Tayo ay mga espirituwal na nilalang na mayroong karanasan ng tao.”3

Ang pag-unawa sa ating banal na pinagmulan ay kinakailangan sa ating walang hanggang pag-unlad at magpapalaya sa atin mula sa mga bagay na nakagagambala sa buhay na ito. Itinuro ng Tagapagligtas:

“Kung kayo’y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo’y tunay nga kayong mga alagad ko;

“At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo” (Juan 8:31–32).

Ipinahayag ni Pangulong Joseph F. Smith, “Ang pinakadakilang gawain na magagawa ng sangkatauhan sa daigdig na ito ay bihasain ang kanilang mga sarili sa banal na katotohanan, nang buung-buo, nang ganap, nang sa gayon ang halimbawa o kilos ng masasamang nilalang na nabubuhay sa daigdig ay hindi kailanman makapagpapaalis sa kanila mula sa kaalamang kanilang nakamtan.”4

Sa mundo ngayon, matindi ang debate hinggil sa katotohanan, lahat ng panig ay nagsasabing nasa kanila ang katotohanan na para bang ito ay isang konsepto na maaaring bigyan ng interpretasyon ng sinuman. Nakita ng batang si Joseph Smith na “napakalaki ng kaguluhan at sigalutan” sa kanyang buhay “na hindi maaari … na makarating sa anumang tiyak na pagpapasiya kung sino ang tama at kung sino ang mali” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:8). “Sa gitna nitong labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka” ay hinangad niya ang banal na patnubay sa pamamagitan ng paghahanap ng katotohanan (Joseph Smith—Kasaysayan 1:10).

Sa kumperensya noong Abril, itinuro ni Pangulong Nelson, “Kung gusto nating magkaroon ng pagkakataong masuri ang iba’t ibang opinyon at mga pilosopiya ng tao na sumisira ng katotohanan, kailangan tayong matutong tumanggap ng paghahayag.”5 Dapat tayong matutong umasa sa Espiritu ng Katotohanan, na “hindi matatanggap ng sanglibutan; sapagka’t hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya” (Juan 14:17).

Habang ang sanlibutang ito ay mabilis na pumaparoon sa huwad na katotohanan, dapat nating alalahanin ang mga salita ni Jacob na “ang Espiritu ay nagsasabi ng katotohanan at hindi nagsisinungaling. Anupa’t nagsasabi ito ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito; kaya nga, ipinaalam sa amin ang mga bagay na ito nang malinaw, para sa kaligtasan ng ating mga kaluluwa” (Jacob 4:13).

Kapag tumigil tayo sa pagtutuon sa mundo at sinuri ang ating buhay, ngayon ang panahon para pag-isipan kung anong mga pagbabago ang kailangan nating gawin. Magkakaroon tayo ng malaking pag-asa sa kaalamang muli tayong inakay sa landas ng ating Huwaran na si Jesucristo. Bago Siya namatay at Nabuhay na Mag-uli, habang tinutulungan Niya ang mga taong nakapaligid sa Kanya na maunawaan ang Kanyang banal na tungkulin, ipinaalala Niya sa kanila na “kayo’y mag[ka]karoon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33). Sa Kanya ay nagpapatotoo ako sa pangalan ni Jesucristo, amen.