2010–2019
Ang Ama
Oktubre 2018


10:18

Ang Ama

Ang bawat isa sa atin ay may potensyal na maging katulad ng Ama. Upang magawa ito, dapat nating sambahin ang Ama sa pangalan ng Anak.

Sa buong buhay niya, pinagsikapan nang buong puso ng aking asawang si Melinda na maging tapat na disipulo ni Jesucristo. Gayunman, simula noong kabataan niya, nadama niya na hindi siya karapat-dapat sa pagmamahal at mga pagpapala ng Ama sa Langit dahil sa maling pagkaunawa niya sa likas na pagkatao ng Ama sa Langit. Mabuti na lamang, patuloy na sinunod ni Melinda ang mga kautusan sa kabila ng kalungkutang nadama niya. Ilang taon na ang nakararaan, nagkaroon siya ng mga karanasan na nakatulong sa kanya na mas maunawaan ang likas na pagkatao ng Diyos, pati na ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak at pagkalugod sa ating pagsisikap na gawin ang Kanyang gawain bagama’t hindi ito perpekto.

Ipinaliwanag niya kung paano ito nakaimpluwensya sa kanya: “Natitiyak ko na ngayon na nangyayari ang plano ng Ama, na tumutulong Siya sa ating mga tagumpay, at binibigyan Niya tayo ng mga aral at karanasan na kailangan natin para makabalik sa Kanyang piling. Nakikita ko ang aking sarili at ang iba gaya ng pagkakita sa atin ng Diyos. Nagawa kong magpalaki ng anak, magturo, at maglingkod nang may higit na pagmamahal at kaunting takot. Nakadarama ako ng kapayapaan at kumpiyansa sa halip na pagkabalisa at pangamba. Sa halip na madamang hinuhusgahan ako, nadaramang kong sinusuportahan ako. Mas tumibay ang pananampalataya ko. Ang pagmamahal ng aking Ama ay nararamdaman ko nang mas madalas at mas malalim.”1

Ang pagkakaroon ng “wastong ideya tungkol sa likas na pagkatao, kasakdalan, at mga katangian [ng Ama sa Langit]” ay kinakailangan sa pagsampalataya na sapat sa pagtatamo ng kadakilaan.2 Ang wastong pagkaunawa sa likas na pagkatao ng Ama sa Langit ay nagpapabago sa paraan ng pagtingin natin sa ating sarili at sa iba at tumutulong sa atin na maunawaan ang napakalaking pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak at ang Kanyang matinding hangarin na tulungan tayo na maging katulad Niya. Ang maling pagkaunawa sa Kanyang tunay na katangian ay magdudulot ng pakiramdam na hindi natin kayang makabalik sa Kanyang piling.

Ang layunin ko ngayon ay magturo ng mahahalagang doktrina tungkol sa Ama na magtutulot sa bawat isa sa atin, at lalo na sa mga nag-iisip kung mahal sila ng Diyos, na mas maunawaan ang Kanyang likas na pagkatao at lalong manampalataya sa Kanya, sa Kanyang Anak, at sa Kanyang plano para sa atin.

Ang Premortal na Buhay

Sa premortal na buhay, isinilang tayo bilang mga espiritu ng mga Magulang sa Langit at namuhay sa piling Nila bilang isang pamilya.3 Tayo ay kilala Nila, tinuruan, at minahal.4 Gustung-gusto natin na maging katulad ng ating Ama sa Langit. Gayunpaman, para magawa ito, naunawaan natin na dapat tayong:

  1. Magkaroon ng niluwalhati, imortal, at pisikal na katawan;5

  2. Mag-asawa at bumuo ng pamilya sa pamamagitan ng kapangyarihang magbuklod ng priesthood;6 at

  3. Magtamo ng lahat ng kaalaman, kapangyarihan, at mga banal na katangian.7

Bunga nito, gumawa ang Ama ng isang plano na magtutulot sa atin, kung makatutugon tayo sa mga partikular na kundisyon,8 na magtamo ng pisikal na katawan na magiging imortal at niluwalhati sa Pagkabuhay na Mag-uli; mag-asawa at bumuo ng pamilya sa buhay na ito o, para sa matatapat na hindi nagkaroon ng pagkakataon na ito, pagkatapos ng mortalidad;9 sumulong tungo sa pagiging perpekto; at sa huli ay makabalik sa ating mga Magulang sa Langit at mamuhay kasama nila sa kalagayang dinakila at walang hanggang kaligayahan.10

Tinatawag ito sa mga banal na kasulatan na plano ng kaligtasan.11 Lubos ang pasasalamat natin para sa planong ito nang ilahad ito sa atin, kaya’t naghiyawan tayo sa kagalakan.12 Tinanggap ng bawat isa sa atin ang mga kundisyon ng plano, pati na ang mga karanasan at mga hamon sa buhay na ito na tutulong sa atin na magkaroon ng mga banal na katangian.13

Mortal na Buhay

Sa mortal na buhay, nagbigay ang Ama sa Langit ng mga kundisyon na kinakailangan natin upang sumulong sa Kanyang plano. Si Jesucristo ay Anak ng Ama sa laman14 at nagkaloob ng tulong sa Kanya upang maisagawa ang Kanyang misyon sa lupa. Tutulungan din ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin kung sisikapin nating sundin ang Kanyang mga kautusan.15 Binigyan tayo ng Ama ng kalayaang pumili.16 Ang ating buhay ay nasa Kanyang mga kamay, at ang ating “mga araw ay nababatid” at “hindi nababawasan ng bilang.”17 At tinitiyak Niya na kalaunan ang lahat ng bagay ay gagawa sa ikabubuti ng mga yaong nagmamahal sa Kanya.18

Ang Ama sa Langit ang siyang nagbibigay sa atin ng kakainin natin sa araw-araw,19 hindi lamang pagkain pati na rin ng lakas na kinakailangan natin para masunod ang Kanyang mga kautusan.20 Ang Ama ay nagbibigay ng mabubuting kaloob.21 Dinirinig at sinasagot Niya ang ating mga panalangin.22 Inililigtas tayo ng Ama sa Langit mula sa masasama kapag tinulutan natin Siya.23 Tumatangis Siya para sa atin kapag nagdurusa tayo.24 Lahat ng mga pagpapala natin ay nagmumula sa Ama.25

Ginagabayan tayo ng Ama sa Langit at binibigyan tayo ng mga karanasan na kinakailangan natin batay sa ating mga kalakasan, kahinaan, at mga pinili upang magbunga tayo ng mabuting bunga.26 Pinarurusahan tayo ng Ama kung kinakailangan dahil mahal Niya tayo.27 Siya ay “Taong Tagapayo,”28 na magpapayo sa atin kung hihingi tayo.29

Ang Ama sa Langit ang siyang nagpapadala ng impluwensya at kaloob na Espiritu Santo sa ating buhay.30 Sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, ang kaluwalhatian—o katalinuhan, liwanag, at kapangyarihan—ng Ama ay maaaring manahan sa atin.31 Kung sisikapin nating umunlad sa liwanag at katotohanan hanggang matuon ang ating mga mata sa kaluwalhatian ng Diyos, ipadadala ng Ama sa Langit ang Banal na Espiritu ng Pangako upang ibuklod tayo sa buhay na walang hanggan at ipapakita Niya ang Kanyang mukha sa atin—sa buhay na ito o sa kabilang-buhay.32

Kabilang Buhay

Sa daigdig ng mga espiritu sa kabilang buhay, patuloy na ipinagkakaloob ng Ama sa Langit ang Espiritu Santo at nagpapadala ng mga missionary sa mga nangangailangan ng ebanghelyo. Sinasagot Niya ang mga panalangin at tinutulungan ang mga hindi nakatanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa na matanggap nila ang mga ito.33

Ibinangon ng Ama si Jesucristo at binigyan Siya ng kapangyarihan upang isakatuparan ang Pagkabuhay na Mag-uli,34 na siyang paraan para magkaroon tao ng imortal na katawan. Ang Pagtubos at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ay magdadala sa atin sa harapan ng Ama, at doon ay hahatulan tayo ni Jesucristo.35

Yaong aasa sa “kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas”36 ay tatanggap ng niluwalhating katawan katulad ng sa Ama37 at mananahang kasama Niya “sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”38 Doon, papahirin ng Ama ang ating mga luha39 at tutulungan tayo na magpatuloy sa ating paglalakbay upang maging katulad Niya.

Talagang laging naririyan ang Ama sa Langit para sa atin.40

Ang Likas na Pagkatao ng Ama

Upang maging katulad ng Ama, dapat magkaroon tayo ng mga katangian Niya. Kasama sa pagiging perpekto at mga katangian ng Ama sa Langit ang sumusunod:

  • Ang Ama ay “Walang Wakas at Walang Hanggan.”41

  • Siya ay lubos na makatwiran, maawain, mabait, banayad sa pagkagalit, at hangad lamang Niya ang pinakamainam para sa atin.42

  • Ang Ama sa Langit ay pag-ibig.43

  • Tinutupad Niya ang Kanyang mga tipan.44

  • Hindi Siya pabagu-bago.45

  • Hindi Siya nagsisinungaling.46

  • Ang Ama ay hindi nagtatangi ng mga tao.47

  • Nalalaman Niya ang lahat ng bagay—nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap—mula pa sa simula.48

  • Ang Ama sa Langit ay pinakamatalino49 sa ating lahat.50

  • Taglay ng Ama ang lahat ng kapangyarihan51 at ginagawa ang lahat ng naisin ng Kanyang puso.52

Mga kapatid, mapagkakatiwalaan at makaaasa tayo sa Ama. Dahil taglay Niya ang walang hanggang pananaw, nakikita ng Ama sa Langit ang mga bagay na hindi natin nakikita. Ang Kanyang kagalakan, gawain, at kaluwalhatian ay ang isakatuparan ang ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.53 Lahat ng ginagawa Niya ay para sa ating ikabubuti. Kanyang “hinahangad ang [ating] walang hanggang kaligayahan nang higit pa sa paghahangad [natin].”54 At “hindi [Niya] ipararanas sa [atin] ang isang bagay na mas mahirap kung hindi talaga kinakailangan para sa [ating] kabutihan o para sa mga mahal [natin] sa buhay.”55 Dahil dito, nakatuon Siya sa pagtulong sa atin na umunlad, hindi ang husgahan at ikundena tayo.56

Pagiging Katulad ng Ating Ama

Bilang mga espiritung anak na lalaki at babae ng Diyos, bawat isa sa atin ay may potensyal na maging katulad ng Ama. Upang magawa ito, dapat nating sambahin ang Ama sa pangalan ng Anak.57 Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsisikap na maging masunurin sa kalooban ng Ama, tulad ng Tagapagligtas,58 at sa patuloy na pagsisisi.59 Kapag ginawa natin ang mga bagay na ito, tayo ay “makatatanggap nang biyaya sa biyaya” hanggang matanggap natin ang kaganapan ng Ama60 at mapagkalooban ng “kanyang likas na pagkatao, pagiging perpekto, at mga katangian.”61

Kung iisipin ang pagkakaiba ng kung ano tayo bilang mga mortal at ng kung ano ang narating ng Ama, hindi nakapagtataka na nadarama ng ilang tao na imposibleng maging katulad ng Ama. Gayunpaman, malinaw ang nakasaad sa mga banal na kasulatan. Kung tayo ay mangungunyapit nang may pananampalataya kay Cristo, magsisisi, at maghahangad ng biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod, kalaunan ay magiging katulad tayo ng Ama. Natutuwa ako na malaman na yaong nagsisikap na maging masunurin ay “makatatanggap nang biyaya sa biyaya” at sa huli ay “tatanggapin ang kanyang kaganapan.”62 Sa madaling salita, hindi tayo magiging katulad ng Ama sa sariling pagsisikap lamang natin.63 Sa halip, magagawa ito sa pamamagitan ng mga kaloob na biyaya, minsan malaki ngunit kadalasan ay maliit, na magdudugtung-dugtong hanggang sa matamo natin ang kaganapan. Ngunit mga kapatid, darating ito!

Inaanyayahan ko kayo na magtiwala na nalalaman ng Ama kung paano kayo dadakilain; hingin ang Kanyang tulong sa araw-araw; at magpatuloy sa paglakad nang may pananampalataya kay Cristo kahit tila hindi ninyo maramdaman ang pagmamahal ng Diyos.

Napakarami nating hindi nauunawaan tungkol sa pagiging katulad ng Ama.64 Ngunit pinatototohanan ko nang may katiyakan na ang pagsisikap na maging katulad ng Ama ay sulit sa lahat ng ating sakripisyo.65 Ang mga sakripisyong ginagawa natin sa buhay na ito, gaano man kalaki, ay hindi maikukumpara sa hindi masusukat na kagalakan, kaligayahan, at pagmamahal na madarama natin sa piling ng Diyos.66 Kung nahihirapan kayong maniwala na sulit ang mga sakripisyong ipinagagawa sa inyo, tinatawag kayo ng Tagapagligtas, sinasabing, “Hindi pa ninyo nauunawaan kung gaano kadakila ang mga pagpapala na mayroon ang Ama [na] inihanda para sa inyo;… hindi ninyo mababata ang lahat ng bagay ngayon; gayunpaman, magalak, sapagkat akin kayong aakayin.”67

Pinatototohanan ko na mahal kayo ng Ama sa Langit at gusto Niya kayong makapiling muli. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.