2010–2019
Taglayin sa Ating Sarili ang Pangalan ni Jesucristo
Oktubre 2018


10:25

Taglayin sa Ating Sarili ang Pangalan ni Jesucristo

Nawa’y tapat nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo—sa pamamagitan ng pagtingin sa ating kapwa gaya ng pagtingin Niya sa kanila, paglilingkod na tulad sa paglilingkod Niya, at pagtitiwala na sapat ang Kanyang biyaya.

Mga kapatid, kamakailan, habang iniisip ko ang tagubilin ni Pangulong Russell M. Nelson na tawagin ang Simbahan sa inihayag na pangalan nito, binuklat ko ang talata kung saan nagtagubilin ang Tagapagligtas sa mga Nephita tungkol sa pangalan ng Simbahan.1 Habang binabasa ko ang mga salita ng Tagapagligtas, nadama ko ang kahalagahan kung paano Niya rin iniutos sa mga tao na “inyong taglayin ang pangalan ni Cristo.”2 Naging dahilan ito para suriin ko ang aking sarili at itanong, “Tinataglay ko ba sa aking sarili ang pangalan ng Tagapagligtas sa paraang nais Niya na gawin ko?”3 Ngayon nais kong ibahagi ang ilan sa mga impresyon na natanggap ko bilang sagot sa tanong ko.

Una, ang ibig sabihin ng taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo ay taos-puso nating sikapin na tingnan ang ating kapwa gaya ng pagtingin sa kanila ng Diyos.4 Paano tinitingnan ng Diyos ang tao? Sinabi ni Joseph Smith, “Habang ang isang panig ng sangkatauhan ay hinahatulan at isinusumpa ang iba nang walang awa, ang Dakilang Magulang ng sansinukob ay nakatunghay sa buong sangkatauhan nang may pagmamahal at pagmamalasakit ng isang ama” dahil “ang Kanyang pag-ibig ay hindi maarok.”5

Ilang taon na ang nakaraan pumanaw ang aking ate. Mahirap ang buhay niya. Nahirapan siyang ipamuhay ang ebanghelyo at hindi kailanman naging aktibo sa Simbahan. Iniwan siya ng kanyang asawa at naiwan sa kanyang pangangalaga ang apat na anak na mga bata pa. Noong gabi ng kanyang pagpanaw, sa isang silid kasama ang kanyang mga anak, binigyan ko siya ng basbas na lumisan nang payapa. Sa sandaling iyon natanto ko na madalas ko ring tingnan ang buhay ng ate ko na ang iniisip lamang ay ang kanyang mga pagsubok at hindi pagiging aktibo sa Simbahan. Nang ipatong ko ang aking mga kamay sa kanyang ulo, nakatanggap ako ng matinding pangaral mula sa Espiritu. Lubos kong natanto ang kanyang kabutihan at nakita siya gaya ng pagkakita ng Diyos sa kanya—hindi bilang isang taong nahirapang ipamuhay ang ebanghelyo at nahirapan sa buhay kundi bilang isang tao na dumanas ng mahihirap na problema na hindi ko dinanas. Nakita ko na siya ay isang kahanga-hangang ina na, sa kabila ng maraming balakid, ay napalaki ang kanyang apat na mababait na anak. Nakita ko siya bilang kaibigan ng aming ina na nag-ukol ng panahon na alagaan at samahan siya pagkatapos pumanaw ang aming ama.

Noong huling gabing iyon na kasama ko ang aking ate, naniniwala ako na itinanong ng Diyos sa akin, “Hindi mo ba nakikita na lahat ng tao sa paligid mo ay mga banal na nilalang?”

Itinuro ni Brigham Young:

“Nais kong hikayatin ang mga Banal … na unawain ang kalalakihan at kababaihan kung ano sila at hindi ang unawain sila ayon sa kung ano kayo.”6

“Madalas sabihin ng tao—‘Ang taong ito ay nakagawa ng mali at hindi siya maaaring maging Banal.’ … Naririnig natin ang ilan na nagsasalita ng masama o nagsisinungaling … [o] nilalabag ang araw ng Sabbath. … Huwag husgahan ang mga taong iyan, dahil hindi ninyo nalalaman ang plano ng Panginoon para sa kanila. … [Sa halip,] maging matiyaga sa kanila.”7

Iniisip ba ng sinuman sa inyo na hindi kayo napapansin ng Tagapagligtas at ang mga pasanin ninyo? Kinahabagan ng Tagapagligtas ang Samaritana, ang nangalunya, ang maniningil ng buwis, ang ketongin, ang may kapansanan sa pag-iisip, at ang makasalanan. Ang lahat ay mga anak ng Kanyang Ama. Ang lahat ay maaaring matubos.

Nakikinita ba ninyong tinatalikuran Niya ang taong nagdududa tungkol sa kanilang lugar sa kaharian ng Diyos o ang sinumang nahihirapan?8 Hindi ko maiisip iyan. Sa paningin ni Cristo, ang bawat kaluluwa ay walang hanggan ang kahalagahan. Walang taong itinakdang mabigo. Ang buhay na walang hanggan ay posible para sa lahat.9

Sa pangaral ng Espiritu sa akin noong naroon ako sa tabi ng higaan ng aking ate, may magandang aral akong natutuhan: na kapag tiningnan natin ang ating kapwa gaya ng pagtingin Niya sa kanila, dalawang bagay ang maisasagawa natin—katubusan ng mga taong nakaugnayan natin at katubusan ng ating sarili.

Pangalawa, upang mataglay sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, hindi lang natin dapat tingnan ang ating kapwa gaya ng pagtingin sa kanila ng Diyos, kundi dapat nating gawin ang Kanyang gawain at maglingkod tulad ng paglilingkod Niya. Ipinamumuhay natin ang dalawang dakilang utos, magpasakop sa kalooban ng Diyos, tipunin ang Israel, at “[paliwanagin ang ating ilaw] sa harap ng mga tao.”10 Tanggapin at tuparin ang mga tipan at mga ordenansa ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.11 Kapag ginawa natin ito, pagkakalooban tayo ng Diyos ng kakayahan na matulungan ang ating sarili, ang ating mga pamilya, at ang buhay ng iba.12 Itanong sa inyong sarili, “May kilala ba akong tao na hindi nangangailangan ng mga kapangyarihan ng langit sa kanilang buhay?”

Ang Diyos ay gagawa ng mga himala sa atin kapag pinababanal natin ang ating sarili.13 Pinababanal natin ang ating sarili sa pamamagitan ng pagpapadalisay ng ating puso.14 Pinadadalisay natin ang ating puso kapag pinakikinggan natin Siya,15 nagsisisi ng ating mga kasalanan,16 nagbabalik-loob,17 at nagmamahal tulad ng pagmamahal Niya.18 Itinanong ng Tagapagligtas, “Sapagka’t kung kayo’y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin?”19

Nalaman ko kamakailan ang isang karanasan sa buhay ni Elder James E. Talmage na naging dahilan para tumigil ako sandali at pag-isipan kung paano mahalin at paglingkuran ang mga taong nasa paligid ko. Noong siya ay isang batang propesor, bago siya naging Apostol, sa paglaganap ng nakamamatay na sakit na dipterya noong 1892, nalaman ni Elder Talmage ang tungkol sa isang dayuhang pamilya, hindi mga miyembro ng Simbahan, na nakatira malapit sa bahay niya at tinamaan ng sakit na ito. Walang sinuman ang gustong pumasok sa bahay ng mga maysakit. Gayunpaman, kaagad pinuntahan ni Elder Talmage ang bahay. Nakita niya roon ang apat na bata: isang dalawa’t kalahating taong gulang na bata na nasa kama at patay na, isang limang taong gulang at sampung taong gulang na nahihirapan sa sobrang sakit, at isang labing-tatlong taong gulang na bata na nanghihina. Ang mga magulang ay nagdadalamhati at pagod na pagod.

Binihisan ni Elder Talmage ang patay at ang mga buhay, nilinis ang mga silid, inilabas ang maruruming damit, at sinunog ang maruruming basahan na may bakterya. Maghapon siyang gumawa roon at bumalik kinabukasan. Namatay ang sampung taong gulang pagsapit ng gabi. Kinarga niya ang batang limang taong gulang. Naubuhan siya nito ng plemang may dugo sa kanyang buong mukha at damit. Isinulat niya, “Hindi ko siya maibaba,” at karga siya hanggang sa pumanaw ito. Tumulong siya sa paglilibing sa tatlong anak at naghanda ng pagkain at malinis na kasuotan para sa nagdadalamhating pamilya. Nang makauwi na, itinapon ni Brother Talmage ang kanyang mga damit, naligo sa tubig na may zinc solution, inihiwalay ang kanyang sarili sa kanyang pamilya, at hindi gaanong tinamaan ng sakit na iyon.20

Maraming buhay sa paligid natin ang nanganganib. Tinataglay ng mga Banal ang pangalan ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagiging banal at paglilingkod sa lahat sinuman sila—ang mga buhay ay naililigtas kapag ginagawa natin ito.21

Ang huli, naniniwala ako na upang taglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan dapat tayong magtiwala sa Kanya. Sa isang pulong na dinaluhan ko noong isang araw ng Linggo, nagtanong ang isang kabataang babae nang ganito: “Nag-break na kami ng boyfriend ko, at pinili niyang lisanin ang Simbahan. Sinabi niya sa akin na ngayon lang siya naging masaya. Paano nangyari iyon?”

Sinagot ng Tagapagligtas ang tanong na ito nang sabihin Niya sa mga Nephita, “Ngunit kung hindi nakatayo [ang inyong buhay] sa aking ebanghelyo, at nakatayo sa mga gawa ng tao, o sa mga gawa ng diyablo, katotohanang sinasabi ko sa inyo na [magkakaroon kayo ng] kagalakan sa [inyong] mga gawa nang kaunting panahon, at maya-maya ang wakas ay darating.”22 Walang nagtatagal na kagalakan sa labas ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Sa pulong na iyon, gayunman, naisip ko ang maraming mababait na tao na kilala ko na dumaranas ng mabibigat na pasanin at mga kautusan na napakahirap para sa kanila. Itinanong ko sa aking sarili, “Ano pa kaya ang sasabihin ng Tagapagligtas sa kanila?”23 Naniniwala ako na itatanong Niya, “Nagtitiwala ba kayo sa akin?”24 Sa babaeng inaagasan ng dugo, sinabi Niya, “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.”25

Isa sa mga paborito kong banal na kasulatan ay Juan 4:4, at mababasa rito, “At kinakailangang magdaan siya sa Samaria.”

Bakit paborito ko ang banal na kasulatang ito? Dahil hindi kinakailangang dumaan si Jesus sa Samaria. Ang mga Judio sa Kanyang panahon ay namumuhi sa mga Samaritano at naglalakbay sa daan na nakapalibot sa Samaria. Ngunit pinili ni Jesus na pumunta roon upang ipahayag sa buong mundo sa unang pagkakataon na Siya ang ipinangakong Mesiyas. Sa mensaheng ito, pinili Niya hindi lamang ang mga taong itinaboy, kundi ang isa ring babae—at hindi lamang basta babae kundi isang babaeng nabubuhay sa kasalanan—na isang taong itinuturing noon na pinakamababa sa lahat. Naniniwala ako na ginawa ito ni Jesus upang maunawaan ng bawat isa sa atin na ang Kanyang pagmamahal ay higit kaysa sa nadarama nating takot, sugat, adiksyon, pag-aalinlangan, mga tukso, mga kasalanan, ating wasak ng mga pamilya, depresyon at pagkabalisa, paulit-ulit na sakit, kahirapan, pang-aabuso, kawalan ng pag-asa, at kalungkutan.26 Nais Niyang malaman ng lahat na walang sinuman ang hindi Niya mapapagaling at mapagkakalooban ng walang hanggang kagalakan.27

Ang Kanyang biyaya ay sapat.28 Siya ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay. Ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay kapangyarihang daraig sa anumang pasanin sa ating buhay.29 Ang mensahe ng tala tungkol sa babae sa may balon ay na alam ng Panginoon ang mga sitwasyon natin sa buhay30 at lagi tayong makakalakad kasama Niya anuman ang kalagayan natin. Sa babae at sa bawat isa sa atin, sinasabi Niya, “Datapuwa’t ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni’t [magkakaroon ng] isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.”31

Sa anumang paglalakbay sa buhay, bakit ninyo tatalikuran ang nag-iisang Tagapagligtas na nagtataglay ng lahat ng kapangyarihang magpagaling at magligtas sa inyo? Sulit ang anumang sakripisyo ninyo na magtiwala sa Kanya. Mga kapatid, piliin nating dagdagan ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Mula sa pinakakaibuturan ng aking kaluluwa, nagpapatotoo ako na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang Simbahan ng Tagapagligtas, ginagabayan ng buhay na Cristo sa pamamagitan ng totoong propeta. Dalangin ko na tapat nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo—sa pamamagitan ng pagtingin sa ating kapwa gaya ng pagtingin Niya sa kanila, paglilingkod na tulad sa paglilingkod Niya, at pagtitiwala na sapat ang Kanyang biyaya para madala tayo pauwi at sa walang hanggang kaligayahan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa 3 Nephi 27:3–8.

  2. Tingnan sa 3 Nephi 27:5–6; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 20:77 at ang tipan ng sakramento.

  3. Tingnan sa Dallin H. Oaks, His Holy Name (1998) para sa masusing talakayan tungkol sa pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Jesucristo at maging saksi nito.

  4. Tingnan sa Mosias 5:2–3. Bahagi ng malaking pagbabago sa puso ng mga tao ni Haring Benjamin, na tinaglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo, ay naunawaan nila ang “mga dakilang pananaw.” Yaong magmamana ng kahariang selestiyal ay ang mga indibiduwal na “nakikita ang gaya ng pagkakakita sa kanila” (Doktrina at mga Tipan 76:94).

  5. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 32.

  6. Brigham Young, sa Journal of Discourses, 8:37.

  7. Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1954), 278.

  8. Tingnan sa 3 Nephi 17:7.

  9. Tingnan sa Juan 3:14–17; Mga Gawa 10:34; 1 Nephi 17:35; 2 Nephi 26:33; Doktrina at mga Tipan 50:41–42; Moises 1:39. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Buong pananalig naming pinatototohanan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nakinita ang lahat ng ito at pupunan, sa huli, ang lahat ng kasalatan at kawalan ng mga taong bumabaling sa Kanya. Walang sinuman [ang] nakatadhanang tumanggap ng mas kakaunti kaysa lahat ng mayroon ang Ama para sa Kanyang mga anak” (“Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 52).

  10. Tingnan sa Mateo 5:14–16; 22:35–40; Mosias 3:19; Doktrina at mga Tipan 50:13–14; 133:5; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Liahona, Nob. 2006, 79–81.

  11. Tingnan sa Levitico 18:4; 2 Nephi 31:5–12; Doktrina at mga Tipan 1:12–16; 136:4; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3–4.

  12. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:20–21; 110:9.

  13. Tingnan sa Josue 3:5; Doktrina at mga Tipan 43:16; tingnan din sa Juan 17:19. Pinabanal ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili upang magkaroon ng kapangyarihan na pagpalain tayo.

  14. Tingnan sa Helaman 3:35; Doktrina at mga Tipan 12:6–9; 88:74.

  15. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17, ang unang kautusang ibinigay ng Diyos kay Propetang Joseph Smith sa pamamagitan ng pangitain; tingnan din sa 2 Nephi 9:29; 3 Nephi 28:34.

  16. Tingnan sa Marcos 1:15; Mga Gawa 3:19; Alma 5:33; 42:22–23; Doktrina at mga Tipan 19:4–20. Pag-isipan din ang dalawang saloobin na ito tungkol sa kasalanan. Una, isinulat ni Hugh Nibley: “Ang kasalanan ay basura. Ito ay paggawa ng isang bagay na di-marapat sa halip na paggawa ng mas mabubuting bagay na kaya ninyong gawin” (Approaching Zion, ed. Don E. Norton [1989], 66). Ina ni John Wesley, si Susanna Wesley, ay sumulat sa kanyang anak: “Sundin ang tuntuning ito. Anumang bagay na nagpapahina ng iyong pangangatwiran ay nagpapamanhid sa iyong konsensya, nag-aalis ng takot sa Diyos, o pumapawi sa pagkalugod mo sa mga espirituwal na bagay; … anumang bagay na nagpapatindi … sa iyong pisikal na mga hangarin na dumaraig sa iyong espirituwal na hangarin; ang bagay na iyan ay kasalanan sa iyo, ituring man ito na tila hindi masama” (Susanna Wesley: The Complete Writings, ed. Charles Wallace Jr. [1997], 109).

  17. Tingnan sa Lucas 22:32; 3 Nephi 9:11, 20.

  18. Tingnan sa Juan 13:2–15, 34. Noong gabi bago ang Kanyang Pagbabayad-sala, hinugasan ng Tagapagligtas ang mga paa ng taong nagkanulo sa Kanya, ng taong nagkaila sa Kanya, at ng iba pa na nakatulog sa sandaling kailangan Niya sila. Pagkatapos ay itinuro Niya, “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo.”

  19. Mateo 5:46.

  20. Tingnan sa John R. Talmage, The Talmage Story: Life of James E. Talmage—Educator, Scientist, Apostle (1972), 112–14.

  21. Tingnan sa Alma 10:22–23; 62:40.

  22. 3 Nephi 27:11.

  23. Sa Mateo 11:28, 30, sinabi ng Panginoon: “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin. … Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” Isaalang-alang din ang II Mga Taga Corinto 12:7–9: Inilarawan ni Pablo hirap na dulot ng “tinik sa laman,” na ipinagdasal niyang maalis. Sinabi ni Cristo sa kanya, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka’t ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.” Tingnan din sa Eter 12:27.

  24. Tingnan sa Mosias 7:33; 29:20; Helaman 12:1; Doktrina at mga Tipan 124:87.

  25. Tingnan sa Lucas 8:43–48; Marcos 5:25–34. Ang babaeng inaagasan ng dugo ay lubhang nangangailangan ng tulong at wala nang iba pang opsiyon. Nahirapan siya sa sakit na ito sa loob ng 12 taon, naubos ang lahat ng kanyang pera sa mga doktor, at lalo pang lumala. Itinaboy mula sa kanyang mga tao at pamilya, sumiksik siya sa maraming tao at kumilos nang mabilis para makalapit sa Tagapagligtas. Lubos ang pagtitiwala at pananampalataya niya sa Tagapagligtas, at nadama ng Tagapagligtas na may humipo sa laylayan ng Kanyang damit. Dahil sa pananampalatayang iyon kaagad at lubusan Niyang pinagaling ang babae. Pagkatapos ay tinawag Niya itong “anak.” Hindi na siya isang palaboy kundi isang miyembro ng pamilya ng Diyos. Ang paggaling niya ay pisikal, sosyal, emosyonal, at espirituwal. Ang mga problema ay maaaring magtagal ng ilang taon o ng habambuhay, ngunit ang Kanyang pangako ng pagpapagaling ay tiyak at lubos.

  26. Tingnan sa Lucas 4:21; Juan 4:6–26. Si Lucas, at hindi si Juan, ang nagtala na sa unang bahagi ng ministeryo ni Jesus, nagtungo Siya sa Kanyang sariling sinagoga sa Nazaret, nagbasa ng isang scripture passage mula sa ipinropesiya ni Isaias tungkol sa Mesiyas, at pagkatapos ay inihayag, “Ngayo’y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.” Ito ang unang nakatalang pagkakataon na nagsalita ang Tagapagligtas tungkol sa Kanyang sarili bilang Mesiyas. Gayunman, sa tabi ng balon ni Jacob, itinala ni Juan ang unang pagkakataon na ipinahayag ni Jesus na Siya ang Mesiyas sa isang pampublikong lugar. Sa tagpong ito, dahil ang mga Samaritano ay itinuturing na hindi Judio, itinuro din ni Jesus na ang Kanyang ebanghelyo ay para sa lahat, kapwa sa mga Judio at mga Gentil. Ang pahayag na ito ay nangyari noong “magiikaanim na nga ang oras,” o sa katanghaliang-tapat, kung saan tirik na tirik ang sikat ng araw. Ang balon ni Jacob ay naroon din sa lambak malapit sa eksaktong lugar kung saan nagkaroon ng seremonya ng pakikipagtipan sa Panginoon ang sinaunang Israel pagkatapos makapasok sa lupang pangako. Ang nakamamangha, sa isang panig ng lambak ay naroon ang isang tuyong bundok at sa kabilang panig naman ay naroon ang isang bundok na puno ng mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay.

  27. Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Kapag naroon tayo sa mga sitwasyong nahihirapan tayo, iniisip natin kung makakaya pa natin ito, mapapanatag tayo sa kaalamang ang Diyos, na lubos na nakaaalam ng ating kakayahan, ay inilagay tayo sa mundong ito para magtagumpay. Walang taong itinakdang mabigo o maging masama. … Kapag nadarama nating naigugupo tayo, alalahanin natin na hindi tayo bibigyan ng Diyos ng pagsubok na hindi natin makakaya” (“Meeting the Challenges of Today” [Brigham Young University devotional, Okt. 10, 1978], 9, speeches.byu.edu).

  28. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

    “Pagdating ng araw, haharap kayo sa Tagapagligtas. Mag-uumapaw ang inyong galak at mapapaluha kayo sa Kanyang harapan. Maghahagilap kayo ng mga salita para pasalamatan Siya sa pagbabayad para sa inyong mga kasalanan, sa pagpapatawad sa mga kasamaang ginawa ninyo sa iba, sa pagpapagaling sa inyo mula sa mga kasamaan at kaapihan ng buhay na ito.

    “Pasasalamatan ninyo na pinalakas Niya kayo para gawin ang imposible, na ginawa Niyang mga kalakasan ang inyong mga kahinaan, at pinapangyari Niyang mabuhay kayo sa piling Niya at ng inyong pamilya magpakailanman. Ang Kanyang identidad, Kanyang Pagbabayad-sala, at Kanyang mga katangian ay magiging personal at totoo sa inyo” (“Mga Propeta, Pamumuno, at Batas ng Diyos” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2017], broadcasts.lds.org).

  29. Tingnan sa Isaias 53:3–5; Alma 7:11–13; Doktrina at mga Tipan 122:5–9.

  30. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17; Elaine S. Dalton, “Kilala Niya Kayo sa Pangalan,” Liahona, Mayo 2005, 109–11.

  31. Juan 4:14.