2010–2019
Pambungad na Mensahe
Oktubre 2018


6:29

Pambungad na Mensahe

Panahon na para sa isang Simbahan na nakasentro sa tahanan, na sinusuportahan ng mga ginagawa natin sa loob ng mga gusali ng ating mga branch, ward, at stake.

Mga kapatid, masaya kami na makasama kayong muli ngayong Oktubre sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan. Taos-puso naming binabati ang bawat isa sa inyo. Lubos kaming nagpapasalamat sa inyong mga nakapagpapalakas na panalangin. Nararamdaman namin ang epekto nito. Maraming salamat!

Nagpapasalamat kami sa inyong malaking pagsisikap na sundin ang payo na ibinigay sa pangkalahatang kumperensya anim na buwan na ang nakararaan. Ang mga stake presidency sa buong mundo ay naghangad na makatanggap ng paghahayag na kinakailangan upang muling i-organisa ang mga elders korum. Ang kalalakihan ng mga korum na iyon, kasama ang matatapat na kababaihan ng Relief Society ay masipag na nagmiminister sa ating mga kapatid sa mas dakila, mas banal na paraan. Nabigyan kami ng inspirasyon ng inyong kabutihan at kahanga-hangang pagsisikap upang maghatid ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa inyong mga pamilya, kapitbahay, at mga kaibigan at maglingkod sa kanila tulad ng gagawin Niya.

Simula noong kumperensya nitong Abril, nakipagkita kami ni Sister Nelson sa mga miyembro sa apat na kontinente at sa mga isla ng karagatan. Mula sa Jerusalem hanggang sa Harare, mula Winnipeg hanggang Bangkok, naramdaman namin ang inyong malakas na pananampalataya at ang lakas ng inyong mga patotoo.

Lubos na masaya kami sa bilang ng mga kabataan na sumali sa kabataang batalyon ng Panginoon upang tumulong na tipunin ang ikinalat na Israel.1 Salamat sa inyo! At sa pagpatuloy ninyo na sundin ang aking mga paanyaya na binanggit sa pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, nagtatatag kayo ng pamantayan na susundin namin. At napakalaking pagkakaiba ang ginagawa ninyong mga kabataan!

Sa nakaraang mga taon, kami sa namumunong konseho ng Simbahan ay pinag-isipan ang isang pangunahing tanong: paano namin ipahahatid ang ebanghelyo sa simpleng kadalisayan nito at ang mga ordenansa nito na nagtataglay ng walang hanggang bisa sa lahat ng anak ng Diyos?

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, nasanay na tayo sa pag-iisip na ang “simbahan” ay ang mga nangyayari sa ating mga kapilya, na sinusuportahan ng nangyayari sa ating tahanan. Kailangan natin ng pagbabago sa huwarang ito. Panahon na para sa isang Simbahan na nakasentro sa tahanan, na sinusuportahan ng mga nangyayari sa loob ng mga gusali ng ating mga branch, ward, at stake.

Habang patuloy na lumalaki ang Simbahan sa buong mundo, maraming mga miyembro ang nakatira sa mga lugar na wala tayong mga kapilya—at maaaring hindi pa magkaroon sa nalalapit na hinaharap. Natatandaan ko ang isang pamilya, na dahil sa sitwasyong ito, ay kinailangan na magpulong sa kanilang tahanan. Tinanong ko ang ina kung gaano niya kagusto ang pagpunta sa simbahan sa sarili niyang tahanan. Sagot niya, “Gusto ko ito! Mas mabuting pananalita na ang ginagamit ng asawa ko sa aming tahanan ngayon, dahil alam niyang magbabasbas siya ng sakramento dito tuwing Linggo.”

Ang pangmatagalan na layunin ng Simbahan ay na tulungan ang lahat ng mga miyembro na dagdagan ang kanilang pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo at sa kanyang Pagbabayad-sala, tulungan sila sa paggawa at pagtupad ng mga tipan nila sa Diyos, at na palakasin at ibuklod ang kanilang mga pamilya. Sa magulong mundo natin ngayon, hindi ito madali. Pinatitindi ng kalaban ang kanyang pag-atake sa pananampalataya at sa atin at sa mga pamilya natin sa napakabilis na paraan. Upang espirituwal na makaligtas, kailangan natin ng mga estratehiya at mga proactive na plano. Gayundin, gusto natin ngayon na magkaroon ng mga pagbabago sa organisasyon na palalakasin ang ating mga miyembro at ang kanilang pamilya.

Sa loob ng maraming taon, ang mga lider ng Simbahan ay ginagawa ang isang pinagsama-samang kurikulum upang palakasin ang mga pamilya at mga indibiduwal sa pamamagitan ng isang nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan na plano na matuto ng doktrina, palakasin ang pananampalataya at pag-ibayuhin ang personal na pagsamba. Ang mga pagsisikap natin sa mga nakaraang taon na gawing banal ang Sabbath—na gawin itong kalugud-lugod at isang personal na sagisag sa Diyos ng ating pagmamahal sa Kanya—ay daragdagan ng mga pagbabagong sasabihin namin ngayon.

Ngayong umaga, mag-aanunsiyo kami ng isang bagong balanse at kaugnayan sa pagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan at sa Simbahan. Bawat isa sa atin ay responsable sa ating indibiduwal na espirituwal na paglago. At malinaw na itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang mga magulang ang may pangunahing responsibilidad na ituro ang doktrina sa kanilang mga anak.2 Responsibilidad ng Simbahan na tulungan ang bawat miyembro sa banal na itinakdang layunin ng pagdagdag sa kanyang kaalaman sa ebanghelyo.

Ipaliliwanang na ngayon ni Elder Quentin L. Cook ang mahahalagang pagbabagong ito. Ang lahat ng miyembro ng Konseho ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nagkakaisa sa pagtibay ng mensahe na ito. Nagpapasalamat naming kinikilala ang inspirasyon mula sa Diyos na nag-impluwensiya sa mga plano at pamamaraan na ibabahagi ni Elder Cook.

Mga kapatid, alam ko na ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo! Ito ang Kanyang Simbahan na pinamamahalaan Niya sa pamamagitan ng propesiya at paghahayag sa Kanyang mapagkumbabang mga tagapaglingkod. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.