2010–2019
Iisa kay Cristo
Oktubre 2018


14:36

Iisa kay Cristo

Mahal kong mga kasama sa gawain ng Panginoon, naniniwala akong higit pa ang ating magagawa at kinakailangang pagbutihin pa natin ang pagtanggap sa mga bagong kaibigan sa Simbahan.

Magandang hapon, mahal kong mga kapatid. Gaya ng sinasabi namin sa Brazilian Portuguese, “Boa tarde!” Masaya ako na narito ako sa magandang pangkalahatang kumperensya na ito ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pamumuno ng ating mahal na propeta, si Pangulong Russell M. Nelson. Namamangha ako sa magandang pagkakataon na mapakinggan ng bawat isa sa atin ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod sa lupa sa mga huling araw na ito.

Amazon River
Ang Amazon River ay binubuo ng dalawang ilog na nagsama

Ang bayan kong Brazil ay maraming likas na yaman. Isa sa mga ito ang bantog na Amazon River, isa sa pinakamalaki at pinakamahabang ilog sa mundo. Ito ay binubuo ng dalawang magkahiwalay na ilog, ang Solimões at Negro. Ang nakamamangha, ang dalawang ito ay dumadaloy nang magkasama nang ilang milya bago tuluyang maghalo ang mga tubig, dahil magkaiba ang pinagmulan, bilis ng pag-agos, temperatura, at chemical composition ng mga ilog. Pagkatapos ng ilang milya, ang mga tubig ay tuluyan nang maghahalo, nagiging isang ilog na naiiba sa mga indibiduwal na bahagi nito. Sa pagsasama lamang ng mga bahagi nito, nagiging napakalakas ng Amazon River na kapag nakarating ito sa Atlantic Ocean, itinutulak nito ang tubig-alat upang matagpuan pa rin ang tubig-tabang nang ilang milya patungo sa laot.

Ang pagsasama ng mga tubig ng Amazon River

Sa ganito ring paraan ng pagdaloy nang magkasama ng Solimões River at Negro River para mabuo ang malaking Amazon River, ang mga anak ng Diyos ay nagsasama-sama sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo mula sa iba’t ibang katayuan sa lipunan, tradisyon, at mga kultura, na bumubuo sa magandang komunidad na ito ng mga Banal kay Cristo. Sa huli, kapag hinihikayat, sinusuportahan, at minamahal natin ang isa’t isa, nagsasama-sama tayo upang makabuo ng malakas na puwersa ng kabutihan sa mundo. Bilang mga tagasunod ni Jesucristo, sa pagdaloy bilang iisa sa ilog na ito ng kabutihan, mailalaan natin ang “tubig-tabang” ng ebanghelyo sa isang mundong nauuhaw.

Mga bagong miyembro na magkakasamang dumarating kasama ang iba pang mga anak ng Diyos
Isang komunidad ng mga Banal ang nabubuo

Binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang mga propeta na turuan tayo kung paano natin tutulungan at mamahalin ang isa’t isa upang magkaisa tayo sa pananampalataya at layunin sa pagsunod kay Jesucristo. Itinuro ni Pablo, ang Apostol sa Bagong Tipan, na ang mga “binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo … : sapagka’t kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.1

Kapag nangangako tayo sa binyag na susundin ang Tagapagligtas, sumasaksi tayo sa harap ng Ama na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo.2 Sa pagsisikap nating magkaroon ng mga banal na katangian Niya sa ating buhay, tayo ay nagiging iba kaysa dati, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo ang Panginoon, at ang ating pagmamahal para sa lahat ng tao ay kusang nadaragdagan.3 Nakadarama tayo ng tunay na pagmamalasakit sa walang-hanggang kapakanan at kaligayahan ng lahat. Itinuturing natin ang isa’t isa bilang kapatid, bilang mga anak ng Diyos na may banal na pinagmulan, mga katangian, at potensiyal. Nais nating pangalagaan ang bawat isa at magpasan ng pasanin ng isa’t isa.4

Inilarawan ito ni Pablo bilang pag-ibig sa kapwa-tao.5 Si Mormon, isang propeta ng Aklat ni Mormon, ay inilarawan ito bilang “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo,”6 na pinakapambihira, pinakadakila, at pinakamalakas na uri ng pag-ibig. Kamakailan inilarawan ng ating kasalukuyang propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, ang pagpapakita ng dalisay na pag-ibig na ito ni Cristo bilang ministering, na mas nakatuon at mas banal na paraan ng pagmamahal at pagmamalasakit sa ating kapwa tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.7

Isaisip natin ang alituntuning ito ng pagmamahal at pagmamalasakit, tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, sa konteksto ng paghikayat, pagtulong, at pagsuporta sa mga bagong convert at sa mga nagsisimulang magpakita ng interes sa pagdalo sa ating mga pulong sa Simbahan.

Kapag ang mga bagong kaibigan na ito ay lumabas sa mundo at tinanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo, sumapi sa Kanyang Simbahan, sila ay nagiging Kanyang mga disipulo, na ipinanganak na muli sa pamamagitan Niya.8 Tinalikuran nila ang mundong kilalang-kilala nila at piniling sundin si Jesucristo, nang buong layunin ng puso, sumasama sa bagong “ilog” na gaya ng malaking Amazon River—isang ilog na magiting na puwersa ng kabutihan na dumadaloy patungo sa kinaroroonan ng Diyos. Inilarawan ito ni Apostol Pedro bilang “isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios.”9 Sa pagsama ng mga bagong kaibigan na ito sa bago at di-pamilyar na ilog na ito, maaaring manibago sila sa umpisa. Matatagpuan ng mga bagong kaibigan na ito ang kanilang sarili na humahalo sa isang ilog na may kakaibang pinagmulan, temperatura, at chemical composition—isang ilog na may sariling mga tradisyon, kultura, at bokabularyo. Ang bagong buhay na ito kay Cristo ay tila napakalaking bagay para sa kanila. Isipin sandali ang madarama nila kapag narinig nila sa unang pagkakataon ang mga salitang “FHE,” “BYC,” “Linggo ng ayuno,” “binyag para sa mga patay,” “triple combination,” at marami pang iba.

Madaling maunawaan kung bakit pakiramdam nila ay hindi sila kabilang. Sa gayong mga sitwasyon, maaaring itanong nila sa kanilang sarili, “May lugar ba ako rito? Kabilang ba ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? Kailangan ba ako ng Simbahan? Magkakaroon ba ako ng mga bagong kaibigan na handang tumulong at sumuporta sa akin?”

Mahal kong mga kaibigan, sa gayong mga sandali, tayo na nasa iba’t ibang bahagi na ng mahabang paglalakbay ng pagkadisipulo ay kailangang iabot ang kamay ng pakikipagkapatiran sa mga bago nating kaibigan, tanggapin sila saan man sila naroon, at tulungan, mahalin, at gawin silang bahagi ng ating buhay. Lahat ng bagong kaibigan na ito ay mahahalagang anak ng Diyos.10 Hindi natin maaatim na mawala ang kahit isa sa kanila dahil, tulad ng Amazon River na umaasa sa maliliit na ilog na dumadaloy rito, kailangan natin sila gaya ng kailangan nila tayo, upang maging malakas na puwersa ng kabutihan sa mundo.

Ang mga bago nating kaibigan ay may taglay na mga talento, sigla, at kabutihan na bigay ng Diyos. Ang sigasig nila sa ebanghelyo ay nakakahawa, kaya natutulungan tayo na pasiglahin ang ating patotoo. Taglay din nila ang mga bagong pananaw sa pagkaunawa natin sa buhay at ebanghelyo.

Matagal nang itinuturo sa atin kung paano natin matutulungan ang mga bagong kaibigan natin na madamang tinatanggap at minamahal sila sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Kailangan nila ang tatlong bagay upang manatili silang matatag at tapat habambuhay:

Una, kailangan nila ng mga kapatid sa Simbahan na talagang may malasakit sa kanila, tunay at tapat na mga kaibigan na palagi nilang malalapitan, na maghihikayat at susuporta sa kanila, at sasagot sa mga tanong nila. Bilang mga miyembro, dapat lagi tayong nakamasid at hanapin ang mga bagong mukha kapag dumadalo sa mga aktibidad at pulong sa Simbahan, anuman ang ating mga responsibilidad, gawain, o alalahanin. Magagawa natin ang mga simpleng bagay para tulungan ang mga bagong kaibigan na ito na madamang mahal sila at tanggap sila sa Simbahan, gaya ng masayang pagbati, taos-pusong pagngiti sa kanila, pag-upo sa tabi nila para umawit at sumamba, pagpapakilala sa kanila sa iba pang mga miyembro, at marami pang iba. Kapag binuksan natin ang ating puso sa mga bagong kaibigan natin sa ilan sa mga paraang ito, ginagawa natin ang ministering. Kapag nag-minister tayo sa kanila tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, hindi nila madarama na sila ay parang “mga dayuhan sa loob ng ating bakuran.” Madarama nila na kabilang sila at makikipagkaibigan sila, at higit sa lahat, madarama nila ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating tunay na pagmamalasakit.

Pangalawa, kailangan ng mga bagong kaibigan ang gawain o tungkulin—isang pagkakataon na maglingkod sa iba. Ang paglilingkod ay isa sa pinakamagandang aspeto ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ay isang paraan kung saan mas lalakas ang ating pananampalataya. Lahat ng bagong kaibigan ay dapat bigyan ng gayong pagkakataon. Bagama’t ang bishop at ward council ang may responsibilidad na magbigay ng mga gawain o tungkulin pagkatapos nilang mabinyagan, walang nagbabawal sa atin, bilang mga miyembro, na anyayahan ang mga bagong kaibigan natin na tulungan tayong maglingkod sa iba sa mga service project.

Pangatlo, ang mga bagong kaibigan ay kailangang “mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos.”11 Matutulungan natin silang magmahal at maging pamilyar sa mga banal na kasulatan kapag binabasa at tinatalakay natin ang mga turo kasama sila, nagbibigay ng konteksto ng mga kuwento at ipinaliliwanag ang mahihirap na salita. Matuturuan din natin sila kung paano tumanggap ng gabay para sa kanilang sarili sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Bukod pa rito, maaari nating tulungan ang ating mga bagong kaibigan sa sarili nilang tahanan at anyayahan sila sa ating tahanan sa ibang pagkakataon, na hindi kasabay ng regular na mga pulong at aktibidad sa ating Simbahan, at tulungan sila na makasama sa malaking ilog ng komunidad ng mga Banal.

Kapag naunawaan natin ang mga pagbabago at pagsubok o hamon na naranasan ng ating mga bagong kaibigan sa pagiging miyembro ng pamilya ng Diyos, bilang mga kapatid natin, maaari nating ibahagi kung paano natin nalampasan ang gayunding mga pagsubok o hamon sa ating buhay. Tutulungan sila nito na malaman na hindi sila nag-iisa at pagpapalain sila ng Diyos sa pagtitiwala nila sa Kanyang mga pangako.12

Kapag naghalo ang Solimões River at Negro River, ang Amazon River ay nagiging malaki at malakas. Sa gayon ding paraan, kapag tunay na nagkaisa tayo at ang mga bago nating kaibigan, ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay mas lumalakas at mas tumatatag. Kami ng mahal kong si Rosana ay nagpapasalamat sa lahat ng tumulong sa amin na makaagapay sa bagong ilog na ito maraming taon na ang nakalipas, noong tanggapin namin ang ebanghelyo ni Jesucristo sa aming bansang Brazil. Sa lahat ng panahon, ang mga kahanga-hangang taong ito ay tunay na nag-minister sa amin at tinulungan kaming patuloy na dumaloy sa kabutihan. Lubos kaming nagpapasalamat sa kanila.

Alam na alam ng mga propeta noon sa Western Hemisphere kung paano dadaloy nang buong katapatan ang mga bagong kaibigan sa bagong ilog na ito ng kabutihan tungo sa buhay na walang-hanggan. Halimbawa, dahil nakita ang ating panahon at batid na makakaharap natin ang gayon ding mga hamon,13 isinama ni Moroni ang ilan sa mahahalagang paraan na iyon sa mga isinulat niya sa Aklat ni Mormon:

“At matapos na sila ay matanggap sa pagbibinyag, at nahikayat at nalinis ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, sila ay napabilang sa mga tao ng simbahan ni Cristo; at ang kanilang mga pangalan ay kinuha, upang sila ay maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, upang mapanatili sila sa tamang daan, upang patuloy silang mapanatili sa mataimtim na panalangin, umaasa lamang sa mga gantimpala ni Cristo, na siyang may akda at tagatapos ng kanilang pananampalataya.

“At ang mga kasapi sa simbahan ay madalas na nagtitipun-tipon upang mag-ayuno at manalangin, at makipag-usap sa bawat isa hinggil sa kapakanan ng kanilang mga kaluluwa.”14

Mahal kong mga kasama sa gawain ng Panginoon, naniniwala akong higit pa ang ating magagawa at kailangang pagbutihin pa natin ang pagtanggap sa mga bagong kaibigan sa Simbahan. Inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang magagawa natin para maging mas magiliw, mapagkaibigan, at matulungin sa kanila, simula mismo sa susunod na Linggo. Huwag hayaang maging sagabal ang inyong mga gawain sa Simbahan sa pagbati sa mga bagong kaibigan sa mga pulong at aktibidad ng Simbahan. Dahil higit sa lahat, ang mga kaluluwang ito ay mahalaga sa paningin ng Diyos at mas mahalaga kaysa mga programa at aktibidad. Kung magmi-minister tayo sa mga bago nating kaibigan na puspos ng dalisay na pag-ibig ang ating puso tulad ng Tagapagligtas, nangangako ako sa inyo, sa Kanyang pangalan, na tutulungan Niya tayo sa ating mga pagsisikap. Kapag kumikilos tayo bilang matatapat na minister, tulad ng Tagapagligtas, matutulungan ang mga bagong kaibigan natin na manatiling matatag, masigasig, at tapat hanggang sa wakas. Makikiisa sila sa atin at tayo ay magiging malalakas na tao ng Diyos at tutulungan tayong dalhin ang tubig-tabang sa mundong talagang nangangailangan ng mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo. Madarama ng mga anak na ito ng Diyos na sila ay hindi na “mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi mga kababayan na kasama ng mga banal.”15 Ipinapangako ko na madarama nila ang presensya ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, sa Kanyang sariling Simbahan. Patuloy silang susulong na kasama natin tulad ng ilog na patungo sa bukal ng lahat ng kabutihan hanggang sa tanggapin sila ng ating Panginoong Jesucristo na nakaunat ang mga bisig; at maririnig nilang sasabihin ng Ama, “Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”16

Inaanyayahan ko kayong hingin ang tulong ng Panginoon sa pagmamahal sa ating kapwa tulad ng pagmamahal Niya sa inyo. Sundin natin ang ipinayo ni Mormon: “Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo.”17 Ang mga katotohanang ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.